Mateo 10:28
"At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa't hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo'y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno."
CHALLENGE NG MGA SABADISTA:
#1. From Seventh-Day Adventist Bible Commentary p. 379:
"Walang anumang nasa salitang psuchē (kaluluwa) na kahit papaano'y nagpapahiwatig ng isang mulat na entidad na kayang mabuhay matapos ang kamatayan ng katawan at sa gayon ay maging walang kamatayan. Sa alinmang pagkakataon ng paggamit nito sa Bibliya, ang psuchē (kaluluwa) ay hindi tumutukoy sa isang mulat na entidad na maaaring umiral nang hiwalay sa katawan. Wala sa Bibliya ang nagtuturo tungkol sa isang buhay, mulat na kaluluwa na sinasabing nananatili pagkatapos ng katawan."(sa akin ang pagsasalin sa Filipino)[1]
#2. From Seventh-Day Adventist's Andrews Study Bible notes p. 1263:
"Hindi sinusuportahan ni Jesus ang Griyegong kaisipan ng pagkakahiwalay ng kaluluwa at katawan bilang magkaibang entidad. Sa aral ng mga Hudyo, hindi itinuturing na may hiwalay na kaluluwa ang tao tulad ng itinuturo ng pilosopiyang Griyego. Sa halip, ginagamit ni Jesus dito ang salitang "kaluluwa" upang mangahulugan ng "buhay na walang hanggan": Huwag matakot sa mga maaaring bawiin ka mula sa buhay na ito (katawan), kundi matakot sa Kanya na maaaring mag-alis din ng buhay na walang hanggan (kaluluwa)."(sa akin ang pagsasalin sa Filipino) [2]
#3. From the Seventh-Day Adventist's 28 Fundamental Beliefs book p. 94 :
"Pagkatapos, hiningahan ng Diyos ang walang-buhay na bagay na ito ng hininga ng buhay, at "ang tao ay naging isang buhay na nilalang." Ang paliwanag ng Kasulatan ay malinaw: ang alabok ng lupa (mga elemento ng daigdig) + ang hininga ng buhay = isang buhay na nilalang, o buhay na kaluluwa. Ang pagsasama ng mga elemento ng lupa at ng hininga ng buhay ay nagresulta sa isang buhay na nilalang o kaluluwa. Mahalaga ring tandaan na sinasabi ng Bibliya na ang tao ay naging isang buhay na kaluluwa. Walang anumang pahiwatig sa salaysay ng paglikha na ang tao ay tumanggap ng isang kaluluwa — isang hiwalay na entidad na, sa Paglikha, ay pinag-isa sa katawan ng tao."(sa akin ang pagsasalin sa Filipino) [3]
SAGOT:
Ang konsepto ng conditional immortality ay isang isyu sa theology na hindi dapat maging sanhi ng pagkakabahagi sa komunidad ng mga Kristiyano. Ang mga pangunahing doktrina ng pananampalataya at ang kaligtasan ng bawat mananampalataya ay hindi nakasalalay sa partikular na pananaw na ito. Ang pagkakaisa ng mga Kristiyano ay dapat nakaugat sa kanilang pagbabahagi sa pananampalataya kay Hesu-Kristo at sa pag-ibig sa isa't isa, gaya ng iniutos Niya sa Juan 13:34-35.
Kahit na sina Luther, Tyndale, at Wycliffe ay sumang-ayon sa ideya ng conditional immortality, hindi sapat ang kanilang opinyon upang patunayan ang isang doktrina. Ang mga paniniwala ng body of Christ ay batay sa mas malalim na pag-aaral ng Bibliya at kasaysayan, hindi lamang sa mga kilalang tao. Bilang isang dating miyembro ng mga samahan ng mga Saksi ni Jehova at ng Seventh-day Adventist, na parehong nagmula sa kilusang Millerite, nagkaroon ako ng pagkakataong masaksihan ang mga pagkakapareho at pagkakaiba sa kanilang mga paniniwala, partikular na tungkol sa kalagayan ng mga patay. Ang aking personal na paglalakbay mula sa paniniwala ng walang imortalidad ng kaluluwa patungo sa isang mas biblikal na pag-unawa sa kaluluwa ay nagbigay sa akin ng pundasyon upang ipagtanggol ang doktrina ng imortalidad ng kaluluwa at upang hamunin ang mga alternatibong pananaw, tulad ng 'soul sleep' na itinuturo ng mga Adventist.
Ang Pananaw ng Seventh-day Adventist sa Kamatayan
Ayon sa aklat ng mga Sabadista:
"Dahil ang kamatayan ay tulad ng pagtulog, mananatili ang mga patay sa isang kalagayan ng walang malay sa libingan hanggang sa muling pagkabuhay, kung kailan ibibigay ng libingan (hades) ang mga patay nito (Pahayag 20:13)."(sa akin ang pagsasalin sa Filipino)[4]
Ang mga Sabadista ay naniniwala sa isang monistic view ng tao, kung saan ang pisikal na katawan ang siyang kabuuan na ng isang indibidwal. Sa pananaw na ito, ang 'kaluluwa' at 'espiritu' ay tumutukoy sa mismong tao o sa prinsipyong nagbibigay-buhay sa kanya. Gayunpaman, karamihan ng mga theologians ay hindi sumasang-ayon sa interpretasyong ito, sapagkat naniniwala silang ipinapakita ng mga talata sa Bibliya ang isang dualistic view ng tao, kung saan ang espiritu o kaluluwa ay maaaring magpatuloy nang hiwalay sa katawan. Ang kahulugan ng 'kaluluwa' at 'espiritu' ay depende sa kung naniniwala ka sa trichotomy o dichotomy. Ang trichotomy ay nagsasabing magkaiba ang kaluluwa at espiritu, habang ang dichotomy ay nagsasabing iisa lang sila.
Dualism vs. Monism
Ano ang nag-udyok sa aking paniniwala na ang tao ay may dalawang sangkap: ang pisikal na katawan at ang di-pisikal na kaluluwa o espiritu? Noong ako ay isang Adventist, isang partikular na talata sa Bagong Tipan ang muling nag-alab ng aking interes sa kalikasan ng kamatayan. Ito ay ang Hebreo 12:22-23, na nagsasaad ng...
"Datapuwa't nagsilapit kayo sa bundok ng Sion, at sa bayan ng Dios na buhay, ang Jerusalem sa kalangitan, at sa mga di mabilang na hukbo ng mga anghel, Sa pangkalahatang pulong at iglesia ng mga panganay na nangatatala sa langit, at sa Dios na Hukom ng lahat, at mga espiritu ng mga taong ganap na pinasakdal," (Heb 12:22-23)
Inihahambing ng manunulat ng Hebreo ang takot at mga limitasyon ng lumang tipan sa Bundok Sinai sa kagalakan at pagiging malapit ng bagong tipan sa Bundok Zion. Sa presensya ng Diyos, tayo ay napapaligiran ng isang dakilang pagtitipon na kinabibilangan ng mga anghel at ng tinubos na iglesia ng mga panganay. Sa pamamagitan ng pananampalataya, nasisilayan natin ang kamangha-manghang kaluwalhatian ng Diyos, at ang mga "espiritu ng mga matuwid na pinasakdal," na ayon sa mga iskolar ng Biblia ay tumutukoy sa mga banal sa Lumang Tipan na binanggit sa Hebreo kabanata 11—ginawang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya at naghihintay ng muling pagkabuhay. At si Jesus, na tumutupad sa papel bilang Tagapamagitan ng bagong tipan, ay naroroon sa pagtitipong ito. Ipinaliwanag ng SDA Bible Commentary na "Ang manunulat dito ay nagsasalita sa makasagisag na paraan tungkol sa mga nabubuhay na Kristiyano bilang mga nagtitipon sa paligid ng trono ng Diyos sa langit, isang dakilang pagtitipon ng hindi nakikitang iglesia."(sa akin ang pagsasalin sa Filipino)[6]
Kung ang "pagtitipon ng hindi nakikitang iglesia" ay binanggit sa Hebreo 12:22-24, makatitiyak tayo na ang tinutukoy na "espiritu ng mga matuwid na pinasakdal" ay walang iba kundi ang mga espiritu o kaluluwa ng mga tapat na mananampalatayang pumanaw na at ngayo’y nasa presensya ng Panginoon sa langit. Hindi ito mahirap tanggapin para sa mga Sabadista sapagkat naniniwala sila na kapag ang isang tao ay namatay, ayon sa Ecclesiastes 12:7, ang kanyang espiritu ay humihiwalay at bumabalik sa Diyos na nagbigay nito, habang ang kanyang katawang lupa ay bumabalik sa lupa.
"At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang espiritu ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya." (Ecc 12:7)
Hindi ba’t malinaw sa mga Sabadista na ang Ecclesiastes12:7 ay sumasalungat sa kanilang paniniwala? Hindi ba’t taliwas ito sa kanilang paniniwala na walang di-materyal na espiritu ang nananatili matapos ang kamatayan? At hindi ba nila napapansin na sinasabi rin sa talata na ang espiritu ay nagmula sa Diyos na nagbigay nito? Ngayon, ang susunod na tanong ay: kailan ibinigay ng Diyos ang espiritu sa tao? Ang espiritu ng tao na bumabalik sa Diyos kapag siya’y namatay ay kapareho ng 'hininga ng buhay' na ihininga ng Diyos kay Adan, na nagbigay-buhay sa kanya mula sa alabok.
"At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay." (Gen 2:7)
Sa Job 32:8, ang "espiritu" ng tao ay tinutukoy bilang "hininga" ng Diyos.
"Nguni't may espiritu sa tao, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanila ng unawa." (Job 32:8)
Maging ang opisyal na website ng SDA church ay sumasang-ayon na ang "espiritu" na humihiwalay kapag ang isang tao ay namatay ay kapareho ng "hininga ng buhay" sa Genesis 2:7.
"Ang “espiritu” ng isang tao ay ang kanyang puwersa ng buhay. Ito ay tumutukoy sa hininga ng buhay na ibinuga ng Diyos kay Adan (Genesis 2:7) at sa bawat isa sa atin. Ang puwersa ng buhay na ito ay nagmumula sa Diyos (Isaias 42:5) at bumabalik sa Kanya kapag tayo ay namatay (Ecclesiastes 12:7; Awit 104:29; Gawa 7:59).[7]
Kung gayon, bakit nahihirapang tanggapin ng mga Sabadista na ang 'espiritu ng mga matuwid na pinasakdal' na binanggit sa Hebreo 12:23 ay tumutukoy din sa 'espiritu' na bumabalik sa Diyos kapag namamatay ang isang tao gaya ng binabanggit sa Ecclesiastes 12:7 at sa 'hininga ng buhay' na ibinigay ng Diyos kay Adan sa Genesis 2:7? Nakakahiya mang aminin, ngunit ang totoo ay binabaluktot ng mga Sabadista ang paliwanag sa Hebreo 12:23 upang umayon ito sa kanilang paniniwala at maiwasang kilalanin na ang kaluluwa ay nananatiling buhay matapos mamatay ang katawang lupa. Pinanghahawakan nila ang ganitong interpretasyon kahit pa ito'y sumasalungat sa katotohanan, upang maiwasan ang kahihiyan. Tingnan natin muli ang karagdagang paliwanag ng SDA Bible Commentary tungkol sa kung ano ang kahulugan ng "espiritu ng mga matuwid na pinasakdal" sa Hebreo 12:23 ayon sa kanila:
"Sa ganitong makasagisag na kahulugan, ang mga nabubuhay na Kristiyano ay natatagpuan ang “mga espiritu” ng lahat ng ibang “matuwid na pinasakdal” na nagtitipon doon sa espiritu, hindi sa isang imahinaryong kalagayan ng pagiging walang katawan. Ang pagpapakahulugan ng “mga espiritu ng matuwid na pinasakdal” bilang mga diumano’y walang katawan na “espiritu” ay magdudulot ng pagkakasalungat sa manunulat ng Hebreo sa malinaw na mga pahayag ng Banal na Kasulatan tungkol sa kalagayan ng tao sa kamatayan."[8]
Ayon sa interpretasyong ito, ang "mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal" ay diumano’y hindi tumutukoy sa mga espiritu ng mga namatay na mananampalataya na walang katawan, kundi sa kanilang presensya, na kahit hindi pisikal na naroroon, ay espiritwal na naroroon sa langit. Gayunpaman, hindi ito ang tunay na ibig sabihin ng talata. Binabaluktot ng mga theologians ng Sabadista ang tunay nitong kahulugan. Sa halip na tanggapin ang aktwal na "mga espiritu ng matuwid na pinasakdal," binigyan nila ito ng bagong interpretasyon bilang mga taong espiritwal na presensiya lamang ang naroroon at pinasakdal ngunit hindi literal talagang naroroon. Upang maiwasang aminin na mali ang kanilang doktrina, binago nila ang salita ng Diyos sa halip na tanggapin ang nakasulat na ipinagbigay-alam ng Banal na Espiritu. Pinalitan nila ang pangngalang "mga espiritu" ng pang-abay na "espiritwal."
Mga Espiritu ng mga Matuwid na Pinasakdal
Ang mga Sabadista ay nahaharap sa malalaking problema sa kanilang theology ng kaligtasan, na nagdudulot ng kalituhan sa mga miyembro nito. Kaugnay ng manipulasyon sa Hebreo 12:23, ipinahayag nila na ang "mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal" ay tumutukoy lamang spiritual presence ng mga nabubuhay pang mga tao sa lupa, kaya't tinatanggihan nila na ito ay tumutukoy sa mga espiritu na walang katawan. Ayon pa sa kanilang SDA Bible Commentary, ang "mga matuwid na pinasakdal" ay diumano’y tumutukoy sa mga espiritwal na "(spiritually)matured na Kristiyano"[9] na nabubuhay pa sa lupa. Ang ganitong interpretasyon, na sumasalungat sa katotohanan, ay magdudulot lamang ng higit pang kalituhan sapagkat kahit ang mga mature na Kristiyano sa lupa, kasama na ang mga Sabadista, ay patuloy pa ring nagkakasala. Kaya't paano sila matatawag na "mga matuwid na pinasakdal"? Ang tamang doktrina ng Banal na Kasulatan ukol sa pagpapaging-banal sa mga evangelikal na Kristiyano ay hindi nagtuturo na ang mga spiritualy matured na Kristiyano na nabubuhay pa sa lupa ay aktwal na naging ganap o matuwid. Dagdag pa, ang "pinasakdal" sa Griyego, τετελειωμένων (teteleiōmenōn), ay isang passive na pandiwa, na nangangahulugang ang mga "espiritu" na ito ay tumatanggap ng aksyon (pagpapasakdal) sa halip na sila mismo ang gumagawa nito. Para sa mga Kristiyano na nabubuhay pa sa lupa, sila ay itinuturing lamang na matuwid, pinawalang-sala, pinabanal, o perpekto sa isang posisyunal na kahulugan, ngunit hindi pa actual na perpekto. Ang pagiging perpekto ng mga Kristiyano ay ganap na nakasalalay sa kanilang pagkakaisa sa perpeksiyon at katuwiran ni Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya (1 Corinto 1:30). Ibinibigay ng Hebreo 10:14 ang kalinawan ukol dito:
"Sapagka't sa pamamagitan ng isang paghahandog ay kaniyang pinasakdal magpakailan man ang mga pinapagiging-banal." (Heb 10:14)
Ayon sa tekstong ito, ang lahat ng mga Kristiyano ay itinuturing na "pinasakdal magpakailanman" sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at pagkakaisa sa katuwiran ni Jesus, dahil sa kanilang relasyon kay Kristo. Gayunpaman, hindi pa sila aktwal na "ginawang perpekto" dahil sila ay nasa proseso pa ng "pagpapabanal.
Kaya't ang interpretasyon ng SDA Bible Commentary ukol sa pagkakakilanlan ng "mga espiritu ng matuwid na pinasakdal" ay mali. Hindi ito maaaring tumukoy sa mga spiritually matured na Kristiyano na nabubuhay pa sa lupa kundi sa mga hindi namamatay na kaluluwa ng mga lingkod ng Diyos na itinuring na matuwid ng Diyos batay sa kanilang pananampalataya na pagkatapos mamatay ay bumalik ang kanilang espiritu/kaluluwa sa Diyos ay aktuwal na "pinasakdal" na sila dahil nasa langit na sila. Batay sa ating pagsusuri, ang "mga espiritu ng matuwid na pinasakdal" ay tiyak na tumutukoy sa mga kaluluwang walang katawan o espiritu ng mga tapat na lingkod ng Diyos sa Lumang Tipan na nanatiling tapat sa Panginoon hanggang sa kanilang kamatayan (Ecclesiastes 12:7; Hebreo 11). Sa bahaging ito, napatunayan din natin na ang monism view ng mga Sabadista ay mali sapagkat ang tao ay talagang binubuo ng dalawang magkakaugnay na bahagi: ang materyal na pisikal na katawan at ang di-materyal na kaluluwa o espiritu, na patuloy na umiiral matapos mamatay ang pisikal na katawan.
Ang Hindi Namamatay na Kaluluwa ayon sa Turo at Karanasan ni Jesus
Kung mayroong anumang tiyak na sagot tungkol sa kalagayan ng mga tao pagkatapos mamatay, ito ay nagmumula lamang sa pinakamataas na awtoridad: ang Diyos at ang Lumalang sa tao, si Jesu-Cristo. Bukod dito, Siya mismo ang unang nakaranas ng kamatayan bilang Diyos na nagkatawang-tao at muling pagkabuhay mula sa mga patay, at hindi na muling mamamatay pa (Apoc. 1:17-18). Sa kanyang kamatayan dahil sa pagkapako sa krus ay hindi niya naranasan ang "soul sleep" na gaya ng pinaniniwalaan ng mga Sabadista. Ang namatay lamang sa krus ay ang kanyang katawang-tao habang itinagubilin naman niya sa Diyos ang kanyang espiritu (Luc. 23:46; Eccl.12:7). Humiwalay ang katawan ni Kristo at kaluluwa/espiritu nang Siya ay namatay. Ngunit taliwas sa pananaw ng mga Sabadista, ang kaluluwa/espiritu ni Kristo ay nanatiling buhay at may kamalayan ayon kay apostol Pedro:
"Sapagka't si Cristo man ay nagbata ring minsan dahil sa mga kasalanan, ang matuwid dahil sa mga di matuwid, upang tayo'y madala niya sa Dios; siyang pinatay sa laman, nguni't binuhay sa espiritu; Na iyan din ang kaniyang iniyaon at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan." (1Pe 3:18-19)
Kung tama ang aral na "soul sleep" ng mga Sabadista, dapat si Kristo ay "natutulog" lamang sa Kanyang libingan sa loob ng tatlong araw at wala tayong mababasang ulat mula sa Bibliya na Siya ay may mga ginagawa habang nakahimlay ang Kanyang bangkay. Ngunit ayon sa patotoo ni apostol Pedro, habang patay ang pisikal na katawan ni Kristo, ang Kanyang espiritu ay "nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan." Kung gayon, magandang itanong sa mga Sabadista: "Kung totoo ang aral ninyo na ang patay ay walang kamalayan at nakalibing lamang na parang natutulog at walang kaluluwa/espiritu na humihiwalay sa katawan, anong 'espiritu' ito na walang katawan na 'nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan'?" Kung aminin man ng mga Sabadista na ang kaluluwa/espiritu na ito ay ang kay Kristo, mali ang kanilang "soul sleep" doctrine. Kailanman ay hindi maipapaliwanag ng mga Sabadista kung paano nangyari na habang patay at nakalibing si Kristo sa loob ng tatlong araw ay kasabay nito ay abala naman Siya sa "pangangaral sa mga espiritung nasa bilangguan." Isang malaking hamon ito para sa mga Sabadista maliban na lang kung iiwan nila ang kanilang relihiyon na puno ng maling aral.
Bago pa man mamatay si Jesus sa krus, tiyak na alam Niya na ang katawan at kaluluwa/espiritu ay naghihiwalay kapag ang isang tao ay namamatay. Bukod pa dito, alam din Niya na ang katawan lamang ng tao ang napapahamak at nawawalan ng malay, hindi ang kaluluwa/espiritu. Sinabi ni Jesus:
"At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa't hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo'y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno." (Mat 10:28)
Ang talatang ito ay nagtatangi sa pagitan ng katawan at kaluluwa, na nagpapahiwatig na ang kaluluwa ay patuloy na umiiral kahit na ang katawan ay mapatay. Ipinapakita nito na ang kaluluwa ay may pag-iral higit pa sa pisikal na kamatayan at nasa ilalim ng makapangyarihang kontrol ng Diyos.
Ganito naman ang ulat ni Lucas tungkol sa pangako ni Jesus sa isang kriminal na katabi niya sa krus:
"At sinabi niya sa kaniya, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso."(Luk 23:43)
Ang pangako ni Jesus sa kriminal sa krus ay nagpapakita ng agarang pagpapatuloy ng pag-iral ng kaluluwa sa isang may kamalayang kalagayan pagkatapos ng kamatayan. Ipinapahiwatig nito na pagkatapos ng pisikal na kamatayan, ang mga mananampalataya ay kasama ni Cristo sa isang kalagayan ng pagpapala. Madalas nire-interpret ng mga Sabadista ang pangako ni Jesus sa kriminal na kasama Niya sa pamamagitan ng pagsasabing ang comma ay dapat ilagay pagkatapos ng salitang "ngayon" at hindi bago ito. Inaangkin nila na ang "ngayon" ay tumutukoy sa oras ng pangako ni Jesus, at hindi sa kaganapan ng pagdadala sa Paraiso agad pagkatapos ng kamatayan.
Gayunpaman, mali ang kanilang argumento dahil walang mga comma sa orihinal na teksto ng Griyego. Kahit na walang comma, malinaw na ang salitang "ngayon" ay tumutukoy sa kaganapan ng agad na pagdadala kay Jesus sa Paraiso. Sa Griyego, kapag sinabi ni Jesus, "Tunay, sinasabi Ko sa inyo," binibigyang-diin Niya ang katiyakan at kahalagahan ng Kanyang pahayag sa pamamagitan ng “Ἀμήν λέγω σοι” (Amēn legō soi). Ang salitang “ngayon,” o “σήμερον” (sēmeron), ay nagpapakita ng kagyat na pagganap ng pangako. Samakatuwid, ang argumento ng comma na ginagamit ng mga Sabadista ay hindi mahalaga at nakaliligaw, at inililihis ang mga tao mula sa tunay na kahulugan ng pangako ni Jesus sa mga mananampalataya.
Ang huling talata ay matatagpuan sa Juan 11:25-26:
"Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya; At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man. Sinasampalatayanan mo baga ito?" (Joh 11:25-26)
Ipinahayag ni Jesus na ang mga sumasampalataya sa Kanya ay mabubuhay kahit na mamatay at hindi sila tunay na mamamatay. Ang salitang Griyego na ginamit dito ay οὐ μή (ou mḗ), isang doble negatibong ekspresyon na pinapalakas ang pagtanggi, na nangangahulugang hindi kailanman, hindi talaga. [12] Tumutukoy ito sa pangako ng buhay na walang hanggan at imortalidad ng kaluluwa para sa mga mananampalataya.
Ang Bagong Tipan ay nagtuturo na ang mga mananampalataya ay nagtitiwala nang lubos sa Diyos sa panahon ng kamatayan, na iniiwan ang kanilang espiritu sa Kanyang pangangalaga.
Narito naman ang iba pang mga karagdagang patotoo sa Bagong Tipan na tumutugma sa katotohanan ng turo ni Kristo tungkol sa kamatayan.
Si Moises at Elias:
Mateo 17:1-8: Ang transfigurasyon ni Jesus, kung saan si Moises at Elias ay lumitaw at nakipag-usap sa Kanya, ay nagpapahiwatig na ang mga taong ito ay may kamalayan pagkatapos ng kamatayan.
Si David at Jesus:
Nanalangin si David, gamit ang mga salitang binanggit ni Jesus sa krus, "Sa iyong mga kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu" (Awit 31:5; cf. Lucas 23:46).
Si Esteban:
"At kanilang pinagbatuhanan si Esteban, na tumatawag sa Panginoon at nagsasabi, Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu."(Gawa 7:59)
Ang pagbato kay Esteban, kung saan nakita niya si Jesus na nakatayo sa kanang kamay ng Diyos at nanalangin upang tanggapin ang kanyang espiritu, ay nagpapakita ng kamalayan pagkatapos ng kamatayan. Kaya't ang dichotomy/dualism ay mas ayon sa Biblia kaysa sa monism ng mga Sabadista.
Ang Kaluluwa at Espiritu ay Iisa
"Espiritu"
Ang mga terminong biblikal na "kaluluwa" (Hebreo: nephesh; Griyego: psychē) at "espiritu" (Hebreo: rûach; Griyego: pneuma) ay ginagamit nang palitan sa maraming mga pagkakataon sa Bibliya. Ang pagpapalit-palit na paggamit ng mga terminong ito ay nagpapaliwanag kung bakit ang mga indibidwal na pumanaw na at pumasok sa langit o impyerno ay maaaring tawaging "mga espiritu" o "kaluluwa."
Hebreo 12:23 "mga espiritu ng mga taong ganap na pinasakdal"
1 Pedro 3:19 "mga espiritung nasa bilangguan"
"Kaluluwa"
Apocalypsis 6:9 "mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Dios, at dahil sa patotoong sumakanila"
Apocalypsis 20:4 "mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus"
May malaking pagkakaiba ang kahulugan ng mga salitang 'kaluluwa' at 'espiritu' sa Bibliya. Ang mga salitang Hebreo na 'nephesh' at Griyego na 'psychē,' na kadalasang isinasalin bilang 'kaluluwa,' ay maaaring tumukoy hindi lamang sa isang bahagi ng tao, kundi sa buong tao mismo, gaya ng makikita sa Genesis 46:26 at Roma 13:1. Samantalang ang mga salitang 'ruach' (Hebreo) at 'pneuma' (Griyego), na isinasalin bilang 'espiritu,' ay hindi ginagamit upang tumukoy sa buong tao, kundi sa isang partikular na aspeto ng pagkatao.
Kanina, itinaguyod natin sa seksyon ng Argumento para sa Dichotomy laban sa Monismo na ang Dichotomy ay ayon sa Biblia. Sa katunayan, mayroong maraming mga talata sa Biblia, kabilang ang mga nasa Lumang Tipan, na nagpapatunay sa paghihiwalay ng katawan at kaluluwa/espiritu. Narito ang ilang mga halimbawa:
"And it came to pass, as her soul was in departing, (for she died) that she called his name Benoni: but his father called him Benjamin." (Gen 35:18 KJV)
"And he stretched himself out on the child three times, and cried out to the LORD and said, “O LORD my God, I pray, let this child’s soul come back to him.” Then the LORD heard the voice of Elijah, and the soul of the child came back to him, and he revived." 1 Kings 17:21-22 (NKJV)
"Then shall the dust return to the earth as it was: and the spirit shall return unto God who gave it." (Ecc 12:7 KJV)
Maaari rin nating obserbahan sa mga nabanggit na talata na kahit sa Lumang Tipan, ang "kaluluwa" at "espiritu" ay ginagamit nang palitan kapag inilalarawan ang paghihiwalay ng kaluluwa sa oras ng kamatayan. Kung ganito ang kaso, ang argumento na madalas gamitin ng mga Sabadista sa Genesis 2:7 na naging "buhay na kaluluwa" si Adan, kaya't ipinapahiwatig na si Adan mismo ay tinawag na kaluluwa kahit na siya ay may laman at buto, ay hindi matibay. Gaya ng nabanggit kanina, ang salitang Hebreo na "nephesh" para sa "kaluluwa" at ang salitang Griyego na "psychē" ay minsang tumutukoy sa buong tao (Gen. 46:26; Rom. 13:1). Samantalang ang mga terminong para sa espiritu (Hebreo "ruach"; Griyego "pneuma") ay hindi ginagamit sa ganitong paraan. Ang argumento ng ilang Sabadista na gumagamit ng Genesis 2:7 upang patunayan na walang buhay na kaluluwa pagkatapos ng kamatayan ay hindi malakas. Ito ay dahil ang salitang 'kaluluwa' sa talatang ito ay kadalasang tumutukoy sa buong tao, at hindi lamang sa isang bahagi nito. Ang paggamit ng salitang 'kaluluwa' sa ganitong paraan ay makikita rin sa ibang mga talata sa Bibliya, tulad ng Genesis 46:26 at Roma 13:1.
Ang Kamatayan ay ang Paghihiwalay ng Katawan at Espiritu
Sa Bagong Tipan, mas naging malinaw ang turo ng dichotomy/dualism at tahasang itinuro sa atin ang kalikasan ng kamatayan. Kung tatanungin, karaniwang nauunawaan ng mga Sabadista ang kamatayan bilang paghinto lamang ng paghinga. Gayunpaman, sa pagsusuri ng mga Kasulatan, partikular na sa Bagong Tipan, ito ay nagpapaliwanag kung ano talaga ang kamatayan. Ayon sa Santiago 2:26, ang kamatayan ay ang paghihiwalay ng katawan at kaluluwa/espiritu:
"Sapagka't kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay." (Sant. 2:26)
Ang Santiago 2:26 ay muling nagpapatibay sa konsepto ng dichotomy/dualism laban sa monism view. Kahit ang mga Sabadista ay mauunawaan ito, dahil madalas nilang binanggit ang Santiago 2:26 sa ibang mga konteksto upang ipagtanggol na ang pagsunod sa Sampung Utos ay bunga ng pananampalataya. Gayunpaman, mahalaga na kanilang kilalanin ang katotohanan na ang tao ay binubuo ng katawan at espiritu, sapagkat ang katawan ay walang buhay kung walang espiritu. Ito ay ilan lamang sa mga talata sa Biblia na nagpapakita na ang tao ay binubuo ng katawan at kaluluwa/espiritu.
Objections ng mga Sabadista
Maaaring mangatuwiran ang mga Sabadista na tama, ang kaluluwa o espiritu ay humihiwalay mula sa isang tao kapag namatay sila, ngunit hindi ibig sabihin nito ay patuloy itong may kamalayan tulad ng isang buhay na tao.
Upang masusing pag-aralan ang isyung ito, maaari nating balikan ang pariralang "mga espiritu ng matuwid na pinasakdal" sa Hebreo 12:23 bilang ating case study. Kung ang mga ito nga ay mga espiritu ng mga pumanaw na tao, tulad ng sinusuportahan ng Ecclesiastes 12:7 na nagsasabing ang espiritu ng pumanaw ay bumabalik sa Diyos sa langit, nananatili ang tanong: may kamalayan ba sila? May sarili ba silang isipan? Maaari ba silang mag-isip at makipag-usap sa kalagayang iyon? Dahil itinatag natin kanina batay sa Kasulatan na ang "mga espiritu ng matuwid na pinasakdal" sa Hebreo 12:23 ay tumutukoy sa mga disembodied spirits ng mga lingkod ng Diyos sa Lumang Tipan na binanggit sa Hebreo 11, ang tanong ngayon ay: ano ang sinasabi ng Kasulatan bilang ebidensya na sila ay may kamalayan na nilalang na may isipan at emosyon? May mga talata sa Bagong Tipan na nagpapakita na sila ay may kamalayan, narito ang ilang mga halimbawa:
"At nang buksan niya ang ikalimang tatak, ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Dios, at dahil sa patotoong sumakanila: At sila'y sumigaw ng tinig na malakas, na nagsasabi, Hanggang kailan, Oh Panginoong banal at totoo, hindi mo hahatulan at ipaghihiganti ang aming dugo, sa mga nananahan sa ibabaw ng lupa? At binigyan ang bawa't isa sa kanila ng isang maputing balabal; at sa kanila'y sinabi, na mangagpahinga pa ng kaunting panahon, hanggang sa maganap ang bilang ng kanilang mga kapuwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papatayin namang gaya nila." (Apoc. 6:9-11)
Ipinapakita ng talatang ito ang mga kaluluwa ng mga martir na nasa ilalim ng altar, na sumisigaw para sa katarungan, na nagpapahiwatig na sila ay may kamalayan. Ang mga kaluluwa/espiritu na binanggit dito ay mga disembodied na kaluluwa o espiritu "na pinatay" bilang mga martir ng Diyos. Tiyak nating iniwan nila ang kanilang mga pumanaw na katawan sa lupa, ngunit ang mga kaluluwa/espiritu na ito ay patuloy na nabubuhay sa presensya ng Diyos sa langit. Siyempre, ang kanilang mga patay na katawan sa lupa ay walang kamalayan, ngunit ang kanilang mga kaluluwa/espiritu ay buhay sa langit at may kamalayan. Una, "sila'y sumigaw ng tinig na malakas" ay nagpapakita ng tindi at pangangailangan ng kanilang panawagan, na nagpapakita ng kanilang emosyon o nararamdaman. Pangalawa, ang "Hanggang kailan ka maghuhukom at maghihiganti" ay nagpapakita ng pananabik ng mga martir para sa banal na katarungan at pagbabalik-loob, na nagpapakita ng kanilang alaala sa kanilang paghihirap at may kamalayang pagnanasa para sa katarungan laban sa kanilang mga mang-uusig.
Paano naman ang Eclesiastes 9:5, 10, na madalas gamitin ng mga Sabadista upang suportahan ang kanilang pananaw tungkol sa soul sleep, na nagtuturo na ang mga namatay ay walang malay, walang kaalaman, o damdamin?
"Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Anomang masumpungang gawain ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagka't walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa Sheol, na iyong pinaparunan." (Ecc 9:10)
Kung hindi natin aalamin ang buong konteksto ng talata, parang tama ang mga Sabadista. Pero kapag tinignan natin yung sinasabi sa susunod na talata, Ecclesiastes 9:6, malinaw na ang pinag-uusapan ay yung katawang-lupa na nauuwi sa alabok sa lupa, hindi yung tungkol sa espiritu na pupunta sa Diyos sa langit.
"Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw." (Ecc 9:6)
Tandaan na ayon sa Bibliya, ang kamatayan ay ang paghihiwalay ng katawan at espiritu/kaluluwa (Santiago 2:26). Kaya’t kapag humiwalay na ang iyong espiritu sa katawan, wala ka nang nalalaman bilang bangkay na nakalibing.
Si Lazaro at ang Taong Mayaman: Lucas 16:19-31
Susunod, suriin natin ang isa pang patotoo ng Bibliya na nagpapatunay ng kamalayan ng kaluluwa/espiritu kahit hiwalay na sa katawan. Mababasa ito sa Lucas 16:19-31, ang talinghaga tungkol sa mayamang tao at kay Lazaro, kung saan inilalarawan na parehong may kamalayan ang dalawang tauhang ito matapos ang kamatayan—ang mayaman ay nakararanas ng pagdurusa, samantalang si Lazaro ay inaaliw. Narito ang apat na punto na maoobserbahan natin batay sa kwento na ito na maliwanag na nagpapatunay na mayroong nabubuhay pa na kaluluwa/espiritu matapos mamatay ang isang tao:
1. Conscious Awareness: Parehong inilalarawan si Lazaro at ang mayamang lalaki na may kamalayan sa kanilang paligid at kalagayan matapos ang kamatayan. Si Lazaro ay nakakaranas ng kaaliwan sa piling ni Abraham, samantalang ang mayamang lalaki ay nagdurusa sa Hades (Lucas 16:22-24).
2. Communication: Ang mayamang lalaki at si Abraham ay nagkaroon ng pag-uusap, na nagpapakita na ang mga kaluluwang ito ay hindi lamang may kamalayan kundi kaya rin makipag-usap (Lucas 16:24-31).
3. Memory and Regret: Naalala ng mayamang lalaki ang kanyang buhay sa lupa at ipinahayag ang kanyang pagsisisi sa kanyang mga ginawa, na nagpapakita na ang kaluluwa ay may kakayahang magtago ng alaala at makaramdam ng emosyon pagkatapos ng kamatayan (Lucas 16:25, 27-28).
4. Moral Consequences: Binibigyang-diin ng talinghaga ang moral na bunga ng mga gawa ng isang tao sa noong nabububuhay pa sa lupa, na nagpapahiwatig na ang karanasan ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan ay pagpapatuloy ng kanyang makamundong pamumuhay.
Ang mga elementong ito ay sama-samang nagpapahiwatig na ang kaluluwa ay nananatiling may kamalayan at mulat pagkatapos ng kamatayan, na sumasalungat sa konsepto ng "soul sleep" o walang malay na kalagayan gaya ng paniniwala ng mga Sabadista. Isa pang dapat pag-isipan ng mga Sabadista ay, kung ang mga espiritu na hiwalay sa katawan ay walang nalalaman at walang malay, paano nasabi ni Pablo na ang mamatay ay isang pakinabang?
"Sapagka't sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. . . Sapagka't ako'y nagigipit sa magkabila, akong may nasang umalis at suma kay Cristo; sapagka't ito'y lalong mabuti." (Fil. 1:21, 23)
Bakit sinabi ni Pablo na mas mabuti pang mamatay at makasama ang Panginoon kung ang kaluluwa o espiritu ay walang kamalayan sa panahon ng kamatayan? Ipinahayag ni Pablo ang kanyang hangarin na umalis o mamatay at makasama si Cristo, na kanyang itinuturing na "mas mabuti," na nagpapahiwatig ng isang may kamalayang presensya kay Cristo pagkatapos ng kamatayan. Inulit din ni Pablo ang parehong ideya sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto gamit ang mga salitang ito:
"Sapagka't nalalaman namin na kung masira ang aming bahay na tabernakulong ukol sa lupa, ay mayroong kaming isang gusaling mula sa Dios, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan, sa sangkalangitan. . . Kaya nga kami'y laging malakas ang loob, at nalalaman namin na, samantalang kami ay nangasa tahanan sa katawan, ay wala kami sa harapan ng Panginoon. . . Na malakas ang loob namin, ang sabi ko, at ibig pa nga namin ang mawala sa katawan, at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon." (2 Cor. 5:1, 6, 8)
Paano mararanasan ng mga kaluluwa/espiritu na hiwalay sa katawan ng mga lingkod ng Diyos ang kagalakan at kaligayahan ng presensya ng Diyos bilang gantimpala sa kanilang katapatan sa langit kung sila ay walang malay?
Immortality of the Soul/Spirit Nagmula lamang sa Greek Philosophy?
Isang pangunahing argumento ng mga Sabadismo ay ang pagtanggi sa doktrina ng imortalidad ng kaluluwa, na kanilang itinuturing na isang konseptong hiniram mula sa paganismo at pilosopiyang Griyego, partikular kay Plato. Gayunpaman, ang paghahambing na ito ay hindi wasto dahil ang biblikal na konsepto ng imortalidad ay may ibang pinagmulan at kahulugan kumpara sa konsepto ng imortalidad sa pilosopiyang Platonic.
Ipinaliwanag ni Dr. Norman Geisler ang mga mahahalagang pagkakaiba sa pagitan ng dalawa:
“Magkaiba ang mga konsepto ng imortalidad sa Griyego at Kristiyano. Ayon sa isang sinaunang konsepto ng imortalidad ng mga Griyego (halimbawa, *Plato), ang tao ay isang kaluluwa at may katawan lamang. Ang kaluluwa ay katulad ng isang mangangabayo sa katawan, katulad ng isang mangangabayo sa kabayo. Ang kaligtasan ay bahagi ng pagkaligtas mula sa katawan, na itinuturing na bilang bilangguan ng kaluluwa. Mayroong pangunahing dualidad ng kaluluwa at soma (katawan).”[10]
Naniniwala si Plato na ang kaluluwa ay likas na imortal at hindi masisira, umiiral bago ipanganak at nagpapatuloy pagkatapos ng kamatayan. Kasama sa kanyang teorya ang metempsychosis, o ang transmigrasyon ng mga kaluluwa, kung saan ang kaluluwa ay muling ipinanganak sa bagong mga katawan sa mga sunod-sunod na buhay. [11]
Ayon sa teolohiyang Kristiyano, ang kaluluwa ay hindi likas na imortal, bagkus ito ay nilikha ng Diyos. Ang imortalidad ay isang biyaya na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli. Hindi tulad ng pilosopiya ni Plato na naghahati sa tao sa katawan at kaluluwa bilang magkaaway, itinuturo ng Kristiyanismo na ang tao ay isang pinag-isang nilalang. Ang kaluluwa at katawan ay muling magsasama sa isang maluwalhating kalagayan sa panahon ng pagkabuhay na muli.
Sa kabuuan, para kay Plato, ang kaluluwa ay likas na imortal, umiiral ng walang hanggan at dumadaan sa mga siklo ng reincarnation. Sa Kristiyanismo, gayunpaman, ang imortalidad ng kaluluwa ay isang biyaya mula sa Diyos, na nakakamtan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ng katawan at buhay na walang hanggan na ipinagkaloob sa pamamagitan ng pananampalataya kay JesuCristo.
CONCLUSION:
Ang ating pagsisiyasat ay nagpapatunay sa katotohanan ng pangako ng Bibliya tungkol sa imortalidad na makakamit ng mga mananapalatayavsa pamamagitan ng muling pagkabuhay pagdating muli ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ang mga pagtatangka ng mga Sabadista na ibahin ang kahulugan ng katotohanang ito ay hindi makatwiran. Habang ang iba't ibang relihiyon ay may magkakaibang pananaw tungkol sa kalagayan ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan, ang Kristiyanismo ay nagtuturo ng isang natatanging doktrina ng imortalidad. Ayon sa Kristiyanismo, ang kaluluwa ay hindi lamang patuloy na umiiral pagkatapos ng kamatayan, kundi ito ay mayroong posibilidad ng isang buhay na walang hanggan kasama ng Diyos.
Sana'y maging bukas ang isip ng mga kaibigan nating mga Sabadista upang muling pag-aralan ang mga puntong ito. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbubukas ng aking mga mata sa katotohanan, at naniniwala akong kaya Niyang gawin din ito sa kanila.
Sources:
[1] Nichol, Francis D., editor. The Seventh-Day Adventist Bible Commentary. Review and Herald Publishing Association, 1980, p. 379.
[2] Dybdahl, Jon L., editor. Andrews Study Bible Notes. Andrews University Press, 2010, p. 1263.
[3] Ministerial Association General Conference of Seventh-day Adventists. Seventh-day Adventist Believe: A Biblical Exposition of Fundamental Doctrines. 2005 Second Edition, USA, Pacific Press Publishing Association, 2006, p. 94
[4] ibid., p. 391
[5] “What is the Difference Between Adventists and Jehovah’s Witnesses?” Adventist Guide, 1 Jan. 2021, adventistguide.com/adventist-and-jehovas-witness.
[6] Nichol, Francis D., editor. The Seventh-Day Adventist Bible Commentary. Review and Herald Publishing Association, 1980, p. 487.
[7] Beckett. “Wha Is Your Soul, According to the Bible?” Seventh-day Adventist Church, 24 Oct. 2021, www.adventist.org/death-and-resurrection/what-is-your-soul-according-to-the-bible.
[8] Nichol, Francis D., editor. The Seventh-Day Adventist Bible Commentary. Review and Herald Publishing Association, 1980, p. 487.
[9] ibid.
[10] Geisler, Norman. The Big Book of Christian Apologetics: An A to Z Guide. 2012th ed., USA, Baker Books, 2012, p. 938
[11] “Plato’s theory of the soul.” Wikipedia, 3 July 2024, en.wikipedia.org/wiki/Plato%27s_theory_of_soul.
[12] Zodhiates, Spiros. The Complete Word Study Dictionary. Word Study, 1992,