“Sapagka't hindi pumapasok sa kaniyang puso, kundi sa kaniyang tiyan, at lumalabas sa dakong daanan ng dumi? Sa salitang ito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.” (Marcos 7:19)
CHALLENGE NG MGA SABADISTA:
1.) Seventh-Day Adventist Bible Commentary:
"Ang tinutuligsa ni Jesus ay ang paniniwala na ang pagsunod lamang ng mga maka-Diyos na Hudyo sa mga kautusang ritwal tungkol sa kalinisan ay magdudulot ng moral na kalinisan. Sa kabaligtaran, walang pagkain na, sa sarili nito, ay maaaring dumungis sa pagkatao ng isang tao. Ang talagang nagpaparumi nang moral ay ang masasamang kaisipan (na isinasakatuparan sa panlabas na gawa), na nagmumula sa kalooban ng isang tao."(akin ang pagsasalin) [2]
3.) Seventh-Day Adventist 28 Fundamental Beliefs book:
"Ang pahayag ni Marcos na si Jesus ay "idinideklarang malinis ang lahat ng pagkain" (Marcos 7:19, RSV) ay hindi nangangahulugang pinawalang-bisa Niya ang pagkakaiba ng malinis at di-malinis na pagkain. Ang talakayan sa pagitan ni Jesus at ng mga Pariseo at eskriba ay walang kinalaman sa uri ng pagkain kundi sa paraan ng pagkain ng mga alagad. Ang isyu ay kung kinakailangan ba ang ritwal na paghuhugas ng kamay bago kumain (Marcos 7:2-5). Sa diwa, sinabi ni Jesus na ang nagpaparumi sa tao ay hindi ang pagkain na kinain nang hindi naghuhugas ng kamay kundi ang masasamang bagay na nagmumula sa puso (Marcos 7:20-23), sapagkat ang pagkain ay "hindi pumapasok sa puso kundi sa tiyan, at inilalabas." Kaya’t idineklara ni Jesus na ang lahat ng pagkain na kinain nang hindi naghuhugas ng kamay ay "malinis" (Marcos 7:19). Ang salitang Griyego para sa "pagkain" (bromata) na ginamit dito ay pangkalahatang termino para sa pagkain na tumutukoy sa lahat ng uri ng pagkain para sa konsumo ng tao; hindi ito eksklusibong tumutukoy sa pagkaing karne." (akin ang pagsasalin) [3]
4.) Seventh-Day Adventist's The Clear Word Bible:
Mark 7:8-20 (The Clear Word)
"Sinabi Niya sa kanila, 'Ibig ninyong sabihin ay hindi ninyo nauunawaan ang sinabi ko sa mga tao? Hindi ba ninyo nakikita na anuman ang pumapasok sa tao mula sa labas, tulad ng dumi mula sa hindi paghuhugas ng kamay, ay hindi makapagpaparumi sa kanya sa moral na paraan? Hindi nito naaapektuhan ang kanyang relasyon sa Diyos, sapagkat ito’y pumapasok lamang sa tiyan, dumaraan sa bituka, at pagkatapos ay inilalabas ng katawan. Ang mga bagay na nagmumula sa puso at lumalabas sa bibig ang tunay na nakakaapekto sa moralidad ng tao.'"(akin ang pagsasalin) [4]
SAGOT:
Ang Mark 7:18-20 ay isa sa mga talatang madalas na hindi nauunawaan ng mga Sabadista, na binabalewala ang simpleng mensaheng ipinaabot ni Jesus sa mga Kristiyano na nabubuhay sa ilalim ng Bagong Tipan. Ang simpleng mensaheng ito ay inihayag sa maikli ngunit pinukaw ng Espiritu na paliwanag ni Mark sa Mark 7:19: "Sa ganito’y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain." Gayunpaman, ang mga tagapagtanggol ng Sabadista ay mabilis na iniiwas ang atensyon mula sa mahalagang paliwanag ni Mark at binabaling ang focus sa kanilang sinasabing konteksto ng Markos 7. Iginiit nila na ang kontekstong ito ay malinaw na nagpapakita na hindi kinukuwestiyon ni Jesus ang mga kautusan tungkol sa pagkain sa Lumang Tipan (Lev. 11 at Deut. 14), kundi tinututulan lamang niya ang bisa ng oral tradition o sali't-saling kasabihan na nagsasabing kinakailangan ang ritwal na paghuhugas ng kamay bago kumain.
Ang Susi sa Tamang Pagpapakahulugan
Upang maiwasang malinlang ng mga Sabadista, na iniiwas ang pansin mula sa pahayag na "Sa ganito’y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain" patungo sa kanilang maling pagpapakahulugan na si Jesus ay hindi kinukuwestiyon ang mga utos ng Lumang Tipan kundi tinututulan lamang ang bisa ng sali't-saling sabi tungkol sa pagkain na nadudungisan dahil sa hindi paghuhugas ng kamay, mahalagang maunawaan muna ang tunay na kahulugan ng "Sa ganito’y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain." Kapag nagtagumpay silang hikayatin kang tanggapin ang kanilang maling interpretasyon, madalas nauuwi ang talakayan sa isyu ng pagkain ng tinapay nang hindi naghuhugas ng kamay, sa halip na sa "Sa ganito’y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain." Bilang resulta, nagiging nangingibabaw ang kanilang interpretasyon kaysa sa tamang konklusyon mula sa Biblia samantalang napakalayo na iugnay ang "pagkain ng tinapay" at "nilinis niya ang lahat ng pagkain." Kapag sinabi kasing "nilinis Niya ang lahat ng pagkain," hindi lamang tinapay ang nililinis kundi pati na rin ang "lahat ng pagkain." Ibig sabihin, may iba pang kasama sa nilinis, hindi limitado sa tinapay lamang. Nais ko ring ipunto na ang nilinis ayon sa deklarasyon ni Jesus sa talata 19 ay hindi ang "kamay na hindi nahugasan," kundi ang lahat ng pagkain!
Ang pangungusap na "Sa salitang ito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain" ay isang konklusyon na ginawa ng may-akda ng Ebanghelyo na si Mark batay sa kanyang pagkaunawa sa mga turo ni Jesus sa Kanyang mga alagad pagkatapos ng pagtatalo ni Jesus sa mga Pariseo tungkol sa kung ano ang talagang nagpaparumi sa tao. Ito ay sinusuportahan ng Seventh-Day Adventist Bible Commentary:
"Gayunpaman, malinaw sa Griyego na hindi ito mga salita ni Cristo, kundi mga salita ni Marcos, at ito ay kanyang komento sa ibig sabihin ni Cristo." (akin ang pagsasalin) [5]
Kaya't walang duda na ito ang tumpak na interpretasyon ni Mark, na ginabayan ng Banal na Espiritu, tungkol sa mga salita ni Jesus nang isulat Niya ang konklusyong ito. Ngayon, ang tanong natin ay: mula sa anong pahayag ni Jesus kinuha ni Marcos ang konklusyong ito? Mayroon tayong tatlong posibleng kandidato na dapat isaalang-alang:
1.) Mula sa pagtatalo ni Jesus sa mga Pariseo tungkol sa pagkain ng tinapay na hindi naghuhugas ng kamay? (Marcos 7:1-13)
2.) Mula sa mga tao na nakikinig kay Jesus habang nagtuturo tungkol sa kung ano talaga ang nagpaparumi sa tao? (Marcos 7:14-15)
3.) Mula sa Kanyang mga alagad sa isang pribadong bahay, na nililinaw ang mga itinuro Niya sa mga tao? (Marcos 7:14-18)
Ang konteksto o ang pinakamalapit na pinagmulan ng konklusyon na "Sa ganito'y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain" ay hindi mula sa pagtatalo ni Jesus sa mga Pariseo tungkol sa pagkain ng tinapay na hindi naghuhugas ng kamay (Marcos 7:1-13), kundi mula sa pakikipag-usap ni Jesus sa Kanyang mga alagad sa isang pribadong bahay, kung saan nilinaw Niya ang mga itinuro Niya sa mga tao (Marcos 7:17-19). Ang Marcos 7:1–23 ay nakatuon sa isyu ng kalinisan. Ginamit ni Jesus ang partikular na isyu ng pagkain ng tinapay na hindi naghuhugas ng kamay upang ituro kung ano ang talagang nagpaparumi sa tao, unang tinutukoy ang mga Pariseo, pagkatapos ang mga tao, at sa wakas, ang Kanyang mga alagad.
Kaya't makikita natin na ginagamit ng mga Sabadista ang panlilinlang upang iwasan ang mas malawak na isyu na lampas pa sa pagkain ng tinapay na may hindi nahugasan o nadungisang kamay. Ang pagkain ng tinapay na may hindi naghuhugas ng kamay ay hindi tumutugma sa konklusyon na "Sa ganito'y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain," dahil ang isyu ng hindi paghuhugas ng kamay ay tumutukoy sa panlabas na kalinisan bago pa man pumasok ang tinapay sa katawan ng tao. Ang agarang konteksto ng "Sa ganito'y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain" ay tumutukoy sa anumang mga bagay na pumapasok sa katawan o tiyan, hindi sa mga panlabas na bagay tulad ng hindi paghuhugas ng kamay.
Balikan natin ang pinakamalapit na konteksto ng Mark 7:19 na matatagpuan sa mga talatang 14-18:
“At muling pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sinabi sa kanila, Pakinggan ninyong lahat ako, at inyong unawain: Walang anomang nasa labas ng katawan ng tao, na pagpasok sa kaniya ay makakahawa sa kaniya; datapuwa't ang mga bagay na nagsisilabas sa tao yaon ang nangakakahawa sa tao. Kung ang sinoman ay may pakinig na ipakikinig ay makinig. At nang pumasok siya sa bahay na mula sa karamihan, ay itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad ang talinghaga. At sinabi niya sa kanila, Kayo baga naman ay wala ring pagiisip? Hindi pa baga ninyo nalalaman, na anomang nasa labas na pumapasok sa tao, ay hindi nakakahawa sa kaniya;” (Mrk 7:14-18)
Halimbawa, kahit na malinaw na taliwas ang kanilang mga turo, ay patuloy nilang pinipili na maging bulag sa katotohanan kaysa palayain ng katotohanan (John 8:32). Alam nilang ang mga kautusan sa pagkain ay bahagi lamang ng mga ritwal ng paglilinis o mga seremonyal na kautusan, ngunit patuloy pa rin nilang sinusunod ito, kahit na alam din nila at palaging itinuturo na ang mga kautusan na lumipas ay mga seremonyal na kautusan tulad sa pagbabawala sa mga pagkaing karumaldumal, at ang moral na kautusan, tulad ng Sampung Utos, ay patuloy na umiiral. Kung gayon, bakit nila ipinagpipilitan na ipagbawal pa ring kainin ang mga hayop na ipinagbabawal sa Levitico 11 at Deuteronomio 14? Akala ko ba ang Sampung Utos lamang ang nanatili at ang seremonyal na batas, na kinabibilangan ng mga kautusan tungkol sa malinis at maruming mga hayop, ay lumipas na?
Isang pagkakamali rin ng mga Sabadista ay ang bulag nilang ideya na ang malinis at maruming pagkain ay isang isyu ng kalusugan, samantalang sa Levitico 11, ang dahilan ay kabanalan at hindi kalusugan. Sa anong talata sa Bibliya nila ibinabatay ang pahayag na ang malinis at maruming pagkain ay isyu ng kalusugan, gayong malinaw na ang dahilan ng Levitico 11 ay ang pagiging banal at hindi ang kalusugan?