MOST POPULAR POSTS

Wednesday, September 6, 2023

NAPATAWAD NA BA NG DIYOS ANG ATING MGA FUTURE NA KASALANAN?

    Isa sa mga pundasyon ng hyper-grace message ay pinatawad na ng Diyos ang lahat ng ating mga kasalanan, ibig sabihin ang mga nakaraang kasalanan, kasalukuyang kasalanan, at mga kasalanan sa hinaharap. Sa katunayan, sinasabi sa atin na hindi na nakikita ng Diyos ang mga kasalanang nagagawa natin dahil nakikita Niya tayong ganap na banal na sa pamamagitan ng Kanyang Anak. 

    Tulad ng ipinaliwanag ng isang grace teacher na si Ryan Rufus, anak ni Pastor Rob Rufus, “Hindi ka lang bahagyang napatawad; ikaw ay lubos at ganap at labis at buong-buo at siguradong-sigurado na pinatawad sa lahat ng iyong mga kasalanan— nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap!”[1] Sa mga salita ni Joseph Prince, “Ang Kanyang biyaya ay nababawasan kapag iniisip mong pinatawad ka lamang Niya sa iyong mga kasalanan hanggang sa oras na tanggapin mo ang kaligtasan, at pagkatapos nyan, kailangan mong umasa na sa iyong pag-sisisi ng mga kasalanan upang mapatawad. Ang pagpapatawad ng Diyos ay hindi ibinibigay nang paunti-unti.”[2] Isinulat din niya, “Kaibigan, ito ang katiyakan na makukuha mo ngayon: Noong araw na tinanggap mo si Cristo, ipinagtapat mo na ang lahat ng iyong mga kasalanan minsan at magpakailanman.”[3]

Ganito ang sinabi ni Ryan Rufus sa isa sa kanyang mga sermon:

    Karamihan sa mga Kristiyano ay naniniwala na pinatawad na sila ni Jesus sa lahat ng kanilang mga nakaraang kasalanan. Ngunit maraming Kristiyano ang nahihirapang maniwala na pinatawad na sila ni Jesus sa lahat ng kanilang mga kasalanan kasama na pati ang sa hinaharap. Pinagiisipan talaga nila ito. Kaya pakiramdam nila, kung sila ay magkasala kailangan nilang aminin ang kanilang mga kasalanan sa Diyos at magsisi at maging malinis mula sa kasalanan dahil wala silang malinaw na kapahayagan mula sa Diyos tungkol sa lubos na kapatawaran.[4]

    At para lang makasigurado na nakuha ng kanyang mga tagapakinig ang mensahe, binigyang-diin ni Pastor Rufus, “Nais kong ipahayag sa inyo ngayon—lahat ng iyong mga kasalanan sa hinaharap ay napatawad na!”[5] Oo, ipinahayag niya:

"Lahat ng aking mga kasalanan ay tapos na na. Lahat ng kasalanan ko ay napatawad na. At kung magkakasala ka—naku, huwag nawa ipahintulot ng langit!—ngunit kung nagkasala ka . . . Minsan nagkakasala ako. Paumanhin. Pero minsan nagkakakasala tayo, okay? Hindi tayo nauubusan ng pagnanais na magkasala o kahit na mangaral ng tungkol sa lisensya sa kasalanan. Wala akong kilala na mga mangangaral ng grace na nangangaral ng lisensya sa pagkakasala—wala ni isa! Ngunit kahit na pagkatapos nating magkasala, huwag humingi ng kapatawaran sa Diyos. Huwag subukang aminin ang kasalanang iyon. Huwag mong pagsisihan ang kasalanang iyon. Ituon mo ang iyong mga mata kay Hesus. Panatilihin ang iyong pananampalataya kay Hesus. Patuloy na lumakad sa tipan ng Espiritu. Patuloy na lumakad sa tipan ng biyaya. Patuloy na ipahayag ang iyong lubos na pagpapatawad."[6]

    Para suportahan ang posisyong ito, karaniwang sinisipi ng mga modernong mangangaral ng grace ang mga salita ng propesiya tungkol sa bagong tipan na binanggit sa Jeremias 31:31–34 at inulit nang buo sa Hebreo 8:8–12, na nagtatapos sa mga salitang ito: “Sapagka't ako'y magiging mahabagin sa kanilang kalikuan, At ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” Muli itong sinipi sa Hebreo 10:17—At ang kanilang mga kasalanan at kanilang mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.—na sinundan ng bersikulo 18 para sa mga mananampalatayang Judio: At kung saan may kapatawaran ng mga ito ay wala nang paghahandog na patungkol pa sa kasalanan.[7] Sa madaling salita, dahil si Jesus na Mesiyas ay namatay para sa lahat ng ating mga kasalanan, na nagdulot sa atin ng kapatawaran, hindi na kailangan pang mag-alay ng mga haing hayop para sa kasalanan, ni ang mga haing iyon ay magdudulot ng kapatawaran. Ang gawaing pagpapatawad ay nagawa na nang isang beses at ito ay hindi na mauulit!

    Muli, mayroong ilang katotohanan sa makabagong mensahe ng grace, dahil sa krus binayaran ni Jesus ang bawat kasalanan na ating nagawa o gagawin. At sa sandaling lumapit tayo sa Panginoon at tumanggap ng Kanyang nakapagliligtas na biyaya, ipinapahayag Niya tayong righteous  at “kinalimutan na” ang mga kasalanang nagawa natin hanggang sa sandaling iyon.

    Nangalunya ka ba bago ka naging mananampalataya? Nagnakaw ka ba at nangupit bago ka naligtas? Nilibak mo ba ang pangalan ng Diyos bago mo Siya nakilala? Nang lumapit ka sa Kanya at tumalikod sa mga kasalanang iyon, humihingi ng kapatawaran sa pangalan ni Jesus, hinugasan ka Niya at ginawa kang isang bagong nilalang, at pinatawad at kinalimutan na Niya ang pangangalunya, pagnanakaw, at panunuya. Sinabi niya, "Hindi ko na aalalahanin ang kanilang mga kasalanan at ang kanilang mga masasamang gawa." Purihin ang Diyos!

    At totoo na noong namatay si Hesus para sa atin, ang ating mga kasalanan ay hinaharap pa dahil hindi pa tayo isinilang. Kaya, oo, Siya ay namatay at binayaran ang ating mga kasalanan sa hinaharap gayundin ang ating nakaraan at kasalukuyang mga kasalanan. Ang dapat nating matanto, gayunpaman, ay ang transaksyon ng pagpapatawad ay nagaganap sa iba't ibang kapanahunan.[8] Sa madaling salita, si Jesus ay namatay para sa iyo at sa akin noong mga AD 30, at sa sandali ng Kanyang huling hininga, Siya ay nagbayad sa mga kasalanan ng bawat tao na mabubuhay sa lupa. Ngunit napatawad na ba tayo sa puntong iyon? Talagang hindi!

    Ipinaliwanag ni Pablo na bago natin Siya nakilala, tayo ay patay sa ating mga kasalanan at "tayo noo'y katutubong mga anak ng kagalitan" (Efe. 2:1–2; Col. 2:13), nagkasala sa paningin ng Diyos, at “nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama.” (Col. 1:21). Nangangahulugan ito na kahit binayaran ni Jesus ang ating mga kasalanan hanggang sa tayo ay bumaling sa Kanya para sa kaligtasan, ang ating mga kasalanan ay ibinibilang pa rin laban sa atin, na naghihiwalay sa atin sa Diyos.[9] Kaya naman, sa buong Aklat ng Mga Gawa, hinimok ng mga apostol ang kanilang mga tagapakinig na talikuran ang kanilang kasalanan at maligtas.

    Sa madaling salita, bagama't binayaran na ni Jesus ang kanilang mga kasalanan, hindi pa sila napatawad dahil hindi pa nila tinanggap ang kapatawaran sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa tingin ko halos lahat ng born-again na mananampalataya ay sumasang-ayon sa simpleng katotohanan na pa hindi tayo naliligtas at napapatawad hangga't hindi pa tayo sumasampalataya kay Jesus, kahit na binayaran na Niya ang halaga para sa ating kaligtasan.

    At ano ang mangyayari kapag tayo ay naligtas na? Pinatatawad tayo ng Diyos sa lahat ng kasalanang nagawa natin hanggang sa puntong iyon, gaya ng nakasaad sa Colosas 2:13–14: At nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan, at sa di pagtutuli ng inyong laman ay kaniyang binuhay kayo na kalakip niya, na ipinatawad sa atin ang ating lahat na mga kasalanan: Na pinawi ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan laban sa atin, na hindi naayon sa atin: at ito'y kaniyang inalis, na ipinako sa krus.” 

    Mayroon tayong napakalaking utang sa paningin ng Diyos, isang napakalaking rekord ng pagkakasala na hindi natin kayang burahin sa loob ng ilang libong ulit ng ating buhay, ngunit ang Panginoon sa Kanyang awa ay kinansela ang utang na iyon at binura ang ating kasalanan sa isang sandali, na ginawa tayong kasing puti ng niyebe. Iyan ay isang kamangha-manghang biyaya! Kaya, si Hesus ay namatay para sa ating mga kasalanan sa krus, ngunit ang kapatawaran para sa ating mga kasalanan ay hindi pa nagaganap hanggang sa araw na tayo ay nagsisi at manampalataya. At anong mga kasalanan ang pinatawad sa panahong iyon? Ang mga kasalanang nagawa na natin. Iyon ang utang natin—ang mga kasalanang nagawa natin, hindi ang mga kasalanang hindi pa natin nagawa.

    Bago ko ipakita ito mula sa Salita ng Diyos, huminto at pag-isipan muna ito sandali. Noong una kang lumapit sa Panginoon, ano ang nangyari sa pagitan mo at ng Panginoon? Ano ang nangyayari sa iyong puso at isipan?

    Sa aking karanasan, malinaw kong natatandaan ang espirituwal na pakikibaka na aking nilalabanan, una sa paniniwalang si Jesus ay talagang namatay para sa aking mga kasalanan—bilang isang Hudyo, ako ay pinalaki nang walang anumang pananampalataya kay Jesus—at pagkatapos, sa sandaling sumampalataya ako na Siya talaga ang Tagapagligtas, ang hamon para sa akin ay ang pagtalikod sa aking mga kasalanan. Minahal ko ang aking kasalanan at nais kong ipagpatuloy ang paggamit ng heroin, paggamit ng LSD, pagpapakasasa sa laman, pamumuhay sa mapagmataas na paghihimagsik, at pagtupad sa aking pangarap na maging isang rock star drummer. Ngunit nang ang pag-ibig at pananalig ng Diyos ay nagwagi sa araw na iyon, hiniling ko sa Panginoon na patawarin ako at isuko ang aking buhay sa Kanya.

    Sa isang iglap, malinis na ako! Ang pagkakasala ay ganap na nawala, at kahit na hinanap ko ito, hindi ko na ito makita. Ako ay pinatawad na! Hindi na naalala ng Diyos ang aking mga kasalanan!

    Paano naman ang mga kasalanang hindi ko pa nagagawa? Ni isang beses ay hindi sumagi sa isip ko ang tanong na ito. At naisip ko na hindi din sumagi sa isip mo ang tanong na ito. Bakit naman natin iisipin ang magiging mga kasalanan sa hinaharap? At sinong nasa tamang pag-iisip ang magsasabi, “Purihin ang Diyos! Pinatawad na ako sa lahat ng masasamang bagay na nagawa ko, at pinatawad na din ako sa lahat ng masasamang bagay na gagawin ko mula ngayon hanggang sa huling bahagi buhay ko.” Sinong mag-iisip ng ganito? Sa totoo lang, sa lahat ng mga taon ko sa Panginoon, at nakita ko ang maraming tao na lumapit sa Panginoon, ni minsan ay wala akong nakilala na sinumang nag-iisip ayon ng ganito nang sila ay makatanggap ng kaligtasan.

    Maaaring iniisip natin kung magagawa ba nating manatiling tapat, na nagtatanong, “Paano kung mahulog ako sa kasalanan?” At maaaring sinabi sa atin ng ating mga kaibigan, “Huwag kang mag-alala. Magtiwala ka lang kay Hesus, at kung naguguluhan ka, bumangon ka lang at magpatuloy. Ikaw ay anak ng Diyos!" At maaaring naitanong natin kung patatawarin tayo ng Diyos kung tayo ay muling magkasala sa hinaharap. Ngunit tiyak na hindi natin iisipin na, “Purihin ang Diyos! Napatawad na ako hanggang sa huling yugto ng aking buhay." At kung titingnan mo ang pangangaral sa aklat ng Mga Gawa at ang turo sa mga sulat ni Pablo, makikita mo na ito ay laging nakatuon sa mga kasalanang nagawa na o patuloy na ginagawa ng mga tao, hindi sa mga kasalanang gagawin pa lang nila sa hinaharap.

    Kaya naman, sa Gawa 3, hinimok ni Pedro ang mga Judio na tumalikod sa kanilang mga kasalanan, na sinasabi sa kanila, "Kaya nga mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan" (Mga Gawa 3:19). Aling mga kasalanan? Ang mga kasalanang nagawa nila hanggang sa puntong iyon, gaya ng nilinaw ng konteksto, ay nakatuon sa kanilang pagtanggi kay Jesus bilang ang Mesiyas. At nang mangaral si Pedro sa karamihan ng mga Judio ayon sa katulad na mga salita nya sa Mga Gawa 2, sinabi niya, "Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan" (Mga Gawa 2:38). Aling mga kasalanan? Maliwanag, ang mga kasalanang nagawa na nila.

    Iyon ang dahilan kung bakit ang pulutong ng mga Judio ay pumunta kay Juan na Tagabautismo upang dumaan sa kanyang bautismo ng pagsisisi ay ipinagtapat ang kanilang mga kasalanan—ibig sabihin, ang mga kasalanan na kanilang nagawa at ang mga kasalanan na kanilang kinabubuhayan.[10] Tiyak na hindi nila ipinagtatapat ang kanilang mga kasalanan sa hinaharap! At iyan ang dahilan kung bakit hinimok ni Juan ang mga pinuno ng relihiyon na mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi: (Mat. 3:8), ibig sabihin, ipakita na ang iyong pagsisisi ay tunay sa pamamagitan ng pag-iwan sa dating pamumuhay at ngayon ay lumalakad na sa isang panibagong buhay.

    Sa madaling sabi, walang kahit isang talata saanman sa Bibliya na nagsasaad na tayo ay napatawad na para sa ating mga kasalanan sa hinaharap (ibig sabihin, mga kasalanan na hindi pa natin nagawa). Wala kahit isang verse. Wala kahit saan. Wala kahit isang pahiwatig ng gayong konsepto. Ang lahat ng mga pangako ng kapatawaran ay may kinalaman sa mga kasalanang nagawa na natin dahil ang Diyos ay nakikitungo sa atin in space at time, at pinatawad lamang Niya tayo sa aktwal na nagawa nating kasalanan. Para bang mayroon kang ATM debit card na may prepaid na halaga na isang milyong dolyar, ngunit hindi sisingilin ang account hanggang sa gamitin ito. Sa parehong paraan, ang kapatawaran sa lahat ng ating mga kasalanan ay nabayaran na, ngunit ang pagpapatawad ay hindi pa nagagamit. Ito ay ilalapat lang kung kinakailangan.

Tayo ay Matuwid na!

    Ang mabuting balita ay inilagay na tayo ng Diyos sa kategorya ng "matuwid". Dineklara na ng Diyos na tayo ay: "Not guilty!" at dinala na tayo sa Kanyang pamilya, at kung tayo ay nagkasala bilang mga mananampalataya, ang kapatawaran ay ibinibigay kapag hinihiling natin ito sa pamamagitan ng dugo ni Jesus.  Ang pagpapatawad ay tiyak na kung paanong ang krus ay may katiyakan: “Mumunti kong mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo upang kayo'y huwag mangagkasala. At kung ang sinoman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucristo ang matuwid: At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman.” (1 John 2:1-2, Tagalog AB)

    Ito ay hindi lamang katotohanan ng sentido komun; ito ang katotohanan na napakalinaw sa buong Bagong Tipan, mula Mateo hanggang Apocalipsis. Itinuro ito ni Jesus sa Lord's Prayer, na nagtuturo sa atin na manalangin, “Ibigay mo sa amin arawaraw ang aming pangarawaraw na kakanin. At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan; sapagka't aming pinatawad naman ang bawa't may utang sa amin."(Lucas 11:3–4). Itinuro din niya ito sa isa pang konteksto ng panalangin, na nagsasabing, “At kailan man kayo'y nangakatayong nagsisipanalangin, mangagpatawad kayo, kung mayroon kayong anomang laban sa kanino man; upang ang inyong Ama naman na nasa langit ay patawarin kayo ng inyong mga kasalanan.” (Marcos 11:25). 

    Kung pinatawad na ng Diyos ang lahat ng ating mga kasalanan, nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, bakit patuloy na binabanggit ni Jesus ang tungkol sa pagpapatawad? Malinaw na ang ating kasalukuyang mga kasalanan ay nangangailangan ng kasalukuyang kapatawaran, hindi para sa layunin ng kaligtasan kundi bilang bahagi ng ating relasyon sa Ama. Muli, ito ay ipinapalagay sa buong Bagong Tipan.

   Iyan ang dahilan kung bakit madalas na tinatalakay ni Pablo ang mga isyu sa kasalanan kapag sumusulat sa iba't ibang kongregasyon, na hinihimok silang mamuhay ng karapat-dapat sa Panginoon at nagbibigay ng mga tagubilin kung paano haharapin ang kasalanan sa gitna nila, tulad ng sa 1 Mga Taga-Corinto 5. Napakahangal naman ng sinumang mangangatwiran na nakita ni Pablo ang mga kasalanan ng mga mananampalataya na ito at nalungkot kaya kinompronta niya ito, pero hindi nakikita ng Diyos ang kanilang mga kasalanan dahil pinatawad na Niya sila at ang tingin niya sa mga miyembro ng church sa Corinto ay mga ganap ng matuwid? Saan ito itinuro sa Bagong Tipan?

  Higit sa lahat, may mga kahihinatnan ang mga kasalanang ito, tulad ng ipinaliwanag ni Pablo sa mga mananampalataya sa Corinto, na nagkasala ng pakikibahagi sa Hapunan ng Panginoon sa hindi karapat-dapat na paraan:

“Kaya't ang sinomang kumain ng tinapay, o uminom sa saro ng Panginoon, na di nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Datapuwa't siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro. Sapagka't ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon. Dahil dito'y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog. Datapuwa't kung ating kilalanin ang ating sarili, ay hindi tayo hahatulan. Datapuwa't kung tayo'y hinahatulan, ay pinarurusahan tayo ng Panginoon, upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanglibutan.” (1 Corinthians 11:27-32, Tagalog AB)

    Kung may mga hyper-grace believers sa Corinto, maaaring sinabi nila kay Pablo, “Bakit mo binabanggit pa ang aming mga kasalanan? Wala na sila. Kami ay mga banal, tinawag mo pa kaming mga banal sa mismong sulat na ito! Tayo ay walang kapintasan sa harap ng Panginoon, at wala tayong magagawa na maaaring makaapekto pa sa ating kaugnayan sa Kanya. At kapag gumawa ka ng malupit na akusasyon na ang ilan sa atin ay may sakit o ang ilan sa atin ay namatay dahil kumain tayo sa Hapunan ng Panginoon sa hindi karapat-dapat na paraan, nagsasalita ka tulad ng isang legalistang Pariseo. Hinahatulan mo kami, Paul, at hindi iyon mula sa Panginoon. Ang lahat ng ating mga kasalanan ay pinatawad na!”

    Nakatanggap ako ng mga katulad na tugon mula sa mga hyper-grace na Kristiyano sa sandaling makipag-usap ako sa kanila tungkol sa mga negatibong epekto ng kasalanan, maging sa buhay ng mga mananampalataya. “Napatawad na ako at hindi nakikita ng Diyos ang aking mga kasalanan,” ang sabi nila sa akin. "Dagdag pa, kung anumang bagay na ginawa ko sa araw-araw ay may epekto sa aking kaugnayan sa Diyos, iyon ay kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa." Narinig mo na rin ba ito?

    Ang mga hyper-grace na mananampalataya ay madalas na sumipi sa Hebreo 10:17, kung saan sinabi ng Diyos na hindi na Niya aalalahanin ang ating mga kasalanan, ngunit hindi nila sinaalang-alang ang natitirang bahagi ng kabanata, kung saan ang matinding babala ay ibinibigay sa mismong mga mananampalataya na binanggit sa talatang 17 (nilinaw ng konteksto na ang may-akda ay sumusulat sa mga mananampalataya):

“Sapagka't kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway. Ang magpawalang halaga sa kautusan ni Moises sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay mamamatay na walang awa: Gaano kayang higpit ng parusa, sa akala ninyo, ang ihahatol na nauukol doon sa yumurak sa Anak ng Dios, at umaring di banal sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kaniya, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya? Sapagka't ating nakikilala yaong nagsabi, Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti. At muli, Huhukuman ng Panginoon ang kaniyang bayan. Kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Dios na buhay.” (Hebrews 10:26-31, Tagalog AB)

    Uulitin ko: ang may-akda ng Hebreo ay sumusulat sa mga mananampalataya, yaong mga pinatawad na, yaong mga kasalanan ay hindi na naaalala ng Diyos, yaong mga nakatanggap na ng kaalaman sa katotohanan at pinabanal na ng dugo ni Jesus. (Tumigil sandali at ipagpatuloy ang pagbabasa sa Hebreo 10:32–39, at pagkatapos ay pumunta sa Hebreo 11. Walang kahit katiting na pagdududa kung sino ang tinutukoy. Ito ay mga mananampalataya!) Ang ating mga nakaraang kasalanan ay napatawad na, ngunit kung tayo ay tatalikod ang Panginoon o bumalik sa isang sistema ng relihiyong gawa ng tao o piliin ang ating kasalanan kaysa sa Tagapagligtas, ay "wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway."

   Paano natin nauunawaan ang Hebreo 10:1–3, na kadalasang binabanggit ng mga modern grace teachers? Hindi ba nito pinabulaanan ang puntong sinasabi ko rito? Hindi ba sinasabi nito na bilang mga mananampalataya, hindi na tayo dapat magalala sa ating mga kasalanan? Ang teksto ay nagsasaad:

“Sapagka't ang kautusan na may isang anino ng mabubuting bagay na darating, hindi ang tunay na larawan ng mga bagay, kailan pa man ay di maaaring magpasakdal sa mga nagsisilapit sa pamamagitan ng mga hain na laging inihahandog sa taon-taon. Sa ibang paraan ay hindi kaya baga nagsipaglikat sila ng paghahandog? sapagka't ang mga nagsisisamba, yamang nalinis na minsan, ay hindi na sana nagkaroon pa ng budhi sa mga kasalanan. Nguni't sa mga hain yaon ginagawa ang pagaalaala sa mga kasalanan taon-taon.” (Hebrews 10:1-3, Tagalog AB)

    Tungkol sa mga pangako ng bagong tipan, sinasabi ng Hebreo 10:17 na sinabi ng Diyos, ““At ang kanilang mga kasalanan at kanilang mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.” Gayunpaman, gaya ng nabanggit natin, ang tinutukoy Niya ay ang mga kasalanan na nagawa na natin, hindi ang mga kasalanan na gagawin pa lang sa hinaharap. Ngunit ang Hebreo 10:1–3 ay tila nagpapahiwatig na hindi tayo dapat magkaroon ng kamalayan sa kasalanan dahil pinatawad tayo ng Diyos minsan at magpakailanman sa krus.

    Muli nating itanong, kung ito ang kaso, bakit ipinaalala nina Pablo at Pedro at Santiago at iba pang mga manunulat ng Bagong Tipan sa kanilang mga mambabasa ang tungkol sa mga kasalanan sa kanilang kalagitnaan? Kung talagang ayaw ng Diyos na tayo'y may kamalayan pa sa kasalanan, bakit patuloy na sinusulat pa ng Kanyang mga lingkod ang isyu tungkol dito? Bakit isinulat pa ni Santiago ang mga bagay na tulad nito? “Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios . . . . Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga makasalanan; at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala." (Sant. 4:4, 8 )

    At bakit si Jesus mismo, sa pagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu, ay inilantad ang mga kasalanan ng Kanyang bayan sa Apocalipsis 2–3, na sinasabi sa mga mananampalataya sa Efeso na kanilang iniwan ang kanilang unang pag-ibig, sinaway ang mga mananampalataya sa Pergamum dahil sa panghahawakan sa aral na naghihikayat sa idolatriya at imoralidad, Tinatawagan ang mga mananampalataya sa Tiatira upang managot sa pagpapaubaya sa turo ni Jezebel, na sinasabi sa mga mananampalataya sa Sardis na sila ay patay, at sinasaway ang mga mananampalataya sa Laodicea dahil sa kanilang pagiging malahininga, nanlilinlang sa sarili, at mapagmataas na kalagayan? At tinawag Niya ang bawat isa sa kanila na magsisi, nag-aalok sa kanila ng biyaya kung sila ay magsisi at binibigyan sila ng mga babala kung sila ay tumanggi.

   Bakit ito gagawin kung ang kanilang mga kasalanan ay napatawad na at kung ayaw na ng Diyos na magkaroon sila ng anumang kamalayan sa kasalanan? Para mo ng sinabi na hindi naunawaan ni Jesus ang mensahe ng grace![11]

Walang Kamalayan sa Kasalanan?

    Mukhang wala rin si Paul ng modern grace revelation. Bakit pa siya magsusulat ng mga bagay na tulad ng, “Baka pagka ako'y dumating na muli ay ako'y pababain ng Dios ko sa harapan ninyo, at ako'y malumbay dahil sa marami sa nangagkasalang una, at hindi nangagsisi sa karumihan at sa pakikiapid at sa kalibugan na ginawa nila”(2 Cor. 12:21)? Kung ang mga taga-Corinto ay hindi nagkakaroon ng anumang kamalayan sa kanilang mga kasalanan, anong pakialam ni Pablo sa pagbabangon muli ng mga isyu na ito sa kanila?

    At ano ang gagawin natin sa Santiago 5:14–15? “May sakit baga ang sinoman sa inyo? ipatawag niya ang mga matanda sa iglesia; at ipanalangin nila siya, na pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon: At ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa may sakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung nagkasala siya, ay ipatatawad sa kaniya.” 

    May lilinaw pa ba kaysa sa mga salitang ito? Kung ang sakit ng tao ay nauugnay sa kasalanan sa kanyang buhay, na kung minsan ay nangyayari, kapag ang mga matatanda ay nananalangin para sa kanya, pagagalingin siya ng Diyos at patatawarin, gaya ng sinasabi ng teksto na "siya ay patatawarin." Kung ang kanyang mga kasalanan sa hinaharap ay napatawad na—sa mga tuntunin ng transaksyon ng kapatawaran na iyon—ang talatang ito ay walang anumang kabuluhan. At maliwanag na ito ay magiging ganap na wala sa lugar kung, bilang mga mananampalataya, hindi tayo kailanman magkakaroon ng anumang kamalayan sa kasalanan. Sinasabi ng talata na sa oras na iyon kapag pinagaling siya ng Diyos, ay patatawarin Niya siya, na maliwanag na nangangahulugan na kailangan pa ring patawarin ang mga kasalanan ng maysakit. Ang mga hyper-grace na tagapagturo ay sadyang mali kapag sinasabi nila na ang lahat ng ating mga kasalanan sa hinaharap ay pinatawad na sa sandaling tayo ay naligtas.

  Hindi lamang iyon, ang Santiago 5:16 ay magiging walang kabuluhan din kung ang hyper-grace ay totoo, dahil si James ay bumaling mula sa paksa ng pagtanggap ng kapatawaran mula sa Diyos sa bersikulo 15 patungo sa paksa ng pagtanggap ng kapatawaran mula sa bawat isa: “Kaya nga,” isinulat niya, na kinikilala ang nakapipinsalang epekto ng kasalanan at ang koneksyon na kung minsan ay umiiral sa pagitan ng kasalanan at karamdaman, “Mangagpahayagan nga kayo sa isa't isa ng inyong mga kasalanan, at ipanalangin ng isa't isa ang iba, upang kayo'y magsigaling."

    Bakit naman natin ipagtatapat ang ating mga kasalanan sa isa't isa kung wala na tayong kamalayan sa kasalanan? At paano natin ito magagawa kung wala tayong kamalayan sa ating mga kasalanan? Ano ang ating ico-confess? At katawa-tawang isipin na mabuti pa pala na aminin ang ating mga kasalanan sa isa't isa ngunit hindi pwede sa Diyos.[12]

    At pagkatapos ay yung nasa Hebreo 12:1–4, isang sipi na nagiging ganap na walang kabuluhan kung tayo ay dapat na walang kamalayan sa ating mga kasalanan:

“Kaya't yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa't pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin, Na masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya, na siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus, na niwalang bahala ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng luklukan ng Dios. Sapagka't dilidilihin ninyo yaong nagtiis ng gayong pagsalangsang ng mga makasalanan laban sa kaniyang sarili, upang kayo'y huwag magsihina, na manglupaypay sa inyong mga kaluluwa. Hindi pa kayo nakikipaglaban hanggang sa mabubo ang dugo, na nakikipagaway laban sa kasalanan:” (Hebrews 12:1-4, Tagalog AB)[13]

Paano natin uunawain ang Hebreo 10:1–3? Ipinaliwanag ng iskolar ng Hebrews na si William Lane:

“Sa ilalim ng lumang tipan ang mga sumasamba ay hindi kailanman nakaranas ng isang tiyak na paglilinis. . . . Kahit na sa okasyon ng kahanga-hangang mga seremonya na nauugnay sa ritwal ng Day of Atonement, ang mga mananamba sa Day of Atonement ay patuloy na nagkaroon ng "kamalayan ng mga kasalanan" [sinipi niya ang tekstong Griyego dito]. Isinasaad ng pananalitang ito ang Hebreong diwa ng isang nabibigatan, nasasaktang puso, na naging pinakamatingkad sa Day of Atonement na siyang kinakailangan upang harapin ang kabanalan ng Diyos. . . . Hangga't nananatili itong pagkadama ng kasalanan at paglabag sa Diyos, hindi magiging mabisa ang paglilingkod sa Diyos. Ang paglilinis ng budhi ay kinakailangan upang hindi maging sagabal na paglapit sa Diyos (10:22), at ito ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng sakripisyo ni Kristo." [14]

    Sa katunayan, ginawa ni Lane ang obserbasyon na ito tungkol sa pinakamahalagang araw sa kalendaryo ng Bibliya para sa sinaunang Israel, ang Day of Atonement, ang araw sa taon na itinalaga para sa kapatawaran ng mga kasalanan. “Ang hinangaan ng manunulat ng Hebreo ay ang pag-alaala sa mga kasalanan, na naging hadlang sa pagsamba, ay pinagtibay at nabago . . . 'taon-taon,' sa pamamagitan ng taunang ritwal ng Day of Atonement.”[15] Ito rin ang nakasulat sa Hebreo 9:13–14: “Sapagka't kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka, at ang abo ng dumalagang baka na ibinubudbod sa mga nadungisan, ay makapagiging banal sa ikalilinis ng laman: Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?” (Hebrews 9:13-14, Tagalog AB)

    Kaya, ang punto ay hindi yung tayo ay di na dapat magkaroon ng kamalayan ng kasalanan sa ating buhay, na isang imposibleng konsepto batay sa malinaw na patotoo ng buong Bagong Tipan. Ang punto ay na ang gawain ng pagpapatawad ay naisakatuparan na minsan at magpakailanman sa krus ni Jesus, na naglilinis ng ating kasalanan at nagpapahayag sa atin na tayo ay matuwid at banal, nang hindi na kailangan ng isa pang sakripisyo o taunang Day of Atonement upang magdala sa atin ng paglilinis. Kaya't namumuhay tayo bilang mga taong pinatawad, at sa halip na magdaos ng taunang (o araw-araw o lingguhan o buwanang) sakripisyo ng atonement, lumilingon lamang tayo sa krus, at ipinagdiriwang ang kapatawaran na natanggap natin. At kung tayo ay nagkakasala, ipinagtatapat natin ang ating mga kasalanan sa Diyos at iniiwan ang mga ito, na nagagalak sa katotohanan na ang kabayaran sa ating kasalanan ay naisagawa na. 

    Gaya ng ipinahayag na maganda sa pitong salitang Hebreo sa Kawikaan 28:13, “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalangsang ay hindi giginhawa: nguni't ang nagpapahayag at nagiiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan.” (Proverbs 28:13, Tagalog AB)

    At kung sakaling mag-alinlangan tayo sa kahabagan na iyon, kailangan lang nating tumingin kay Hesus. Gaya ng sinasabi ng lumang himno:

Jesus paid it all,
All to Him I owe;
Sin had left a crimson stain,
He washed it white as snow.[16]




About the author




Michael L. Brown (Ph.D., New York University) is the founder and president of FIRE School of Ministry in Concord, North Carolina, and has served as a visiting or adjunct professor at seven seminaries. He hosts the nationally syndicated daily talk radio show The Line of Fire and has written more than 40 books. Learn more at www.askdrbrown.org.






Support this ministry

Gcash# 09695143944

or






Footnote:

Source: Brown, Michael L. Hyper-grace: Exposing the dangers of the modern grace message. Charisma Media, 2014. Translated in Tagalog by Pastor Ronald V. Obidos

[1] “Ryan Rufus, “Totally Forgiven! Totally United! Totally Filled!”, sermon preached at the Grace and Glory Conference, 2011, transcript, “Ryan Rufus on Mortifying Sin,” Ryan Rufus (blog), June 10, 2011, http://ryanrufus.blogspot.com/2011_06_01_archive.html (accessed September 3, 2013); audio available at http://www.citychurchinternational.net/2011.html (accessed September 3, 2013). Used by permission.”

[2] Joseph Prince, Unmerited Favor (Lake Mary, FL: Charisma House, 2010), 195. Used by permission.

[3] Prince, Destined to Reign, 107.

[4] Rufus, “Totally Forgiven! Totally United! Totally Filled!

[5] Ibid. Upang maging malinaw, sinabi rin ni Pastor Rufus, “Alisin mo ang iyong mga mata sa iyong mga kasalanan at ituon ang iyong mga mata kay Kristo! Habang ginagawa mo iyon, mas malalampasan mo ang kasalanan sa iyong buhay." Kaya't mahigpit niyang hinihikayat ang bayan ng Diyos na daigin ang kasalanan sa pamamagitan ng biyaya.

[6] ibid.

[7] Sa Mirror Bible ni Francois Du Toit (Kindle Edition; n.p.: Mirror Word Publishing, 2012), isinalin ang Hebreo 10:17, “Ito ay pangwakas: Inalis ko na ang talaan ng iyong mga kasalanan at maling gawain. Hindi ko na naaalala ang mga ito,” na sinundan ng paliwanag na ito ng panaklong: “Walang anuman sa pagtukoy ng Diyos sa tao, ang nagpapaalala sa kanya ng kasalanan.”

[8] Gaya ng sinipi kanina, itinatakwil ni Pastor Prince ang konseptong ito, sa pagsasabing, “Ang pagpapatawad ng Diyos ay hindi ibinibigay nang paunti-unti."

[9] Para sa kahulugan ng 2 Mga Taga-Corinto 5:18–20, tingnan ang kabanata 7, note 27.

[10] Marcos 1:4–5; tingnan din sa Lucas 3:7–14 para sa mga detalye ng nangyari sa binyag ni Juan.

[11] Nang tanungin ko ang isang hyper-grace na mangangaral kung paano niya ipinaliwanag ang mga salita ni Jesus sa mga simbahan sa Apocalipsis 2–3, sumagot siya, “Kung ibabatay mo ang iyong teolohiya sa Aklat ng Pahayag, mapupunta ka sa gulo!” 

[12] Tinalakay ng isang pastor sa California ang isyung ito sa isang dating lider ng kabataan sa kanyang simbahan na yumakap sa hyper-grace message. Ipinaliwanag sa kanya ng binata—na ganap na salungat sa konteksto at lohika—na ang pagpapatawad na binanggit sa Santiago 5:15 ay talagang mula sa tao (na parang inaasahan ang talata 16) sa halip na mula sa Diyos! Ito, muli, ay isang halimbawa ng kung ano ang mangyayari kapag binibigyang-kahulugan natin ang Salita sa pamamagitan ng ating teolohiya kaysa sa ating teolohiya sa pamamagitan ng Biblia.

[13] Sa kanyang hyper-grace blog, sinabi ni Simon Yap na ang Hebreo 12:1 ay hindi nagsasabi na kailangan nating harapin ang mga kasalanan na bumabalot sa atin. Isinulat niya, “Mga minamahal, maraming sumipi na binabanggit sa Hebreo 12 ang kasalanan na bumabalot sa atin at dahil dito ay dinidisiplina tayo ng Ama. Ikinalulungkot ko ito ay mali, ito ay nagsasabi na 'ang kasalanan' at hindi ito kasalanan. Ang kasalanang ito na madaling buhol sa atin ay ang parehong kasalanan sa Hebreo 10:26. Kasalanan ang pag-aakalang hindi sapat ang dugo ni Hesus para bigyang-kasiyahan ang Diyos ng iyong mga kasalanan noon, kasalukuyan at hinaharap. Ito ay tinatawag na kasalanan ng kawalan ng pananampalataya. Kaya naman hinihiling niya sa atin na patuloy na tumingin kay Jesus, ang may-akda at tagapagsakdal ng ating pananampalataya.” [Simon Yap, “Ano ang Kasalanan na Madaling Nakakasagabal sa Atin?”, Sapat na ang Kanyang Grasya (blog), Mayo 5, 2011, http://hischariisenough.wordpress.com/2011/05/05/what-is-the -sin-that-easily-entangle-us-hebrews-121/ (na-access noong Setyembre 3, 2013).] Sinipi din niya si John MacArthur upang suportahan ang kanyang pananaw, ngunit halos hindi sinusuportahan ni MacArthur ang kanyang mga pag-aangkin, dahil binanggit niya ang "mga kasalanan" kasama ng kasalanan ng kawalan ng pananampalataya. Sa halip, ang teksto sa Hebreo ay tumuturo sa kasalanan sa pangkalahatan, tulad ng sa  ESV's "at kasalanan na kumakapit nang mahigpit." Ngunit kahit na batay sa maling pagbabasa ni Yap, kailangan pa rin nating harapin ang kasalanan, ibig sabihin, ang kasalanan ng kawalan ng pananampalataya. Si Yap, gayunpaman, ay tila naniniwala na kung ang kasalanan na ating ginagawa ay nabigong yakapin ang hyper-grace na mensahe, kung gayon kahit papaano ay binabago nito ang sinasabi ng Kasulatan. Alinsunod dito, inaangkin niya na ang tanging paraan na maaari nating pighatiin ang Espiritu ay “sa pamamagitan ng pagsasalita ng mga salita at mga mensahe na nagtuturo na bahagyang pinatawad ka ng Diyos sa iyong mga kasalanan”! [Simon Yap, “Grieving the Holy Spirit,” His Grace Is Enough (blog), November 15, 2012, http://hischarisisenough.wordpress.”

[14] William Lane, Hebrews 9–13, Word Biblical Commentary (Dallas: Word, 1991), 261

[15] Ibid., 261; ayon kay F. F. Bruce, The Epistle to the Hebrews, New International Commentary on the New Testament, binago (Grand Rapids, MI: Eerdmans, 1990), 236: “Kung ang lumang ayos ng paghahain ay nagtataglay ng tunay na bisa sa paglilinis—iyon ay, ibig sabihin, kung ito ay nakapaglinis ng budhi—kung gayon ang mga mananamba ay magtamasa ng walang limitasyong pakikipag-ugnayan sa Diyos. . . . Ang implikasyon ng argumento ng aming may-akda ay ang tunay na panloob na paglilinis ay permanenteng mabisa at samakatuwid ay hindi na mauulit. . . . Ang kahulugan ay halos kapareho ng sa mga salita ng ating Panginoon kay Pedro sa Juan 13:10: 'Siya na naliligo ay hindi kailangang maghugas, maliban sa kanyang mga paa, ngunit siya ay malinis sa buong katawan.'” Ayon kay Gareth Lee Cockerill , The Epistle to the Hebrews, New International Commentary on the New Testament, nirebisa (Grand Rapids, MI: Eerdmans, 2012), 431: “Ang mga sakripisyo ng sistemang Mosaiko ay nag-iwan sa mga mananamba na 'mulat' hindi lamang sa pagkakasala kundi sa kasalanan, at lalo na sa polusyon nito na nangangailangan ng paglilinis.”

[16] “Jesus Paid It All” by Elvina M. Hall. Public domain






No comments:

Post a Comment