Wednesday, September 13, 2023

BAKIT HINDI 10 UTOS ANG “MGA UTOS NG DIYOS” SA APOCALIPSIS 12:17?

"Ang pinaka-lohikal na kahulugan ng "mga utos ng Diyos" sa talatang ito ay ang kabuoan ng mga utos para sa mga Kristiyano na nasa ilalim ng Bagong Tipan dahil ang paksa ng Apocalipsis 12 ay si Jesu-Kristo at ang Kanyang iglesia." 

    Sa Apocalipsis 12:17 natagpuan ng Seventh-day Adventist Church ang dahilan kung bakit sila lumitaw. Sa talatang ito, makikita ang dalawang pagkakakilanlan ng nalalabing iglesia na natupad daw sa kanila. Yung mga pariralang mga "nagsisitupad ng mga utos ng Diyos" at “mga may patotoo ni Jesus,” na “siyang espiritu ng hula” (19:10). Ang “mga utos ng Diyos” (ginamit din sa 14:12 at 22:14) ay sinasabing tumutukoy sa Sampung Utos, at sa isang espesyal na kahulugan ang ikapitong araw na Sabbath, na inaangkin nila na karamihan sa mga Kristiyano ay hindi "ipinapangilin." Nakikita ng Seventh-day Adventist Church ang kanilang sarili bilang ang visible church na ibinangon ng Diyos upang maging instrumento upang anyayahan ang mga Kristiyano, lalo na ang mga sumasamba sa araw ng Linggo, na “ipangilin ang Sabbath."

    Gayunpaman, ang exegetical na pagsusuri sa tekstong ito, kasama na ang pangkalahatang tema ng aklat at ng Bagong Tipan sa pangkalahatan, ay nagpapakita ng ibang kahulugan sa mga nabanggit na mga tanda ng pagkakakilanlan. Napatunayan ko na na ang "nalalabi" sa tekstong ito ay plural at palaging tumutukoy sa karamihan. Susuriin ko ngayon ang pariralang "mga utos ng Diyos" upang makita kung ang interpretasyon at aplikasyon nito ng Adventist Church ay matibay.

Ang mga salitang Griyego na entole vs. nomos

    Ang salitang Griyego para sa "mga utos" sa pariralang "mga utos ng Diyos" ay εντολη (entole). Nangangahulugan ito ng “isang kautusan, isang utos, isang tungkulin, isang tagubilin, isang sansala, isang panuntunan, at isang makapangyarihang hatol.”[321] Ito ay ginagamit sa iba't ibang paraan sa Bagong Tipan at tumutukoy sa iba't ibang bagay. Gayunpaman, hindi ito kailanman ginamit upang tumukoy sa Sampung Utos o sa ikapitong araw na Sabbath. Ang salitang Griyego na palaging tumutukoy sa kautusan ng Lumang Tipan, na binubuo ng 613 mga utos, kabilang na ang Sampung Utos, ay νομος (nomos). Hindi ito ginamit sa Apocalipsis 12:17 o sa buong Aklat ng Apocalipsis para sa bagay na iyon. 

    Narito ang ilang paraan ng paggamit ng entole sa Bagong Tipan: 

  • Ito ay ginagamit para sa mga opisyal na decree (Juan 11:57); 
  • ng mga taong may matataas na posisyon na nagbibigay ng mga utos sa mga nasa ilalim ng kanilang awtoridad (ama sa anak - Lucas 15:29; mga apostol sa mga mananampalataya Gawa 17:15; Col. 4:10); 
  • ng mga alamat ng mga Hudyo at mga maling mga turo (Tito 1:14); 
  • ng mga espesipikong utos ng Kautusan sa Lumang Tipan (Lucas 23:56; Rom. 7:8-9; Heb. 7:18; 9:19); 
  • ng mga seremonyal na utos ng Kautusan sa Lumang Tipan (Heb. 7:5, 16, 18); 
  • ang plural form nito ay kadalasang kumakatawan sa kabuuan ng mga legal na ordenansa ng Kautusan sa Lumang Tipan (Mat. 5:19; 19:17; Marcos 10:19; Lucas 18:20); 
  • ng iisang utos ng Lumang Tipan na Batas (Efe. 6:2; Mat. 22:36, 38; Mar. 10:5; Rom. 13:9); 
  • ng mga utos ng Diyos (1 Cor. 7:19; 1 Juan 3:23; 4:21); 
  • ng mga utos ng Diyos kay Kristo (Juan 10:18; 14:31; 15:10); 
  • ng mga utos ni Jesus sa mga mananampalataya (Juan 13:34-35; 14:15, 21; 15:10, 12; 1 Cor. 14:37);
  • at kabuoan, ang buong tuntunin ng Kristiyanismo, ang buong pananampalatayang Kristiyano ay naging isang utos o bagong kautusan (1 Tim. 6:11-14; 2 Ped. 2:20-21; 3:1-2)

    Dahil sa iba't ibang gamit ng entole sa Bagong Tipan, hindi ito maaaring partikular na tumutukoy sa Kautusan ng Sampung Utos o Sabbath sa Apocalipsis 12:17. Ang pinakalohikal na kahulugan para sa "mga utos ng Diyos" sa tekstong ito ay ang kabuoan ng mga utos para sa mga Kristiyano sa ilalim ng Bagong Tipan dahil, exegetically at contextually, ang paksa ng Apocalipsis 12 ay si Jesu-Kristo at ang pananampalatayang Kristiyano.

    Karagdagan pa, si John ay napaka-espesipiko sa kanyang paggamit ng entole at nomos sa kanyang mga sinulat. Palagi siyang gumagamit ng nomos upang tukuyin ang mga Kautusan sa Lumang Tipan at palaging niyang ginagamit ang entole upang tukuyin ang mga utos at tagubilin sa Bagong Tipan ni Jesu-Kristo, direkta man o hindi direkta sa pamamagitan ng mga apostol. At ang mga utos na iyon sa mga sulat ni Juan ay karaniwang buod ng dalawang utos ni Hesus , na ang sumampalataya sa Diyos at sa Kanya at ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili (Juan 13:34-35; 14:1; 1 Juan 3:23-24; 4:7-12, 20-21; 5:1-3; 2 Juan 4-6). 

“At ito ang kaniyang utos, na manampalataya tayo sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesucristo, at tayo'y mangagibigan, ayon sa ibinigay niyang utos sa atin. At ang tumutupad ng kaniyang mga utos ay mananahan sa kaniya, at siya ay sa kaniya. At dito'y nakikilala natin na siya'y nananahan sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kaniyang ibinigay sa atin.” (1 John 3:23-24, Tagalog AB)

    Si Juan ang tanging may-akda ng Bagong Tipan na palaging gumagawa ng pagkakaibang ito sa kanyang paggamit ng dalawang salitang iyon.


Hindi ang 
Sampung Utos o ang Sabbath ang tinutukoy ni Juan

    Ang isa pang dahilan na ang pariralang "mga utos ng Diyos" sa Apocalipsis 12:17 ay hindi maaaring tumukoy sa Sampung Utos at Sabbath ay dahil sa katotohanan na ang Lumang Tipan, na kinabibilangan ng Sampung Utos, kasama ang pangangasiwa, pagpapala at sumpa, pagpapatupad nito, at ang awtoridad nito ay inalis na. Wala na itong bisa sa mga Kristiyano sa Bagong Tipan. Gayunpaman, upang palalimin pa ang pag-aaral, Bibigyan ko ng maikling buod ang mga katotohanang tungkol sa Lumang Tipan at Sampung Utos na humantong sa konklusyong ito. Ang Sampung Utos ay ang tipan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel (Exo. 24:12; 34:27–28; Deut. 4:13; 9:9). Ang tipan na ito ay hindi ginawa sa mga patriyarka at mga bansang Hentil, kundi sa mga Israelita lamang (Deut. 5:2–3; Neh. 9:13–14; Psa. 147:19–20; Roma 9:3–4). 

    Kung nais ng isang Hentil na pumasok at sumunod sa mga kautusan ng Lumang Tipan, kailangan muna siyang magpatuli sa laman (Exo.12:44, 48; Isa. 56:6-7; Eze. 44:9; Juan 7:22-23) . Ang pisikal na pagtutuli, bilang tanda ng pagpasok sa Lumang Tipan, ay inalis na sa Bagong Tipan, dahil dito ay wala ng bisa ang tipan na iyon (Rom. 2:28-29; 1 Cor.7:18-19; Gal. 5: 6; 6:15; Col. 3:11). Ang Kautusan ng Lumang Tipan, noong pumasok na ang Bagong Tipan, ay binubuo ng 613 mga utos, 248 na utos, at 365 na pagbabawal, [322] kung saan kailangang sundin ng lahat ng mga Israelita, kaya kung ipagpipilitan pa ang patuloy na bisa nito sa ngayon ay dapat din na ipatupad lahat ng 613 mga utos sa kabuuan nito (Exo. 19:8; Deut. 17:19; 27:26; 29:29; 31:12; 32:46; 2 Chron. 33:8; Jam. 2:8, 10-11, cf. Lev.19:18; Exo. 20:13-14). Itinuro ng Bagong Tipan na ang Lumang Tipan, ang Kautusan, at ang Sampung Utos ay inalis at ipinako na sa Krus (Rom. 7:1-6; Gal. 4:21-31; 2 Cor. 3; Eph. 2:11 -18; Col. 2:11-17; Heb. 8:6-13). Ang iglesia sa Bagong Tipan ay nasa ilalim na ng Bagong Tipan na may mas mabuting mga itinatakda, kautusan, pangangasiwa, at pagpapatupad kaysa sa Lumang Tipan (Mat. 26:26-28; 2 Cor. 3; Eph. 2:11-19; Phil. 3:1 -11; Heb. 7:22-27; Heb. 8; 10:19-23; Juan 13:34-35; 14:15; 1 Cor. 13; 1 Juan 3:23; 4:7-13, 20 -21; 2 Juan 6-7, atbp.,)

    Sa panghuli, ang LXX ay hindi gumagamit ng “mga utos ng Diyos” (Gk. εντολάς του θεού- entolas tou theou) upang tukuyin ang Sampung Utos gaya ng nakikita natin sa Apocalipsis 12:17, 14:12, at 22:14. Sa halip, ito ay gumagamit ng δέκα λόγους (deka logous) at δέκα ῥήματα (deka rhemata), na nangangahulugang “sampung salita” o “sampung pananalita” (tingnan ang LXX Exo. 34:28; Deut. 4:13; 10:4). Ang dalawang pariralang ito sa Griyego ay isang salin mula sa Hebreong aseret hadevarim na nangangahulugang “sampung salita” o “sampung pananalita.” Ang Aklat ng Apocalipsis ay hindi kailanman gumamit ng deka logous o deka rhemata ni minsan. Dahil sa katotohanang ito, ang pariralang “mga utos ng Diyos” sa Apocalipsis 12:17 ay hindi maaaring tumutukoy sa Sampung Utos o sa ikapitong araw na Sabbath. 


Source

Elce-Junior Lauriston, Hiding in Plain Sight: The False Doctrine of Seventh-day Adventism, Vol. 2,  pp. 373-376

The 3 volumes of this book are available in Ebook (PDF & Epub). Interested buyers just contact Ptr. Ronald Obidos #09695143944.or email us at formeradventist.ph@gmail.com.

Support this ministry

Gcash#09695143944

or scan below


Footnote:

[321] Joseph H. Thayer, Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament 8th Edition (Peabody, MA: March 2007), p. 218.

[322] John F. MacArthur, Jr., Romans, MacArthur New Testament Commentary (Chicago: Moody Press, 1991), p. 366.





No comments:

Post a Comment