Friday, January 22, 2021

"NAGTAMPO KA LANG BROD KAYA KA UMALIS SA SDA CHURCH..."

 “Nagtampo ka lang brod kaya ka umalis sa SDA church, patawarin mo na lang sila at bumalik ka na sa SDA church.” 

   Ito ang mga pangungusap na paulit-ulit na nababasa ko sa mga social media messages. Ito ay kailangan kong bigyan ng pansin dahil ito ay ginagamit ng Kaaway na bihasa sa pagbulag ng pag-iisip ng mga tao upang ang "kaliwanagan ng ebanghelio" ay hindi makarating sa kanila (2 Cor. 4:4). Hanggang ngayon marami pa din akong mga kababayan at mga kaibigan ang nagulat at hindi makapaniwala sa aking naging desisyon na iwanan ang Seventh-day Adventist church na aking kinaaniban at pinagtanggol sa loob ng 24 years. Nauunawaan ko ang kanilang mga reaksyon. Merong nagagalit dahil ang pakiramdamdam nila ay pinagtaksilan ko sila at meron namang nakakaunawa at gumagalang sa aking naging desisyon. Meron din ilan na natutuwa dahil itong pag-alis ko ay pagkakataon na upang sila naman ay matanyag at makilala sa larangan ng apologetics bilang Adventist. Nauunawaan ko ang lahat ng kanilang mga reaction at dalangin ko naman na nawa ay lumawak din ang kanilang unawa upang respetuhin ang aking desisyon. Sa madaling salita, hindi sa kung anumang personal na kadahilanan ang aking tanging dahilan ng pag-alis sa Adventist church. Purely doctrinal lamang po at walang personalan. Napatunayan ko po yan sa pamamagitan ang aming programa na Sabbath in Christ Podcast kasama ang isang kaibigan na isa din dating Seventh-day Adventist. Puro mga maling doctrina lamang po ng Seventh-day Adventist ang aking mga presentation o paglalahad walang personal matters.

Bakit hindi pagtatampo?

   Ang pagtatampo ay madalas maranasan ng mga baguhang membro ng SDA church dahil hindi pa sila gaanong matured sa faith. Ako ay hindi isang baguhang Adventist. Nabaptized ako noong 1995 at simula noon ako ay naging masigasig na mangangaral at debater ng samahang ito hanggang Sept. 12, 2019. Marami na din dumaan na mga pagsubok sa buhay ko noon na mas mabibigat pa ngunit sa biyaya ng Panginoon ay nakayanan ko at dahil dito naging matatag ang faith ko sa anumang mga personal na pagsubok. Samakatwid, mali na ipalagay ninuman na ang pasya ko na umalis sa SDA ay sanhi lamang ng pagtatampo. At karamihan sa mga nagkakalat ng kasinungalingang ito ay hindi talaga nakakakilala sa akin o alam lahat ng naganap sa aking buhay.

   Sa loob ng 24 years na aking paglilingkod sa Diyos bilang Adventist ay natutunan ko din kng paano magpatawad ng aking kapwa. Marami nang mga mabibigat na pagsubok na napagdaanan ko at sa lahat ng ito natutunan ko ang paraan ng maka Diyos na pagpapatawad. Ang maka Diyos na uri ng pagpapatawad ay hindi naka batay sa kung ano ang feelings o nararamdaman natin sa halip ang pagpapatawad ay isang choice kahit anuman ang bigat ng damdamin mo sa tao na gumawa ng masama sa iyo. Kasalanan sa Diyos kung ang isang tao ay hindi marunong magpatawad sa kasalanan ng kanyang kapwa. Kahit anung ganda pa ng kalagayan mo sa buhay ngunit hindi ka marunong magpatawad ay nagkakasala ka pa din. Naiisip ko tuloy minsan na baka sila ang hindi marunong magpatawad kaya madali nilang ibintang sa akin ito.

Babalik pa ba ako sa SDA church?

   Hindi na po ako babalik sa Seventh-day Adventist church sa dahilang marami akong nakitang aral nila ang mahina ang pundasyon sa Biblia. Hindi lang naman ako ang kauna-unahang gumawa nito sa kasaysayan ng Seventh-day Adventist church. Marami nang mga pastor at mga dalubhasang Bible scholars at theologians na din ang nagising sa katotohanan na maraming doctrinal problems ang SDA church. Mula sa mga writings ni Ellen White at mga distinctive doctrines tulad ng 1844 investigative judgment kung saan libo-libo na mga Adventist ang umalis sa SDA church. Kaya kung totoo na personal problem lang ang naging sanhi ng aking pag alis sa SDA church ay napakababaw na dahilan ito. Ang personal na mga problema at pagsubok sa buhay ay kayang kaya ko palagpasin ngunit kapag problema na sa doktrina ang pag uusapan ay hindi ko na kaya palagpasin dahil kaligtasan na ng kaluluwa ang pinag uusapan dito.

Sinabi ni Cristo:

“Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, pero hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Dios, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impyerno.” Mateo 10:28

   Kung ang SDA ay tunay na iglesia kaya kong isakripisyo ang buhay ko dito kahit ako ay usigin at patayin. Dahil alam ko na ang kaya lamang nilang patayin ay ang aking pisikal na katawan hindi ang aking kaluluwa na para sa Diyos. Ngunit nadiskubre ko na ang SDA church ay isang kulto at gawang taong samahan na maraming aral na mali hindi kaya ng kunsensya ko na manatili pa dito. Dahil kung manatili pa ako sa SDA church ay hindi lang ang katawan ko ang mabubulid sa impiyerno kasama na din ang aking kaluluwa. Alam kong marami pang SDA members dyan na hindi na din masaya sa pananatili dyan ngunit nahihirapan na umalis dahil sa ilang mga pakinabang na natatanggap or dahil din sa kino-consider ang kanilang pamilya o trabaho lalo na kung siya ay isang pastor. Idalangin natin sila sa kanilang mga struggles. Paalalahanan natin sila ng mga aral ni Cristo:

“Ang magiging kaaway ng isang tao ay ang sarili niyang sambahayan. “Ang nagmamahal sa kanyang mga magulang ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang nagmamahal sa kanyang anak ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan .” Mateo 10:36-39, ASND

“Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin ay hindi maaaring maging tagasunod ko. “Ang sinumang nais sumunod sa akin, pero mas mahalaga sa kanya ang kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid at maging ang kanyang sarili ay hindi maaaring maging tagasunod ko..” Lucas 14:26-27, ASND

“Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat handa siyang humarap kahit sa kamatayan alang-alang sa pagsunod niya sa akin. Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ano ba ang mapapala ng tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kanyang buhay? May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay?” Mateo 16:24-26, ASND

“Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, at mga anak alang-alang sa kaharian ng Dios ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.” Lucas 18:29-30, ASND

“Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang hindi nanghihinayang sa buhay niya sa mundong ito alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.” Juan 12:25, ASND

Dalangin ko na dumating ang panahon na maging matapang din silang harapin ang katotohanan at magpasyang iwanan ang mali para na din sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa. Kasama din sa aking dalangin na nawa yung mga kaibigan at mga malalapit sa aking puso na mga Adventists ay maunawaan at irespeto ang aking naging decision at nawa ay manatili pa din ang aming magkakaibigan kahit na hindi magkasama sa isang denomination. Hindi po kung anong denomination ka ang identity ng mga tunay na Christians kundi kung ano ang relasyon mo kay Cristo at gaano mo sya kakilala as your personal Lord at Savior tulad ng sinasabi ni apostol Pablo:

“Ngunit kung babalikan ko naman ang pagsunod sa Kautusang iniwan ko na, ako na rin ang nagpapatunay na makasalanan ako. Sa katunayan, sa pamamagitan mismo ng Kautusan, nalaman ko na wala nang kapangyarihan ang Kautusan sa akin. Kaya malaya na akong mamuhay para sa Dios. Namatay akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Cristo na. Ipinapamuhay ko ang buhay kong ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Dios na nagmahal sa akin at nag-alay ng buhay niya para sa akin. Hindi ko binabalewala ang biyaya ng Dios, dahil kung maituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng Kautusan, walang saysay ang pagkamatay ni Cristo!” Galacia 2:18-21, ASND





No comments:

Post a Comment