Roma 3:31:
"Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan."
Mga Argumento ng mga Seventh-day Adventists:
Mula sa aklat na 28 Fundamental Beliefs ng Seventh-day Adventists:
#1. "Ang Kanyang ebanghelyo ay nagbunga ng pananampalatayang matatag na sumusuporta sa bisa ng Sampung Utos. Tinanong ni Pablo, 'Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan. " (Sa akin ang pagsasalin) [1]
Mula sa Handbook of Seventh-day Adventists Theology:
#2. "Ang kautusan, at partikular na ang Sampung Utos, ay kumakatawan sa banal na utos. Ito ay ang buhay na kalooban ng Diyos. Ang katangiang ito ng kautusan ay nagdala kay Pablo sa isang malinaw na konklusyon: ang kautusan ay hindi maaaring ipawalang-bisa. 'Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan. ' (Roma 3:31). Sa pamamagitan ng 'prinsipyo ng pananampalataya' (literal na, kautusan ng pananampalataya), sinusunod ng mananampalataya ang kautusan (talata 27)." [2]
Mula sa The Seventh-Day Adventist Bible Commentary:
#3. "Totoo na 'wina-walang bisa' ni Pablo ang ideya ng mga Hudyo na ang kautusan ay isang paraan ng pagtatamo ng katuwiran, pati na rin ang pagpilit ng mga Hudyo na dapat sundin ng mga Hentil ang parehong pamamaraan (Gawa 15:1; Galacia 2:16–19). Ngunit ang kautusan sa tunay nitong layunin ay pinagtitibay, sa halip na pinawalang-bisa, sa pamamagitan ng itinakdang paraan ng Diyos sa pagpapawalang-sala sa mga makasalanan." [3]
Para maintindihan natin nang maayos ang kahit anong talata sa Bibliya, kailangan nating alamin yung konteksto o background ng talata at kung ano yung mga isyu na nagtulak para sabihin yung nakasulat sa talata. Ganito rin ang tamang paraan para lubos nating maintindihan ang ibig sabihin at intensyon ng sumulat sa Roma 3:31. Madalas gamitin ng mga Sabadista itong talata para ipagtanggol ang paniniwala nila na hindi binabali ng pananampalataya yung Sampung Utos at para ipakita na hindi magkasalungat ang kautusan at pananampalataya, o ang ebanghelyo. Isa ito sa mga paborito kong talata noong Sabadista pa ako para patunayan na tama ang sinasabi ng mga Sabadista na ang kautusan, lalo na ang Sampung Utos, ay patuloy na inuutos ng Panginoon para sa mga Kristiyano sa ilalim ng biyaya ng Bagong Tipan.
Sagot:
Pag-usapan natin ang Roma 3:31 para maintindihan ang tunay nitong kahulugan ayon sa totoong intensyon ni Apostol Pablo, na sumulat nito. Gagawin natin ito sa pamamagitan ng pag-intindi sa konteksto o background ng talatang ito at kung bakit sinabi ni Pablo, "Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan." (Roma 3:31)
1.) Wala talagang kinalaman yung konteksto sa Sampung Utos.
Ang pinaka-sentro ng tema ng aklat ng Roma ay yung pagiging matuwid ng Diyos.
"Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego. Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya." (Rom 1:16-17 Tagalog AB)
Lahat ng tao, Hudyo man o hindi, ay makasalanan at haharap sa paghuhukom ng Diyos na banal at perpekto. Ang pakikipagkasundo sa Diyos ay posible lang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo at sa kanyang kamatayan sa krus para sa ating mga kasalanan. Dahil sa sakripisyo ni Kristo, "pinapawalang-sala" ng Diyos, o sinasabing matuwid, ang mga sumasampalataya sa Kanya.
Sa Roma 2, kinuwestyon ni Pablo yung paniniwala na mas pabor ang Diyos sa mga Hudyo kaysa sa mga hindi Hudyo. Dati kasi, iniisip na lamang ang mga Hudyo dahil binigay sa kanila kautusan na ipinakita kay Moises. Ang mga hindi Hudyo, maliban kung mag-convert sila sa Judaismo, ay hindi itinuturing na bahagi ng komunidad ng tipan.
Ang pagiging matuwid ng Diyos ay ipinapakita nang hiwalay sa kautusan, na nagpapakita na hindi ito nakadepende sa pagsunod ng tao sa mga gawa ng kautusan. Maaaring ipinapahiwatig din ni Pablo na hindi ito nakabatay sa tipan sa Sinai. Kahit na ang nakapagliligtas na pagiging matuwid ng Diyos ay hiwalay sa kautusan, ang Kautusan at ang mga Propeta (i.e. Old Testament Scriptures) ay nagpapatotoo dito. Sa madaling salita, hinulaan ng mga Kasulatan sa Lumang Tipan ang paraang ito ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya na hiwalay sa kautusan:
"Si Pablo na alipin ni Jesucristo, na tinawag na maging apostol, ibinukod sa evangelio ng Dios, Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan." (Rom 1:1-2 Tagalog AB)
Sinasabi rin ni Pablo sa talatang 21 na yung mga Kasulatan sa Lumang Tipan ay nagpapatunay na matuwid ang Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa mga gawa ng batas.
"Datapuwa't ngayon bukod sa kautusan ay ipinahahayag ang isang katuwiran ng Dios, na sinasaksihan ng kautusan at ng mga propeta." (Rom 3:21 Tagalog AB)
Nangyayari ang pagliligtas ng Diyos nang hindi nakadepende sa kautusan, hiwalay sa Kautusan ni Moises, para sa mga hindi Hudyo na walang kautusan at sa mga Hudyo na hindi sumusunod dito. Dahil dito, nag-aalala yung mga Kristiyanong Hudyo at nagtanong kay Pablo, "Ibig sabihin ba, binubura ng pananampalataya lahat ng pinaninindigan ng Judaismo? Wala na bang silbi ang mga Kasulatan natin, tapos na ba ang mga kaugalian natin, at hindi na ba gumagawa ang Diyos sa pamamagitan natin?" Mariing sinabi ni Pablo, "Hindi! Hindi naman ganun!" Sa halip, nililiwanag ng pananampalataya ang pakikitungo ng Diyos sa mga Hudyo; hindi nito sinisira ang Kasulatan sa Lumang Tipan. (Roma 3:1-2).
Bukod sa konteksto, hindi rin ang "Kautusan" na binanggit sa Roma 3:31 ay tumutukoy sa Sampung Utos dahil ang ginamit na salita sa Griyego ay "nomos" (Torah o 613 utos) imbes na "dekálogos" o "deka remata," na mga salitang Griyego na katumbas ng Sampung Utos.
Kaya, walang matibay na basehan o suporta para sa interpretasyon ng mga Sabadista na ito ay tumutukoy sa Sampung Utos. Kailangan nilang manipulahin at baluktutin ang Roma 3:31 para mapaniwala ang mga tao na magkasundo ang pananampalataya at ang Sampung Utos.
2.) Yung "Kautusan" sa Roma 3:31 ay hindi ang Sampung Utos, kundi ang mga Kasulatan sa Lumang Tipan.
Dito madalas nagkakamali ang mga Sabadista. Inaakala nila na yung "kautusan" sa Roma 3:31 ay tumutukoy sa Sampung Utos, pero hindi nila inaaral nang maayos yung tunay na konteksto. Kaya kampante silang makipagdebate kasi yung pag-aaral nila ng Bibliya ay madalas mababaw lang, mas nakadepende sa literal na pagbasa (proof-texting!) kaysa sa pag-intindi ng tunay na intensyon ng talata. Ginagawa nilang sandata yung Roma 3:31 sa mga debate, kung saan nagtatanungan lang sila nang hindi iniintindi yung konteksto, mas gusto nilang manalo sa debate kaysa hanapin ang katotohanan.
Kanina, binanggit natin yung ilang reference mula sa SDA Church na nag-aakala na tumutukoy ito sa Sampung Utos. Halimbawa, sa libro nilang Seventh-day Adventists 28 Fundamental Beliefs:
"Ang kanyang ebanghelyo ay nagbunga ng pananampalatayang matibay na nagtibay sa bisa ng Sampung Utos. Itinanong ni Pablo, 'Pinawawalang-bisa ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hinding-hindi! Sa halip, pinagtitibay pa nga natin ang kautusan' (Roma 3:31)." [4]
Pansinin na, yung libro na "SDA 28 Fundamental Beliefs" ay inaakala nila na yung tinutukoy ni Pablo ay yung "Sampung Utos" na pinagtibay ng pananampalataya. Pero, gaya ng sinabi natin kanina, yung konteksto ni Pablo ay hindi tungkol sa Sampung Utos, kundi tungkol sa buong Kasulatan ng Lumang Tipan, na naglalaman ng buong 613 na kautusan ni Moises, na naging tanda ng pagkakakilanlan ng relihiyong Hudyo. Ang totoo, yung kanilang SDA Bible Commentary ay sumasalungat sa maling konklusyon ng kanilang SDA 28 Fundamental Beliefs. Imbes na sabihin na yung kautusan na pinagtibay ng pananampalataya ay tumutukoy sa Sampung Utos, sinasabi ng kanilang SDA Bible Commentary na tumutukoy ito sa kautusan na ipinahayag sa mga Kasulatan ng Lumang Tipan:
"Pinagtitibay ang kautusan. Binibigyang-diin ni Pablo ang kahalagahan ng kautusan bilang isang prinsipyo, at partikular na sa konteksto ng kabanatang ito, kung saan ito ay isinasaad sa inihayag na kautusan ng Lumang Tipan."[5]
Kahit sinong miyembro ng Sabadista aaminin na yung buong kautusan sa Lumang Tipan ay hindi lang yung Sampung Utos. Alam nila na yung 613 utos ang bumubuo sa kautusan sa Lumang Tipan, pero sinasadya nilang hindi banggitin yun kasi alam nilang hindi nila kayang sundin lahat yung 613 utos. Kaya binabawasan nila ito sa Sampung Utos lang, hindi nila alam na sa paggawa nila nun, nagkakasala pa rin sila sa Diyos. Madalas din nilang basahin yung Santiago 2:10 na tinutuwid mismo sila, na nagsasabing, "Sapagka't ang sinomang gumaganap ng buong kautusan, at gayon ma'y natitisod sa isa, ay nagiging makasalanan sa lahat."
Kaya, tama lang na sabihin na ang pananampalataya ay nagpapatibay sa mga Kasulatan ng Lumang Tipan, hindi yung Sampung Utos. Isa sa mga basehan natin dito ay ayon sa SDA Bible Commentary, yung salitang Griyego na "nomos," na madalas isalin bilang "Kautusan," ay pwede ring tumukoy sa mga Kasulatan ng Lumang Tipan sa mga sulat ni Apostol Pablo.
"Ginagamit ni Pablo ang salitang 'kautusan' sa iba't ibang paraan. Maaaring tumukoy ito sa Kautusan ni Moises (Gal. 4:21); sa buong Lumang Tipan (1 Cor. 14:21); sa Sampung Utos (Rom. 2:17–23; 7:7; 13:8–10); o sa isang partikular na kautusan, tulad ng kautusang nagbibigkis sa mag-asawa (Rom. 7:2). Ginagamit din ni Pablo ang salitang 'kautusan' (nomos) sa makasagisag na paraan, gaya ng pagtukoy niya sa 'kautusan ng kasamaan' (talata 21) o 'kautusan ng kasalanan' (talata 25; tingnan din ang Rom. 8:2; Gal. 6:2). Bagamat hindi laging nagbibigay si Pablo ng tiyak na kahulugan tuwing ginagamit niya ang salitang ito, kadalasan ay malinaw naman ang ibig sabihin nito batay sa konteksto."[6]
Kaya malinaw, yung salitang "kautusan" sa mga sulat ni Pablo ay may iba't ibang kahulugan at hindi laging tumutukoy lang sa Sampung Utos, gaya ng madalas nating marinig sa mga mangangaral at debater ng mga Sabadista. Kadalasan, dahil ito sa kulang sila sa kaalaman sa theology o hindi sila masipag magbasa ng mga libro tungkol dito. Yung nabanggit na reference ay nagbibigay din ng magandang payo sa maraming mga Sabadista na dahil madalas hindi ipinapaliwanag ni Pablo kung paano niya ginagamit yung salitang "kautusan" sa mga sulat niya, makakatulong kung iisipin natin kung paano niya ito ginagamit base sa konteksto ng kanyang mga isinulat.
Sa kaso natin, sa Roma 3:31, malinaw na malinaw yung konteksto na sumusuporta na yung talata 31 ay hindi tumutukoy sa Sampung Utos, kundi sa patotoo ng mga Kasulatan ng Lumang Tipan. Ito uli yung nakasulat sa talata 21:
"Datapuwa't ngayon bukod sa kautusan ay ipinahahayag ang isang katuwiran ng Dios, na sinasaksihan ng kautusan at ng mga propeta." (Rom 3:21 Tagalog AB)
Ito mismo yung patotoo ng SDA Bible Commentary:
"Ang kautusan at ang mga propeta. Ito ay tumutukoy sa mga Kasulatan ng Lumang Tipan. Sa wikang Griyego, may artikulo na kasama ng salitang 'kautusan'. Walang anumang pagsalungat sa pagitan ng Lumang Tipan at Bagong Tipan. Bagamat ang pagpapakita ng katuwiran ng Diyos ay hiwalay sa kautusan, ito ay hindi laban sa kautusan at sa mga propeta. Sa halip, ito ay kanilang inihula (tingnan ang Juan 5:39). Ang Lumang Tipan ay, sa diwa nito, nagpapahayag ng katuwiran na mahahayag kay Cristo at matatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya, gaya ng isinasaad sa Bagong Tipan (tingnan ang Gawa 10:43; 1 Pedro 1:10, 11). Nauna nang sinipi ni Pablo ang Hab. 2:4, 'Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya' (Roma 1:17). Sa buong sulat na ito, patuloy na binabanggit ni Pablo ang Lumang Tipan bilang patunay na ang katuwiran ay sa pamamagitan ng pananampalataya (tingnan ang kabanata 4; 10:6, 11)."[7]
Sa madaling salita, yung pagiging matuwid ng Diyos, na tugma sa Kautusan at sa mga Propeta (Old Testament Scriptures), ay ipinapakita sa parehong Lumang Tipan (LT) at Bagong Tipan (BT). Hinuhulaan ng Lumang Tipan yung pagiging matuwid na ipapakita kay Kristo at matatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya, isang katotohanan na kinumpirma sa Bagong Tipan. Madalas gamitin ni Pablo ang aklat ng Lumang Tipan para patunayan ang kanyang itinuturo.
#3. Matuwid Dahil sa Pananampalataya, Hindi sa Kautusan, Gaya ni Abraham sa Lumang Tipan
Yung sumunod na kabanata, Roma 4, nagpapakita na yung pananampalataya ay nagpapatibay sa mga Kasulatan ng Lumang Tipan, hindi yung Sampung Utos. Tuloy-tuloy ang Roma 4 mula sa Roma 3, at ginamit si Abraham bilang halimbawa. Tinuring na matuwid si Abraham ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya, hindi dahil sinunod niya yung Sampung Utos, na, gaya ng sinabi sa Galacia 5, wala pa noong panahon ni Abraham. Yung kautusan, kasama na yung Sampung Utos, ay binigay 430 years later noong panahon ni Moises at ng mga Israelita sa ilang pagkatapos silang palayain mula sa pagkaalipin sa Ehipto.
Galacia 3:17 (The Living Bible) "Ganito ang ibig kong sabihin: Ang pangako ng Diyos na magliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya — at isinulat pa ng Diyos ang pangakong ito at pinagtibay — ay hindi maaaring pawalang-bisa o baguhin pagkalipas ng apat na raan at tatlumpung taon nang ibinigay ng Diyos ang Sampung Utos." (akin ang pagsasalin sa Filipino)
Ginamit si Abraham bilang halimbawa para ipakita na ang pagiging matuwid ay sa pamamagitan lang ng pananampalataya ng hiwalay sa kautusan. Bilang ninuno ng mga Hudyo, mahalaga ang halimbawa niya sa argumento ni Pablo sa Roma 3. Kinonekta ni Pablo yung pagtanggi niya sa pagmamayabang (Roma 3:27–31) kay Abraham, na ipinakita niya bilang pangunahing halimbawa para sa bayan ng Diyos at modelo ng pagiging matuwid para sa mga hindi Hudyo at mga Hudyo. Sa Roma 4:1–16, sinabi ni Pablo na si Abraham ay naging matuwid dahil sa pananampalataya, hindi dahil sa mga gawa. Si Abraham ay itinuturing na unang nag-convert na Gentile at unang Hudyo na tumanggap ng tipan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtutuli. Salungat sa tradisyonal na pananaw ng mga Hudyo, sinabi ni Pablo na si Abraham, ang ninuno nila, ay hindi naging matuwid dahil sa kanyang mga gawa, na maaaring magbigay ng dahilan para magmayabang sa harap ng mga tao pero hindi sa harap ng Diyos.
Malaking pagkakamali para sa mga kaibigan nating Sabadista na igiit na sinusuportahan ng Roma 3:31 ang pagsunod sa Sampung Utos sa pamamagitan ng pananampalataya. Maling iniintindi nila ito bilang tumutukoy sa Sampung Utos dahil sa mali nilang paraan ng paggamit ng mga talata nang hiwalay sa konteksto. Pinakita natin na mali ang paliwanag nila; hindi yung Sampung Utos ang pinapatibay ng pananampalataya, kundi yung buong Kasulatan ng Lumang Tipan, na nagpapatotoo na ang pagiging matuwid ay nakukuha ng kapwa mga Hudyo at Hentil sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesus sa krus, na hiwalay sa kautusan o sa Sampung Utos. Ito ay suportado ng:
1. Yung konteksto ng Roma 3:31, wala talagang kinalaman sa Sampung Utos.
2. Yung salitang "kautusan" sa Roma 3:31 ay tumutukoy sa mga Kasulatan ng Lumang Tipan, hindi sa Sampung Utos.
3. Yung pagiging matuwid dahil sa pananampalataya, hiwalay sa kautusan, ay nagpapatibay sa pamamagitan ng halimbawa ni Abraham sa Lumang Tipan.
Dalangin ko, sa tulong ng biyaya ng Panginoon, na maunawaan ng mga Sabadista ang tamang pag-intindi sa Roma 3:31. Para makalaya sila sa maling turo at lubos na sumuko sa tunay na daan ng kaligtasan, na galing lang sa katuwiran ni Jesus, ang ating Panginoon at Tagapagligtas!
References:
[1] Ministerial Association General Conference of Seventh-day Adventists. Seventh-day Adventist Believe: A Biblical Exposition of Fundamental Doctrines. 2005 Second Edition, USA, Pacific Press Publishing Association, 2006. 276
[2] Dederen, Raoul. Handbook of Seventh-Day Adventist Theology. Electronic ed., vol. 12, Review and Herald Publishing Association, 2001, p. 471.
[3] Nichol, Francis D., editor. The Seventh-Day Adventist Bible Commentary. Review and Herald Publishing Association, 1980, p. 509.
[4] Ministerial Association General Conference of Seventh-day Adventists. Seventh-day Adventist Believe: A Biblical Exposition of Fundamental Doctrines. 2005 Second Edition, USA, Pacific Press Publishing Association, 2006. 276
[5] Nichol, Francis D., editor. The Seventh-Day Adventist Bible Commentary. Review and Herald Publishing Association, 1980, p. 510.
[6] Raoul Dederen, Handbook of Seventh-Day Adventist Theology, Commentary Reference Series, electronic ed., (Hagerstown, MD: Review and Herald Publishing Association, 2001), 12:471.
[7] Nichol, Francis D., editor. The Seventh-Day Adventist Bible Commentary. Review and Herald Publishing Association, 1980, p. 501.
No comments:
Post a Comment