FEATURED POST

"PAGLALANTAD SA MGA KASINUNGALIAN NI PASTOR BJORN CAPIENDO AT JOHNSON AMICAN TUNGKOL SA “THREE HOLIEST BEINGS” NI ELLEN G. WHITE!"

Ang live na episode ng 'Katotohanan' sa Hope TV kung saan tinalakay nina Johnson Amican at Pastor Bjorn Capiendo ang konsepto ng Tri...

MOST POPULAR POSTS

Thursday, December 14, 2023

TAMA BANG SABIHIN NG ISANG ADVENTIST NA NASUSUNOD NIYA ANG 10 UTOS DAHIL SA BIYAYA NG DIYOS?


Maraming mga tagapagtanggol ng Seventh-day Adventist ang nagsasabi na sinusunod nila ang 10 Utos. Subalit, may pagkakaiba-iba sila sa kanilang interpretasyon kung paano nila ito isinasabuhay. Ang ilan sa kanila ay nagpapakumbaba at inaamin na hindi nila kayang sundin ang lahat ng utos nang perpekto, kaya umaasa sila sa biyaya ni Kristo na magbigay ng kapatawaran sa kanilang mga pagkukulang. Ang ilan naman ay nagmamalaki at nagpapanggap na walang sala na tinutupad nila ang Sampung Utos “sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos!” Bilang isang mambabasa ng artikulong ito, sigurado ako na marami sa inyo ay hindi sang-ayon sa ganitong uri ng pagmamataas.

Kung hindi ka kabilang sa SDA church, baka maakit ka ng kanilang mga pahayag, ngunit para sa mga tulad ko na naging bahagi ng SDA church ng mahabang panahon, isa itong malaking katatawanan. Ang New Testament ay nagbibigay ng malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng Kautusan (kabilang ang Sampung Utos) at ng biyaya. Ayon sa Juan 1:17:

Sapagka't ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay nagsidating sa pamamagitan ni Jesu-cristo.(Juan 1:17 Tagalog AB)

Obserbahan natin sa talatang ito na hindi ipinagkaloob ang Biyaya at ang Kautusan kay Jesus; sa halip, ang Kautusan (kasama na ang 10 Utos) ay iniuugnay kay Moises, at ang Biyaya lamang ang iniuugnay kay Jesus, hindi kasama ang Kautusan. Ipinagtibay pa ito ng pahayag na "ang katotohanan ay nagsidating sa pamamagitan ni Jesu-cristo." Syempre, hindi ibig sabihin nito na walang katotohanan kay Moises. Ito'y nagpapahiwatig lamang na ang Kautusan ni Moises, kasama ang Sampung Utos, ay "mga anino ng mga bagay na magsisidating: ngunit ang katawan (Grk. soma) ay kay Cristo" (Colosas 2:17). Ayon sa Analytical Lexicon of the Greek New Testament, ang salitang "soma" ay nangangahulugang "figuratively as substance or reality in contrast to shadow." Ito'y nangangahulugang ang Kautusan ni Moises, kasama ang 10 Utos sa ilalim ng Old Covenant, ay itinuturing lamang na isang anino o pansamantalang bagay, at ang buong kahulugan nito o ang katotohanan ay natupad na kay Kristo. 

Kaya kung hinahanap mo ang katotohanan, si Kristo lamang ang kailangan mo, hindi si Moises at ang mga “aninong” kautusan (kasama na ang 10 Utos) na ibinigay sa mga Israelita noon sa Bundok Sinai. Kung tunay kang Kristiyano, itutok mo ang iyong mata sa Bundok ng Kalbaryo sa Krus ni Kristo at hindi sa Bundok ng Sinai sa Kautusan ni Moises kasama ang Sampung Utos.
Kung tunay kang Kristiyano, itutok mo ang iyong mata sa Bundok ng Kalbaryo sa Krus ni Kristo at hindi sa Bundok ng Sinai sa Kautusan ni Moises kasama ang Sampung Utos.
Isa sa mga mahalagang aral na matututunan natin sa Bibliya ay ang pagkakaiba ng Kautusan at Biyaya. Ang Kautusan ay ang mga utos at tuntunin na ibinigay ng Diyos kay Moises para sa bayan ng Israel. Ang Biyaya ay ang kaloob na kaligtasan at kapatawaran na ibinigay ng Diyos kay Jesus para sa lahat ng mga nanampalataya sa kanya.

Ito ay nagpapakita ng malaking pagkakaiba sa dalawang paraan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ito rin ang naging pananaw ng mga apostol ni Jesus. Halimbawa, sa Galacia 5:18, sinabi ni Pablo na kung pinapatnubayan tayo ng Espiritu Santo, hindi na tayo ilalim sa Kautusan.

Datapuwa't kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan. (Galatians 5:18 Tagalog AB)

Ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Paul sa talatang ito? Sa Galacia 5:18, sinabi niya na ang mga pinapatnubayan ng Espiritu ay hindi na kailangan sumunod sa kautusan. Ito ay isang malinaw na pagpili sa pagitan ng dalawang bagay: ang Espiritu o ang kautusan. Hindi pwedeng pagsamahin ang dalawa. Kung ang isang Adventist ay nagsasabing siya ay pinapatnubayan ng Espiritu, dapat ay tanggapin niya na hindi na siya obligado sa kautusan, pati na rin sa 10 Utos. Ngunit kung ang isang Adventist ay nagsasabing siya ay sumusunod pa rin sa kautusan o 10 Utos, ibig sabihin ay hindi siya pinapatnubayan ng Banal na Espiritu. At lalong mali kung ang isang Adventist ay nagsasabing siya ay pinapatnubayan ng Espiritu at sumusunod pa rin sa kautusan/10 Utos. Ito ay isang pagtutol sa sinabi ni Paul at isang paglaban sa biyaya ng Diyos.

Kaya kahit mukhang tama sa pandinig ninuman ang sinasabi nilang tinutupad nila ang Kautusan dahil sa biyaya ng Diyos ay maling-mali talaga ang pangangatuwirang ito ng mga Adventist. Tumutugma dito ang babala sa Kawikaan:

May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan. (Proverbs 14:12 Tagalog AB)

Sa Bagong Tipan, sinabi ni Apostol Pablo na ang 10 Utos ay "ministeryo ng kamatayan" at "paghatol". Bakit kaya niya ito sinabi? Ano ang ibig sabihin nito para sa atin?

`Na sa amin naman ay nagpapaging sapat na mga ministro ng bagong tipan; hindi ng titik, kundi ng espiritu: sapagka't ang titik ay pumapatay, datapuwa't ang espiritu ay nagbibigay ng buhay. Nguni't kung ang pangangasiwa ng kamatayan, na nasusulat, at nauukit sa mga bato, ay nangyaring may kaluwalhatian, ano pa't ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises, dahil sa kaluwalhatian ng kaniyang mukha; na ang kaluwalhatiang ito'y lumilipas: (2 Corinthians 3:6-7 Tagalog AB)

Ang “nasusulat at nauukit sa mga bato” sa talatang ito ay walang ibang tinutukoy kundi ang 10 Utos kahit mga Adventist ay sumasangayon dito. Ang problema lamang sa kanila ay hindi nila matanggap ang ilang mahahalagang punto sa mga talatang ito:

  • Ang 10 Utos ay bahagi ng Lumang Tipan na isinulat sa dalawang tapyas ng bato at nagdala ng kamatayan, ngunit ang Bagong Tipan ay isinulat sa mga puso ng tao at nagdala ng buhay (v. 6-7).

  • Ang 10 Utos ay may kaluwalhatian na nawala, ngunit ang Bagong Tipan ay may kaluwalhatian na higit at nananatili (v. 8-11).

  • Ang 10 Utos ay nagpapatakot sa mga tao at hindi nagpapalapit sa Diyos, ngunit ang Bagong Tipan ay nagbibigay ng kumpiyansa at kalayaan na lumapit sa Diyos (v. 12-13).
Sa liwanag ng mga nabanggit na mga punto, hindi tama na ipagmalaki ng isang Adventista na sinusunod nya ang Kautusan/10 Utos sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos o gabay ng Holy Spirit dahil hindi sila pareho ng layunin, tungkulin at papel na ginagampanan sa buhay ng mga Kristiyano sa ilalim ng biyaya. Gaya ng sinabi sa Roma 6:14:

Sapagka't ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka't wala kayo sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim ng biyaya. (Romans 6:14 Tagalog AB)

Samakatuwid, ang isang tunay na Kristiyano ay hindi nabubuhay sa “ilalim ng kautusan” at the same time ay nabubuhay din sa “ilalim ng biyaya” ng magkasabay. Tulad na ng nabanggit kanina it is “either/or” at hindi “both/and” na gaya ng ginagawa ng mga Adventist. Bakit kaya ang mga nasa ilalim ng kautusan sa talatang ito ay sinasabing pinaghaharian ng kasalanan? Kasi habang nasa ilalim ka ng kautusan/10 Utos nasa ilalim ka ng sumpa dahil sa hindi mo kayang tuparin siya ng tuloy-tuloy mula sa iyong kapanganakan hanggang iyong kamatayan (Gal. 3:10-12). Si Jesu-Kristo lamang bilang tao ang naka perfect nito. Kaya nakakakilabot ang sinumang Adventist na nagyayabang na naperfect na daw nila ang 10 Utos gaya ng isang SDA apologist na narinig ko sa isang debate kailan lang sa Facebook. Yung ganung klase ng tao ang dapat na tawaging “antikristo” dahil nakikipag kumpetensya pa siya sa perfection ni Kristo imbis na may pagpapakumbabang tanggapin na lang niya by faith ang righteousness ni Kristo dahil sa kanyang perfect obedience sa will ng Diyos Ama (Rom. 8:1-4).

Isang mas malalim at mas malinaw na pagsusuri ng sulat ni apostol Pablo sa mga taga Galacia ang magpapakita kung bakit hindi tama ang paniniwala ng mga Adventist na sila ay sumusunod sa Kautusan/10 Utos sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Sa sulat na ito, ipinaliwanag ni Pablo ang kahulugan at layunin ng Kautusan, ang papel ng biyaya at pananampalataya, at ang kalagayan ng mga Kristiyano sa ilalim ng bagong tipan. Binigyang-diin niya na ang Kautusan ay hindi nagbibigay ng kaligtasan, kundi nagpapakita lamang ng kasalanan at pangangailangan sa biyaya. Ang biyaya ay ang libreng kaloob ng Diyos na nagpapatawad at nagbibigay-buhay sa mga nananalig kay Cristo. Ang pananampalataya ay ang tugon ng tao sa biyayang ito, na nagpapahayag ng tiwala at pagsuko kay Cristo. Ang mga Kristiyano ay hindi na nasa ilalim ng Kautusan, kundi nasa ilalim ng Espiritu Santo, na gumagabay at nagpapatibay sa kanila upang mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos.

Oh mga mangmang na taga Galacia, sino ang mga nagsigayuma sa inyo, na sa harapan ng inyong mga mata'y si Jesucristo, na napako sa krus, ay maliwanag na inihayag? Ito lamang ang ibig kong maalaman sa inyo, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig ng tungkol sa pananampalataya? Napakamangmang na baga kayo? kayong nagpasimula sa Espiritu, ngayo'y nangagpapakasakdal kayo sa laman? (Galatians 3:1-3 Tagalog AB)

Ang liham na ito sa mga taga-Galacia ay nagpapakita ng pagkabahala ni Pablo sa mga taga-Galacia na madaling nalimutan ang ebanghelyo na ipinahayag niya sa kanila. Ipinaliwanag ni Pablo na ang kaligtasan ay nakabatay sa pananampalataya kay Cristo, hindi sa pagsunod sa Kautusan. Ginamit ni Pablo ang kanilang karanasan ng Espiritu Santo bilang katibayan na sila ay tinanggap ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, hindi dahil sa kanilang mga gawa ng pagsunod sa kautusan. Sa madaling sabi, ang problema ng mga taga-Galacia ay katulad din ng problema ng mga SDA ngayon. Paano? Tulad ng mga taga-Galacia, tinanggap nila sa simula ang kaligtasan at Espiritu Santo sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya lamang ngunit sa huli dinagdag nila ang pagsunod sa Kautusan kasama na ang 10 Utos lalo na ang Sabbath na ipinagmamalaki pa nilang sila lamang daw ang nakakasunod kahit hindi naman itinuro sa Bagong Tipan. Labag ito sa Roma 1:17.

Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. (Romans 1:17 Tagalog AB)

Paano kung gayon naligtas ang isang Kristiyano? Ang tunay na Kristiyano ay nabubuhay sa pananampalataya, (hindi pananampalataya at kautusan) at ito’y mula sa pananampalataya HANGGANG sa pananampalaya hindi tulad sa mga Adventist na mula sa pananampalataya HANGGANG kautusan.Dahil dyan ang nakakalungkot na katotohanan ay ang SDA church as a whole ay nabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya at kautusan. At kung hindi sila mag repent sa “heresy of Galatianism” yan ay mahuhulog sila mula sa biyaya dahil pinaghalo nila ang kautusan at biyaya:

Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong nangagiibig na ariing-ganap ng kautusan; nangahulog kayo mula sa biyaya. (Galatians 5:4 Tagalog AB)

Kaya tama bang sabihin ng isang Adventist na nasusunod niya ang 10 Utos dahil sa biyaya ng diyos? Hindi po tama ito ayon sa Biblia. Ang ganyang kaisipan ng mga Adventist ay magdala sa kanila sa kapahamakan dahil hiwalay sila kay Cristo at nangahulog sila mula sa biyaya ng Diyos maliban na lamang kung sila ay magrepent at iwanan ang Seventh-day Adventist church at isuko ang kanilang buhay sa kay Jesu-Kristo bilang personal na Panginoon at Tagapagligtas.




No comments:

Post a Comment