"At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal." (Gawa10:28)
Seventh-day Adventist Bible Commentary Vol. 6, p. 250
Sagot:
Binibigyang-diin ng mga Sabadista na walang kaugnayan ang kautusan tungkol pagkain para sa Israel at ang implikasyon nito sa relasyon ng mga Hudyo at mga Hentil. Batay sa Kautusan ni Moises, ang mga kaugalian sa pagkain ay may malalim na kaugnayan sa pakikipag-ugnayan ng mga tao. Sa kultura ng Near East, ang pagbabahagi ng pagkain at pakikisalamuha ay mahalagang paraan upang mapatatag ang ugnayan sa komunidad (Lucas 11:5-8). Ayon sa pag-aaral ng Anthropology Review, ang "commensality," o ang sama-samang pagkain, ay isang pangunahing bahagi ng interaksyon ng tao, isang tradisyong makasaysayan at unibersal. Ganito ang paliwanag ng Anthropology Review:
"Ang 'commensality', o ang pagsasalo ng pagkain kasama ang iba, ay isang mahalagang aspeto ng pakikisalamuha ng tao. Sa iba't ibang kultura at kasaysayan, ang sama-samang pagkain ay may mahalagang papel sa pagpapatibay ng relasyon at pagbuo ng komunidad. Ang pagkain at mga kaugalian sa pagkain ay mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan ng kultura. Ang ating kinakain, paano tayo kumain, at kung sino ang ating kasalo ay naaapektuhan ng ating pinagmulan at tradisyon. Bukod sa pagpapanatili ng ating pangangatawan, ang pagkain ay may mahalagang papel din sa paghubog ng ating pagkatao. Ang **commensality**, o ang pagsasalo ng pagkain, ay hindi lamang isang pisikal na aktibidad kundi isang gawaing panlipunan din. Ang sama-samang pagkain ay tumutulong sa pagbuo ng relasyon at komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon para magka-ugnay at magbahagi ng karanasan ang mga tao." (akin ang pagsasalin sa Filipino)[2]
Dagdag pa rito, ipinaliwanag ng The Anthropology Review kung paanong ang mga pagtitipon tulad ng piging at pagdiriwang ay nagpapalalim sa mga koneksyon at nagpapatibay sa ugnayan sa loob ng isang lipunan.
"Ang mga piging ay isa pang halimbawa kung paano nakapagpapalakas ng ugnayang panlipunan ang sama-samang pagkain. Sa maraming kultura, ang mga piging ay kaugnay ng pagdiriwang at mga natatanging okasyon. Sa pagsasalo ng pagkain at inumin, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga tao na patibayin ang umiiral na relasyon at bumuo ng mga bagong ugnayan." (akin ang pagsasalin sa Filipino). [3]
Ang kautusan ng Israel tungkol sa pagkakaiba ng marumi at malinis na pagkain ay nagsilbing proteksyon at pumipigil sa kanila na matuksong sumama sa mga ipinagbabawal na piging ng mga Hentil, makipag-ugnayan sa kanila sa masamang paraan, at kalimutan ang kanilang tipan sa Diyos.
"Ni magaasawa sa kanila; ang iyong anak na babae ay huwag mong papag-aasawahin sa kaniyang anak na lalake, ni ang kaniyang anak na babae, ay huwag mong papag-aasawahin sa iyong anak na lalake. Sapagka't kaniyang ihihiwalay ang iyong anak na lalake sa pagsunod sa akin, upang sila'y maglingkod sa ibang mga dios: sa gayo'y magaalab ang galit ng Panginoon laban sa iyo, at kaniyang lilipulin kang madali. Kundi ganito ang inyong gagawin sa kanila; inyong igigiba ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputolputulin ang kanilang mga haligi na pinakaalaala at inyong ibubuwal ang kanilang mga Asera, at inyong susunugin sa apoy ang kanilang mga larawang inanyuan. Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios; pinili ka ng Panginoon mong Dios upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa." (Deuteronomio 7:3-6)
Nakakalungkot na maraming Sabadista ang may limitadong pag-unawa sa mga kultura ng "commensality" noong panahon ng Bibliya. Dahil dito, maaaring itinuturing nilang hiwalay ang mga usapin ng pagkain at ang pakikisalamuha ng mga Hudyo at Hentil. Madalas na hinahati ng mga Sabadista ang mga turo ng Bibliya upang suportahan ang kanilang mga paniniwala at ipilit ang kanilang interpretasyon. Ganito din ang ginawa nila nang hatiin ang iisang Kautusan ng Diyos sa "seremonyal" at "moral" upang igiit na ang Sabbath ay walang hanggan. Ngayon, kailangan nilang paghiwalayin ang pagkain at ang epekto nito sa ugnayan ng mga Judio at Hentil upang umayon sa kanilang paniniwalang ang nilinis sa Gawa 10 ay tao, hindi hayop. Ang totoo, ang pangitain ni Pedro sa Gawa 10 ay sumasaklaw sa parehong pagkain at tao. Narito ang konklusyon mula sa New International Dictionary of Old Testament Theology and Exegesis, isang reperensiyang matagal nang ginagamit ng mga Sabadistang iskolar:
"Ang pangitain ni Pedro tungkol sa telang bumababa mula sa langit sa Gawa 10:9–16 ay nagpapakita na ang pambansang paghihiwalay na epekto ng mga kautusan tungkol sa malinis at maruming mga hayop ay naramdaman sa paglipas ng mga panahon." (akin ang pagsasalin sa Filipino) [4]
Maaaring hindi batid ng mga Sabadista ang katotohanang ito, o kung batid man nila, maaaring pinili nilang huwag itong ibunyag upang maiwasan ang potensyal na kahihiyan kapag natuklasan ng kanilang mga miyembro ang kanilang pagkakamali.
Ang Layunin ng Pagkakaiba sa Pagitan ng "Malinis" at "Marumi" sa Levitico 11 at Deuteronomio 14
Bakit nga ba "malinis" ang ilan at "marumi" ang iba pagdating sa pagkain? Ito ang tanong ng maraming estudyante ng Bibliya (Levitico 11; tingnan din ang Deuteronomio 14:3–21). Ilan sa mga sagot ay:Kalinisan: posibleng dahilan ang mga isyu sa sanitasyon tulad ng pagkalat ng sakit at ang hindi ligtas na pagkain ng hilaw o hindi lutong baboy.
Pagsubok: walang tiyak na dahilan ang pagtatalaga ng ilang hayop bilang marumi; ito ay upang subukin ang katapatan.
Paganismo: ang "maruruming" hayop ay ginagamit sa mga seremonya ng mga hindi Israelita; halimbawa, ang baboy sa mga paganong ritwal.
"Kayo'y mga anak ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong magkukudlit, ni magpapakakalbo sa pagitan ng inyong mga mata, ng dahil sa patay. Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios, at ikaw ay pinili ng Panginoon upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa. Huwag kang kakain ng anomang karumaldumal na bagay." (Deuteronomio 14:1-3)
Sinasabi sa Word Studies in the New Testament:
"Ang mga Hudyo ay nagsasabing ibinabatay nila ang pagbabawal na ito sa batas ni Moises, ngunit walang direktang utos sa batas ni Moises na nagbabawal sa mga Hudyo na makisalamuha sa mga tao mula sa ibang mga bansa. Gayunpaman, ang pahayag ni Pedro ay pangkalahatan, na tumutukoy sa karaniwang gawain ng mga Hudyo na ihiwalay ang kanilang sarili sa pang-araw-araw na buhay mula sa mga hindi tuli." (akin ang pagsasalin sa Filipino) [6]
Ang paggamit ni Pedro ng "hindi matuwid" sa Gawa 10:28 ay hindi mula sa Griyegong "nomos," na tumutukoy sa 613 kautusan ni Moises. Sa halip, ginamit niya ang "athemitos," na nangangahulugang "paglabag sa tradisyon o sa karaniwang pagkilala kung ano ang angkop o tama."[7] Kaya, walang kautusan sa Lumang Tipan na nagbabawal sa pakikisalamuha sa mga Hentil; ang mga rabbi ang nagpakilala ng mga ganitong alituntunin at ginawang sapilitan sa pamamagitan ng kaugalian.
Kung gayon, hindi itinuring ng Diyos na marumi ang mga Hentil, kaya hindi sila dapat ituring na gayon. Ang mga rabbi ng mga Hudyo ang bumuo ng patakarang ito, na pinaniniwalaan naman ng mga Sabadista. Kung hindi itinuring na marumi ng Diyos ang mga Hentil, ano ang tinutukoy na "marumi" sa Gawa 10:15 nang sabihin ng Diyos, "Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi"? Ito ay tumutukoy sa mga karumaldumal na hayop sa Levitico 11 at Deuteronomio 14, kung saan ginamit ng Diyos ang "malinis" at "marumi" para lamang sa mga hayop, at hindi para sa mga Hentil.
Pagbabawal sa Pagkain na Nilinis na ng Diyos: Isang Aral ng Demonyo
Ipinapakita rin sa Bagong Tipan ang pagbabago sa pang-unawa ng mga Kristiyano, Judio man o Hentil, sa mga kautusan tungkol sa malinis at maruming pagkain sa ilalim ng bagong tipan. Sa ilalim ng Lumang Tipan at ng Kautusan ni Moises, ang pag-iwas ng mga Israelita sa maruming pagkain ay itinuring na paraan upang matamo ang pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos. Gayunpaman, sa Bagong Tipan, nagbago na ang pananaw na ito; hindi natin makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng ating kinakain.
1 Corinto 8:8 (New Living Translation) "Totoo na hindi natin makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng ating kinakain. Wala tayong nawawala kung hindi natin ito kakainin, at wala rin tayong makikinabang kung kakainin natin ito." (akin ang pagsasalin sa Filipino)
Sa Bagong Tipan, hindi na nagtatangi ang mga Kristiyano sa pagkain. Nauunawaan nilang wala nang pagkaing likas na marumi, hindi tulad sa Lumang Kautusan ni Moises.
Roma 14:14 (Amplified Bible) "Alam ko at ako'y kumbinsido (nahikayat) bilang isa kay HesuKristo, na walang anumang bagay na [ipinagbabawal bilang] likas na marumi (dungis at hindi banal sa kanyang sarili). Ngunit [sa kabila nito] ito ay marumi (dungis at hindi banal) sa sinumang naniniwala na ito ay marumi." (akin ang pagsasalin sa Filipino)
Sa Bagong Tipan, nauunawaan ng mga Kristiyano na bilang mga mamamayan ng Kaharian ng Diyos, ang kanilang kinakain ay wala ng kinalaman sa kanilang pananampalataya at kaligtasan hindi tulad noon sa Lumang Tipan.
Roma 14:17, 20 (Easy Readers Version) "Sa Kaharian ng Diyos, hindi mahalaga ang ating kinakain at iniinom. Narito ang mahalaga: ang tamang paraan ng pamumuhay, kapayapaan, at kagalakan—lahat mula sa Banal na Espiritu. Huwag hayaang sirain ng pagkain ang gawain ng Diyos. Lahat ng pagkain ay tama kainin, ngunit mali para sa sinuman na kumain ng bagay na nakakasama sa pananampalataya ng ibang tao." (akin ang pagsasalin sa Filipino)
Sa katunayan, itinuro sa mga Kristiyano sa Bagong Tipan na ang sinumang magpumilit na may mga pagkaing hindi dapat kainin ay dapat ituring na isang bulaang guro na nagkakalat ng mga turo ng demonyo.
1 Timoteo 4:1, 3-5 (Int'l English ERV) "Sinasabi ng Espiritu nang malinaw na sa mga huling araw, may mga tatalikod sa ating pananampalataya. Susundin nila ang mga espiritu na nagsisinungaling. At susundan nila ang mga turo ng mga demonyo. Sinasabi nila na mali ang mag-asawa. At sinasabi nila na may mga pagkaing hindi dapat kainin ng tao. Ngunit nilikha ng Diyos ang mga pagkaing ito, at ang mga naniniwala at nakauunawa ng katotohanan ay maaari itong kainin ng may pasasalamat. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang nilikha siya na dapat tanggihan kung ito ay tinanggap ng may pasasalamat sa Kanya. Ang lahat ng nilikha Niya ay ginagawang banal sa pamamagitan ng Kanyang sinabi at ng panalangin." (akin ang pagsasalin sa Filipino)
Ako ay umaasa at nananalangin nang taimtim na ang mga katuruan mula sa mga apostol ng Bagong Tipan ay magsilbing tanglaw sa ating mga kapatid na Sabadista. Sa pamamagitan ng walang hanggang biyaya ng Diyos, nawa'y sila ay akayin tungo sa mapagpakumbabang panalangin at pagsisisi sa pagpapalaganap ng isang doktrinang mula sa demonyo na nagbabawal sa pagkain ng lahat ng nilinis na ng Diyos.
Conclusion:
Batay sa ating pagsusuri sa konteksto ng mga batas sa pagkain ng mga Hudyo, malinaw na ang pangitain ni Pedro sa Gawa 10:9-16 ay tungkol sa pagpapawalang-bisa ng Diyos sa pagkakaiba ng malinis at maruming hayop. Bagama't hindi ito direktang tumutukoy sa mga Hentil, ang isa sa mga implikasyon nito ay ang pagbabago sa pakikisalamuha ng mga Hudyo sa mga Hentil. Hindi magkakaroon ng tunay na pagkakaisa ang mga Hudyo at Hentil kung patuloy na susundin ng mga Hudyo ang kanilang mga batas sa pagkain. Ipinakita sa pangitain kay Pedro na ang paghahati ng Torah sa malinis at maruming hayop ay wala nang bisa. Pinahintulutan na siyang pumatay at kumain ng mga hayop na dating itinuturing na marumi. Sa pagmumuni-muni sa pangitain, naunawaan ni Pedro na isa sa mga implikasyon ng bagong utos ng Diyos ay ang hindi na dapat ituring na marumi ang mga taong dating itinuturing na ritwal na marumi ng mga rabbi dahil sa hindi pagsunod sa mga batas sa pagkain ng mga Hudyo.
Kaya naman, ang pahayag ng mga Seventh-day Adventist na ang pangitain ni Pedro sa Gawa 10:9-16 ay hindi tungkol sa pagkain kundi sa mga tao ay mali at walang batayang biblikal, historikal, o kontekstwal. Ito ay isang gawang-taong doktrina na naglalayong iligaw ang mga tao upang paniwalaan ang kanilang maling ebanghelyo.
References:
[1] Francis D. Nichol, Ed., The Seventh-Day Adventist Bible Commentary, (Review and Herald Publishing Association, 1980), 6:250.
[2] https://anthropologyreview.org/anthropology-glossary-of-terms/commensality-the-social-practice-of-eating-together/
[3] ibid.
[4] Willem Van Gemeren Zondervan 1997(New International Dictionary of Old Testament Theology and Exegesis (NIDOTTE) (5 Vols.))
[5] Loeb Classical Library, The Apostolic Fathers Vol. II, Edited and Translated by Bart Ehrman p. 103
[6] Marvin Richardson Vincent, Word Studies in the New Testament, (New York: Charles Scribner’s Sons, 1887), 1:501.
[7] (Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, 3rd. ed. (BDAG))
This thesis is educational and spiritual. The presentation of the issue is logical and sound. In the Lord Yeshua the Christ there is no more distinction in food and people. What matters is we strive to become a better person and follower of the King and Saviour of all who accept, believe, listen, have faith, and obey the Voice of God through the Lord Yeshua the Messiah. HalleluYah! Chesed and Shalom!
ReplyDelete