Friday, April 25, 2025

MGA WIRDONG ARAL NI ELLEN G. WHITE TUNGKOL SA KALIGTASAN KUMPARA SA TURO NG BIBLIA!



Sa tagal kong naging debotong Seventh-day Adventist, paniniwala ko noon na ang mga aklat ni Ellen G. White ang nagbigay sa akin ng "shortcut" o "espesyal na daan" papuntang langit. Feeling ko, ako yung may hawak ng mga importanteng aklat na nagbunyag sa mga huling-panahong panloloko ni Satanas at siguradong nagtuturo ng tamang daan para maligtas. Nagpapasalamat ako noon kay Ellen G. White dahil ipinakita niya yung mga mali ng paniniwalang "once saved, always saved" at dahil itinaguyod niya yung Sabbath bilang huling pagsubok para malaman kung sino ang "tupa" at sino ang "kambing." Akala ko pa noon, siguradong papasa ako sa huling test na 'yon dahil alam ko na yung sagot.

Sa sobrang tuwa ko na membro na ako ng remnant church ng Diyos, hindi ko napansin kung gaano kahirap pala ang kaligtasan ayon kay Ellen G. White. Ang basa ko sa mga sinulat niya ay dumaan muna sa turo ng mga pastor at manunulat na mga Sabadista, kaya parang pangalawang kuwento lang sa akin ang mga sinasabi niya. Itong mga espirituwal leaders ng Sabadista, siguro sinasadya o hindi, pinipili lang nila ang mga nakakagaan sa loob sa mga turo ni Mrs. White at hindi pinapansin yung mga payo niyang kung ano dapat gawin upang maging perpekto ka para maligtas. Saka ko lang naintindihan na hindi pala ayon sa Bibliya yung sobrang higpit na sinusunod ang turo ni Mrs. White tungkol sa perpektong pagpapakabanal, nung ako na mismo ang nagbasa sa kanyang mga aklat. Gulat na gulat ako na halos imposible palang maabot yung perpektong pamumuhay dito sa lupa na sinasabi niya sa napakaraming sinulat niya. Pagkatapos kong maghirap nang matagal, nagdesisyon akong kumapit lang kay Kristo sa krus at tanggihan ang mga patotoo ni Mrs. White bilang mga bulaang aral.

Ang layunin ng artikulong ito ay tatlo:

Una, ipapakita nito na itinuro ni Ellen G. White na dapat maging perpekto ang karakter ng isang tao bago dumating muli si Kristo. 

Pangalawa, tatalakayin nito kung ano ba talaga ang ibig sabihin ni Ellen G. White kapag ginamit niya ang salitang perpekto

At panghuli, itatanong ko kung sinusubukan man lang ba ng karaniwang Sabadista na mamuhay nang perpekto ayon sa hinihingi ni Ellen G. White. Ipakikita ng artikulong ito na imposibleng maligtas sa sistema ng kaligtasan ayon kay Ellen White.


PERPEKTONG PAMUMUHAY BAGO ANG SECOND COMING NI KRISTO

Isa sa mga unang pangitain ni Ellen G. White, na tinatawag kong "The Dream of the Cords," ay nagpapakita ng kanyang paniniwala na ang langit ay mararating lamang pagkatapos ng matinding paghihirap. Ikinuwento niya na ang mga nalabi ay naglalakad sa isang makitid na landas sa gilid ng isang puting bangin. Sobrang sikip na ng landas kaya hindi na sila makalakad, kaya may mga lubid na ibinaba mula sa itaas, at kumapit sila sa mga lubid na ito habang umaakyat sa puting bangin. Napansin ni Mrs. White na ang pader ng bangin ay puno ng mantsa ng dugo—hindi dugo ni Kristo, kundi dugong "piniga" mula sa kanilang sariling "masasakit na paa" (Testimonies for the Church Vol. 2 pp. 594-597). Ang pangitaing ito ang nagtakda ng tono para sa isang paksa na magiging isa sa mga pangunahing tema niya habang buhay: ang napakalaking personal na pagsisikap na kailangan gawin ng mga Sabadista para marating ang langit.

Itinuturing ng mga Seventh-day Adventist ang aklat na The Great Controversy bilang isa sa pinakamagandang gawa ni Ellen G. White, pero kakaunti lang ang nakakaalam na nakakatakot itong kahilingan na maging "perpekto" ayon sa standard ni Ellen G. White. Habang ibinibigay niya ang kanyang mga propetikong pananaw tungkol sa mga pangyayari sa huling panahon, inilalarawan ni Ellen G. White ang antas ng pagiging perpekto na kailangan para magtagumpay ang nalabing iglesia, pinapayuhan ang kanyang mga tagasunod na masigasig na ituloy ang pagiging perpekto habang si Kristo ay namamagitan pa sa Most Holy Place ng heavenly sanctuary:

"Ngayon, habang ang ating dakilang Punong Saserdote ay gumagawa ng pagtubos para sa atin [isang pagtukoy sa kanyang doktrina na tinatawag na Investigative Judgment], dapat nating hangarin na maging perpekto kay Kristo. Kahit sa isang pag-iisip ay hindi mapapayag ang ating Tagapagligtas na sumuko sa kapangyarihan ng tukso. . . . Ito ang kalagayan kung saan dapat matagpuan ang mga tatayo sa panahon ng kapighatian(Great Controversy  p.623).

Dagdag pa niya, hindi raw madali ang pagtanggap ng biyaya ng Diyos—hindi raw ito basta-basta pag-amin lang na makasalanan ka na gustong humingi ng kapatawaran, pananampalataya, at katapatan bilang regalo mula sa Diyos.

"Yung mga taong hindi handang isantabi ang sarili nilang kagustuhan, magtiis sa pagdarasal sa Diyos, at humingi nang paulit-ulit at seryoso ng Kanyang biyaya, hindi nila 'yon makukuha. Ang makipagbuno sa Diyos—konti lang ang nakakaalam kung paano 'yon!" (Great Controversy p. 621)

Ang pagmamadali na maging perpekto ay dahil sa paniniwalang dapat mamuhay nang perpekto ang mga nalabing hinirang sa panahon ng kapighatian (ang tawag niya sa tribulasyon) para patunayan sa buong uniberso na kayang sundin ng mga nagkasalang tao ang kautusan ng Diyos. Ayon kay Ellen G. White,

"Sa nakakatakot na panahong 'yon, ang mga matuwid ay dapat mamuhay sa harapan ng isang banal na Diyos nang walang tagapamagitan."(Great Controversy p. 614). 

Ipinaliwanag pa niya na kailangan daw ang bersyon ng purgatoryo ng mga Sabadista dahil "dapat 'maubos' ang 'makamundong' pamumuhay ng mga nalabi para 'maipakita nang perpekto ang larawan ni Kristo.'"(Great Controversy p. 621)

Sa panahong ito ng matinding pagsubok ng pananampalataya, ang mga Sabadista ay labis na mag-aalala sa kanilang mga gawa.

"Habang inaakusahan ni Satanas ang mga tao ng Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan, pinapayagan siya ng Panginoon na subukin sila hanggang sa sukdulan. . . . Habang inaalala nila ang nakaraan, nawawalan sila ng pag-asa; dahil sa buong buhay nila, kakaunti lang ang nakikita nilang mabuti. . . . Sinusubukan ni Satanas na takutin sila sa pag-iisip na wala na silang pag-asa, na ang mantsa ng kanilang karumihan ay hindi na kailanman maaalis. Umaasa siyang sirain ang kanilang pananampalataya para sumuko sila sa kanyang mga tukso at talikuran ang kanilang katapatan sa Diyos." (Great Controversy p.618-619).

Ang mga nalabi "ay nangangamba na baka may mga kasalanan silang hindi pa pinagsisihan, at baka dahil sa kanilang pagkukulang, hindi matupad sa kanila ang pangako ng Tagapagligtas: 'Iingatan kita sa oras ng tukso, na darating sa buong mundo.'" (Great Controversy p.619).

Mga tagasunod ni Ellen G. White, huwag kayong paloloko. Ang basta paniniwala lang na kinasihan si Ellen G. White, banal ang ikapitong araw ng Sabbath, at totoo ang iba pang mga turo ng mga Sabadista ay hindi magdadala sa inyo sa kaligtasan. Kung tama si Ellen G. White, dapat ninyong maabot ang perpektong karakter sa buhay na ito. Hindi na dadagdagan ng Diyos ang inyong karakter sa ikalawang pagdating. Kung hindi pa kayo perpekto ngayon, nagkakasala kayo nang walang tagapamagitan. Babagsak kayo sa huling pagsubok.

"Ang mga karakter na nabuo sa buhay na ito ang magtatakda ng kahihinatnan sa hinaharap. Pagdating ni Kristo, hindi Niya babaguhin ang karakter ng sinuman. Ang mahalagang panahon ng pagsubok ay ibinigay para pagbutihin sa pamamagitan ng paghuhugas ng ating mga damit ng karakter at pagpapaputi nito sa dugo ng Kordero. Ang pag-aalis ng mga mantsa ng kasalanan ay nangangailangan ng habambuhay na gawain." (Testimonies for the Church Vol. 4 p. 429).


GAANO BA KA-PERPEKTO ANG PERPEKTO? 

Sa puntong ito, napipilitan ang mga Sabadista na humanap ng lusot. Ano ba ang ibig sabihin ni Ellen G. White noong ginamit niya ang salitang perpekto? Siguro ang ibig niyang sabihin ay perpekto tayo kapag natatakpan ng katuwiran ni Kristo. Siguro ang ibig niyang sabihin ay dapat tayong maging perpekto sa pananampalataya at pagtitiwala. Imposible naman sigurong ang ibig niyang sabihin ay kumpletong perpeksyong moral, di ba?

Ang ilang Sabadista ay kumukuha ng pag-asa sa ilang sipi na nagbibigay-diin sa katuwiran ni Kristo (righteousness of Christ), sa sentro ng pananampalataya, at sa lubos na kawalan ng pag-asa ng gawa ng tao para makamit ang kaligtasan. Gayunpaman, dapat nating isaalang-alang ang lahat ng sipi ni Ellen White tungkol sa kaligtasan, pagpapakabanal, at pagiging perpekto bago tayo makabuo ng mga konklusyon. Hindi ko pa nababasa ang lahat ng kanyang nailathalang mga sulatin, ngunit marami na akong nabasa, at masisiguro ko sa aking mga kaibigang Sabadista na ang mga sipi tungkol sa pagiging perpekto ay mas marami kaysa sa mga sipi na tila puno ng biyaya, sa halos limampu sa isa ang bilang. Ang malaking bahagi ng kanyang mga sipi tungkol sa "biyaya" ay tumutukoy sa unang pagpapawalang-sala ng makasalanan, habang ang mga sipi tungkol sa pagiging perpekto ay lumalabas kapag pinag-uusapan niya ang pagpapakabanal, isang kalagayan na dapat makamit ng mananampalataya bago ang panahon ng kapighatian, ayon kay Mrs. White.

Mag-iingat din ako na huwag masyadong pag-isipan ang bawat salita niya. Huwag nating tingnan ang kanyang mga itinuturo na parang mga abogadong naghahanap lang ng mali. Ayon kay Ellen G. White, ang kanyang mga isinulat ay gumagamit ng 'napakasimpleng pananalita kaya kahit bata ay maiintindihan ang bawat salitang binibigkas' (Selected Messages Vol. 3 p. 92). Sinabi rin niya,

"Gusto kong maging maingat sa pagpili ng mga salita para walang sinuman ang makapagpaliwanag nito sa maling paraan. Dapat kong gamitin ang mga salitang hindi mababaluktot ang kahulugan at magiging kabaligtaran ng tunay kong ibig sabihin." (Selected Messages Vol. 3 p.52).

Bukod dito, importante ring pag-usapan natin ito nang may pag-unawa na si Ellen G. White mismo ay naniniwalang ang mga sinabi niya sa mga sulat, artikulo, at patotoo niya ay direktang galing sa Diyos.

"Pagkahawak ko pa lang ng panulat, hindi na ako nagdidilim ng isip kung ano ang isusulat. Malinaw na malinaw ito na parang may boses na nagsasabi sa akin, 'Kita'y tuturuan at ituturo ko sa iyo ang daan na iyong lalakaran' (Selected Messages Vol. 3 p. 49)."

Dahil kumbinsido siya na ang Diyos ang nasa likod ng lahat ng kanyang isinulat, mariing pinagsabihan ni Ellen G. White ang mga taong naniniwalang inspired ng Holy Spirit ang karamihan sa kanyang mga sulatin pero tinatanggihan naman ang ilang bahagi ng kanyang patotoo. (basahin Selected Messages Vol. 3 p. 68-70).

Narito ang isang maikling listahan ng mga sinabi ni Ellen G. White na nagpapaliwanag kung ano ang kahulugan ng perpekto. Basahin po ninyo ito nang may panalangin, na nauunawaan na ginawa niya ang kanyang makakaya para maging malinaw na malinaw ang pagpapahayag niya ng mga hinihingi ng Diyos para sa perpektong pagpapakabanal.

"Kaya nating magtagumpay. Oo; nang lubos, nang buo. Namatay si Jesus para bigyan tayo ng paraan para makatakas, para mapagtagumpayan natin ang bawat masamang ugali, bawat kasalanan, bawat tukso, at sa huli'y makaupong kasama Niya."(Testimonies for the Church Vol. 1 p. 144).

Ito ba talaga ang tunay na layunin ng pagkamatay ni Kristo, o nagtagumpay Siya para sa atin dahil hindi natin kayang gawin ito para sa ating sarili? Pagkumparahin natin ang sinabi ni Mrs. White sa sinasabi ng Bibliya. Ayon sa kanya, pagkatapos lang daw nating "lubos" na mapagtagumpayan ang kasalanan saka tayo "makakaupong kasama Niya." Sa kabaligtaran, sinasabi ng Bibliya na 

"Dahil sa dakilang pag-ibig niya sa atin, ang Diyos, na sagana sa awa, ay binuhay tayong kasama ni Kristo kahit noong tayo'y patay pa sa ating mga pagsuway—sa biyaya kayo naligtas. At tayo'y ibinangon ng Diyos na kasama ni Kristo at pinaupo tayong kasama niya sa mga kalangitan kay Kristo Jesus" (Efeso 2:4-6, Magandang Balita Biblia). 

Ang mga nananampalataya kay Kristo ay nakaupo na kasama Niya sa kalangitan. Ang "nakaupo" ay past tense, hindi panghinaharap.

"Ang kawalan nila ng kinakailangang paghahanda na ito ang magsasara ng pinto sa mas malaking bahagi ng mga batang nagpapanggap [nagpapanggap na tagasunod ni Kristo], dahil hindi sila magsisikap nang sapat at buong puso para makamit ang kapahingahang natitira para sa mga tao ng Diyos." (Testimonies for the Church Vol. 1 p.155).

Ayon sa sinabing ito ni Mrs. White, ang kapahingahan natin kay Kristo ay resulta ng ating mga gawa, hindi resulta ng Kanyang gawa. (basahin ang Heb. 4:9-10).

"Nakita ko na maraming hindi makakarating sa kaharian. Sinusubok at pinapatunayan ng Diyos ang Kanyang bayan, at marami ang hindi makatatagal sa pagsubok ng karakter, ang sukatan ng Diyos. Marami ang mahihirapang baguhin ang kanilang mga kakaibang katangian at maging walang dungis o kulubot o anumang katulad nito, hindi mapupuna sa harap ng Diyos at tao." (Testimonies for the Church Vol. 1 p.533).

Direkta sinabi ni Mrs. White na nakita niya ito sa isang pangitain.

"Ang kautusan ng Diyos ay hindi masisiyahan sa anumang kulang sa perpekto, o perpekto at buong pagsunod sa lahat ng hinihingi nito. Ang pagtupad lang sa kalahati ng mga kahilingan nito, at hindi pagbibigay ng perpekto at lubos na pagsunod, ay walang silbi." (Testimonies for the Church Vol. 1 p. 416).

"Pumayag si Kristo na mamatay kapalit ng makasalanan, upang ang tao, sa pamamagitan ng pamumuhay nang masunurin, ay makatakas sa parusa ng kautusan ng Diyos."(Testimonies for the Church Vol. 1 pp. 200-201).

"Pagdating Niya, hindi Niya tayo lilinisin sa ating mga kasalanan, aalisin ang mga depekto sa ating mga karakter, o pagagalingin tayo sa ating mga kahinaan sa ugali at disposisyon. Kung gagawin man ito para sa atin, ang gawaing ito ay matatapos bago ang panahong iyon." (Testimonies for the Church Vol. 2 p. 355).

"Walang tatanggapin ang Diyos kundi kalinisan at kabanalan; kahit isang dungis, isang kulubot, isang depekto sa karakter, ay magbabawal sa kanila magpakailanman sa langit, kasama ang lahat ng kaluwalhatian at kayamanan nito." (Testimonies for the Church Vol. 2 p. 453).

"Sa mismong dahilan na ito kaya nagpakumbaba si Kristo na akuin ang ating kalikasan, upang sa pamamagitan ng Kanyang sariling pagpapakumbaba at pagdurusa at sakripisyo ay maging tuntungan Siya para sa mga nagkasalang tao, upang sila'y makaakyat sa pamamagitan ng Kanyang mga merito, at upang sa pamamagitan ng Kanyang kahusayan at kabutihan ay tanggapin Niya ang kanilang mga pagsisikap na sundin ang kautusan ng Diyos."(Testimonies for the Church Vol. 2 p.587).


ANG MGA DETALYE NG PAGIGING PERPEKTO (Sinusubukan Mo Ba Talaga?)

Si Ellen G. White ay partikular pagdating sa kasalanan. Hindi lang malalaking kasalanan ang maglalayo sa tao sa langit; kahit maliliit na kasalanan ay diskwalipikado ang makasalanan. Nagbigay pa siya ng napakaraming uri ng kasalanan na maaaring pamilyar sa kanyang mga ninunong mga Puritans🞲 pero maaaring ikagulat ng maraming modernong Adventist. Tandaan na wala sa mga kasalanang ito ang binabanggit sa Bibliya at bawat isa sa mga kasalanang ito, ayon kay Ellen White, ay maglalayo sa isang tao sa langit.

WALANG KALIGTASAN ANG MALI ANG PANANAMIT

"Magkakaroon ang Diyos ng isang bayang hiwalay at naiiba sa mundo. At sa sandaling magkaroon ang sinuman ng pagnanais na gayahin ang mga moda ng mundo, na hindi nila agad supilin, sa mismong sandaling iyon ay titigil ang Diyos na kilalanin sila bilang Kanyang mga anak."(Testimonies for the Church Vol. 1 p.137).

"Ang ating pananampalataya, kung isasagawa, ay magtutulak sa atin na maging simple sa pananamit, at masigasig sa mabubuting gawa, kaya makikilala tayo bilang kakaiba." (Testimonies for the Church Vol. 1 p.275).


WALANG KALIGTASAN ANG MGA MAHILIG SA PAGKAIN

"Ang katakawan ang nangingibabaw na kasalanan sa panahong ito. Ang masidhing pagnanasa sa pagkain ay ginagawang alipin ang mga lalaki at babae, at pinaplabo ang kanilang isipan at pinatitigas ang kanilang moral na pakiramdam sa antas na hindi na nila napapahalagahan ang sagrado at mataas na katotohanan ng salita ng Diyos." (Testimonies for the Church Vol. 1 p.486).

"Kaylaking bagay isipin! Mga matatakaw sa langit! Hindi, hindi; ang ganyang mga tao ay hindi kailanman makakapasok sa mga perlas na pintuan ng ginintuang lungsod ng Diyos." (Testimonies for the Church Vol. 2 p. 70).


WALANG KALIGTASAN ANG MALI ANG DIET

"Imposible para sa mga nagpapadala sa kanilang gana sa pagkain na makamit ang perpektong Kristiyanong pamumuhay." (Counsels on Diet and Foods p.236).

"Kung susundin ninyo ang maling landas, at magpapakasawa sa masasamang gawi sa pagkain, at dahil dito'y hihina ang inyong isipan, hindi ninyo pahahalagahan nang mataas ang kaligtasan at buhay na walang hanggan na magbibigay-inspirasyon sa inyo na iayon ang inyong buhay sa buhay ni Kristo; hindi ninyo gagawin ang masigasig at mapagsakripisyong pagsisikap para sa lubos na pagsunod sa kalooban ng Diyos, na hinihingi ng Kanyang salita, at kinakailangan para bigyan kayo ng moral na kahandaan para sa huling pagpapaganda ng imortalidad." (Testimonies for the Church Vol. 2 p. 66).

"Ang maiinit na inumin ay nakakapinsala sa sikmura. Ang keso ay hindi dapat kailanman ipasok sa sikmura. Ang tinapay na gawa sa purong harina ay hindi makapagbibigay sa katawan ng sustansyang makukuha ninyo sa tinapay na gawa sa buong trigo. Ang madalas na pagkain ng tinapay na gawa sa pinong harina ay hindi mapapanatili ang katawan sa malusog na kondisyon." (Testimonies for the Church Vol. 2 p. 68).

"At mula sa liwanag na ibinigay sa akin, ang asukal, kapag labis na ginamit, ay mas nakakasama kaysa sa karne." (Testimonies for the Church Vol. 2 p.370).

"Labis akong nagtataka nang malaman ko na, pagkatapos ng lahat ng liwanag na ibinigay sa lugar na ito, marami sa inyo ang kumakain sa pagitan ng mga regular na pagkain! Hindi ninyo dapat hayaang may dumikit na kahit katiting sa inyong mga labi sa pagitan ng inyong mga regular na pagkain." (Testimonies for the Church Vol. 2 p. 373).


WALANG KALIGTASAN ANG MAY LIFE INSURANCE

"Ang pagkakaroon ng life insurance ay isang makamundong gawain na naglalayo sa ating mga kapatid mula sa simple at dalisay na pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Ang bawat paggawa nito ay nagpapahina ng ating pananampalataya at nagpapababa ng ating espiritwalidad. Wika ng anghel: 'Ngunit kayo ay isang lahing hinirang, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang kakaibang bayan, upang inyong ipahayag ang mga papuri sa Kanya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa Kanyang kahanga-hangang liwanag.'"(Testimonies for the Church Vol. 1 p.550).


WALANG KALIGTASAN ANG MAHILIG MAG-JOKE!

"Madalas na nasasaktan ng mga nag-aangking naniniwala sa mensahe ng ikatlong anghel ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging magaan ang loob, pagbibiro, at pagpapabaya. Ipinakita sa akin na ang kasamaang ito ay laganap sa ating hanay."(Testimonies for the Church Vol. 1 p.133).

"[Ang mga ministro] ay hindi dapat gumamit ng magaan na pananalita, pagbibiro, o pagpapatawa…."(Testimonies for the Church Vol. 1 p.380).

"Ang pagiging palabiro, pagpapatawa, at hindi seryoso ay magdudulot ng kawalan ng espirituwalidad at paglayo ng pagpapala ng Diyos.(Testimonies for the Church Vol. 2 p. 236).


WALANG KALIGTASAN ANG MGA MAGULANG NA HINDI EPEKTIBO

"Mga magulang, nakita ko na maliban kung kayo'y magising sa walang hanggang kapakanan ng inyong mga anak, tiyak silang mawawala dahil sa inyong kapabayaan. At ang posibilidad na maliligtas pa ang mga magulang na hindi tapat sa kanilang tungkulin ay napakaliit." (Testimonies for the Church Vol. 1 p. 135).


WALANG KALIGTASAN YUNG MGA MAHILIG MANOOD NG TV, NETFLIX  AT SINEHAN?

"Walang ibang impluwensya sa ating bansa na mas makapangyarihang sumira sa imahinasyon, pumawi sa mga relihiyosong paniniwala, at magpamanhid sa pagkahilig sa payapa at totoong mga bagay sa buhay, kaysa sa mga palabas sa teatro. Ang pagkahilig sa mga ganitong tanawin ay lumalakas sa bawat pagpapakasawa, tulad ng paglakas ng pagnanais sa nakalalasing na inumin sa bawat pag-inom nito. Ang tanging ligtas na paraan ay iwasan ang teatro, ang sirkus, at bawat iba pang kahina-hinalang lugar ng libangan.(Messages to the Young People p.380).

"Ipinakita sa akin na ang tunay na mga tagasunod ni Jesus ay tatalikuran ang mga piknik, donasyon, palabas, at iba pang pagtitipon para sa kasiyahan. Wala silang makikitang Jesus doon…."(Testimonies for the Church Vol. 1 p.288).

"Ang 'donasyon' dito ay maaaring ihalintulad sa mga pangangalap-pondo ng mga paaralang Adventist tulad ng mga talent show at festival sa taglagas.[Ang mga kabataang nagtuturok ng Sabbath] ay ayaw talikuran ang mundo kaya nakikisama pa sila sa mga piknik at iba pang pagtitipon para magsaya, iniisip nilang walang masama sa ginagawa nila. Pero ang mismong pagpapakasawang ito ang naglalayo sa kanila sa Diyos, at ginagawang silang mga anak ng mundo(Messages to the Young People pp. 375-376).


WALANG KALIGTASAN ANG NAKIKINIG SA MALING MUSIKA

"Ang mga walang kabuluhang awit at ang uso ngayong mga musika ay tila nababagay sa gusto nila [ng mga kabataan]. Ang mga instrumento ng musika ay nag-aagaw ng oras na dapat sanang nakalaan para sa panalangin." (Testimonies for the Church Vol. 1 p. 497).

"Paano ko matitiis ang isiping karamihan sa mga kabataan sa panahong ito ay hindi makakamit ang buhay na walang hanggan! Oh, sana'y tumigil na ang tunog ng mga instrumentong musika at hindi na nila sayangin ang napakahalagang oras sa pagbibigay-lugod sa kanilang sariling kagustuhan."(Testimonies for the Church Vol. 2 p.144).


WALANG KALIGTASAN  ANG HINDI NAGBABAHAGI NG PANANAMPALATAYA

"Ang mga taong may pagkakataong maging instrumento sana para maligtas ang iba kung sumunod sila sa kalooban ng Diyos, subalit hindi nila ginawa ang kanilang responsibilidad dahil sa kanilang kasakiman, katamaran, o dahil hiyang-hiya sila sa krus ni Kristo, ay hindi lamang mawawala ang kanilang sariling kaluluwa, kundi sila rin ang mananagot sa kamatayan ng mga makasalanan." (Testimonies for the Church Vol. 2 p. 511).


WALANG KALIGTASAN ANG NAGLALARO NG CHESS (Maliban na Lang Kung Binili sa Adventist Book Center!) 

"Mayroong mga libangan, tulad ng pagsasayaw, paglalaro ng baraha, chess, checkers, at iba pa, na hindi namin maaaring sang-ayunan, dahil kinokondena ito ng Langit." (Testimonies for the Church Vol. 1 p. 514).


WALANG KALIGTASAN ANG MGA MAKALAT AT MADUMING BAHAY

"Dapat kayong maglinang ng pagmamahal sa kaayusan at mahigpit na kalinisan. Ang Diyos ay Diyos ng kaayusan. Hindi Niya pahihintulutan ang pabaya at magulong mga gawi sa sinuman sa Kanyang bayan."(Testimonies for the Church Vol. 2 p. 66).


WALANG KALIGTASAN ANG MAY LITRATO SA BAHAY

"Sa aking pagdalaw sa mga tahanan ng ating mga kapatid at sa ating mga paaralan, nakikita ko na ang lahat ng bakanteng espasyo sa mga mesa, mga display cabinet, at mga mantelpiece ay punong-puno ng mga retrato. Sa kanan at sa kaliwa ay makikita ang mga larawan ng mga mukha ng tao. Nais ng Diyos na baguhin ang ganitong kalakaran. Kung si Kristo ay narito sa lupa, Kanyang sasabihin, ‘Alisin ninyo ang mga ito.’ Tinuruan ako na ang mga larawang ito ay parang napakaraming diyos-diyosan, inaagaw ang oras at isip na dapat sana'y sagradong inilaan sa Diyos. Ang mga retrato na ito ay nagkakahalaga ng pera. Naaayon ba sa atin, na alam ang gawaing dapat gawin sa panahong ito, na gastusin ang pera ng Diyos sa paggawa ng mga larawan ng ating sariling mukha at ng mga mukha ng ating mga kaibigan? Hindi ba dapat ang bawat dolyar na ating mailalaan ay gamitin sa pagpapalakas ng gawain ng Diyos? Ang mga larawang ito ay kumukuha ng pera na dapat sana'y sagradong inilaan sa paglilingkod sa Diyos; at inililihis nito ang isip mula sa mga katotohanan ng salita ng Diyos. Ang paggawa at pagpapalitan ng mga retrato ay isang uri ng pagsamba sa diyos-diyosan. Ginagawa ni Satanas ang lahat ng kanyang makakaya upang takpan ang langit sa ating paningin. Huwag natin siyang tulungan sa pamamagitan ng paggawa ng mga larawang-diyos-diyosan." (Messages to the Young People p. 316).


WALANG KALIGTASAN ANG MALIIT MAG-ABULOY

"...Hindi Niya tatanggapin ang maliit na abuloy na kanilang inilalagay sa koleksiyon katulad ng hindi Niya tinanggap ang handog ni Ananias at ng kanyang asawang si Sapira, na nagplano na dayain Siya sa kanilang mga ibinibigay."(Testimonies for the Church Vol. 2 p.128).


WALANG KALIGTASAN ANG HINDI NAGMEMEMORYA NG KASULATAN

"Ang ilan na nagtuturo ng kasalukuyang katotohanan ay hindi pamilyar sa kanilang mga Bibliya. Sila'y lubhang kulang sa kaalaman sa Bibliya kaya nahihirapan silang sumipi ng isang teksto ng kasulatan nang tama mula sa memorya. Sa kanilang padalus-dalos at kakatwang paraan ng pagtuturo, sila'y nagkakasala sa Diyos."(Testimonies for the Church Vol. 2 p. 342).


WALANG KALIGTASAN MGA MADALDAL

"Ang ating mga kapatid na babae ay dapat humikayat ng tunay na kaamuan; hindi sila dapat maging padalos-dalos, madaldal, at matapang, kundi mahinhin at mapagpakumbaba, at hindi agad nagsasalita."(Testimonies for the Church Vol. 2 p. 456).


WALANG KALIGTASAN ANG MGA NAGTSITSISMISAN, MAHILIG MATULOG, AT NGA BATA NA PAGALA-GALA  SA ARAW NG SABBATH

"Halos nilalabag ang ikaapat na utos kapag tayo'y nag-uusap tungkol sa mga bagay ng mundo o kaya'y nakikipagkwentuhan ng mga walang kabuluhang bagay. Ang pagsasalita tungkol sa anumang maisip natin ay pagsasabi ng ating sariling opinyon. Ang bawat paglayo sa tama ay nagbubunga ng pagkaalipin at kaparusahan." (Testimonies for the Church Vol. 2 p.703).

"Hindi dapat isipin ninuman na maaari nilang sayangin ang itinakdang banal na oras sa mga bagay na walang saysay. Hindi gusto ng Diyos na ang mga sumasamba sa Sabbath ay matulog sa halos buong araw na iyon." (Testimonies for the Church Vol. 2 p.704).

"Mga magulang, higit sa lahat, pangalagaan ninyo ang inyong mga anak sa Sabbath. Huwag ninyong pahintulutang labagin nila ang banal na araw ng Diyos sa pamamagitan ng paglalaro sa loob o labas ng bahay. Para na rin kayong sumira sa Sabbath kung hinahayaan ninyong gawin ito ng inyong mga anak, at kapag pinapayagan ninyong magpagala-gala ang inyong mga anak, at hinahayaan ninyong maglaro sila sa Sabbath, itinuturing kayo ng Diyos na mga manlalabag sa Sabbath." (Review &Herald September 19, 1854).


WALANG KALIGTASAN ANG MGA TAMAD NA SABADISTA

"Huwag nating sayangin sa katamaran ang mahalagang oras na ibinigay sa atin ng Diyos para hubugin ang ating mga karakter para sa langit. Hindi tayo dapat maging tamad o walang ginagawa sa gawaing ito, sapagkat wala tayong kahit isang sandali na maaaring palipasin nang walang layunin o patutunguhan." (Testimonies for the Church Vol. 3 p.540).


WALANG KALIGTASAN MAGASTOS SA PERA

"May mga nag-iisip na parte lang ng kanilang pera ang para sa Diyos. Kapag naglaan na sila ng halaga para sa simbahan at pagtulong sa kapwa, ang natitira ay itinuturing na nilang kanila, para gastusin kung paano nila gusto. Pero mali sila. Lahat ng mayroon tayo ay galing sa Panginoon, at tayo'y mananagot sa Kanya kung paano natin ito ginagamit. Sa bawat paggastos natin, makikita kung mahal natin ang Diyos nang higit sa lahat at ang ating kapwa tulad ng ating sarili." (Messages to the Young People p. 310).


WALANG KALIGTASAN ANG MAHILIG MAGBASA NG MGA FICTIONAL STORIES (pati na ang mga kathang-isip na may temang relihiyoso na tulad ng tinda sa mga Adventist Book Center)

"Ang mga love story, mga kuwentong walang saysay at nakaka-excite, at pati na yung mga librong tinatawag na religious novel,–mga librong kung saan ang manunulat ay naglalagay ng moral lesson sa kanyang istorya,–ay sumpa sa mga nagbabasa. Maaaring isingit ang mga relihiyosong pakiramdam sa buong kuwento, pero madalas, si Satanas ay nagkukunwari lang na anghel para mas madaling makapanlinlang at makaakit. Walang sinuman ang sobrang tibay sa tamang paniniwala, walang sinuman ang sobrang ligtas sa tukso, kaya't okay lang sa kanila ang magbasa ng mga ganitong kuwento. Ang mga nagbabasa ng piksyon ay nagpapakasawa sa isang masamang bagay na sumisira sa kanilang espirituwalidad, tinatakpan ang ganda ng banal na kasulatan. Lumilikha ito ng hindi magandang excitement, pinapainit ang imahinasyon, hindi nagiging kapaki-pakinabang ang isip, inilalayo ang kaluluwa sa panalangin, at hindi ito nagiging handa para sa anumang espirituwal na gawain."(Messages to the Young People p. 272).


WALANG KALIGTASAN ANG MGA SABADISTANG PALA-AWAY AT MAPAMINTAS

"Kapag si Kristo ang nananahan sa puso, ito'y magiging malambot at mapagpakumbaba dahil sa pagmamahal sa Diyos at sa kapwa kaya't walang puwang doon ang paghihinanakit, pamimintas, at pag-aaway. Ang pananampalataya kay Kristo sa puso ay magbibigay sa mayroon nito ng lubos na tagumpay laban sa mga pagnanasang gustong mangibabaw." (Testimonies for the Church Vol. 4 p.610).

"Ang mga hindi maaasahan sa pinakamaliit na bagay sa mundo ay hindi rin maaasahan sa mas importanteng mga tungkulin. Sila'y magnanakaw sa Diyos, at hindi nila susundin ang mga utos ng banal na kautusan. . . . Ang parusa kay Belsazar ay nakasulat sa nagliliyab na mga salita, ‘Ikaw ay tinimbang sa timbangan, at ikaw ay natagpuang kulang’; at kung hindi mo gagawin ang iyong mga responsibilidad na bigay ng Diyos, ang iyong parusa ay magiging pareho."(Messages to the Young People p.229).


ANG TUNAY NA KALIGTASAN: AYON SA TURO NG BIBLIA

Bago po kayo magdesisyon kung paano kayo maliligtas, pag-isipan muna ninyo itong mga pangako sa Bibliya: 

"Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan." (Juan 5:24 Tagalog AB)

"Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka't malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan." (Mateo 11:28-30 Tagalog AB)

"Ngayon sa kaniya na gumagawa'y, hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang. Datapuwa't sa kaniya na hindi gumagawa, nguni't sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran. Gaya naman ng sinasambit ni David na kapalaran ng tao, na sa kaniya'y ibinibilang ng Dios ang katuwiran nang walang mga gawa, Na sinasabi, Mapapalad yaong ang kanilang mga pagsalangsang ay ipinatawad, At ang kanilang mga kasalanan ay nangatakpan." (Roma 4:4-7 Tagalog AB)

"At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan."  (Gawa 16:31 Tagalog AB)

"Sapagka't ang sinomang ipinanganak ng Dios ay dumadaig sa sanglibutan: at ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang ating pananampalataya."  (1 Juan 5:4 Tagalog AB)

"Nguni't ang mga ito ay nangasulat, upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan."  (Juan 20:31 Tagalog AB)

"Hindi ko niwawalan ng halaga ang biyaya ng Dios: sapagka't kung sa pamamagitan ng kautusan ay ang katuwiran, kung gayo'y si Cristo ay namatay ng walang kabuluhan."  (Galacia 2:21 Tagalog AB)

"Datapuwa't kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan."  (Galacia 5:18 Tagalog AB)

Mga kaibigan kong Sabadista, napakasimple ng pagpipilian: kung gusto ninyong maniwala sa mga propetikong mensahe ni Ellen White, malaya kayong gawin iyan. Pero, para maging consistent, dapat ninyong sikaping sundin nang buo ang kanyang mga payo. Huwag kayong mamili lang ng gusto niyong sundin. Ang mga patotoo ay hindi parang buffet kung saan pipiliin ninyo ang pinakamasarap na piraso at iiwan ang iba. Tinalikuran ko si Ellen G. White dahil natuklasan kong hindi ko kailanman kayang abutin ang kanyang mga hinihingi para sa kaligtasan. Naiintindihan ko na sinasabi niyang dapat tayong maging perpekto sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, pero walang sinuman maliban kay Jesus ang nagkaroon ng tuloy-tuloy na koneksyon sa Diyos na kakailanganin para makamit ang tunay na pagiging perpekto.

Sa kabutihang palad, may ibang pananaw tungkol sa kaligtasan, at ang pananaw na ito ay galing sa hindi nagkakamaling Salita ng Diyos. “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka.” Sobrang simple! Maaari tayong magkaroon ng lubos na katiyakan sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugo ni Kristo. Hindi ito tungkol sa ating pag-uugali! Ang kaligtasan ay isang libreng regalo na maaari nating tanggapin ngayon. Maaari tayong magsikap para sa pagiging perpekto sa pamamagitan ng ating mga gawa, o maaari tayong magpahinga kay Kristo, “gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya" (Hebreo 12:2).

"Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang aking panalangin sa Dios ay patungkol sa kanila, upang sila'y mangaligtas. Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala. Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios. Sapagka't si Cristo ang kinauuwian ng kautusan sa ikatutuwid ng bawa't sumasampalataya." (Roma 10:1-4 Tagalog AB)



References:

Orihinal na pinamagatang "Salvation According to Whom?" Ni Joseph Rector at isinalin sa Tagalog ni Pastor Ronald Obidos. (Source: http://www.sabbatismos.com/ellen-g-white/perfection/#sthash.HfdhHzpA.dpbs)

🞲Ang mga Puritan ay isang kilusan ng mga Protestanteng Kristiyano na lumitaw sa Inglatera noong ika-16 at ika-17 siglo. Ang pangunahing layunin nila ay linisin ang Church of England (ang opisyal na simbahan ng Inglatera) mula sa mga natitirang kaugalian at paniniwala na itinuturing nilang "Katoliko Romano." Naniniwala sila na ang Repormasyon sa Inglatera ay hindi pa ganap at dapat pang maging mas "Protestante" ang simbahan.


No comments:

Post a Comment

FEATURED POST

Why Follow Christ While Also Following a False Prophet? by Pastor Leonardo Balberan

Seventh-day Adventists say they follow Jesus and that the Bible is their only guide. But it's strange that many of their special beliefs...

MOST POPULAR POSTS