Thursday, May 1, 2025

KASAGUTAN PARA SA SEVENTH-DAY ADVENTISTS VERSE BY VERSE SA GAWA 13:42, 44: "BAKIT HINDI NA IPINAGPATULOY NG MGA KRISTIYANO ANG PANGILIN NG SABBATH SA BAGONG TIPAN?"

Gawa 13:42, 44 Tagalog AB
"At pagalis nila, ay kanilang ipinamanhik na salitain sa kanila ang mga salitang ito sa sabbath na susunod. . . At nang sumunod na sabbath ay nagkatipon halos ang buong bayan upang pakinggan ang salita ng Dios."  


Challenge ng mga Sabadista:

"Ang mga Kristiyano noon, patuloy pa rin nilang ipinangingilin ang Sabbath kahit matagal na nakaakyat sa langit si Jesus. Kahit si Apostol Pablo, sumasamba pa rin siya sa Sinagoga tuwing Sabbath. Kung Linggo na dapat ang bagong araw ng pagsamba, dapat sana ay sinabi nila kay Pablo na bumalik siya sa Linggo, hindi na sa susunod na Sabbath, para marinig nila ang mga salita ng Diyos mula sa pangangaral niya."


Sagot:

Narito ang mga talata sa aklat ng  Mga Gawa kung saan binabanggit ang Sabbath:

Mga Gawa 1:12
"Nang magkagayon ay nangagbalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olivo, na malapit sa Jerusalem, na isang araw ng sabbath lakarin."

Mga Gawa 13:27
"Sapagka't silang nangananahan sa Jerusalem at ang mga pinuno nila, dahil sa hindi nila pagkakilala sa kaniya, ni sa mga tinig ng mga propeta na sa tuwing sabbath ay binabasa, ay kanilang tinupad ang hatol sa kaniya."

Mga Gawa 13:42, 44
"At pagalis nila, ay kanilang ipinamanhik na salitain sa kanila ang mga salitang ito sa sabbath na susunod. At nang sumunod na sabbath ay nagkatipon halos ang buong bayan upang pakinggan ang salita ng Dios."

Mga Gawa 15:21
"Sapagka't si Moises mula nang unang panahon ay mayroon sa bawa't bayan na nangangaral tungkol sa kaniya, palibhasa'y binabasa sa mga sinagoga sa bawa't sabbath."  

Mga Gawa 16:13 
"At nang araw ng sabbath ay nagsilabas kami sa labas ng pintuan sa tabi ng ilog, na doo'y sinapantaha naming may mapapanalanginan; at kami'y nangaupo, at nakipagsalitaan sa mga babaing nangagkatipon." 

Mga Gawa 17:2 
"At si Pablo, ayon sa ugali niya ay pumasok sa kanila, at sa tatlong sabbath ay nangatuwiran sa kanila sa mga kasulatan."

Mga Gawa 18:4
"At siya'y nangangatuwiran tuwing sabbath sa sinagoga, at hinihikayat ang mga Judio at ang mga Griego."  


Base nga sa pitong talata na 'yan, may mga tanong tayo para sa mga Sabadista:

1.) May sinabi ba 'yung pitong talata na dapat magpahinga ang mga Kristiyano tuwing Sabbath hanggang ngayon sa panahon natin?

2.) Kung sasabihin naman ng mga Sabadista na kaya raw nagpupunta ang mga Kristiyano sa Sinagoga tuwing Sabbath ay dahil alam pa rin nilang utos 'yun, eh bakit pa sila magsisimba doon kung hindi naman pala sila inuutusan? Pero ang tanong ko, naiintindihan na ba nila na yung ibig sabihin ng pagdating ni Kristo sa mundo ay nangangahulugang, "Anino lang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Cristo ang katuparan nito" (Colosas 2:17 (Ang Salita ng Diyos)

3.) Kung talagang inuutusan pa rin palang magpahinga ang mga Kristiyano tuwing Sabbath kaya sila nagsisimba sa Sinagoga, bakit sa Sinagoga pa sila ng mga Hudyo nagsisimba, hindi sa sarili nilang simbahan na para sa lahat, Hudyo man o hindi? Parang 'yung mga simbahan ngayon ng mga Sabadista, hindi naman sila nagsisimba ngayon tuwing Sabado sa Sinagoha ng mga Hudyo 'di ba?

Kung talagang ang gusto lang naman ng mga Sabadista ay 'yung totoo, dapat tuloy-tuloy lang silang mag-imbestiga at 'wag nilang isara ang isip nila sa mga bagong matututunan. Dapat handa silang tingnan ang iba't ibang posibilidad, kahit pa iba 'yun sa nakasanayan na nila. Sana 'wag lang nilang pipiliin 'yung mga ebidensya na gusto lang nila. Dapat tingnan din nila 'yung ibang mga pananaw para mas lumawak ang pag-iisip nila. Kung saan sila dalhin ng mga bagong ebidensya, doon sila dapat pumunta, kesa manatili lang sila sa kung ano'ng nakagisnan at tradisyunal.

Ang sumusunod na mga punto ay mga bago at masusing research na makakatulong sa mga Sabadista para mas maintindihan nila kung bakit 'yung mga unang Hudyong Kristiyano ay patuloy pa ring nagsisimba tuwing Sabbath kahit mga mananampalataya na sila kay Kristo.


Pansamantala lamang nangilin ng Sabbath ang mga Kristiyano sa Sinagoga ng Araw ng Sabbath

Ito 'yung time na nagbabago pa lang ang mga paniniwala noon, kaya 'yung mga unang Kristiyano, hindi pa nila masyadong nauunawaan 'yung importansya ng mga nangyari kay Kristo. Kaya dapat talaga tayong mag-ingat kung 'yang panahong 'yan ang gagawin nating basehan ng mga paniniwala natin, lalo na pagdating sa pagpapahinga ng Sabbath.

Karamihan kasi sa mga sulat noon, pinapakita na 'yung mga apostol, nagsisimula silang magkwento ng magandang balita sa loob ng mga Sinagoga ng mga Hudyo tuwing Sabbath. Kinakausap nila pareho 'yung mga Hudyong sumasamba at 'yung mga Hentil na nag-convert sa Hudaismo na nandoon din. Malamang talaga na 'yung mga Kristiyanong Hudyo noon, patuloy pa rin silang nakikisama sa mga Sinagoga hanggang sa napilitan na silang umalis dahil sa mga problema sa pag-uusig, lalo na nung malapit nang gibain ng mga sundalo ng Roma 'yung Templo sa Jerusalem noong 70 AD.

Si Dr. Samuele Bacchiocchi, isang sikat na church historian ng Seventh-day Adventist, nag-aral talaga nang malalim tungkol sa Sabbath ng mga unang Kristiyano. Sa libro niyang "Sabbath Under Crossfire," sa page 162, makikita 'yung tamang paliwanag kung paano nag-Sabbath 'yung unang iglesia at kung ano'ng koneksyon nila sa sinagoga ng mga Hudyo.

"Paano ipinangingilin ng mga mananampalataya sa Bagong Tipan ang Sabbath sa liwanag ng mas malawak na kahulugan ng pagtubos na nagmula sa ministeryo ni Kristo? Sa simula, karamihan sa mga Kristiyano ay dumadalo sa mga pagsamba sa Sabbath sa sinagoga ng mga Hudyo (Mga Gawa 13:14, 43, 44; 17:2; 18:4). Gayunpaman, unti-unting itinatag ng mga Kristiyano ang kanilang sariling mga lugar ng pagsamba. Iminumungkahi ni Mateo na nagsimula na ang proseso ng paghihiwalay sa panahon ng kanyang pagsusulat, dahil binanggit niya na pumasok si Kristo sa "kanilang sinagoga" (Mateo 12:9). Ang panghalip na "kanilang" ay nagpapahiwatig na ang komunidad ni Mateo ay hindi na nakikibahagi sa mga pagsamba sa Sabbath sa sinagoga ng mga Hudyo nang isulat ang Ebanghelyo. Malamang, nagkaroon na sila ng kanilang sariling mga lugar ng pagtitipon para sa pagsamba noong panahong iyon."[1]

Maraming importanteng punto itong si Dr. Bacchiocchi na malaking tulong sa mga Sabadista, lalo na't isa siya sa mga respetadong eksperto sa simbahan nila. Dapat lang talaga sigurong pakinggan ng mga Sabadista 'yung mga opinyon niya tungkol dito, katulad nito:

a.) "Sa simula, karamihan sa mga Kristiyano ay dumadalo sa mga pagsamba sa Sabbath sa sinagoga ng mga Hudyo."

'Yan nga ang kontra sa paniniwala ng maraming Sabadista na 'yung Gawa 13:42 at 44 daw ay patunay na tuloy-tuloy pa rin nilang pinapahalagahan ang Sabbath kahit namatay na si Kristo sa krus, hanggang ngayon pa nga. Pero itong si Dr. Bacchiocchi, na eksperto sa history ng simbahan ng mga Sabadista, tinututulan niya 'yang interpretasyon na 'yan. Ang sabi niya, "Sa simula" lang daw sumamba 'yung mga Kristiyano sa araw ng Sabbath sa Sinagoga ng mga Hudyo. Ibig sabihin, panandalian lang 'yun, hindi 'yun nagtuloy-tuloy. Ayon pa kay Dr. Bacchiocchi, dumating 'yung time na humiwalay na 'yung mga Kristiyano sa Sinagoga ng mga Hudyo at "unti-unting itinatag ng mga Kristiyano ang kanilang sariling mga lugar ng pagsamba."

b.) "Gayunpaman, unti-unting itinatag ng mga Kristiyano ang kanilang sariling mga lugar ng pagsamba." 

Ayon kay Dr. Bacchiocchi, ang mga salitang "kanilang sinagoga" sa Mateo 12:9 ay nagpapahiwatig na "ang komunidad ni Mateo ay hindi na nakikibahagi sa mga pagsamba sa Sabbath sa sinagoga ng mga Hudyo nang isulat ang Ebanghelyo." Kung ang Ebanghelyo ni Mateo ay isinulat noong mga 50 AD, gaya ng sinasabi ng mga dalubhasa sa Bibliya, malinaw na huminto na ang mga Kristiyano sa pagdalo sa mga pagsamba sa Sabbath sa Sinagoga ng mga Hudyo na tumutuligsa kay Kristo at sa bisa na din ng opisyal na pinagkaisahan ng mga apostol at mga Elders at pasya ng Banal na Espiritu sa Jerusalem Council noong 50 AD din (Gawa 15:28).

Siguro, sinulat ni Mateo 'yung Ebanghelyo niya pagkatapos na mapagdesisyunan sa Jerusalem Council noong 50 AD. 'Yun 'yung desisyon nila, sa tulong na rin ng Espiritu Santo, na hindi na kailangan ng mga Kristiyano na sumunod pa sa mga kautusan sa Lumang Tipan, kasama na nga 'yung Sabbath. Kaya siguro, 'yung desisyong 'yun ang naka-impluwensya kay Mateo at sa kanyang komunidad na hindi na magsimba sa Sinagoga ng mga Hudyo.


Book of Jubilees:"Ang Sabbath ay para sa mga Hudyo 
lamang!

Karamihan sa mga lider ng mga Hudyo, ang paniniwala nila, 'yung utos ng Diyos na mag-Sabbath ay para lang talaga sa mga Israelita. 'Yan ang paliwanag sa isang matandang aklat, 'yung tinatawag na Book of Jubilees, na sinulat pa noong mga 2nd century B.C. pa:

"Pinagpala ito ng Lumikha ng lahat, ngunit hindi niya pinabanal ang anumang tao o bansa upang ipangilin ang Sabbath doon maliban lamang sa Israel. Ipinagkaloob niya lamang sa kanila na sila ay makakain at makainom at ipangilin ang Sabbath doon sa ibabaw ng lupa."[2]

Ang Sabbath kasi, isa 'yun sa mga kautusan na nagbibigay ng tanda kung sino ang mga Hudyo at sino ang mga Hentil. Sabi nga ng mga Rabbi, ang dapat daw sundin ng mga Hentil ay 'yung mga utos na galing kay Noe, at hindi kasali dun 'yung pangingilin ng Sabbath.

Tapos, nitong panahon na nagbabago pa lang ang lahat, ano kaya'ng naisip ng mga Kristiyanong Hudyo at patuloy pa rin silang nagsa-Sabbath sa ikapitong araw? Base nga sa nabasa natin sa aklat ng Mga Gawa, hindi nakita ng mga Hudyong Kristiyano na magkaiba 'yung Bagong Tipan na pinasimulan ni Jesus at 'yung patuloy nilang pagsunod sa mga utos ng Lumang Tipan mula nung Pentecostes hanggang sa mga nangyari sa Mga Gawa 13.

'Ang importanteng aklat na "From Sabbath to Lord's Day: A Biblical, Historical and Theological Investigation"[3] ay naglalatag ng ilang convincing na mga rason kung bakit 'yung mga unang grupo ng mga Hudyong Kristiyano, ay tuloy pa rin sa pag-Sabbath kahit tapos na 'yung mga pangyayari kay Kristo.


#1. Nakasanayan at Tradisyunal na Pananampalataya

Grabe 'yung epekto sa utak na bumago talaga sa mga ginagawa ng tao. Sa mga lugar na kung saan ipinakilala 'yung Kristiyanismo, tuloy pa rin 'yung pagsunod sa Sabbath ng mga Hudyo bilang nakasanayan na ng mga unang Hudyong Kristiyano. Mas dahil daw 'yun sa habit kaysa sa talagang debosyon nila.

#2. Panggigipit mula sa Kapwa

Ang panggigipit na nararanasan ng mga Kristiyano ay mula mismo sa kanilang komunidad ng mga Hudyo, kasama na ang mga kaibigan at pamilya. Nagbabala ang Biblia tungkol sa panganib ng ganitong panggigipit (Lucas 14:26; 18:29), at inilarawan kung gaano ito kahirap (Roma 9:3). 'Yung panggigipit naman galing sa mga taong hindi Kristiyano, hindi masyadong makaapekto 'yun. 

3. Takot sa Mas Mabigat na Parusa

Kung hindi nagpapahinga ang mga Hudyong Kristiyano sa Palestina tuwing Sabbath, kung saan nakasanayan 'yung araw na dapat talaga pahinga, malaking problema 'yun. Pwede silang maparusahan nang mabigat, baka pa nga batuhin pa sila hanggang mamatay. Bihira man 'yun, pero delikado pa rin. 'Yung mga Kristiyanong Hudyo na hindi sumusunod sa Sabbath, tingin sa kanila ay mga suwail sa kautusan, kaya pwedeng silang pag-initan ng mga taong panatiko. Sa pananampalatayang Hudyo kasi, mas mahalaga ang ginagawa kaysa sa pinaniniwalaan. Kaya, kung hindi sila nagpapahinga sa Sabbath, mas lalo silang kamumuhian at pahihirapan, parang nangyaring panggigipit kay Jesus.

4. Paraan ng Pangangaral

Ibig sabihin nito, kailangan nilang mag-ingat para hindi nila mairita ang mga Hudyo, pero nakikita rin nila 'yung pagsisimba sa sinagoga tuwing Sabbath bilang pagkakataon para ibahagi ang pananampalataya nila sa iba. Para balanse lang: kailangan nilang respetuhin ang mga tradisyon ng mga Hudyo pero ginagamit din nila 'yung pagkakataon para ipakilala ang Kristiyanismo.

Walang ebidensya na nagpapahinga o tumitigil sa pagtatrabaho si Pablo tuwing Sabbath. Sa halip, para sa kanya, pagkakataon 'yun para ibahagi ang kanyang mensahe, at araw-araw niya 'yun ginagawa. Ipinapakita ng mga ginawa ni Pablo na malaya siya, hindi mahigpit na sumusunod sa mga patakaran ng mga Hudyo. Ang misyon ni Pablo ay ituro sa mga Hudyo na si Jesus ang katuparan ng mga kautusan at propesiya nila. Kaya niya ginagamit ang mga sinagoga kasi doon nagtitipon ang mga Hudyo tuwing Sabbath para pag-usapan ang kanilang mga banal na kasulatan. 'Yung pagpunta ni Pablo sa mga sinagoga tuwing Sabbath ay parte ng matagumpay niyang paraan ng pagtuturo tungkol kay Kristo hindi para mangilin ng Sabbath.

Kahit noong una ay sumusunod si Pablo sa mga lumang kautusan at sa Sabbath para sa isang mahalagang dahilan, hindi ibig sabihin na dapat ganun din ang gawin ng mga Kristiyano ngayon. Hindi obligasyon ng mga Kristiyano na sundin 'yung mga lumang kautusan na 'yun o tularan si Pablo sa pagpunta sa mga sinagoga tuwing Sabbath.

Hindi direktang itinuro ni Pablo sa mga nahikayat niya na magpahinga tuwing Sabbath. Sa halip, binigyang-diin niya na hindi dapat husgahan ang mga Kristiyano base sa mga espesyal na araw (Colosas 2:16). 

"Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga tao na nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, Pista ng Pagsisimula ng Buwan, o Araw ng Pamamahinga." (Colosas 2:16, Ang Salita ng Diyos)

Dagdag pa niya, hinimok niya ang mga Kristiyano sa Roma na maging mapagparaya sa isa't isa kahit magkaiba sila ng paraan ng pagsamba tungkol sa pagkain at mga araw (Roma 14:5).

"May mga taong naniniwala na mas mahalaga ang isang araw kaysa sa ibang mga araw. May tao namang pare-pareho lang para sa kanya ang lahat ng araw. Ang bawat tao ang bahalang magpasya para sa kanyang sarili tungkol sa bagay na iyan." (Roma 14:5, Ang Salita ng Diyos)

5. Matatag at Konserbatibong Pamumuno sa Jerusalem

Malamang na patuloy pa rin ang pagsunod sa Sabbath sa Jerusalem at sa mga kalapit na simbahan dahil sa dedikasyon ni apostol Santiago (Gawa 15:13) at sa mga tradisyunal na paniniwala ng mga pari at mga Pariseo (Gawa 21:20). Hindi natin sigurado kung gaano kalayo ang impluwensya ng gawaing ito sa labas ng Palestina, pero malaki ang impact ni apostol Santiago sa Antioquia at kilala rin siya sa Galacia, ayon kay Pablo. Mataas ang tingin ni Lucas kay Santiago, at pinamunuan pa ni apostol Santiago ang Jerusalem Council na nagbigay ng mga tagubilin sa mga simbahan sa Cilicia at Syria tungkol sa kaugnayan ng kautusan ni Moises at mga Kristyano sa Bagong Tipan.

Sa Gawa 15:21, sinasabi na ang mga turo ni Moises ay ipinapahayag sa mga sinagoga tuwing Sabbath. Binanggit ni Santiago ang tradisyong ito pero hindi niya pinapayuhan ang mga Hentil na dumalo. Kailangang matuto ang mga bagong mananampalataya tungkol kay Jesus, hindi lang kay Moises. Ang mga sinagoga kasi ay nagtuturo ng mahigpit na mga kaugalian tulad ng pagtutuli, na hindi naman kailangan sa mga Hentil na naniniwala. Sa isang mahalagang pagpupulong sa Jerusalem, apat lang na simpleng panuntunan ang ibinigay sa mga Hentil sa Gawa 15:28-29:

"Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: Na kayo'y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; kung kayo'y mangilag sa mga bagay na ito, ay ikabubuti ninyo. Paalam na sa inyo." (Gawa 15:28-29 Tagalog AB)

'Yung mga napagkasunduan nilang patakaran ay parang 'yung mga "Noachic Laws" lang din, na hindi kasama 'yung Sabbath. Ayon kay Josephus sa aklat niyang Antiquities of the Jews (1.3.8), pagkatapos daw ng Baha, inutusan ng Diyos si Noe na sundin 'yun mga requirements na 'yun.

"Gayunpaman, hinihiling ko sa inyo na umiwas sa pagdanak ng dugo ng tao, at panatilihin ninyong dalisay ang inyong sarili mula sa pagpatay; at parusahan ninyo ang sinumang gumagawa ng ganoong bagay. Pinahihintulutan ko kayong gamitin ang lahat ng iba pang nabubuhay na nilalang ayon sa inyong kagustuhan at kung ano ang inyong ibigin; sapagkat ginawa ko kayong mga panginoon nilang lahat, kapwa ng mga lumalakad sa lupa, at ng mga lumalangoy sa tubig, at ng mga lumilipad sa himpapawid—maliban sa kanilang dugo, sapagkat naroon ang buhay." [4]

'Yung pagbabawal sa "pakikiapid" sa utos ng Jerusalem Council (Gawa 15:28-29), malamang galing 'yun sa mga bawal na kasalan sa Levitico 18:6–18. Tapos 'yung tungkol naman sa pag-iwas sa dugo, galing din 'yun sa Levitico 17:10–14.

Kaya malinaw na bago pa man magkaroon ng mga Hudyo at mga Hentil, 'yung Sabbath at 'yung mga dapat at hindi dapat kainin ay hindi pa uso sa mga taong nabuhay pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe. 'Yung Sabbath, para lang sa mga Hudyo 'yun nang piliin sila ng Diyos bilang espesyal niyang bayan.

Kahit nga sa Lumang Tipan mismo, sinasabi na walang ibang bansa, na hindi Israel, ang binigyan ng kautusan ni Moises. Para lang talaga sa bansang Israel 'yun.

"Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob. Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa; hindi nila alam ang kanyang mga utos. Purihin ang Panginoon !" (Salmo 147:19-20, Ang Salita ng Diyos)

Sa sulat ni Lucas, parang sinasabi niya na 'yung mga Pariseo (Gawa 15:5) ay talagang seryoso sa pagsunod sa Sabbath at sa Kautusan. Tapos, sa Gawa 15:1, parang may isa pang grupo na pareho ang paniniwala. 'Yung pag-aatubili ni Pedro na kumatay at kumain ng karumaldumal na hayop 'ayon sa pangitain niya (Gawa 10:10-16), na inulit pa nang tatlong beses, ibig sabihin noon, mahalaga talaga sa kanya 'yung Kautusan ng Lumang Tipan. Parang ipinapahiwatig ni Lucas na bago pa 'yung pangitain ni Pedro, malaki pa rin ang respeto sa Kautusan at hindi masyadong kinukuwestiyon ang importansya nito, kahit na nagtatag na si Jesus ng Bagong Tipan.

Nung umalis na ang mga Kristiyano sa sinagoga, 'yung mga bahay na mismo ng mga Kristiyano ang naging simbahan nila. Kaya nga madalas nating mababasa 'yung "ang iglesia na nasa kanilang bahay," na siyang naging lugar ng pagsamba ng mga Kristiyano simula nung hindi na sila sumasamba sa sinagoga ng mga Hudyo.

"At batiin ninyo ang iglesia na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang pangunahing bunga ng Asia kay Cristo."  (Roma 16:5 Tagalog AB)

"Binabati kayo ng mga iglesia sa Asia. Kayo'y binabating malabis sa Panginoon ni Aquila at ni Prisca pati ng iglesiang nasa kanilang bahay."  (1 Corinto 16:19 Tagalog AB)

"Batiin ninyo ang mga kapatid na nangasa Laodicea, at si Nimfas, at ang iglesiang nasa kanilang bahay."  (Colosas 4:15 Tagalog AB)

"At kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapuwa kawal namin, at sa iglesia sa iyong bahay."  (Philemon 1:2 Tagalog AB)

Pero ang pinakaimportanteng tanong pa rin: nagpapahinga pa ba ang mga sinaunang Kristiyano sa ikapitong araw ng Sabbath matapos silang lumayo na sa Sinagoga ng mga Hudyo?

Pansin mo rin ba na sa isinulat ni Lucas sa Mga Gawa, hindi niya sinasabi na pagkatapos humiwalay ang mga Kristiyano sa pagsamba sa sinagoga ng mga Hudyo kada Sabbath, patuloy pa rin nilang ipinagdiriwang ang Sabbath sa kanilang lingguhang pagtitipon tuwing "nagkakatipon sa iglesia" (1 Corinto 11:18) na nasa kanilang mga bahay? Matagal ko nang tinatanong kahit sinong Sabadista kung talagang patuloy na nagpapahinga sa Sabbath ang mga unang Kristiyano. Kahit isang talata lang na magsasabing nagpapahinga sila tuwing Sabado sa kanilang mga pagtitipon bilang Kristiyanong "nagkakatipon sa iglesia" sa mga bahay nila, hindi sa sinagoga ng mga Hudyo. Pero wala talaga ni isa man sa kanila ang nakasagot sa sobrang importanteng tanong na 'to. Ano kaya ibig sabihin nun? Simpleng ibig sabihin lang, hindi itinuturo sa Bibliya na ang mga Kristiyano ay nagpatuloy na nagtitipon linggu-linggo tuwing Sabbath!

Pero kung kami namang mga Kristiyano ang tatanungin niyan, agad-agad kaming may isasagot mula rin sa Mga Gawa, na mababasa sa Gawa 20:7. Tanggap naman 'yan ng mga eksperto at mga teologo ng mga Sabadista ayon sa Andrews Study Bible commentary sa Gawa 20:7 na ang talatang ito ay:

 "Ito lang ang malinaw na pagbanggit sa Bagong Tipan ng pagtitipon ng mga Kristiyano tuwing unang araw ng sanlinggo."

Nakakalungkot lang talaga isipin na hanggang ngayon, wala pa ring maipakita ang mga Sabadista na kahit isang talatang pagtapat diyan. Sobrang tahimik nila pagdating diyan, siguro na-realize na nila na walang talagang basehan sa Bagong Tipan 'yung ginagawa nilang pagsimba tuwing Sabbath sa mga simbahan nila sa buong mundo. Kailangan nila ng ating mga taimtim ba panalangin!


Conclusion:

Noong una, 'yung mga unang Kristiyano, patuloy pa rin silang nagpapahinga tuwing Sabbath sa mga sinagoga ng mga Hudyo. May anim tayong nakitang dahilan kung bakit nila 'yun ginawa. Ang nakakatuwa pa, lima sa mga dahilan na 'yun ay walang kinalaman sa paniniwalang dapat pa ring magpahinga ang mga Kristiyano sa Sabbath. Hindi lang tayo basta-basta maniniwala sa teolohikal na paniniwala ng mga sinaunang Hudyong Kristiyano, dahil sa sobrang panatiko ng ilan sa kanila. Para sa kanila, hindi sapat ang pananampalataya lang kay Jesus para maligtas; kailangan pa raw sundin ang Kautusan ni Moises para maligtas (Gawa 15:1).

Ang nakakagulat pa, marami sa kanila ay dating mga Pariseo at mga Pari na, pagkatapos nilang maniwala kay Kristo, mas lalo pang naging mahigpit sa pagsunod sa Kautusan (Gawa 21:20). Sa Bagong Tipan, isa sa mga malaking pinoproblema ay 'yung posibilidad na hindi lubos na maunawaan ng mga Kristiyanong Hudyo ang tunay na kahalagahan ng buhay ni Jesus, na mas mataas pa sa Kautusan, at ang kanyang sakripisyong kamatayan. 'Yung panganib na bumalik sila sa Judaismo ang dahilan kaya isinulat 'yung aklat ng Hebreo.

Sa aklat ng Mga Gawa, inaangkin ng ilang Sabadista na nagpapahinga raw sa Sabbath ang mga unang Kristiyano. Pero may problema 'yang paniniwala na 'yan kasi 'yung unang iglesia ay unti-unti pa lang nauunawaan na mas importante si Jesus kaysa sa Kautusan. Kung ikukumpara, 'yung Kautusan ay isang anino lang—parang repleksyon lang ng tunay na katuparan na makikita kay Jesus. Nakakatuwang isipin na 'yung paniniwala ng mga Sabadista ngayon ay parang 'yung kawalan ng lubos na pag-unawa ng mga unang Kristiyanong Hudyo na nasa transition stage pa. Kahit tapos na ang ginawa ni Jesus para sa kaligtasan, patuloy pa rin ang mga Sabadista sa pamumuhay sa ilalim ng Kautusan at ng mga sumpa nito (Galacia 3:8-10).
 
Hindi talaga tinularan ng mga Sabadista 'yung ginawa ng mga unang Kristiyano sa Bagong Tipan. Noong una kasi, kahit naniniwala na sila kay Kristo, nagpapahinga pa rin sila sa Sabbath sa mga sinagoga ng mga Hudyo. Pero habang patuloy silang ginagabayan ng Banal na Espiritu at tinuturuan ng mga apostol, unti-unti nilang naintindihan na 'yung Sabbath pala ay wala nang bisa dahil sa pagkamatay ni Kristo.

Dumating din 'yung panahon na sila mismo na ang humiwalay sa sinagoga ng mga Hudyo at nagtayo ng sarili nilang pagtitipon bilang mga Kristiyano. Naunawaan na nila 'yung kahulugan ng mga nangyari sa buhay ni Kristo at kung bakit importante ang araw ng Linggo dahil 'yun 'yung araw ng kanyang pagkabuhay at 'yun din 'yung simula ng Christian church noong Pentecostes (Gawa 2).

Dahil naliwanagan na sila, pinili nilang magtipon bilang iglesia (1 Corinto 11:18) tuwing araw ng Linggo mula noon hanggang ngayon (Gawa 20:7).


References:

∗ Ang "Book of Jubilees" ay isang lumang-lumang libro ng mga Hudyo na may 50 kabanata. Para sa Ethiopian Orthodox Tewahedo Church at sa Haymanot Judaism, parang Bibliya 'yan. Pero para sa ibang mga Kristiyano at Hudyo, hindi nila 'yan tinuturing na parte ng tunay na Kasulatan. Hindi natin alam kung sino talaga ang sumulat nito, pero karamihan sa mga eksperto ay naniniwalang isinulat ito sa Hebrew mga bandang 2nd century BCE (mga 200 taon bago ipinanganak si Kristo). May mga natagpuang piraso ng orihinal na Hebrew nito doon sa mga Dead Sea Scrolls.

Ang "Noachic Laws", o kaya'y "Noahide Laws", ay isang set ng pitong moral na utos na, ayon sa tradisyong Hudyo, ay ibinigay ng Diyos kay Noah pagkatapos ng Baha, at sa gayon, ay itinuturing na obligasyon para sa lahat ng sangkatauhan (mga "anak ni Noah," o B'nei Noach sa Hebrew).

Narito ang pitong batas na ito ayon sa pagkakatala sa Talmud (Sanhedrin 56a-b):

1.  "Huwag sumamba sa mga idolo." (Prohibition of Idolatry)
2.  "Huwag lapastanganin ang Diyos." (Prohibition of Blasphemy)
3.  "Huwag pumatay." (Prohibition of Murder)
4.  "Huwag makikiapid o gumawa ng imoralidad sa sekswal." (Prohibition of Adultery and Sexual Immorality)
5.  "Huwag magnakaw." (Prohibition of Theft)
6.  "Huwag kumain ng karne na inalis sa isang hayop habang ito ay buhay pa." (Prohibition of Eating Flesh Torn from a Living Animal)
7.  "Magtatag ng mga korte ng hustisya." (Obligation to Establish Courts of Justice)

Sa paniniwalang Hudyo, ang mga Hentil na sumusunod sa pitong batas na ito ay itinuturing na "matuwid na mga Hentil" at may bahagi sa "Daigdig na Darating" (Olam Ha-Ba), ang panghuling gantimpala ng mga matuwid. Kapansinpansin na hindi kasama dito ang kahilingan na ang mga Hentil ay obligadong mangilin ng Sabbath.

[1] Bacchiocchi, Samuele. "The Sabbath Under Crossfire." Berrien Springs, MI: Biblical Perspectives (1999) 162

[2] Jubilees 2:31, The Old Testament Pseudepigrapha, [Doubleday, 1985], vol. 2, p. 58

[3] Carson, Donald A., ed. From Sabbath to Lord's Day: A biblical, historical and theological investigation. Wipf and Stock Publishers, 1999, 124-126

[4] Josephus, F. (2021). Antiquities of the Jews ; Book 1.3.8.

[5] Dybdahl, Jon L., editor. Andrews Study Bible Notes. Andrews University Press, 2010, p. 1452.





1 comment:

FEATURED POST

Ang Weird! Ang Pagdidispley ng Litrato ay IDOLATRY?!

MOST POPULAR POSTS