Roma 3:31 Ang Biblia
"Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan."
Challenge ng mga Sabadista:
Seventh-day Adventists 28 Fundamental Beliefs:
#1. "Ang kanyang ebanghelyo ay nagbunga ng pananampalatayang matibay na nagpapahalaga sa bisa ng Sampung Utos. Itinanong ni Pablo, 'Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan. ' (Roma 3:31)" [1]
Handbook of Seventh-day Adventist Theology:
#2. "Ang kautusan, at partikular na ang Sampung Utos, ay kumakatawan sa banal na utos ng Diyos. Ito ang buhay na kalooban ng Diyos. Dahil sa katangiang ito ng kautusan, malinaw ang naging konklusyon ni Pablo: hindi maaaring pawalang-bisa ang kautusan. 'Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan. ' (Roma 3:31). Sa pamamagitan ng 'prinsipyo ng pananampalataya' (sa literal, kautusan ng pananampalataya), sinusunod ng mananampalataya ang kautusan (talata 27)." [2]
The Seventh-Day Adventist Bible Commentary:
#3. "Totoo na pinawalang-bisa ni Pablo ang kaisipang Judio tungkol sa kautusan bilang paraan ng pagkamit ng katuwiran, gayundin ang iginigiit ng mga Hudyo na kailangang sundin din ng mga Hentil ang parehong pamamaraan (Gawa 15:1; Galacia 2:16–19). Ngunit ang kautusan, sa tunay nitong layunin, ay pinagtitibay at hindi inaalis sa pamamagitan ng itinalagang paraan ng Diyos sa pagpapawalang-sala sa mga makasalanan."[3]
Sagot:
Para maintindihan natin nang maayos 'yung mga sinasabi sa Bibliya, lalo na 'yung isang talata, importante talagang alamin natin 'yung sitwasyon o pinanggalingan no'ng talata at kung bakit nasabi 'yun. Ganito rin dapat natin gawin para maintindihan natin talaga 'yung ibig sabihin at gusto iparating ng sumulat, halimbawa na lang sa Roma 3:31.
Madalas gamitin 'yan ng mga Sabadista para patunayan na hindi nawawala 'yung kautusan dahil lang sa pananampalataya, at para ipakita na 'yung kautusan at pananampalataya, ay hindi magkalaban. Isa 'yan sa paborito kong talata noong defender pa ako ng Sabadista para ipakita na tama 'yung paniniwala ng mga Seventh-day Adventist na 'yung kautusan, lalo na 'yung Sampung Utos, ay utos pa rin ng Panginoon para sa mga Kristiyano hanggang kahit na tayo'y nasa ilalim na ng biyaya ng Bagong Tipan.
Kaya, hihimayhimayin natin 'yang Roma 3:31 para makuha natin 'yung totoong ibig sabihin nito ayon sa tunay na intensyon ni Apostol Pablo na sumulat nito. Gagawin natin 'yan sa pamamagitan ng pag-unawa sa sitwasyon o pinanggalingan ng talatang 'yan at kung bakit sinabi ni Pablo, "Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan." (Roma 3:31).
1.) Ang konteksto ng Roma 3:31 ay walang kinalaman sa Sampung Utos.
Ang pinakaimportanteng paksa sa aklat ng Roma ay 'yung pagiging matuwid ng Diyos.
"Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego. Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya." (Roma 1:16-17 Ang Biblia)
Ang pangunahing punto ng sulat sa Roma ay 'yung pagiging matuwid ng Diyos. Lahat tayo, Hudio man o hindi, ay makasalanan at haharap sa paghuhukom ng Diyos na banal. Ang pagiging okay ulit natin sa Diyos ay posible lang sa pamamagitan ng pananampalataya sa ginawang pantubos ni Kristo sa krus bilang kabayaran sa ating mga kasalanan. Dahil nga inalay ni Kristo ang kanyang buhay para sa ating mga kasalanan, itinuturing na "matuwid" ng Diyos 'yung mga sasampalataya sa Kanya.
Dito sa Roma 2, kinokontra ni Pablo 'yung paniniwala na mas pabor ang Diyos sa mga Hudyo kaysa sa mga Hentil (. Dati kasi, iniisip nila na mas lamang ang sila dahil sa Kautusang ibinigay ni Moises. 'Yung mga Hentil naman, maliban na lang kung maging Hudyo sila by conversion, hindi sila itinuturing na kasama sa tipan ng Diyos at bayan ng Israel.
Ipinapakita lamang ni Pablo dito na 'yung pag-aaring matuwid ng Diyos sa mga makasalanan ay hiwalay sa kautusan, ibig sabihin, hindi ito nakadepende sa kung sinusunod ba 'yung mga kahilingan ng kautusan o hindi. Sinasabi lamang dito ni Pablo na itong [paraan ng pagiging matuwid/kaligtasan] ay hindi katulad ng paraan ng Diyos sa Lumang Tipan sa Sinai (tingnan mo sa Hebreo 8:9). 'Tong bagong Tipan o sistema para sa ganitong klaseng kaligtasan ay hindi isang bagong ideya na biglang naisip ng Diyos noong panahon ni Pablo. Bagkus, matagal na 'tong hinulaan, nakasulat na, at pinatunayan na sa mga aklat Lumang Tipan pa lang o ang "kautusan at ng mga propeta" (verse 21). 'Yan mismo 'yung sinasabi ni Pablo na 'yung Magandang Balita na ipinapangaral niya sa mga tao, kahit na parang bago sa pandinig nila, ay matagal na palang ipinangako ng Diyos doon pa sa mga aklat ng Lumang Tipan.
"Si Pablo na alipin ni Jesucristo, na tinawag na maging apostol, ibinukod sa evangelio ng Dios, Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan."(Roma 1:1-2 Ang Biblia)
Sinasabi rin ni Pablo na 'yung mga aklat sa Lumang Tipan, mismo, ay nagpapatunay na 'yung pag-aaring matuwid ng Diyos sa mga makasalanan ay dahil sa pananampalataya, hindi dahil sa pagsunod sa kautusan.
"Datapuwa't ngayon bukod(hiwalay) sa kautusan ay ipinahahayag ang isang katuwiran ng Dios, na sinasaksihan ng kautusan at ng mga propeta." (Roma 3:21 Ang Biblia)
Ang pagliligtas ng Diyos ay nangyari nang hindi nakadepende sa kautusan, hiwalay 'yan sa Kautusan ni Moises (verse 28), at pabor yan para sa mga Hentil na walang Kautusan at sa mga Hudio na may Kautusan nga pero hindi nasusunod ito. Dahil dito, 'yung mga Kristiyanong Hudyo na nag-aalala, tinatanong nila si Pablo, "Ibig bang sabihin ng pananampalataya ay bale-wala na lang lahat ng pinaniniwalaan naming mga Hudyo? Wala na bang silbi 'yung mga Kasulatan namin, tapos na ba 'yung mga kaugalian namin, at hindi na ba tayo ginagamit ng Diyos?" Mariing sagot ni Pablo, "Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan (Old Testament Scriptures/Torah)." (verse 31)
2.) Ang salitang "Kautusan" ay Hindi palaging Kautusan ni Moises o Sampung Utos
Minsan sa Bibliya, 'yung salitang "kautusan" ay ginagamit para sabihin na lahat-lahat na ng mga sinulat sa Lumang Tipan na galing sa Diyos. Ang tawag diyan eh "synecdoche." 'Yan kasing "synecdoche," sa mas simpleng Tagalog, ay 'yung paraan ng pagsasalita o pagsusulat na kung saan 'yung "isang parte" ng isang bagay ay ginagamit para tukuyin 'yung "buong bagay", o kaya naman, 'yung "buong bagay" ay ginagamit para tukuyin 'yung "isang parte" lang. Halimbawa, 'pag sinabi mong may dala kang "wheels" para tukuyin 'yung buong kotse mo, hindi lang literal na gulong 'yun. Ang gulong ay parte lang ng kotse, pero naiintindihan na 'yung buong sasakyan ang ibig mong sabihin. Ganun din kung minsan ginagamit ng Banal na Kasulatan ang salitang "kautusan." Para lubos na maunawaan narito ang ilang mga halimbawa ng mga talata sa Bibliya kung saan ginagamit ang "Synecdoche."
"Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinabi, Kayo'y mga dios?" (Juan 10:34 Ang Biblia)
'Yung siniping "Aking sinabi, Kayo'y mga dios?" ay galing sa Awit 82:6, na kasama sa Mga Salmo, hindi sa Pentateuch (limang aklat na sinulat ni Moises). Dito, 'yung "Kautusan" ay sumasaklaw sa buong Lumang Tipan.
"Sinagot nga siya ng karamihan, Aming narinig sa kautusan na ang Cristo ay lumalagi magpakailan man: at paanong sinasabi mo, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay mataas? sino ang Anak ng taong ito?" (Juan 12:34 Ang Biblia)
'Yung ideya na ang Kristo ay mananatili magpakailanman ay isang pangkaraniwang inaasahan tungkol sa Mesiyas na hango sa iba't ibang hula sa Lumang Tipan, hindi isang partikular na utos sa loob ng Pentateuch pero tinawag na kautusan.
"Nguni't nangyari ito, upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, Ako'y kinapootan nila na walang kadahilanan." (Juan 15:25 Ang Biblia)
'Yung siniping "Ako'y kinapootan nila na walang kadahilanan" ay galing sa Awit 35:19 at Awit 69:4, na Mga Salmo ulit na hindi bahagi ng Pentateuch pero tinawag na kautusan.
"Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; upang matikom ang bawa't bibig, at ang buong sanglibutan ay mapasa ilalim ng hatol ng Dios: (Roma 3:19 Ang Biblia)
Bagama't itong bersikulo ay tumutukoy sa papel ng Kautusan sa paglalantad ng kasalanan, 'yung "kautusan" dito ay puwedeng maintindihan sa mas malawak na konteksto ng buong aklat Lumang Tipan, na naglalaman ng mga utos, mga kasaysayan ng kasalanan, at mga babala ng mga propeta.
"Sa kautusan ay nasusulat, sa pamamagitan ng mga taong may iba't ibang wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga taga ibang lupa ay magsasalita ako, sa bayang ito: at gayon ma'y hindi ako pakikinggan nila, ang sabi ng Panginoon." (1 Corinto 14:21 Ang Biblia)
'Yung siniping "Sa pamamagitan ng mga taong may iba't ibang wika..." ay galing sa Isaias 28:11-12, na kasama sa Mga Propeta hindi sa Pentateuch ni Moises.
Mahalagang tandaan na bagama't 'yung "kautusan" ay minsan tumutukoy sa buong aklat ng Lumang Tipan, mas madalas itong tumutukoy sa:
- Pentateuch (ang unang limang aklat ng Old Testament).
- Buong kalipunan ng Kautusang ni Moises, kasama 'yung 613 na utos.
- Buong canon of listahan ng mga aklat ng Lumang Tipan na karaniwang tinatawag na "Kautusan at mga Propeta."
Ang konteksto ng bawat bersikulo ang pinakamahalaga para malaman kung ano talaga ang ibig sabihin ng "kautusan." Pero 'yung mga bersikulo sa itaas ay malinaw na nagpapakita ng mga pagkakataon na 'yung "kautusan" ay ginagamit sa mas malawak na kahulugan para sumaklaw sa mga Kasulatan sa Lumang Tipan, hindi lang sa mga aklat ni Moises o sa mga Sampung Utos.
Bukod pa riyan sa konteksto, malabo talaga na 'yung "kautusan" na binabanggit sa Roma 3:31 ay tumutukoy sa Sampung Utos kasi 'yung ginamit na salitang Griyego doon ay "nomos" (613 na utos) imbes na "dekálogos" o "deka rhemata," na siyang katumbas na salita sa Griyego para sa Sampung Utos.
Kaya nga, walang matibay na basehan o suporta para sa interpretasyon ng mga Sabadista na 'ang "kautusan" sa Roma 3:31 ay tumutukoy sa Sampung Utos. Kailangan pa nilang baluktutin at pilipitin 'yung Roma 3:31 para lang mapaniwala 'yung mga tao na magkasundo 'yung pananampalataya at 'yung Sampung Utos (Roma 7:1-4; Gal. 5:18)
2.) Ang salitang "Kautusan" sa Roma 3:31 ay hindi tumutukoy sa Sampung Utos, kundi sa kabuuan ng mga Kasulatan ng Lumang Tipan.
Dito na madalas nagkakamali 'yung mga Sabadista. Basta na lang kasi nilang iniisip na 'yung "kautusan" sa Roma 3:31 ay 'yung Sampung Utos, nang hindi muna nila inaalam nang maayos 'yung tunay na pinag-uusapan doon. Kaya tuloy kampante silang makipagdebate kasi madalas, 'yung pag-aaral lang nila ng Bibliya ay mababaw, mas nakabase sa letra-por-letra na pagbasa kaysa sa pag-intindi talaga kung ano'ng gustong sabihin no'ng talata. Ginagawa nilang sandata 'yang Roma 3:31 sa mga debate, kung saan puro tanong at sagot lang sila nang hindi iniintindi 'yung konteksto, mas gusto lang kasi nilang manalo sa debate kaysa hanapin 'yung katotohanan.
Kahit sinong miyembro ng SDA church ay aaminin naman siguro na 'yung buong aklat sa Lumang Tipan ay hindi ang Sampung Utos. Alam nila na 'yung 613 utos ang bumubuo sa kautusan sa Lumang Tipan, pero sinasadya nilang hindi banggitin 'yun kasi alam nilang hindi nila kayang sundin lahat 'yung 613 utos. Kaya binabawasan na lang nila 'yun para matira lamang ang Sampung Utos. Ang hindi nila alam na sa paggawa nila no'n, nagkakasala sila sa Diyos. Dahil ayon sa Santiago 2:10, na madalas din nilang basahin ay nagsasabing, "Sapagka't ang sinomang gumaganap ng buong kautusan, at gayon ma'y natitisod sa isa, ay nagiging makasalanan sa lahat."
Kaya tama lang talaga na sabihing 'yung pananampalataya sa pagiging matuwid ng Diyos para sa mga makasalanan, na hindi nakadepende sa kautusan, eh nagpapatibay sa mga pangako ng buong Lumang Tipan. Hindi 'yan 'yung Sampung Utos. Isa sa matibay nating basehan dito ay ayon na rin sa paliwanag ng SDA Bible Commentary, na 'yung salitang Griyego na "nomos," na madalas nating naririnig bilang "kautusan," ay puwede rin palang tumukoy sa buong aklat ng Lumang Tipan.
"Iba’t ibang paraan ang paggamit ni Pablo sa salitang 'kautusan.' Maaaring ito’y tumutukoy sa Kautusan ni Moises (Galacia 4:21); sa buong Lumang Tipan (1 Corinto 14:21); sa Sampung Utos (Roma 2:17–23; 7:7; 13:8–10); o sa isang tiyak na kautusan, gaya ng batas na nag-uugnay sa mag-asawa (Roma 7:2). Ginagamit din niya ang salitang 'kautusan' (nomos) sa talinghagang paraan, tulad ng pagbanggit sa 'kautusan ng kasamaan' (talata 21) o 'kautusan ng kasalanan' (talata 25; tingnan din sa Roma 8:2; Galacia 6:2). Bagamat hindi nagbibigay si Pablo ng tiyak na depinisyon sa bawat pagkakataong ginagamit niya ang salitang ito, kadalasan ay malinaw ang kahulugan nito batay sa konteksto."[6]
Kaya malinaw na 'yung salitang "kautusan" sa mga sulat ni Pablo ay iba-iba ang ibig sabihin at hindi lang palaging tumutukoy sa Sampung Utos, gaya ng madalas marinig sa maraming pastor at debater sa SDA church. Ang laki kasing dahilan nito ay 'yung karamihan sa kanila, kulang sa pinag-aralan sa theology o kaya naman, hindi masipag magbasa ng mga libro nila tungkol sa theology. 'Yung reference na nabanggit natin, nagbibigay din ng magandang payo sa maraming mga Sabadista na dahil madalas hindi diretsahang sinasabi ni Pablo kung paano niya ginagamit 'yung "kautusan" sa mga sulat niya, makakatulong kung titingnan natin kung paano niya 'yun ginagamit base sa kontexto sa sulat niya.
Sa sitwasyon natin dito sa Roma 3:31, napakalinaw at tiniyak ng konteksto na sinusuportahan nito na 'yung talatang 31 ay hindi talaga tumutukoy sa Sampung Utos kundi sa patotoo ng buong Kasulatan ng Lumang Tipan. 'Yan 'yung sinasabi sa verse 21:
"Datapuwa't ngayon bukod sa kautusan ay ipinahahayag ang isang katuwiran ng Dios, na sinasaksihan ng kautusan at ng mga propeta." (Roma 3:21 Ang Biblia)
Ito na mismo 'yung sinasabi o patotoo ng SDA Bible Commentary:
"Ang Kautusan at ang mga Propeta" — na tumutukoy sa mga Kasulatan ng Lumang Tipan. Sa wikang Griyego, may pantukoy ang salitang 'kautusan.' Walang anumang salungatan sa pagitan ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan. Bagaman ang pagpapahayag ng katuwiran ng Diyos ay hiwalay sa kautusan, hindi ito salungat sa kautusan at sa mga propeta. Sa halip, ito ay inihula at inaasahan na nila (tingnan sa Juan 5:39). Ang nilalaman ng Lumang Tipan ay makahula tungkol sa katuwirang mahahayag kay Cristo at matatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya, gaya ng itinala sa Bagong Tipan (tingnan sa Gawa 10:43; 1 Pedro 1:10, 11). Nauna nang binanggit ni Pablo ang Habakuk 2:4, 'Ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya' (Roma 1:17). Sa kabuuan ng liham na ito, patuloy na tumutukoy si Pablo sa mga Kasulatan ng Lumang Tipan upang patunayan ang kanyang argumento na ang katuwiran ay sa pamamagitan ng pananampalataya (tingnan sa mga kabanata 4; 10:6, 11)."[7]
Sa madaling salita, 'yung pagiging matuwid ng Diyos, ay naayon sa "Kautusan at mga propeta" (mga Kasulatan sa Lumang Tipan), ay ipinakita na sa Lumang Tipan (OT) at sa Bagong Tipan (NT). Sa Old Testament pa lang, hinulaan na 'yung pagiging matuwid sa pamamagitan ni Kristo at matatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, at 'yan mismo 'yung pinatutunayan sa Roma 3:31. Madalas pa ngang sumipi si Pablo sa Old Testament para patunayan 'yung mga pinapangaral niya.
3.) Pinagtitibay ng mga Kasulatan ng Lumang Tipan ang pananampalatayang hiwalay sa kautusan sa pamamagitan ng halimbawa ni Abraham.
Itong susunod na kapitulo, ang Roma 4, pinapakita nito na tunay nga na ang pananampalataya ay nagpapatibay sa mga pangakong nakasulat sa Lumang Tipan, hindi yung Sampung Utos. Tuloy pa rin 'to ng Roma 3, at ginamit si Abraham bilang halimbawa. Si Abraham kasi, itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa pananampalataya niya, hindi dahil sa pagsunod sa Sampung Utos. Gaya nga ng sinasabi sa Galacia 5, wala pa yung Sampung Utos noong panahon ni Abraham. Yung Kautusan, kasama na yung Sampung Utos, binigay lang 'yan sa mga Israelita 430 taon pagkatapos, nung panahon na ni Moises at ng mga Israelita sa ilang, pagkatapos silang palayain mula sa Egipto.
Galatia 3:17(The Living Bible) "Ito ang nais kong iparating: Ang pangako ng Diyos na magligtas sa pamamagitan ng pananampalataya—at isinulat at pinirmahan ng Diyos ang pangakong ito—ay hindi maaaring balewalain o baguhin apat na raan at tatlumpung taon pagkatapos ibigay ng Diyos ang Sampung Utos."
Ginawa kasing halimbawa si Abraham para ipakita na 'yung pagiging matuwid sa mata ng Diyos ay dahil lang sa pananampalataya. Bilang ninuno ng mga Hudyo, sobrang importante 'yung halimbawa niya sa argumento ni Pablo sa Roma 3. Kasi, 'yung pagtutol ni Pablo sa pagmamayabang ng mga Hudyo (Roma 3:27–31) ay konektado kay Abraham. Ipinakita niya si Abraham bilang pangunahing halimbawa para sa mga taong pinili ng Diyos, at siya rin 'yung unang nagpapakita kung paano pinapaging-matuwid ang mga Hentil at mga Hudyo.
"Ano nga ang ating sasabihin, na nasumpungan ni Abraham na ating magulang ayon sa laman? Sapagka't kung si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamapuri; datapuwa't hindi sa Dios. Sapagka't ano ang sinasabi ng kasulatan? At sumampalataya si Abraham sa Dios, at sa kaniya'y ibinilang na katuwiran. Ngayon sa kaniya na gumagawa'y, hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang. Datapuwa't sa kaniya na hindi gumagawa, nguni't sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran." (Roma 4:1-5, Ang Biblia)
Sa Roma 4:1–16, sinasabi ni Pablo na si Abraham ay pinaging-matuwid dahil sa pananampalataya niya, hindi dahil sa mga gawa ng pagsunod sa Kautusan. Si Abraham 'yung unang Hentil na nagbalik-loob sa pamamagitan ng pananampalataya lamang at saka siya 'yung unang tumanggap ng tipan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtutuli. Taliwas sa paniniwala ng maraming Hudyo noon, sinasabi ni Pablo na si Abraham, na ninuno nila, ay hindi pinaging-matuwid dahil sa mga gawa ng Kautusan. Kasi kung ganun, pwede siyang magyabang sa harap ng tao, pero hindi sa harap ng Diyos.
Kaya maling-mali 'yung iginigiit ng mga kaibigan nating Sabadista na 'yung Roma 3:31 diumano ay sumusuporta sa pagsunod sa Sampung Utos sa pamamagitan ng pananampalataya. Nagkakamali sila ng interpretasyon dahil 'yung paraan lang nila ng pagkuha ng sipi ay mababaw, hindi nila tinitignan 'yung buong konteksto. Ipinakita na natin na mali 'yung paliwanag nila. Hindi 'yung Sampung Utos ang sinusuportahan ng pananampalataya, kundi 'yung buong aklat ng Lumang Tipan, na nagpapatunay na ang pagiging matuwid ay makakamit ng kapwa mga Hudyo at mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Hesus at sa sakripisyo niya sa krus, na hiwalay sa kautusan kasama na ang Sampung Utos, sapagkat:
#1. Ang konteksto ng Roma 3:31 ay walang kinalaman sa Sampung Utos.
#2. Ang salitang "Kautusan" sa Roma 3:31 ay hindi tumutukoy sa Sampung Utos, kundi sa kabuuan ng mga Kasulatan ng Lumang Tipan.
#3. Pinagtitibay ng mga Kasulatan ng Lumang Tipan ang pananampalatayang hiwalay sa kautusan sa pamamagitan ng halimbawa ni Abraham.
Conclusion:
Mayroong mga hindi pagkakaunawaan noon sa pagitan ng mga Kristiyanong Hudyo at mga Kristiyanong Hentil sa Roma. Nagtatanong kay Pablo ang mga nag-aalalang mga Kristiyanong Hudyo, "Ibig bang sabihin ng pananampalataya na bale-wala na ang lahat ng pinaninindigan ng Judaismo? Na kinakansela na ang aming mga Kasulatan, tinatapos na ang aming mga kaugalian, at sinasabing hindi na gumagawa ang Diyos sa pamamagitan namin?" (Ito talaga 'yung tanong na ginamit para simulan ang kapitulo 3.)
"Hinding-hindi!" sabi ni Pablo. Sa halip, kapag naintindihan natin kung paano tayo naliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, mas maiintindihan pa natin ang relihiyon ng mga Hudyo. Malalaman natin kung bakit pinili si Abraham, kung bakit ibinigay ang Kautusan, at kung bakit matiyagang nakitungo ang Diyos sa Israel sa loob ng maraming siglo. Hindi binubura ng pananampalataya ang Lumang Tipan. Sa halip, ginagawa nitong mas malinaw na maintindihan kung paano nakitungo ang Diyos sa mga Hudyo.
References:
[1] Ministerial Association General Conference of Seventh-day Adventists. Seventh-day Adventist Believe: A Biblical Exposition of Fundamental Doctrines. 2005 Second Edition, USA, Pacific Press Publishing Association, 2006. 276
[2] Dederen, Raoul. Handbook of Seventh-Day Adventist Theology. Electronic ed., vol. 12, Review and Herald Publishing Association, 2001, p. 471.
[3] Nichol, Francis D., editor. The Seventh-Day Adventist Bible Commentary. Review and Herald Publishing Association, 1980, p. 509.
[4] Ministerial Association General Conference of Seventh-day Adventists. Seventh-day Adventist Believe: A Biblical Exposition of Fundamental Doctrines. 2005 Second Edition, USA, Pacific Press Publishing Association, 2006. 276
[5] Nichol, Francis D., editor. The Seventh-Day Adventist Bible Commentary. Review and Herald Publishing Association, 1980, p. 510.
[6] Raoul Dederen, Handbook of Seventh-Day Adventist Theology, Commentary Reference Series, electronic ed., (Hagerstown, MD: Review and Herald Publishing Association, 2001), 12:471.
[7] Nichol, Francis D., editor. The Seventh-Day Adventist Bible Commentary. Review and Herald Publishing Association, 1980, p. 501.
No comments:
Post a Comment