Gawa 2:17-21
"At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman: At ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, At ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain, Ang inyong mga matatanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip: Oo't sa aking mga lingkod na lalake at sa aking mga lingkod na babae, sa mga araw na yaon Ibubuhos ko ang aking Espiritu; at magsisipanghula sila. At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas, At mga tanda sa lupa sa ibaba, Dugo, at apoy, at singaw ng usok: Ang araw ay magiging kadiliman, At ang buwan ay dugo, Bago dumating ang araw ng Panginoon, Yaong araw na dakila at tangi: At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon, ay maliligtas."
Challenge ng mga Sabadista:
Para sa mga Sabadista, ang hula sa Gawa 2:17-18 (mula sa Joel 2:28-32) ay nagpapakita ng katuparan ng propesiya ni Joel tungkol sa pagbuhos ng Espiritu Santo at ang muling paglitaw ng kaloob ng propesiya sa mga huling araw. Ikinokonekta nila ang Gawa 2 at Joel 2 sa Seventh-day Adventist church bilang ang hinulang nalabing iglesia na makakaranas ng masaganang pagpapakita ng propesiya. Naniniwala silang ang kaganapang ito ay walang pag-aalinlangang natupad sa buhay at ministeryo ni Ellen G. White, na kanilang kinikilalang tunay na propeta ng Diyos para sa SDA bago ang ikalawang pagdating. Ang pananaw na ito ay sinusuportahan ng aklat ng mga Sabadista na A Critique of the Book Prophetess of Health ng Ellen White Estate.
"Espesipikong sinabi ni Joel na 'ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay manghuhula' bilang paghahanda sa 'dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon' (Joel 2:28-32). Naniniwala ang mga Seventh-day Adventist na ang kaloob na propesiya ay nahayag sa buhay at ministeryo ni Ellen G. White." [1]
Ipinaliliwanag ng opisyal na aklat ng mga Sabadista, ang Seventh-day Adventist 28 Fundamental Beliefs, #18: The Gift of Prophecy, ang kanilang pananaw sa pamamagitan ng mga sumusunod na pahayag:
"Ihinula ni propeta Joel ang isang espesyal na pagbuhos ng kaloob na propesiya bago mismo ang pagbabalik ni Cristo. Sinabi niya, 'At pagkatapos nito ay ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman: at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay manghuhula, ang inyong mga matatanda ay mangangarap ng mga panaginip, ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain: At gayon din sa aking mga lingkod na lalaki at sa aking mga lingkod na babae ay ibubuhos ko ang aking Espiritu sa mga araw na yaon. At ako'y magpapakita ng mga kababalaghan sa mga langit at sa lupa, dugo, at apoy, at mga haligi ng usok. Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon' (Joel 2:28-31). Nakita sa unang Pentecostes ang isang kahanga-hangang pagpapakita ng Espiritu. Si Pedro, na sumipi sa hula ni Joel, ay itinuro na ipinangako ng Diyos ang gayong mga pagpapala (Gawa 2:2-21). Gayunpaman, maaari tayong magtanong kung ang hula ni Joel ay umabot sa kanyang sukdulang katuparan sa Pentecostes o kung dapat pa bang magkaroon ng isa pang, mas kumpletong, katuparan. Wala tayong katibayan na ang mga phenomena sa araw at buwan na binanggit ni Joel ay nauna o sumunod sa pagbuhos ng Espiritu na iyon. Ang mga phenomena na ito ay hindi nangyari hanggang sa maraming siglo pagkatapos. Ang kumpleto at huling katuparan ng hula ni Joel ay tumutugma sa huling ulan, na, pagbagsak sa tagsibol, ay nagpahinog sa butil (Joel 2:23). Gayundin, ang huling pagkakaloob ng Espiritu ng Diyos ay magaganap bago mismo ang Ikalawang Pagparito, pagkatapos ng mga hinulang tanda sa araw, buwan, at mga bituin." (cf. Mat. 24:29; Apoc. 6:12-17; Joel 2:31)."[2]
Kung ang hula ni Joel ay natapos ng matupad noong panahon ng mga apostol (Gawa 2) at walang hinaharap na katuparan, ang pag-angkin ni Ellen G. White sa kaloob ng propesiya ay walang kabuluhan. Ibig sabihin, ang kanyang propesiya ay hindi nauugnay sa kanyang panahon at hindi kailangan ang kanyang papel. Kung gayon, si Ellen G. White ay isang huwad na propeta at hindi dapat kilalanin ng mga Sabadista bilang propeta ng Diyos.
Ang kahulugan ng "mga huling araw" ayon kay Apostol PedroUna, ginamit ni Pedro ang Joel 2 para ilarawan ang kanilang mga naranasang himala noong Pentecostes, at idinagdag niya ang salitang "mga huling araw," na hindi bahagi ng Joel 2:28-32. Ano ang kontekstwal na katibayan na ang hula ni Joel ay hindi tumutukoy sa panahon ni Ellen G. White at ng Seventh-day Adventist church? Muling basahin natin ang Gawa 2:16-17 at suriin nang mabuti.
"Datapuwa't ito'y yaong sinalita na sa pamamagitan ng propeta Joel: At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman: At ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, At ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain, Ang inyong mga matatanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip." (Gawa 2:16-17)
Ipinapakita sa maraming talata ng Bagong Tipan na itinuring ng mga unang apostol ang kanilang sarili na nasa "mga huling araw." Sa kanyang sermon noong Pentecostes, halimbawa, sinipi ni Pedro ang Joel, at ginamit ang terminong ito upang ilarawan ang pagdating ng Espiritu Santo sa kanilang panahon (Gawa 2:16–17). Ang paniniwala ni Pedro na siya'y nabubuhay sa mga huling araw ay malinaw nang kanyang sipiin ang Joel at ipahayag ang katuparan nito noong Pentecostes. Sa kanyang unang sulat, ipinahayag din ni Pedro ang kanyang pagkaunawa sa kanilang panahon bilang "mga huling araw":
"Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni't inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo." (1Pe 1:20)
Ayon kay Pedro, ang mga huling panahon ay ang mismong panahon nang magpakita si Jesus sa kanila. Si Pablo ay gumamit din ng katulad na pananalita nang kanyang talakayin ang mga matututunang aral mula sa mga pangyayari sa Lumang Tipan:
"Ang mga bagay na ito nga'y nangyari sa kanila na pinakahalimbawa; at pawang nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon." (1Co 10:11)
Nagkamali ba sina Pablo at Pedro sa kanilang pag-intindi? Nalito ba sila? Ipinapakita ng mga turo ng iba pang manunulat ng Bagong Tipan na sila rin ay naniniwalang nabubuhay sila sa mga huling araw. Ang sumusunod ang isinulat ng awtor ng Hebreo:
"Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan." (Heb 1:1-2)
Ang awtor ay naniniwalang siya'y nabubuhay sa mga huling araw, na kanyang inilarawan bilang panahon ng pakikipag-usap ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus noong Kanyang buhay sa lupa. Gayundin, ipinakita ni Santiago ang ganitong pananaw nang kanyang payuhan ang ilang mayayaman dahil sa kanilang kasakiman, at binalaan sila sa paparating na pagkawasak:
“Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na; at ang mga kalawang na ito ay siyang magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy na lalamunin ang inyong laman. Kayo'y nagtipon ng inyong mga kayamanan sa mga huling araw.” (Sant. 5:3)
Naniniwala si Santiago na ang "mga huling araw" ay ang kanyang panahon noong unang siglo, isang partikular na punto sa kasaysayan. Dagdag pa rito, pinatunayan ni Apostol Juan ang paniniwalang ito:
"Mumunting mga anak, ito ang huling oras: at gaya ng inyong narinig na darating ang anticristo, kahit ngayon ay lumitaw ang marami nang anticristo; kaya nga nalalaman natin na ito na ang huling oras." (1 Jn 2:18)
Naniniwala si Juan na sila'y nasa huling oras dahil sa mga anticristo, at inaasahan niyang ito'y mauunawaan ng kanyang mga tagasunod.
Nagkamali ba ang mga manunulat ng Bagong Tipan? Naniniwala ba silang sila'y nabubuhay sa kanilang tinatawag na mga huling araw, o ang panahong iyon ay nasa hinaharap pa? Posible bang inasahan ng mga apostol ang mga pangyayari 2,000 taon bago ito dumating?
Tayo'y naniniwala sa literal na salita ng mga manunulat ng Bagong Tipan. Hindi nagkamali sina Pedro, Pablo, Santiago, at Juan; ang kanilang mga isinulat ay kinasihan ng Banal na Espiritu na hindi maaaring magkamali. Ang mga apostol ay nabuhay sa mga huling araw.
Noong unang siglo, ang buhay ng mga debotong Hudyo ay nakasentro sa pag-asa sa isang darating na Mesias, ang pagtatatag ng isang bagong kaharian, at ang pangako ng Diyos na makipagtipan ng isang bagong tipan sa Kanyang bayan. Ang mga pangakong ito ay napakahalaga kaya't patuloy nilang inasam ang katuparan ng mga araw na ipinropesiya sa kanila ng mga propeta sa Lumang Tipan.
Bakit tinatawag na "Mga Huling Araw" ang panahon ng mga Apostol?
Tumutukoy ang "mga huling Araw" sa hula ng Bibliya sa huling panahon bago ang pagtatapos ng panahon ng mga Judio o Jewish Age. Ang panahong ito ang nagdala ng katapusan ng Lumang Tipan at mga kaugalian nito, na sukdulang naganap sa pagkawasak ng Templo noong AD 70.
Ang tanong ng mga alagad ni Hesus sa Mateo 24:3 na "
ano ang magiging tanda ng iyong pagparito" ay patungkol sa wakas ng
kapanahunan ng mga Hudyo, hindi sa katapusan ng
mundo gaya ng maling salin ng
King James Version:
"And as he sat upon the mount of Olives, the disciples came unto him privately, saying, Tell us, when shall these things be? and what shall be the sign of thy coming, and of the end of the world?" (Matthew 24:3 King James Version)
Ang pagkakasalin ng Mateo 24:3 sa English Standard Version, mas tama 'yun kasi mas pinagbasehan nila 'yung mga sinaunang sulat sa Griyego na mas mapagkakatiwalaan.
"As he sat on the Mount of Olives, the disciples came to him privately, saying, “Tell us, when will these things be, and what will be the sign of your coming and of the end of the age?” (Matthew 24:3 ESV)
Ayon sa Believers Bible Commentary, mas angkop ang "end of the age" kaysa sa "end of the world" na ginamit sa King James Version dahil...
"Dapat nating linawin na hindi ang katapusan ng mundo (tulad sa King James Version) ang tinutukoy nila, kundi ang katapusan ng kapanahunan (Griyego: aiōn). Ang kanilang unang tanong ay hindi direktang sinagot. Sa halip, tila pinagsama ng Tagapagligtas ang pagkubkob sa Jerusalem noong A.D. 70."
Ito ang maikling paliwanag kung bakit tinatawag na 'mga huling araw' ang panahon ng mga apostol:
Ang Panahon ng mga Judio o Jewish Age: ay ang yugto kung kailan ang mga Judio ay sumailalim sa Lumang Tipan na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises, kabilang ang Kautusan at ang mga paraan ng pagsamba sa Templo.
Mga Huling Araw: Ito ay ang panahon ng paghahanda sa katapusan ng Jewish Age. Ang tinutukoy nito ay ang wakas ng panahon ng Lumang Tipan, at hindi ang mismong katapusan ng mundo. Nagpapahiwatig ang mga huling araw ng pagbabago mula sa Lumang Tipan tungo sa Bagong Tipan sa pamamagitan ni Jesus. Ang pagkawasak ng Templo noong AD 70 ay mahalagang wakas ng Jewish Age, na siyang nagpatigil sa sentral na mga gawaing panrelihiyon ng Judaismo sa panahong iyon.
Itinatag ang isang bagong tipan sa pagdating ni Jesus, na naglalayong mag-alok ng kaligtasan sa lahat ng may pananampalataya, Hudyo at Hentil. Kinikilala ito bilang katuparan ng mga propesiya at ang pasimula ng isang bagong kabanata sa plano ng Diyos para sa kaligtasan ng lahat ng tao.
Sa kabuuan, ang mga huling araw ay ang huling yugto ng dispensasyon ng mga Judio, na nagwakas sa pagkawasak ng Templo noong AD 70. Dito nagtapos ang Jewish Age at nagpasimula sa Bagong Tipan ni Jesus. Ang mga huling araw, tanda ng paglipat mula sa luma patungo sa bago, ay natapos noong unang siglo. Ang panahong ito ng transisyon ay mula sa pagkilala kay Jesus bilang Mesias hanggang sa pagbagsak ng Jerusalem noong AD 70. Tama ang mga apostol sa pagtawag sa kanilang panahon na 'mga huling araw.' Ngunit ang mga Kristiyano ngayon ay nasa isang bagong dispensasyon na may bagong kaharian at tipan.
Ang ideyang ito ay maaaring nakakagulat at nakakabahala sa ilan, lalo na sa mga Sabadista na naturuan na umasa ng mga bagay sa hinaharap. Kapag una nilang marinig ang katotohanang ito, maaaring mahirap para sa kanila na maunawaan dahil paulit-ulit nilang narinig ang mga pariralang mga huling araw at na madalas na ginagamit, tungkol sa katapusan ng mundo. Hindi nila maisip na maaaring nagkamali sila tungkol dito.
Ngayong naiintindihan na natin na ang mga huling araw ay hindi tumutukoy sa ating panahon o sa katapusan ng mundo, ano ang ibig sabihin nito para sa hula ni Joel tungkol sa diumano'y papel ni Ellen G. White bilang isang propeta ng Diyos? Nalaman natin na ang katuparan ng hula sa Joel 2:27-32 ay naganap lamang noong unang siglo sa panahon ni apostol Pedro. Wala itong kaugnayan sa panahon ni Ellen G. White at sa kasaysayan ng Seventh-day Adventist church.
Ang Pagdilim ng Araw, ng Buwan, at ng mga Bituin
Tungkol naman sa pagdilim ng "araw, buwan, at mga bituin" sa kalangitan, ano ang pananaw ng mga Sabadista? Muli, babasahin natin ang kanilang aklat na Seventh-day Adventist 28 Fundamental Beliefs:
"Gayunpaman, maaari tayong magtanong kung ang hula ni Joel ay umabot sa kanyang sukdulang katuparan sa Pentecostes o kung dapat pa bang magkaroon ng isa pang, mas kumpletong, katuparan. Wala tayong katibayan na ang mga phenomena sa araw at buwan na binanggit ni Joel ay nauna o sumunod sa pagbuhos ng Espiritu na iyon. Ang mga phenomena na ito ay hindi nangyari hanggang sa maraming siglo pagkatapos." [5]
Ang paniniwala ng mga Sabadista na hindi ganap na natupad ang hula ni Joel noong panahon ni Apostol Pedro ay dahil sa kanilang literal na pag-unawa sa mga pangyayari tungkol sa pagdilim ng "araw, buwan, at mga bituin." Inaasahan nilang literal na magdidilim ang araw, mawawalan ng liwanag ang buwan, at mahuhulog ang mga bituin. Malinaw na hindi ito nangyari noong Pentecostes sa Jerusalem noong panahon ni Pedro. Hindi nagdilim ang araw, hindi tumigil ang buwan sa pagsikat, at hindi nahulog ang mga bituin mula sa langit.
Ang kanilang opisyal na aklat, ang Seventh-day Adventist 28 Fundamental Beliefs, sa pahina 379, ay nagbibigay ng detalyadong paliwanag ng kanilang literal na interpretasyon sa hulang ito:
"Bilang katuparan ng propesiyang ito noong Mayo 19, 1780, isang di-pangkaraniwang kadiliman ang bumalot sa hilagang-silangan ng Hilagang Amerika... Ang malaking pag-ulan ng mga meteor noong Nobyembre 13, 1833—ang pinakamalawak na pagpapamalas ng mga nahuhulog na bituin na naitala—ay tumupad sa propesiyang ito."[6]
Sa kanyang aklat na The Great Controversy, sinuportahan din ni Ellen G. White ang ideyang ito:
"Mayo 19, 1780, ay nakatala sa kasaysayan bilang “Dark Ages.” Simula pa noong panahon ni Moises, wala nang naitalang panahon ng kadiliman na mayroong katumbas na kapal, lawak, at tagal. Ang paglalarawan sa pangyayaring ito, gaya ng ibinigay ng makata at ng historyador, ay isang pag-uulit lamang ng mga salita ng Panginoon, na naitala ni propeta Joel, dalawang libo at limang daang taon bago pa ang katuparan nito: ‘Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon.’ [Joel 2:31.] [6]
Upang maunawaan ang kabanatang ito, mahalagang isaalang-alang ang panahon. Ang kapighatian, ang pagkawasak ng Jerusalem, ay nangyari noong 70 AD, kaya ang mga pangyayaring ito sa kalangitan ay agad dapat mangyari "karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon." Kaya, inaasahan natin ang katuparan nito ilang sandali pagkatapos ng 70 AD. Ito ang sagot kung bakit hindi literal na nagdilim ang "araw at buwan, at hindi nahulog ang mga bituin" noong panahon ni Pedro kung ang hula ni Joel ay natupad noon. Ang dahilan ay ang maling literal na inaasahan ng mga Sabadista sa pagdidilim at pagbagsak ng mga ito, na hindi nga nangyari. Karagdagan ito sa mga record ng false prophecies ni Ellen G. White.
Gayunpaman, ang mga pagdilim sa kalangitan sa hula ni Joel ay natupad sa makasagisag na paraan nang wasakin ang Jerusalem noong 70 AD. Sa Joel 2, inihula ang pagbuhos ng Espiritu at ang paghuhukom sa Israel. Kinumpirma ni Pedro ang katuparan ng hula tungkol sa Espiritu at inasahan din ang paghuhukom o pagdilim ng kalangitan. Nakita niya ang paghuhukom sa Israel na kasunod ng pagbuhos ng Espiritu noong Pentecostes. Naantala ito ng higit-kumulang mga 40 years ngunit naganap ito noong AD 70 sa pagkawasak ng Jerusalem kaalinsabay ng sistema ng Lumang Tipan ng mga Judio.
Hindi Kasama si Ellen G. White sa Nabuhusan ng Banal na Espiritu
Mahalagang maunawaan ng mga Sabadista na ang pagbubuhos ng Espiritu ayon sa hula ni Joel ay hindi maihahalintulad sa ministeryo ni Ellen G. White. Ang pangunahing dahilan ay hindi lamang isang tao ang tumanggap nito, hindi katulad ni Ellen G. White na hanggang ngayon ay siya lang ang kinikilalang propeta ng mga Sabadista. Ayon sa interpretasyon ni Pedro sa hula ni Joel, maraming mananampalataya, kapwa lalaki at babae, ang tatanggap nito.
"At mangyayari pagkatapos, na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, ang inyong mga matanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip, ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain: At sa mga lingkod na lalake at babae naman ay ibubuhos ko sa mga araw na yaon ang aking Espiritu." (Joe 2:28-29)
Kung gayon, isang malaking panlilinlang ang pag-uugnay ng katuparan ng hula ni Joel kay Ellen G. White lamang. Sa puntong ito pa lang, may matibay na tayong batayan upang sabihing si Ellen G. White ay isang huwad na propeta. Balikan natin ang mapanlinlang na pag-aangkin ng mga Sabadista tungkol sa kanilang kinikilalang nag-iisang propeta:
"Espesipikong sinabi ni Joel na “ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay manghuhula” bilang paghahanda sa “dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon” (Joel 2:28-32). Naniniwala ang mga Seventh-day Adventist na ang kaloob na propetiko ay nahayag sa buhay at ministeryo ni Ellen G. White." [8]
Maraming nagtangkang humalili kay Ellen G. White bilang propeta pagkamatay niya, ngunit walang kinilala ni isa sa mga ito ang mga Sabadista, kahit sinasabi nilang bukas sila sa kahalili. Hindi sila seryoso rito. Pinatutunayan nitong hindi natupad ang hula ni Joel sa SDA church dahil matutupad ito sa lahat ng mananampalataya na lahat ay tatanggap ng Espiritu Santo. Ngunit iisa na nga lang ang propeta ng mga Sabadista tapos bulaan pa. Nasaan ang iba? Bakit walang pumalit? Ang tanging paliwanag ay huwad na propeta ang namumuno sa SDA church, kaya hindi ito tunay na iglesia ng Panginoon.
Batay sa ating pagsusuri, hindi mapagkakaila na si Ellen G. White ay isang huwad na propeta dahil sa mga sumusunod na katotohanan:
1.) Ang pag-aangkin na ang hula sa Joel 2:28-32 ay natupad sa pamamagitan niya ay isang kasinungalingan. Ang tunay na katuparan nito ay naganap lamang noong panahon ni Apostol Pedro sa Jerusalem noong Pentecostes, at hindi ito umaabot sa kanyang panahon noong 1800s.
2.) Ang literal na interpretasyon ng SDA church sa pagdidilim ng Araw, Buwan, at pagbagsak ng mga bituin sa Joel 2:30-31, na sinasabing natupad noong Dark Ages (538 AD - 1798 AD), ay isang maling pagkaunawa. Ang mga makalangit na pangyayaring binanggit sa Bibliya ay simbolikong pananalita na tumutukoy sa paghuhukom ng Diyos, na naganap bilang paghuhukom sa Jerusalem noong 70 AD dahil sa kanilang pagtanggi kay Jesus bilang Mesias. Isa na naman false prophecy si Ellen G.White ito.
3.) Ayon sa hula sa Joel 2:28-29, ang mga tumanggap ng Espiritu Santo ay ang unang mga Kristiyanong mananampalataya sa Jerusalem, alinsunod sa pangako ni Jesus (Lucas 24:49; Gawa 1:8). Ang propesiya ni Joel ay hindi tungkol sa isang babae na matutupad lamang sa Amerika noong 1844 sa pamamagitan ni Ellen Harmon, kundi tungkol sa lahat ng tunay na mananampalataya, lalaki at babae, na nagtipon sa Jerusalem upang hintayin ang ipinangakong pagbuhos ng Espiritu Santo bilang bahagi ng pagtatatag ng New Testament church sa ilalim ng New Covenant (Gawa 2:1-4).
Conclusion:
Ang hula sa Joel 2:28-32 ay naganap noong panahon ng mga apostol sa Jerusalem, kasabay ng Pentecostes, na kinikilala ng mga Kristiyano bilang pinagmulan at anibersaryo ng iglesiang Kristiyano.
Mula noon, aktibong tinutupad ng Espiritu Santo ang aspetong ito ng hula sa lahat ng mananampalataya simula sa 120 disipulo noong Pentecostes. Maaaring itanong ng isang Sabadista, "Nangangahulugan ba ito na ang lahat ng 120 disipulo ay tumanggap ng kaloob ng propesiya, na nagpapahiwatig na silang lahat ay naging mga propeta?" Ang sagot ay oo!
Ang kaloob ng propesiya ayon sa Biblia ay hindi palaging tungkol sa pangitain o nahuhulaan ang mangyayari sa hinaharap o
fortelling. Sa Bagong Tipan, ang kaloob ng propesiya ay katumbas din ng paghahayag ng mga kalooban ng Diyos o pangangaral na nakapagpapatibay ng pananampalaya sa iglesia ayon sa ! Corinto 14:3:
"Subalit ang nagsasalita ng propesiya ay nagsasalita sa mga tao para sa kanilang ikatitibay, ikasisigla, at ikaaaliw." (1Co 14:3 Ang Bagong Ang Biblia)
Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na lahat sila ay naging mga propetang may kakayahang magkaroon ng mga pangitain at panaginip mula sa Diyos. Hindi lahat ng nakakaranas ng mga pangitain at panaginip ay itinuturing na propeta. Kahit ang mga teologong SDA ay kinikilala ang katotohanang ito, gaya ng nakasaad sa aklat ng mga Sabadista, The Gift of Prophecy, p. 52:
"Sa Bagong Tipan, ang paminsan-minsang panghuhula ay nangyayari nang hindi kinakailangang ipinahihiwatig na ang taong kasangkot ay isang propeta." [9]
Kaya, ang 120 mga disipulo noong Pentecostes ay tumanggap ng kaloob ng propesiya, kahit na hindi lahat sila ay mga propeta tulad sa Lumang Tipan. Kinikilala rin ng mga awtoridad ng mga Sabadista na ang kaloob ng propesiya ay nahayag sa mga 120 disipulo sa pamamagitan ng speaking in tongues o pagsasalita sa iba't ibang wika. Ito ay pinatunayan ng Seventh-day Adventist Bible Commentary:
"Manghuhula. Ang pagkakapit ni Pedro sa hula ni Joel sa kasalukuyang karanasan sa Pentecostes ay tila nag-uugnay sa kaloob ng propesiya sa kaloob ng mga wika (tingnan sa Joel 2:28)." [10]
Tanungin natin ang mga Sabadista kung nakapagsalita si Ellen G. White ng iba't ibang wika. Bakit nila tinatanggap ang patuloy na kaloob ng Espiritu ngunit tinatanggihan ang pagsasalita sa iba't ibang wika ngayon? Ipinapakita nitong nalilito ang mga Sabadista sa kaloob ng propesiya, dahil walang suporta sa Biblia ang kanilang mga turo.
Ang Joel 2:20-32 ay natupad na noong unang siglo sa Pentecostes (Gawa 2). Pagkatapos ibuhos ang Espiritu sa mga disipulo, naharap ang mga Judio sa paghuhukom ng Diyos, na sinasagisag ng pagdidilim ng kanilang simbolikong araw, buwan, at mga bituin noong 70 AD. Samantala, natupad naman ang hula ni Joel na pagkatapos mawasak ang Jerusalem at ang templo nito ay nagsimulang lumaganap ang ebanghelyo ay ang mga Hentil ay naging bahagi na din ng katawan ni Kristo na ayon kay Joel ay tumawag sa pangalan ng Panginoon at tumanggap ng kaligtasan (Joel 2:32):
"Ang sinumang tumawag sa pangalan ng PANGINOON ay maliligtas."
Hanggang sa ngayon ay patuloy ang katuparang ito, maging sa mga Seventh-day Adventist na umaalis na at nagbabalik-loob na sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi at pagtanggap kay Jesus bilang personal nilang Panginoon at Tagapagligtas, sa ikadadakila ng Diyos. Amen!
References:
Note: Sa akin ang pagsasalin sa Tagalog sa mga referensya na English sa orihinal
[1] Ellen G. White Estate, A Critique of the Book Prophetess of Health, (Ellen G. White Estate, 1976), 23.
[2] Seventh-day Adventist 28 Fundamental Beliefs. Second Edition, Silver Springs, Michigan, United States of America, Ministerial Association General Conference of Seventh-day Adventists, 2005, 251.
[3] Frank B. Holbrook, The Biblical Basis for a Modern Prophet, (Biblical Research Institute, 1982), 4.
[4] John Norton Loughborough, Last Day Tokens, (Pacific Press Publishing Company, Mountain View, California, 1904), 50.
[5] Frank B. Holbrook, The Biblical Basis for a Modern Prophet, (Biblical Research Institute, 1982), 4.
[5] Seventh-day Adventist 28 Fundamental Beliefs. Second Edition, Silver Springs, Michigan, United States of America, Ministerial Association General Conference of Seventh-day Adventists, 2005, 379.
[6] Seventh-day Adventist 28 Fundamental Beliefs. Second Edition, Silver Springs, Michigan, United States of America, Ministerial Association General Conference of Seventh-day Adventists, 2005, 379.
[6] Ellen Gould White, The Great Controversy (1888 ed.), (Mountain View, CA: Pacific Press Publishing Association, 1888), 308.
[7] D. A. Delafield, Ellen G. White in Europe 1885-1887, (Washington, D.C.: Review and Herald Publishing Association, 1975), 237.
[8] Ellen G. White Estate, A Critique of the Book Prophetess of Health, (Ellen G. White Estate, 1976), 23.
[9] Dr. Alberto Timm & Dwain Esmond, The Gift of Prophecy, (Review and Herald Publishing Association, 2015), 52.
[10] Francis D. Nichol, Ed., The Seventh-Day Adventist Bible Commentary, (Review and Herald Publishing Association, 1980), 6:143.
No comments:
Post a Comment