"At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal." (Gawa10:28)
"Sa pangitain ni Pedro, ang mga paghihigpit sa pagkain ay may simbolikong kahulugan kaugnay ng mga pagkakaiba ng mga Hudyo sa pagitan ng mga tao—ang mga Hudyo at ang mga Hentil—at ang pag-aalis ng mga pagkakaibang ito ang siyang pangunahing paksa. . . Sa pag-unawa ng pangitain, kinakailangang kilalanin na, bagaman ito ay ibinigay sa konteksto ng pisikal na gutom (v. 10), hindi ito tungkol sa pagkain, kundi tungkol sa mga tao." (akin ang pagsasalin sa Filipino) [1]
SAGOT:
Ang mga Sabadista ay gumagawa ng pagkakaiba sa pagitan ng mga kautusan tungkol sa pagkain ng Israel at kung paano ito nakaaapekto sa relasyon ng mga Hudyo at mga Hentil. Ayon sa Kautusan ni Moises, may kaugnayan ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao at ang mga kaugalian sa pagkain. Sa kultura ng Near East, ang pakikibahagi at pakikisalamuha sa komunidad ay lubos na napapalakas sa pamamagitan ng pagsasalo ng pagkain at inumin (Lucas 11:5-8).
Ayon sa pag-aaral ng Anthropology Review, ang 'commensality' o ang pagsasama-sama sa pagkain ay isang pundamental na aspeto ng pakikipag-ugnayan ng tao. Ito ay isang tradisyon na nag-uugat sa ating kasaysayan at makikita sa lahat ng kultura. Ganito ang paliwanag ng Anthropology Review:
"Ang 'commensality', o ang pagsasalo ng pagkain kasama ang iba, ay isang mahalagang aspeto ng pakikisalamuha ng tao. Sa iba't ibang kultura at kasaysayan, ang sama-samang pagkain ay may mahalagang papel sa pagpapatibay ng relasyon at pagbuo ng komunidad. Ang pagkain at mga kaugalian sa pagkain ay mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan ng kultura. Ang ating kinakain, paano tayo kumain, at kung sino ang ating kasalo ay naaapektuhan ng ating pinagmulan at tradisyon. Bukod sa pagpapanatili ng ating pangangatawan, ang pagkain ay may mahalagang papel din sa paghubog ng ating pagkatao. Ang **commensality**, o ang pagsasalo ng pagkain, ay hindi lamang isang pisikal na aktibidad kundi isang gawaing panlipunan din. Ang sama-samang pagkain ay tumutulong sa pagbuo ng relasyon at komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon para magka-ugnay at magbahagi ng karanasan ang mga tao." (akin ang pagsasalin sa Filipino)[2]
Ipinaliwanag pa ng The Anthropology Review kung paano napalalakas ng mga piging at pagdiriwang ang koneksyon at ugnayan sa lipunan.
"Ang mga piging ay isa pang halimbawa kung paano nakapagpapalakas ng ugnayang panlipunan ang sama-samang pagkain. Sa maraming kultura, ang mga piging ay kaugnay ng pagdiriwang at mga natatanging okasyon. Sa pagsasalo ng pagkain at inumin, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga tao na patibayin ang umiiral na relasyon at bumuo ng mga bagong ugnayan." (akin ang pagsasalin sa Filipino). [3]
Ang bansang Israel ay naprotektahan at napigilan ng mga kautusan nito tungkol sa pagkakaiba ng karumaldumal at malinis na pagkain na matuksong makisalo sa mga bawal na piging ng mga Hentil, at makipag-ugnayan sa kanila sa di-makatarungang paraan, at malimutan ang kanilang tipan sa Diyos.
"Ni magaasawa sa kanila; ang iyong anak na babae ay huwag mong papag-aasawahin sa kaniyang anak na lalake, ni ang kaniyang anak na babae, ay huwag mong papag-aasawahin sa iyong anak na lalake. Sapagka't kaniyang ihihiwalay ang iyong anak na lalake sa pagsunod sa akin, upang sila'y maglingkod sa ibang mga dios: sa gayo'y magaalab ang galit ng Panginoon laban sa iyo, at kaniyang lilipulin kang madali. Kundi ganito ang inyong gagawin sa kanila; inyong igigiba ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputolputulin ang kanilang mga haligi na pinakaalaala at inyong ibubuwal ang kanilang mga Asera, at inyong susunugin sa apoy ang kanilang mga larawang inanyuan. Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios; pinili ka ng Panginoon mong Dios upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa." (Deu 7:3-6)
Sa kasamaang-palad, maraming mga Sabadista ang hindi lubos na nauunawaan ang mga kultura ng commensality na laganap noong panahon ng Bibliya. Maaaring ito ang dahilan kung bakit itinuturing nilang magkahiwalay at walang kaugnayan ang mga usapin tungkol sa pagkain at ang pakikisalamuha sa pagitan ng mga Judio at mga Hentil. Karaniwan, hinahati ng mga Sabadista ang mga turo ng Bibliya upang ipagtanggol ang kanilang paniniwala at gawing tugma ang Bibliya sa kanilang mga pananaw. Ganito rin ang ginawa nila sa paghahati sa nag-iisang Kautusan ng Diyos sa dalawa—ang isa’y tinawag nilang ceremonial at ang isa’y moral—upang ipilit na ang Sabbath ay walang hanggan at hindi nagbabago. Ngayon, kinakailangan nilang paghiwalayin ang usapin ng pagkain at ang epekto nito sa pakikisalamuha ng mga Judio at mga Hentil upang sumang-ayon sa kanilang sariling paniniwalang ang nilinis ng Diyos sa Gawa 10 ay tumutukoy sa mga tao at hindi sa mga hayop na marurumi. Ang katotohanan ay ang pangitain ni Pedro sa Gawa 10 ay may aplikasyon para sa parehong pagkain at tao.
Narito ang konklusyon mula sa New International Dictionary of Old Testament Theology and Exegesis, na ginagamit ng mga Sabadistang scholars sa loob ng maraming taon:
"Ang pangitain ni Pedro tungkol sa telang bumababa mula sa langit sa Gawa 10:9–16 ay nagpapakita na ang pambansang paghihiwalay na epekto ng mga kautusan tungkol sa malinis at maruming mga hayop ay naramdaman sa paglipas ng mga panahon." (akin ang pagsasalin sa Filipino) [4]
Maaaring ganap na ignorante ang mga Sabadista tungkol sa katotohanan na ito, o alam nila ito ngunit pinili nilang itago lang ito upang maiwasan ang kahihiyan na malaman ng mga members nila na nagkamali pala sila.
Mga Dahilan sa Pagkakaiba ng "Malinis" at "Marumi" sa Levitico 11 at Deuteronomio 14
Nalilito ang ilang mag-aaral ng Bibliya sa kadahilanan sa likod ng pagtawag ng ilang nilalang bilang "malinis" at ang iba naman bilang "marumi" para sa pagkain (Lev 11; tingnan din ang Dt 14:3–21). Ilan sa mga dahilan ay:
- Hygienic reasons: mga pagsasaalang-alang sa sanitasyon tulad ng posibilidad ng paglipat ng sakit at hindi pagiging malusog ng karne ng baboy, lalo na kung hindi ito lutong mabuti.
- Allegorical explanations: ang ideya na ang kalikasan ng isang hayop ang nagtatakda kung ito ay malinis o hindi; halimbawa, ang mga baboy ay itinuturing na marumi dahil itinuturing silang kumakatawan sa tamad, matakaw, at walang-galang na pag-uugali.
- Random testing: ang pananaw na ang Diyos ay nagtakda ng ilang hayop bilang marumi nang walang tiyak na dahilan upang subukin ang katapatan ng Kanyang mga tao.
- Pagan association: ang ideya na ang mga hayop na itinuturing na "marumi" ay ang mga ginagamit sa mga seremonya ng mga hindi-Israelita; halimbawa, ang sakripisyo ng baboy ay bahagi ng ilang paganong ritwal.
- Conformity to an ideal: ang paniniwala na ang isang hayop ay itinuturing lamang na "malinis" kung ito ay umaayon sa kahulugan ng "normal" para sa uri nito; halimbawa, ang mga nilalang sa dagat na walang palikpik o kaliskis ay itinuturing na abnormal at kaya't marumi.
- Heavenly analogy: ang ideya na ang "diyeta" ng Diyos ay binubuo ng mga "malinis" na hayop.
Ang ideya na ang mga pagkaing hindi maaaring kainin ng mga Israelita ay itinuturing na hindi rin "pagkain ng Diyos" ay isang bagong pananaw sa pag-unawa sa mga kautusan ukol sa pagkain sa Bibliya. Bagamat kawili-wili, mahirap ipaliwanag ang lahat ng mga pagkaing nasa listahan sa itaas gamit lamang ang isang teorya. Ang mas malinaw na layunin ng mga kautusan na ito ay tulungan ang mga Israelita na maging isang natatanging grupo ng mga tao na nakatuon sa Diyos. Ang mga kautusan sa pagkain ay isang paraan upang ipakita ang kanilang kaibahan sa ibang mga tao at upang manatiling malinis at banal ayon sa diwa ng Deuteronomio 14:1-3:
"Kayo'y mga anak ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong magkukudlit, ni magpapakakalbo sa pagitan ng inyong mga mata, ng dahil sa patay. Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios, at ikaw ay pinili ng Panginoon upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa. Huwag kang kakain ng anomang karumaldumal na bagay." (Deu 14:1-3)
"Sapagka't ako ang Panginoon na nagsampa sa inyo mula sa lupain ng Egipto, upang ako'y inyong maging Dios: kayo nga'y magpakabanal, sapagka't ako'y banal. Ito ang kautusan tungkol sa hayop, at sa ibon, at sa lahat na may buhay na gumagalaw sa tubig, at sa lahat ng nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa; Upang lagyan ninyo ng pagkakaiba ang karumaldumal at ang malinis, at ang may buhay na makakain at ang may buhay na hindi makakain." (Lev 11:45-47)
"Ingatan nga ninyo ang lahat ng aking mga palatuntunan at ang lahat ng aking mga kahatulan, at inyong isasagawa: upang huwag kayong iluwa ng lupain na aking pinagdadalhan sa inyo na inyong tatahanan. At huwag kayong lalakad ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansang aking palalayasin sa harap ninyo: sapagka't ang lahat ng kasamaang ito ay ginawa nila, at kaya ko kinapopootan. Datapuwa't sa inyo'y aking sinabi, Mamanahin ninyo ang lupain nila, at ibibigay ko sa inyo upang inyong manahin, na isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot: ako ang Panginoon ninyong Dios na ibinukod ko kayo sa mga bayan. Inyo ngang lalagyan ng pagkakaiba ang hayop na malinis at ang karumaldumal, at ang ibong karumaldumal at ang malinis: at huwag ninyong gagawing karumaldumal ang inyong pagkatao, sa hayop o sa ibon, o sa anomang bagay na umuusad sa lupa, na inihiwalay ko sa inyo palibhasa'y mga karumaldumal. At kayo'y magpapakabanal sa akin: sapagka't akong, Panginoon, ay banal, at kayo'y ibinukod ko sa mga bayan, upang kayo'y maging akin." (Lev 20:22-26)
"Nang kinabukasan nga samantalang sila'y patuloy sa kanilang paglalakad, at nang malapit na sa bayan, si Pedro ay umakyat sa ibabaw ng bahay upang manalangin, nang may oras na ikaanim; At siya'y nagutom at nagnais kumain: datapuwa't samantalang nangaghahanda sila, ay nawalan siya ng diwa; At nakita niyang bukas ang langit, at may isang sisidlang bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na nakabitin sa apat na panulok na bumababa sa lupa: Na doo'y naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga nagsisigapang sa lupa at ang mga ibon sa langit. At dumating sa kaniya ang isang tinig, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Hindi maaari, Panginoon; sapagka't kailan ma'y hindi ako kumain ng anomang bagay na marumi at karumaldumal. At muling dumating sa kaniya ang tinig sa ikalawa, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi. At ito'y nangyaring makaitlo: at pagdaka'y binatak sa langit ang sisidlan."(Gawa10:9-16)
"At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal." (Gawa10:28)
Sangayon sa Word Studies in the New Testament:
"Ang mga Hudyo ay nagsasabing ibinabatay nila ang pagbabawal na ito sa batas ni Moises, ngunit walang direktang utos sa batas ni Moises na nagbabawal sa mga Hudyo na makisalamuha sa mga tao mula sa ibang mga bansa. Gayunpaman, ang pahayag ni Pedro ay pangkalahatan, na tumutukoy sa karaniwang gawain ng mga Hudyo na ihiwalay ang kanilang sarili sa pang-araw-araw na buhay mula sa mga hindi tuli." (akin ang pagsasalin sa Filipino) [6]
Ang paggamit ni Pedro ng salitang "huwag" sa Gawa 10:28 ay hindi mula sa salitang Griyegong "nomos," na tumutukoy sa kabuoan ng 613 kautusan ni Moises. Sa halip, ginamit niya ang salitang "athemitos," na nangangahulugang "paglabag sa tradisyon o sa karaniwang pagkilala kung ano ang angkop o tama."[7] Samakatuwid, ang Lumang Tipan ay walang anumang kautusan na nagbabawal sa pakikisalamuha sa mga Hentil; gayunpaman, ipinakilala ng mga rabbi ang ganitong mga alituntunin at ginawang sapilitan sa pamamagitan ng kaugalian.
Kung ganoon, ang mga Hentil ay hindi talaga itinuturing na marumi ng Diyos, kaya’t hindi sila dapat ituring na ganito. Ang mga Rabbi ng mga Hudyo ang gumawa ng patakarang ito, na pinaniwalaan naman ng mga Sabadista. Kung ang mga Hentil ay hindi itinuturing na marumi ng Diyos, ano ngayon ang tinutukoy na "marumi" sa Gawa 10:15 nang sinabi ng Diyos, "Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi."? Ito ay tumutukoy sa mga karumaldumal na mga hayop sa Leviticus 11 at Deuteronomio 14 kung saan ginagamit ng Diyos ang mga kategoryang "malinis" at "marumi" para lamang sa mga hayop, at hindi para sa mga Hentil na tao.
Ang Turo ng mga Demonyo na Pagbabawal ng mga Pagkain na Nilinis na ng Diyos
Ipinapakita rin ng Bagong Tipan ang pagbabago sa pag-unawa ng mga Kristiyano, Hudyo man o Hentil, sa mga kautusan tungkol sa malinis at maruming pagkain sa ilalim ng Bagong Tipan. Sa ilalim ng Lumang Tipang Kautusan ni Moises, ang pag-iwas ng mga Israelita sa maruming pagkain ay itinuturing na paraan upang matanggap ang pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos. Gayunpaman, sa Bagong Tipan, nagbago na ang pananaw na ito; hindi natin makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng kung ano ang kinakain natin.
1 Corinto 8:8 (NLT) "Totoo na hindi natin makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng ating kinakain. Wala tayong nawawala kung hindi natin ito kakainin, at wala rin tayong makikinabang kung kakainin natin ito." (akin ang pagsasalin sa Filipino)
Isa pang pagbabago sa ilalim ng Bagong Tipan ay ang mga Kristiyano ay hindi na nagtatangi ng malinis at maruming pagkain. Nauunawaan nila na, hindi tulad sa ilalim ng Lumang Kautusan ni Moises, wala nang pagkain na likas na marumi sa kanyang sarili.
Roma 14:14 (AMP) "Alam ko at ako'y kumbinsido (nahikayat) bilang isa kay HesuKristo, na walang anumang bagay na [ipinagbabawal bilang] likas na marumi (dungis at hindi banal sa kanyang sarili). Ngunit [sa kabila nito] ito ay marumi (dungis at hindi banal) sa sinumang naniniwala na ito ay marumi." (akin ang pagsasalin sa Filipino)
Karagdagan pa, ang mga Kristiyano sa ilalim ng Bagong Tipan ay nauunawaan na ngayon na bilang mamamayan ng Kaharian ng Diyos, ang kanilang kinakain ay hindi na kasinghalaga sa pananampalataya gaya ng sa ilalim ng kautusan sa Lumang Tipan.
Roma 14:17, 20 (ERV) "Sa Kaharian ng Diyos, hindi mahalaga ang ating kinakain at iniinom. Narito ang mahalaga: ang tamang paraan ng pamumuhay, kapayapaan, at kagalakan—lahat mula sa Banal na Espiritu. Huwag hayaang sirain ng pagkain ang gawain ng Diyos. Lahat ng pagkain ay tama kainin, ngunit mali para sa sinuman na kumain ng bagay na nakakasama sa pananampalataya ng ibang tao." (akin ang pagsasalin sa Filipino)
Sa katunayan, itinuro sa mga Kristiyano sa Bagong Tipan na ang sinumang magpupumilit na may mga pagkaing hindi dapat kainin ay dapat ituring bilang isang huwad na guro, na nagkakalat ng mga turo ng mga demonyo.
1 Timoteo 4:1, 3-5 (Int'l English ERV) "Sinasabi ng Espiritu nang malinaw na sa mga huling araw, may mga tatalikod sa ating pananampalataya. Susundin nila ang mga espiritu na nagsisinungaling. At susundan nila ang mga turo ng mga demonyo. Sinasabi nila na mali ang mag-asawa. At sinasabi nila na may mga pagkaing hindi dapat kainin ng tao. Ngunit nilikha ng Diyos ang mga pagkaing ito, at ang mga naniniwala at nakauunawa ng katotohanan ay maaari itong kainin ng may pasasalamat. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang nilikha siya na dapat tanggihan kung ito ay tinanggap ng may pasasalamat sa Kanya. Ang lahat ng nilikha Niya ay ginagawang banal sa pamamagitan ng Kanyang sinabi at ng panalangin." (akin ang pagsasalin sa Filipino)
Umaasa at nananalangin ako na ang mga turo mula sa mga apostol ng Bagong Tipan ay magsilbing gabay sa ating mga kaibigang Sabadista, at sa biyaya ng Diyos, sila ay maituwid patungo sa mapagpakumbabang panalangin at pagsisisi sa pagpapalaganap ng doktrina ng mga demonyo, na nagbabawal sa pagkain ng lahat na mga nilinis na ng Diyos
CONCLUSION:
Ayon sa ating mga pag-aaral sa konteksto ng mga batas sa pagkain ng mga Hudyo, nagiging malinaw na ang pangitain ni Pedro sa Gawa 10:9-16 ay tumutukoy sa pagpapawalang-bisa ng Diyos sa pagkakaibang pagitan ng malinis at maruming mga hayop. Hindi ito direktang nauugnay sa mga Hentil, ngunit bilang isang implikasyon, naaapektuhan nito ang mga ugnayang panlipunan ng mga Hudyo sa mga bansa ng mga Hentil bilang resulta. Hindi maaaring tunay na magka-fellowship ang mga Hudyo at Hentil kung patuloy na susunod ang mga Hudyo sa mga batas sa pagkain ng mga Hudyo. Ipinapakita ng pangitain kay Pedro na ang paghahati ng Torah sa pagitan ng malinis at maruming mga hayop ay hindi na valid. Pinapayagan na siyang patayin at kainin ang mga hayop na dati ay itinuturing na ritwal na marumi. Sa pagninilay-nilay sa pangitain na ito, nauunawaan ni Pedro na isa sa mga implikasyon ng bagong utos ng Diyos ay na ang mga tao na dati ay tiningnan bilang ritwal na marumi ng mga Rabbi ng mga Hudyo dahil sa hindi pagsunod sa mga batas sa pagkain ng mga Hudyo ay hindi na dapat ituring na marumi.
Kaya't ang pahayag ng mga Seventh-day Adventists na ang pangitain ni Pedro sa Gawa 10:9-16 ay hindi tumutukoy sa pagkain kundi sa mga tao ay mali, walang basihang biblikal, makasaysayan, o kontekstwal. Isa lamang itong doktrinang nilikha ng tao na layuning maligaw ang mga tao upang paniwalaan ang kanilang maling ebanghelyo.