FEATURED POST

"PAGLALANTAD SA MGA KASINUNGALIAN NI PASTOR BJORN CAPIENDO AT JOHNSON AMICAN TUNGKOL SA “THREE HOLIEST BEINGS” NI ELLEN G. WHITE!"

Ang live na episode ng 'Katotohanan' sa Hope TV kung saan tinalakay nina Johnson Amican at Pastor Bjorn Capiendo ang konsepto ng Tri...

MOST POPULAR POSTS

Saturday, April 6, 2024

Seventh-Day Adventist Answered Verse-By-Verse on Matthew 24:20:"Huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man" ?

 “At magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man:” (Matthew 24:20, Tagalog AB)


SDA Arguments:

1.) Ang Sabbath ay nagpapatuloy pa din na ipapangilin ng mga Christians pagtapos na bumalik sa langit si Jesus.

2.) Kung ang utos tungkol sa Sabbath ay kasamang ipinako na sa krus bakit pa siya nag-utos na ipanalangin sa kanyang mga alagad na huwag mangyari ang kanilang pagtakas sa araw ng Sabbath?

3.) Ang background ng bilin na ito ni Jesus ay ang tungkol sa pagwasak ng Jerusalem na mahigit kumulang mga 40 years matapos niyang sabihin ang mga salitang ito. Ibig sabihin ay inaasahan pa din ng Panginoong Jesus na ang mga tunay na tagasunod niya ay nangingilin pa din ng ikapitong araw ng Sabbath.

Sagot:

Mahalagang tandaan na si Mateo lamang sa apat na manunulat ng Ebanghelyo ang nagbanggit ng "magsipanalangin kayo na hindi mangyari ang inyong pagtakas sa panahon ng taglamig, o sa araw ng Sabbath." Sa kabilang banda, si Marcos ay nag-ulat lamang ng "At magsipanalangin kayo na hindi ito mangyari sa panahon ng taglamig" (Marcos 13:18, Tagalog AB) at hindi niya binanggit ang tungkol sa Sabbath. Wala ring nabanggit si Lucas tungkol sa mga ito. Ayon sa mga iskolar ng Bibliya, ang Ebanghelyo ni Mateo ay isinulat para sa mga Jewish Christians, kaya siya lamang ang nagtala ng detalye tungkol sa Sabbath, samantalang sina Marcos at Lucas na sumulat para sa mga Gentile Christians at Greek speaking Jews ay hindi nagdagdag ng anumang pahayag ukol sa Sabbath.

Ito ay nangangahulugang ang mga Gentile Christians ay hindi kinakailangang mag-alala tungkol sa babala hinggil sa pagtakas sa araw ng Sabbath. Hindi kailangan ng mga Gentile Christians ang payong ito dahil hindi naman sila taga-Jerusalem kaya hindi sila nag-aalala tungkol sa pagtakas sa araw ng Sabbath mula Jerusalem.

Inaasahan ni Jesus na ang mga Jewish Christians kasama ng mga unbelieving Jews ay magpapatuloy sa pangingilin ng Sabbath kapag ang Jerusalem ay simulan nang atakihin ng mga sundalo ng Roma noong 70 AD. Kaya't maliwanag na hindi sakop ng babalang ito ang mga Gentile Christians, kaya isang malaking pagkakamali na sabihing ang lahat ng mga Kristiyano ay nananatili pa ring nangingilin ng Sabbath sa panahong ito. Ang babala ni Cristo ay talagang naaangkop lamang sa mga Jewish Christians na hindi pa matured sa kanilang pananampalataya upang iwanan ang pangingilin ng weekly Sabbath. Sila lamang talaga ang apektado ng taglamig at ng pagtakas sa araw ng Sabbath. Ito ay sapagkat sa araw ng Sabbath sa taglamig, may malakas na pag-ulan sa Judea, mahirap o imposible ang pagtakas sa mga bundok dahil sa mga baha sa mga kalsada at bangin. At gayundin ang pagtakas sa araw ng Sabbath ay mahirap dahil limitado lamang ang kanilang magagawa na lakbayin hanggang 1 kilometro (Ex 16:29; Nu 35:5; Jos 3:4), na hindi sapat upang makatakas sila mula sa panganib ng kamatayan.

Sa Gawa 15 at 21 ay ipinakikita na libu-libong mga Jewish Christians pa rin ang masigasig sa kautusan at patuloy na sumusunod sa mga kautusang ito, kabilang na ang pag-oobserve ng Sabbath.

“Datapuwa't nagsitindig ang ilan sa sekta ng mga Fariseong nagsisampalataya na nangagsasabi, Kinakailangang sila'y tuliin, at sa kanila'y ipagbiling ganapin ang kautusan ni Moises.” (Acts 15:5, Tagalog AB)

“At sila, nang kanilang marinig yaon, ay niluwalhati ang Dios; at sa kaniya'y sinabi nila, Nakikita mo na, kapatid, kung ilang libo-libo ang mga Judio na nagsisisampalataya; at silang lahat ay pawang masisikap sa kautusan.” (Acts 21:20, Tagalog AB)

Base sa ating pagsusuri ng background at konteksto ng Mateo 24:20, narealize natin na maling gamitin ang talatang ito bilang matibay na patotoo na ang mga Kristiyano ngayon ay obligado pa rin na mangilin ng Sabbath. Ang pagpapatuloy ng mga Jewish Christians na mangilin ng Sabbath matapos makabalik ni Jesus sa langit ay hindi matibay na argumento upang makumbinsi ang sinuman na dapat mangilin din tayo ng Sabbath hanggang ngayon. Natuklasan din natin kanina sa ating pagsusuri sa background ng Mateo 24:20 na hindi lahat ng mga Kristiyano ay patuloy na nangilin ng Sabbath matapos bumalik si Jesus sa langit. Kung mayroon man nagpapatuloy, ito ay walang iba kundi ang mga Jewish Christians lamang o maging mga Judio na kalaban ni Jesus. Napatunayan natin ito dahil si Mateo lamang sa apat na manunulat ng mga Ebanghelyo ang bumanggit tungkol sa pagtakas sa araw ng Sabbath, na hindi nabanggit ni Markos at ni Lukas. Ang gospel ni Mateo ay para sa mga Jewish Christians, samantalang sina Marcos at Lukas ay sumulat para sa mga Gentile Christians at mga Greek-speaking Jews. Sa ganitong paraan, malinaw na makikita natin na ang weekly Sabbath ay ibinigay lamang sa mga Judio at hindi kasama ang mga Gentiles. Pinatunayan ito ni Pablo sa kanyang sulat sa Efeso:

"Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa nila sa kanilang katawan. Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo na walang pag-asa at walang Diyos." (Mga Taga-Efeso 2:11-12 TPV)

Kaya’t mas mainam na ipaliwanag natin sa mga SDAs na noong panahong iyon, may dalawang grupo ng mga Kristiyano: ang mga Jewish Christians at ang mga Gentile Christians (Gawa 6:1). Mali ang pag-aakala na ang “lahat” ng mga Kristiyano ay patuloy na sumusunod sa Sabbath noong panahon ng mga apostol. Pagkatapos mamatay ni Jesus sa krus at ibuhos ang Holy Spirit sa mga mananampalataya noong Pentekostes naging maliwanag na sa kanila na ang mga kautusan sa Lumang Tipan kasama na ang pangingilin ng araw ng Sabbath ay isa lamang anino ni Cristo na naging katuparan ng kautusan ni Moises.

“Binura na niya ang nasulat na mga batas na laban sa atin. Inalis niya ito sa kalagitnaan natin at ipinako ito sa krus. Kaya nga, huwag ninyong hayaan na hatulan kayo ng sinuman patungkol sa pagkain, o sa inumin, o patungkol sa pagdiriwang ng kapistahan, o sa bagong buwan o sa mga araw ng Sabat. Ang mga ito ay isang anino lamang ng mga bagay na darating ngunit ang katunayan ay si Cristo. ” (Colossians 2:14, 16-17, ASND)

Dahil naunawaan na ng mga apostol ang katotohanan na ang kautusang Sabbath ay lipas na bilang anino at pansamantala lamang ang pangingilin ng Sabbath ay naging opsyonal na lamang, at hindi na obligasyon, ayon kay Pablo:

“Isang tao ang kumikilalang ang isang araw ay higit na mahalaga kaysa sa ibang araw. Ang ibang tao naman ay kumikilalang ang bawat araw ay magkakatulad. Ang bawat isa ay magkaroon ng tiyak na kaisipan sa kaniyang sarili patungkol sa bagay na ito. ” (Romans 14:5, ASND)

Noong 50 AD, hinarap ng mga apostol at mga matatanda sa Jerusalem Council ang isyu tungkol sa mga alituntunin ng Lumang Tipan. Ito ay dahil ang pananampalataya ng mga Jewish Christians ay hindi pa ganap na matured. Inuutusan nila ang mga Gentil Christians na sumailalim sa pagtutuli tulad nila at sundin ang mga kautusan ni Moises, ayon sa ulat sa Gawa 15. 

“At may ibang mga taong nagsilusong mula sa Judea ay nagsipagturo sa mga kapatid, na sinasabi, Maliban na kayo'y mangagtuli ayon sa kaugalian ni Moises, ay hindi kayo mangaliligtas.” (Acts 15:1, 5 Tagalog AB)

“Datapuwa't nagsitindig ang ilan sa sekta ng mga Fariseong nagsisampalataya na nangagsasabi, Kinakailangang sila'y tuliin, at sa kanila'y ipagbiling ganapin ang kautusan ni Moises.” (Acts 15:1, 5, Tagalog AB)

Matapos ang pag-uusap ng mga apostol at mga matatanda sa Jerusalem Council, nagkasundo ang mga apostol sa tulong ng Espiritu Santo na huwag nang pilitin ang mga Kristiyanong Hentil na sumunod pa sa mga alituntunin ni Moises. Pinanigan nila ang mga Gentil at hindi na sila kinakailangang sumunod sa mga batas ni Moises mula sa Lumang Tipan kaysa sa mga Jewish Christians na pinagpipiitan pa na sumunof sila sa kautusan, kasama na ang pangingilin ng weekly Sabbath.

“At pagkatapos ng maraming pagtatalo, ay nagtindig si Pedro, at sinabi sa kanila, Mga kapatid, nalalaman ninyo na nang unang panahong nakaraan ay humirang ang Dios sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng Evangelio, at sila'y magsisampalataya. At ang Dios, na nakatataho ng puso, ay nagpatotoo sa kanila, na sa kanila'y ibinigay ang Espiritu Santo, na gaya naman ng kaniyang ginawa sa atin; At tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, na nilinis sa pamamagitan ng pananampalataya ang kanilang mga puso. Ngayon nga bakit ninyo tinutukso ang Dios, na inyong nilalagyan ng pamatok ang batok ng mga alagad na kahit ang ating mga magulang ni tayo man ay hindi maaaring makadala? Datapuwa't naniniwala tayo na tayo'y mangaliligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na gaya rin naman nila.” (Acts 15:7-11, Tagalog AB)

“Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: Na kayo'y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; kung kayo'y mangilag sa mga bagay na ito, ay ikabubuti ninyo. Paalam na sa inyo.” (Acts 15:28-29, Tagalog AB)

Ang kaligtasan ng mga Hentil ay sa pamamagitan ng biyaya at dahil sinampalatayanan nila ang Panginoong Jesus sila ay nilinis na sa pananampalataya at hindi na dumaan sa pagsunod sa kautusan ng Lumang Tipan kasama na ang pangingilin ng Sabbath. Hindi isinama sa pasya sa mga bagay na kinakailangan ang pangingilin ng Sabbath. Ito ay patotoo na hindi na obligado ang mga Kristiyano na sumunod pa sa kautusan ni Moises kabilang na ang Sabbath sapagkat sila ay naligtas na sa biyaya at pananampalataya lamang kay Jesus. Ang official na pasya ng Jerusalem Council noong 50 AD ay nakapanig sa ating mga mananampalataya ngayon na hindi na nangingilin ng weekly Sabbath!

Madalas ginagamit ng mga SDA ang Gawa 13 upang ipakita na ang mga Kristiyano noong panahon ng mga apostol ay patuloy pa rin umanong nagdidiwang tuwing araw ng Sabado.

“At pagalis nila, ay kanilang ipinamanhik na salitain sa kanila ang mga salitang ito sa sabbath na susunod. Nang makaalis nga ang kapisanan sa sinagoga, marami sa mga Judio at nangaging-Judiong masisipag sa kabanalan ay nagsisunod kay Pablo at kay Bernabe; na, sa pagsasalita sa kanila, ay sila'y hinimok na magsipanatili sa biyaya ng Dios. At nang sumunod na sabbath ay nagkatipon halos ang buong bayan upang pakinggan ang salita ng Dios.” (Acts 13:42-44, Tagalog AB)

Mali pa rin ang kanilang paggamit sa talatang ito. Una, Acts 13 ito at hindi pa nagaganap ang pinagkaisahang pasiya ng mga apostol sa Jerusalem Council sa Acts 15 na hindi required sa mga mananampalataya ni Jesus na sumunod pa sa kautusan sa Lumang Tipan upang maligtas. Pangalawa, kung mayroon man mga Jewish Christians sa Sinagoga ng Antioquia ng Pisidia ay dahil nga transition period pa ito at wala pang opisyal na pasiya ang mga apostol sa Jerusalem. Kung ipagpipilitan pa ng mga SDAs na dapat sundin pa rin natin ang ginagawa nila sa Acts 13 ay dapat sa ating panahon ay magsimba din sila sa Sinagoga ng mga Judio na kalaban ni Cristo at hindi sa simbahan ng SDA church tuwing Sabado?

Nang ang Jerusalem ay nasira noong 70 AD, marami pa ring mga Jewish Christians ang patuloy na sumusunod sa Sabbath kahit na ang Jerusalem Council ay nagpasya na hindi na ito kinakailangan para sa mga Kristiyano noong 50 AD. Ang mga Jewish Christians na ito ay hindi dapat tularan ng mga Kristiyano dahil alam natin na hindi pa lubos ang kanilang pananampalataya at hindi nila tinanggap ang opisyal na desisyon ng Jerusalem Council na hindi na dapat sumunod sa mga kautusan ng Lumang Tipan, kasama na ang weekly Sabbath. Nakalulungkot isipin na ang mga hindi pa matured sa pananampalataya na mga Jewish Christians ang ginagaya ng mga Seventh-day Adventists ngayon. 

Samantalang ngayon, tayong mga Kristiyano ang tunay na sumusunod sa gabay ng Banal na Espiritu na nagpasya, kasama ang mga apostol sa Jerusalem Council, na hindi na tayo obligadong magpatuloy sa pag-observe ng araw ng Sabbath.

Batay sa ulat ng isang Jewish historian na si Josephus na nakasaksi kung paano nawasak ang lungsod ng Jerusalem kasama ng Templo, walang kahit isang Jewish Christian ang nasawi doon. Ito ay dahil noong 66 AD pa lamang, sumunod na sila sa paalala ni Jesus na sila ay magsitakas sa mga bundok kapag nakita na nila na ang Jerusalem ay inuukol na ng mga sundalo ng Roma (Lucas 21:20-21). Ayon sa early church historians tulad nina Eusebius at Epiphanius noong 4th century ang mga nakatakas na Jewish Christians sa Pella (modern Jordan)  at doon sila nanirahan at yung iba naman ay nagbalik na sa Jerusalem samantalang ang karamihan sa kanila ay nag migrate na sa ibang lugar. 

Sa kasalukuyang panahon, may mga ulat na ang ilang mga lahi ng mga Jewish Christians na nakatakas mula sa Jerusalem noong 70 AD, tulad ng mga Ebionites at Nazarenes, ay tinuturing na mga heretic ng mga early church apologists dahil sa kanilang patuloy na pagsunod sa mga kautusan ni Moises gaya ng pagpapatuli, weekly Sabbath at iba pang mga ritwal ng mga Hudyo. Ang isang sekta ng Ebionites, halimbawa, ay hindi naniniwala sa Virgin Birth kaya't para sa kanila, si Jesus ay isang propeta lamang at hindi Diyos. Kaya hindi garantiya ito na ang mga early Sabbath keepers ay mga tunay na Kristiyano lalo na yaong hindi namumuhay ayon sa naging pasiya ng Jerusalem church Council.

Conclusion:

To summarize, maliwanag na naunawaan natin na hinihikayat ni Jesus sa Mateo 24:20 ang mga Jewish Chrustians (not Gentile Christians) na manalangin para sa magandang kalagayan habang sila’y tumatakas sa panganib na magaganap na pagwasak sa Jetusalem noong 70 AD, Isinasaalang-alang ni Jesus ang praktikal na hamon (taglamig) at relihiyosong issue (Sabbath). Kaya maaari nating sabihin na ipinapahiwatig ng Mateo 24:20 na marami pa rin ang sumusunod sa Sabbath sa panahon ng pagkawasak ng Jerusalem ngunit hindi ito maaaring gamitin bilang ebidensya na lahat ng mga Kristiyano ay sumusunod, o dapat mangilin ng weekly Sabbath.




No comments:

Post a Comment