MOST POPULAR POSTS

Sunday, November 3, 2024

"KASAGUTAN PARA SA MGA SEVENTH-DAY ADVENTISTS, VERSE-BY-VERSE SA MATEO 19:16:19 - "KUNG IBIG MONG PUMASOK SA BUHAY, INGATAN MO ANG MGA UTOS?"

 


“At narito, lumapit sa kaniya ang isa, at nagsabi, Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan? At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos. Sinabi niya sa kaniya, Alin-alin? At sinabi ni Jesus, Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag sasaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Mat 19:16-19)


CHALLENGE NG MGA SABADISTA:

"Sa Bagong Tipan, iniutos ni Jesus na sinumang nagnanais ng kaligtasan at makapasok sa buhay na walang hanggan ay dapat sundin ang mga utos ayon sa mga talatang ito. Malinaw dito na ang tinutukoy ni Jesus na utos ay ang Sampung Utos, sapagkat binanggit Niya ang mga ito sa mga talata 18-19: 'Huwag kang papatay', 'Huwag kang mangangalunya', 'Huwag kang magnanakaw', 'Huwag sasaksi sa di katotohanan', 'Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.'

SAGOT: 

Sa unang tingin, mukhang tama ang paliwanag ng mga Sabadista sa talatang ito. Parang sinasabi nila sa ating mga Kristiyano: “Kung ikaw ay tunay na Kristiyano at nais mong matamo ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, dapat sumunod ka sa Sampung Utos!” Huwag magpanic! Sila ang dapat magpanic, sapagkat ang kanilang sinasabi ay bunga ng maling pag-unawa sa talata. Kung isasaalang-alang ang konteksto at maipapaliwanag ito nang malinaw sa kanila, sila ang dapat magpanic sa bandang huli. Bagamat mukhang tama ang kanilang paliwanag, mali ito dahil binabaluktot nila ang tunay na kahulugan at layunin ni Jesus sa talata. Sa huli, ang katotohanan ang mananaig. Ipagpatuloy mo lang ang pagbasa.

Dapat munang ipaintindi sa mga Sabadista na sinadya lamang ni Jesus na sumabay sa maling tanong ng mayamang binata upang ipakita kung saan siya nagkamali. Dahil mali ang tanong ng binata, binigyan siya ni Jesus ng “sagot” na naaayon sa kanyang maling pagkaunawa tungkol sa paraan ng kaligtasan. Mali ang tanong ng mayamang binata dahil ang tanong niya ay nagpapahiwatig ng salvation by good works, "Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan?" (v. 16)

Maging ang Seventh-day Adventist Bible Commentary ay sumasang-ayon na mali ang paniniwala ng mayamang binata tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan. Narito ang pahayag ng Commentary tungkol sa tanong sa Mateo 19:16:

"Ano'ng mabuting bagay?" Ang tanong na ito ay nagpapakita ng karaniwang kaisipang Pariseo tungkol sa katuwiran sa pamamagitan ng gawa bilang pasaporte sa "buhay na walang hanggan." [1]

Kung igigiit ng mga Sabadista na ayon sa Mateo 19:17, ang Sampung Utos ay dapat sundin upang magmana ng buhay na walang hanggan, nangangahulugan lamang ito na ang kanilang doktrina ay umaayon sa katuruan ng mga Pariseo, na nagtuturo ng "katuwiran sa pamamagitan ng gawa" o "Righteousness by works" na kabaligtaran ng "katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya" o "Righteousness by faith." Sa paggawa nito, nakikibahagi ang mga Sabadista sa mga maling tagapagturo, tulad ng mga Pariseo, sa halip na sumunod sa Panginoong Jesus. Nagbigay si Jesus ng babala laban sa imga Sabadista na naniniwala rin sa "katuwiran ng mga Pariseo."

“Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.” (Mat 5:20)

Itinuring ng mayamang binata ang buhay na walang hanggan bilang isang gantimpala, sa halip na isang regalo o kaloob ng Diyos. kaya maling mali ang kanyang pananaw sa kaligtasan tulad din ng maraming mga Sabadista ngayon. Ngunit malinaw sa turo ng Panginoon na ang kaligtasan ay isang kaloob, hindi isang gantimpala, ayon sa Efeso 2:8-9:

"Dahil sa biyaya ng Dios, naligtas kayo nang sumampalataya kayo kay Cristo. Kaloob ito ng Dios, at hindi galing sa inyo. Hindi ito nakasalalay sa mabubuti ninyong gawa, para walang maipagmalaki ang sinuman." (Efeso 2:8-9 ASND)


ANG TAMANG PALIWANAG SA MATEO 19:16-19:

Ngayon ay nauunawaan na natin na mali ang tanong ng mayamang binata sa Panginoong Jesus. Upang maituwid siya at mapagtanto niya ang maling konsepto niya ng kaligtasan, sumabay si Jesus sa kanyang maling tanong. Nabanggit din natin kanina na sinadya ni Jesus na sumabay upang ipakita kung saan nagkamali ang binata. Dahil mali ang tanong ng binata, binigyan siya ni Jesus ng sagot na naaayon sa kanyang maling pagkaunawa tungkol sa paraan ng kaligtasan. Ang sagot ni Jesus ay, “Kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos.” Ganito ang sagot ni Jesus sa binata, hindi dahil naniniwala si Jesus sa kaligtasan sa pamamagitan ng mabuting gawa o dahil naniniwala siyang kayang-kaya ng mayamang binata na sundin ang Sampung Utos nang walang palya. Hindi iyon ang dahilan. Sa halip, dahil si Jesus ang nagbigay ng Sampung Utos kay Moises noon sa bundok ng Sinai, alam Niya ang layunin at intensyon ng kautusang ito.  Hindi layunin ng kautusan na ipakita na kayang ma-perpekto ng sinumang sumusunod dito ang kanilang pagsunod, kundi ibinigay ng Diyos ang kautusan upang higit na mahayag ang kanilang pagiging makasalanan habang nagsisikap silang sundin ito.

"Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, dahil ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala." (Mga Taga-Roma 3:20)

Kaya nang sabihin ni Jesus sa mayamang binata na “Kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos" hindi ibig sabihin ni Jesus na ang isang tao ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng simpleng pagsunod sa 10 utos. Sa halip, ginamit Niya ang mga utos upang magpukaw sa konsensya ng mayamang binata na hindi niya kayang masunod ito ng tuloy-tuloy ng hindi pumapalya para ipakita sa kanya na kailangan niyang magsisi dahil hindi niya kayang perpektong sundin ang mga ito. Nahalata ni Jesus na sa isip ng mayamang binata ay naisin niyang masunod ang lahat ng kautusan sa Lumang Tipan nang may kasakdalan, batay sa kanyang mga salitang, Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin?” (Mateo 19:20).

Sinabi ni Jesus na talagang kulang pa siya at hindi sapat ang kanyang pagsunod sa Sampung Utos.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.” (Mat 19:21)

Sa tagpong ito, ipinakita ni Jesus sa mayamang binata na mali ang kanyang paniniwala na sapat na ang Sampung Utos para siya ay maligtas at hindi tama ang akala niyang perpekto na ang kanyang pagsunod upang matamo ang buhay na walang hanggan. Bukod dito, mali rin ang kanyang iniisip na naisaakatuparan na niya ang lahat ng mga utos, isang pagkakamaling madalas ding inuulit ng karamihan sa mga Sabadista. Dapat itong idiin sa mga Sabadista, na tulad ng mayamang binata, ay nag-aakalang ang pagsunod sa Sampung Utos ay sapat na upang makamit ang kaligtasan.


CONCLUSION:

Katulad ng kaso ng mayamang binata, dapat ding maunawaan ng mga Sabadista na ginamit ni Jesus ang Sampung Utos upang gisingin ang konsensya ng binata na nag-aakala na ang pagsunod sa Sampung Utos ang paraan ng kaligtasan. Sa pamamagitan nito, ipinahiwatig ni Jesus na kailangan ding kilalanin ng mga Sabadista ang kanilang pagiging mga makasalanan at magsisi, dahil sa maling akala na kayang-kaya nilang masunod ang Sampung Utos nang tuloy-tuloy at walang palya. Sa katunayan, dinadaya lamang nila ang kanilang mga sarili at minamali ang tamang intensyon at layunin ng Diyos kung bakit ibinigay ang Sampung Utos—hindi upang masunod ito ng perpekto kundi upang ipamukha sa kanila na sila ay mga makasalanan (Roma 3:20). 

Sa kabila ng paniniwala ng binata na siya ay sumusunod sa mga utos, inihayag ni Jesus na hindi sapat at kulang ang Sampung Utos upang makamit ang kaligtasan. Hindi kataka-taka kung bakit tinawag ni Pablo ang Sampung Utos na "ministeryo ng kamatayan" at "ministeryo ng paghatol," dahil wala talagang maliligtas sa pamamagitan ng pagsunod dito kundi kamatayan sa impiyerno (2 Corinto 3:6-9). 

Ang pangunahing punto sa Mateo 19:16-19 ay ipakita na ang kaligtasan ay hindi nakasalalay sa pagsunod sa kautusan; sa halip, ang tunay na landas patungo sa kaligtasan ay nakasalalay sa pananampalataya sa Panginoong Jesus na siya lamang ang tanging naka-perfect ng pagsunod sa Sampung Utos upang ibigay sa atin ang perfection na natamo niya sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Kanya (Mga Gawa 16:30-31). Ang kaligtasang ito ay nananatiling bukas para sa lahat ng ating mga kaibigan na Sabadista hanggang sa ngayon na magsisisi at magbabalik-loob kay Jesu-Cristo bilang kanilang personal na Panginoon at Tagapagligtas!


OBJECTION NG MGA SABADISTA:

"Ang tanong ay: masusunod mo ba ang Sampung Utos kung wala kang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapwa? Sa kwento ng mayamang binata, bagamat nasunod niya ang Sampung Utos sa panlabas na anyo ayon sa mata ng mga tao, sa mata ng Diyos ay may kulang pa rin. Ipinakita ni Jesus na ang binata ay kulang sa tunay na pag-ibig dahil hindi siya handang magsakripisyo para sa Diyos at sa kapwa. Ang pagsunod sa Sampung Utos ay hindi lamang panlabas na gawain; ito ay dapat nagmumula sa puso at sa tunay na pag-ibig. Ayon kay Jesus, ang dalawang dakilang utos ay ang pag-ibig sa Diyos at ang pag-ibig sa kapwa (Mateo 22:37-40). Kaya sa pananampalatayang Adventista, ang pagsunod ay hindi lamang sa panlabas kundi may dalang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapwa—ito ang diwa ng Sampung Utos."


SAGOT:

Maraming aspeto ang kulang sa Sampung Utos, at ipinakita ni Jesus sa Mateo 19:16-19 na may kailangang higit pa sa simpleng pagsunod sa mga utos na ito. Sinabi niya sa mayamang binata na ang kulang niya ay ang mga sumusunod:

1.) Ibenta ang lahat ng kanyang ari-arian (hindi kasama ito sa Sampung Utos - v.21)

2.) Sumunod siya kay Jesus (hindi rin ito kasama sa Sampung Utos - v.21)

Ayon sa Hebreo 8:6-7, may kakulangan ang unang tipan na kinabibilangan ng Sampung Utos, kaya’t kinakailangan ang isang ikalawang tipan o bagong tipan. 

“Datapuwa't ngayo'y kinamtan niya ang ministeriong lalong marangal, palibhasa'y siya nama'y tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling, na inilagda sa lalong mabubuting pangako. Sapagka't kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.” (Heb 8:6-7)

Kung ihahambing sa Sampung Utos ng lumang tipan, ang bagong tipan ay tinawag ng Biblia na "ministeryong lalong marangal," "isang tipang lalong magaling," at "inilagda sa lalong mabubuting pangako." Mahalaga sanang pag-isipan ng mga Sabadista kung bakit tinawag ang bagong tipan sa ganitong paraan. Kung mas marangal at mas magaling ito, at nakabatay pa sa mas mabubuting pangako, bakit kinakailangan pa rin balikan ang pagsunod sa titik ng Sampung Utos na may kakulangan?

Kung ang ministeryo ng bagong tipan, na mas marangal, ay ipinalit na sa Sampung Utos, hindi na natin kailangan balikan pa ang lumang tipan na may kakulangan. Kaya nga ito pinalitan, dahil sa kakulangan nito; bakit pa natin babalikan ang pinalitan na?

“Sapagka't kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.” (Heb 8:7)

Maliwanag sa talatang ito kung ano ang plano ng Diyos at kalooban niya para sa ating kaligtasan. Pinalitan na niya ang 10 utos ng lumang tipan ng ikalawang tipan o bagong tipan. At kapag pinalitan na ang lumang tipan ibig sabihin ay hindi na dapat gamitin dahil ito ay luma na lipas na.

“Doon sa sinasabi niya, Isang bagong tipan, ay linuma niya ang una. Datapuwa't ang nagiging luma at tumatanda ay malapit ng lumipas.” (Heb 8:13)

Ngunit tinanggihan ng mga Sabadista ang planong ito ng Diyos. Sa halip na iwanan at hindi na gamitin ang Sampung Utos sa kanilang pagsamba at paglilingkod, pinagsama nila ang lumang tipan at ang bagong tipan sa kanilang teolohiya. Tiyak na ikinalungkot ito ng Panginoon, dahil sa pagsasamang ito ay tila sinira nila ang plano ng Diyos para sa kanilang kaligtasan. Para sa Panginoon ang ginagawang pagsasama ng dalawang magkaibang tipan ng mga Sabadista ay tinatawag ni apostol Pablo na "spiritual adultery."

"Kaya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buhay pa ang kanyang asawa, nagkakasala siya ng pangangalunya. Pero kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. At kung mag-asawa man siyang muli, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. Ganyan din ang nangyari sa inyo, mga kapatid. Malaya na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo. Muli siyang nabuhay at kayoʼy pinag-isa sa kanya para maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod sa Dios. Pero ngayon ay malaya na tayo sa Kautusan, dahil namatay na tayo sa Kautusang ito na dating umalipin sa atin. Ang ating paglilingkod ngayon sa Dios ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu.(Roma 7:3-4, 6 ASND)

Samakatuwid, kapag sinabi ng Kasulatan na “Isang bagong tipan, ay linuma niya ang una” (Heb. 8:13), ang ibig sabihin nito ay hindi lamang pinalipas ng Diyos ang Sampung Utos; inaasahan din Niya na tuluyan nang putulin ng mga Kristiyano ang kanilang kaugnayan sa lumang tipan, kasama ang Sampung Utos nito. Hindi maaaring sundin ng isang tao ang dalawang tipan, sapagkat magiging anyo ito ng espirituwal na pagtataksil sa Panginoon—parang may dalawa kang kalaguyo sa halip na ang bagong tipan lamang. Kaya nga paliwanag pa ni Pablo sa talatang 6, “Ang ating paglilingkod ngayon sa Diyos ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu.”

At sa 2 Cor. 3:6-9 na nabanggit ko din dyan sa article na ang 10 utos ay nawalan na ng kaluwalhatian kumpara sa maluwalhating ministerio ng Espiritu. Kaya sinabi ni Pablo hindi na tayo naglilingkod sa pamamagitan ng titik ng 10 utos kundi sa Espiritu na (Roma 7:6). Samakatuwid, ang mga Christians na nasa ilalim na ng bagong tipan ng biyaya ay hindi na naglilingkod sa pamamagitan ng titik ng 10 utos kundi sa pamamagitan na ng Espirito ng mas dakilang mga utos ng pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. At kapag na born again na ang puso ng isang tao ay bibigyan siya ng power ng Holy Spirit upang hindi na siya gagawa pa ng mga masamang bagay na ayaw ng Diyos at makasasama sa iyong kapwa.

Kaya lamang ipinagpipilitan pa ng mga SDA ang titik ng 10 utos ay dahil lamang sa titik na nakasulat sa ikaapat na utos na Sabbath na ipinagpipilitan nilang ipasunod sa mga tao kaso hindi na ang titik ng ikaapat na utos ang sinusunod ng mga Christians ngayon dahil ang "titik ay nakamamatay at humahatol ng kamatayan" kaya sa bagong tipan ang Espiritu na lng ng ikaapat na utos ang umiiral "rest of grace" kay Cristo na daily na hindi once a week (Mat. 11:28-30) at ito ang kahigitan ng pagkilingkod sa Espiritu na nagbibigay buhay kesa titik ng 10 utos na pumapatay (2 Cor. 3:6). 

Hindi mo pedeng combine na sundin ang "titik" at "Espiritu" o ang "ministerio ng kamatayan ng 10 utos" at "ministeriong nagbibigay-buhay ng Espiritu" dahil sapat na ang Espiritu kaya sabi sa Galacia 5:18, "kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, ay WALA KAYO sa ilalim ng kautusan Kaya bawal ng Diyos yung ginagawa ng mga Sabadista na pinaghahalo  ang 10 utos (titik na pumapatay) at Espiritu (nagbibigay buhay) kailanman hindi compatible yan kaya mali talaga ang aral ng mga Sabadista.




References:

[1] Francis D. Nichol, Ed., The Seventh-Day Adventist Bible Commentary, (Review and Herald Publishing Association, 1980), 5:457. (Translation in Tagalog mine)








No comments:

Post a Comment