FEATURED POST

MAY KINALAMAN BA SA HULA NI ELLEN G. WHITE ANG WILDFIRE SA LOS ANGELES CALIFORNIA USA?

Trending ngayon sa balita ang nagaganap na wildfire sa Southern California, kung saan maraming buhay ang nawala at maraming tao ang nawalan ...

MOST POPULAR POSTS

Friday, November 1, 2024

KASAGUTAN PARA SA MGA SEVENTH-DAY ADVENTISTS, VERSE-BY-VERSE ON MATEO 24:20 - "HUWAG MANGYARI ANG INYONG PAGTAKAS SA ARAW NG SABBATH?""

 

“At magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man:” (Mat 24:20)


Paliwanag ng mga Sabadista:

"Ang Mateo 24:20 ay isang matibay na patotoo na hindi binago ni Jesus ang araw ng pagsamba mula sa Sabbath tungo sa Linggo para sa kanyang mga alagad, dahil ang binanggit niyang pagtakas ay isang propetikong pangyayari na magaganap pa sa pagkawasak ng Jerusalem noong AD 70, na 40 taon pa bago matupad matapos siyang bumalik sa langit."

Sagot:

1.) Mahalagang maipaliwanag nang mabuti sa mga Sabadista ang Jewish background ng mga pahayag ni Jesus sa Mateo 24:20. Una, ang mga alagad na kinakausap ni Jesus sa tagpong ito ay ang kanyang mga apostol na pawang mga Judio, kaya binanggit niya ang tungkol sa Sabbath na mahalagang bahagi ng kanilang pananampalataya at kultura. Pangalawa, ang mga salitang "ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man" ay hindi binanggit ng ibang gospel writers tulad nina Mark, Luke, at John. Halimbawa, si Mark ay nagbanggit din ng babala tungkol sa pagtakas sa Mark 13:18: "At magsipanalangin kayo na ito'y huwag mangyari sa panahong taginaw." Mapapansin natin ang halos pagkakatulad ng ulat ni Mark sa ulat ni Mateo, maliban sa Sabbath. Dinagdag ni Mateo ang Sabbath, samantalang walang binanggit na Sabbath si Mark. Tanggap ng maraming Bible scholars, liberal man o conservative, na mas naunang naisulat ang gospel of Mark kaysa kay Mateo. Kaya't kung nauna ngang naisulat ang gospel of Mark, bakit hindi niya nabanggit ang Sabbath samantalang binanggit ito ni Mateo sa kanyang gospel? Ang dahilan ay isinulat ni Mark ang kanyang gospel para sa mga mananampalataya sa Roma na karamihan ay mga Gentil na dumaranas ng pag-uusig at hindi nagbibigay ng ganung halaga tulad ng mga Judio tungkol sa Sabbath. Samantala, ang gospel ni Mateo ay isinulat para sa mga Jewish Christians, mula sa perspektibo ng isang natural na Judiong si Mateo. Lubos niyang nauunawaan ang kahalagahan ng pangingilin ng Sabbath, lalo na sa panahon ng sakuna o pag-uusig. Kaya, idinagdag niya ang Sabbath sa babala ni Jesus para sa mga Jewish Christians na makaka-relate dito sa pagdating ng pag-uusig.

2.) Alam ni Jesus na ang mga Kristiyanong Judio, kasama ang mga hindi naniniwalang Judio, ay patuloy pa ring nangilin ng Sabbath noong sinimulan nang salakayin ng mga Romanong sundalo ang Jerusalem noong 70 AD. Kaya’t malinaw na ang babalang ito tungkol sa pag-iwas sa pagtakas sa araw ng Sabbath ay hindi talaga para sa mga Gentil na Kristiyano, at ito ang dahilan kung bakit hindi na ito isinama ni Marcos sa kanyang gospel account. Sa katunayan, sinusuportahan ni Eusebius, isang sinaunang historian ng simbahan, ang tradisyon ng paglikas ng mga Kristiyanong Judio papuntang Pella. Sa kanyang akdang "Ecclesiastical History" (3.5.3), isinulat ni Eusebius: "Ang mga mananampalataya ng church sa Jerusalem ay inutusan ng isang pahayag... na lisanin ang lungsod bago magsimula ang digmaan at manirahan sa isang bayan sa Perea na tinatawag na Pella." Ito ay isang katuparan ng propesiya ni Jesus sa Mateo 24:16: "Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea," kung saan malinaw na ang mga pinapatakas lamang ay yaong nasa Judea, isang teritoryo ng mga Judio. Ayon sa Easton's Bible Dictionary, "ang probinsya ng Judea, na naiiba sa Galilea at Samaria, ay sakop ang mga teritoryo ng mga tribo ng Judah, Benjamin, Dan, Simeon, at bahagi ng Ephraim." 

Samakatuwid, ang babala ni Jesus na huwag maganap ang pagtakas sa araw ng Sabbath hindi para sa lahat ng mga Christians noon, sa halip, ito ay tumutukoy lamang sa mga Kristiyanong Judio, na nasa panahon ng transition at hindi pa nila lubos na nauunawaan na si Cristo ang katuparan ng Sabbath at ang wakas nito (Roma 10:4; Col. 2:16-17). Kaya isang malaking pagkakamali para sa mga Sabadista na ipalagay na ang lahat ng Gentile Christians ay nangingilin pa rin ng Sabbath sa panahong iyon ng 70 AD. Alam ni Cristo at ni Mark na hindi sila talaga apektado sa babalang ito. Isa pa, tanging ang mga Jewish Christians lamang ang apektado ng taglamig at pagtakas sa araw ng Sabbath. Ito'y dahil sa araw ng Sabbath sa taglamig, may malakas na ulan sa Judea na nagpapahirap o nagiging imposibleng makalikas patungo sa kabundukan dahil sa mga baha sa mga daan at lambak. Bukod dito, ang pagtakas sa araw ng Sabbath ay mahirap dahil maaari lamang silang maglakbay hanggang 1 kilometro (Ex 16:29; Nu 35:5; Jos 3:4), na hindi sapat upang makatakas mula sa panganib ng kamatayan.

Maliwanag, kung gayon, na ang babala ni Cristo sa Mateo 24:20 tungkol sa pag-iwas sa pagtakas sa araw ng Sabbath ay para lamang sa mga Kristiyanong Judio at hindi kasama ang mga Gentil. Nais ko ring idiin na ang sakop ng babalang ito ay para sa mga Kristiyanong Judio sa Judea, na hindi pa ganap na naiiwan ang pangingilin ng Sabbath dahil sa malalim na ugat nito sa kanilang relihiyosong buhay at kultura. Kaya’t isang malaking pagkakamali rin kung gagamitin ng mga Sabadista ang Mateo 24:20 bilang batayan sa paniniwala na ito’y magaganap muli sa hinaharap, tulad ng sa diumano’y Sunday Law. Ang ilan sa mga Sabadista ay "tumatakas" na sa mga bundok ngayon bilang paghahanda, na nakalulungkot dahil hindi nila nauunawaan na ang babala ni Cristo ay para lamang sa mga Kristiyanong Judio na nasa Judea, isang lugar na tinitirhan ng mga Judio. Ang hula ni Jesus sa Mateo 24, ay natupad lamang sa mga pangyayari sa henerasyon ng mga Judiong nabubuhay noon bilang bahagi ng kanyang hatol sa kanilang pagtanggi sa kanya:

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.” (Mat 23:36)

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mat 24:34)

Sagot sa Objections ng mga Sabadista:

SABADISTA:"Bakit mo sinasabing mga Kristiyanong Judio lamang ang nangingilin ng Sabbath bago ang pagwasak sa Jerusalem noong 70 AD, gayong marami na ring mga Gentil na Kristiyano ang sumasamba tuwing araw ng Sabbath, ayon sa Gawa 13:42-44?"

"And when the Jews were gone out of the synagogue, the Gentiles besought that these words might be preached to them the next sabbath. Now when the congregation was broken up, many of the Jews and religious proselytes followed Paul and Barnabas: who, speaking to them, persuaded them to continue in the grace of God. And the next sabbath day came almost the whole city together to hear the word of God." Acts 13:42-44 (KJV)

Sagot:

Tama ang sinasabi ng talata tungkol sa mga Gentil. Sa wikang Griego, ang salitang "Gentiles" dito ay mula sa salitang *ethnos,* na ayon sa *Vine’s Complete Expository Dictionary* ay "paminsan-minsan ginagamit para sa mga Gentil na nagbalik-loob, kaiba sa mga Judio." Pinaliwanag din sa sumunod na talata, sa bersyon ng KJV sa Gawa 13:43, kung anong uri ng mga Gentil ito bilang “religious proselytes,” na sa *Revised Tagalog Popular Version* ay tinawag na “mga debotong Hentil na nahikayat mula sa relihiyong Judaismo.” Samakatuwid, hindi ito tumutukoy sa mga Gentil na Kristiyano gaya ng ipinapalagay ng mga Sabadista, kundi sa mga Gentil na proselyte o nahikayat sa relihiyong Judaismo, kaya’t hindi nakapagtatakang nangingilin sila ng Sabbath. Patunay din na hindi sila mga Gentil na Kristiyano ay makikita sa sumunod na pangyayari: matapos silang usigin ng ilang mga pinuno ng mga Judio sa sinagoga dahil sa marami silang nahihikayat, sinabi ni Pablo, “Kinakailangang salitain muna ang salita ng Dios sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil at hinahatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa walang hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Gentil” (Gawa 13:46). Kung mga Gentil na Kristiyano na ang tinutukoy, bakit pa sasabihin ni Pablo na “kami ay pasasa mga Gentil”? Kaya’t malinaw na hindi ito sapat na batayan ng mga Sabadista para himukin ang mga Kristiyano na mangilin ng Sabbath, dahil hindi naman sila lubusang nagbagong-loob bilang mga Kristiyano kundi mga proselyte lamang sa Judaismo.

Nais ko din idagdag dto na ang setting ng Sinagoga ay hindi sa Judea na inutusan ni Jesus na tumakas sa mgabundok dahil walang mga Gentiles na nananahan doon samantalang sa Gawa 13:42-44 ay naganap sa Antioquia ng Pisidia kung saan napakaraming mga Gentiles na convert sa Judaism dahil ito ay teritoryo ng mga Gentiles. Kung igigiit ng mga Sabadista na dapat pa rin nating sundin ang ginawa sa Gawa 13, dapat silang sumamba sa mga sinagoga ng mga Judiong tumutol kay Cristo, sa halip na sa simbahan ng SDA tuwing Sabado.

Nang nawasak ang Jerusalem noong 70 AD, maraming Kristiyanong Judio ang patuloy na nangilin ng Sabbath, kahit na napagpasiyahan na sa Jerusalem Council noong 50 AD na hindi na ito kailangan para sa mga Kristiyano. Ang mga Kristiyanong Judiong ito ay hindi dapat tularan ng mga Christians ngayon, dahil hindi pa ganap na hinog ang kanilang pananampalataya at hindi nila tinanggap ang opisyal na desisyon ng Jerusalem Council na hindi na kailangang sundin ang mga batas ng Lumang Tipan, kabilang ang pag-obserba ng lingguhang Sabbath. Nakalulungkot isipin na ang mga Sabadista ay tumutulad sa mga Judiong Kristiyano na hindi pa hinog sa kanilang pananampalataya.

Conclusion:

Sa kabuuan, maliwanag na si Jesus ay nagbigay ng payo sa mga Kristiyanong Judio (hindi sa mga Kristiyanong Gentil) sa Mateo 24:20 na manalangin para sa kanilang kaligtasan habang tumatakas mula sa nalalapit na pagkawasak ng Jerusalem noong 70 AD. Isinasaalang-alang ni Jesus ang parehong praktikal na suliranin (ang taglamig) at ang usaping pangrelihiyon (ang Sabbath). Kaya’t masasabi natin na ang Mateo 24:20 ay nagpapahiwatig na marami pa ring Kristiyano at hindi-Kristiyanong mga Judio ang nangilin ng Sabbath sa panahong iyon. Gayunpaman, hindi ito maaaring gamitin bilang patunay na lahat ng Kristiyano noon o ngayon ay kailangang mangilin ng lingguhang Sabbath dahil ang mga ito ay hindi hinog sa pananampalataya.

1 comment:

  1. Si Abraham ay hindi Hudyo at walang naitala sa Biblia na siya ay nangilin ng araw ng Sabado.

    ReplyDelete