“At sila'y nagsiuwi, at nangaghanda ng mga pabango at mga unguento. At nang araw ng sabbath sila'y nangagpahinga ayon sa utos.” (Luke 23:56)
Challenge ng mga Sabadista:
"Hindi tama ang sinasabi ng mga taong nagsisimba ng Linggo na inalis na ni Kristo ang Sabbath noong namatay siya sa krus. Ayon sa Lucas 23:56, ang utos tungkol sa Sabbath ay nananatili pa rin, kaya nagpahinga ang mga alagad bilang pagsunod dito."
"Pinatunayan ni Lucas na ang araw ng Sabbath ay dapat pa din ipangilin ng mga Kristiyano. Noong isinulat niya ang Ebanghelyo niya noong 60 AD, sinabi niyang ito ay 'ayon sa utos' kaya ibig sabihin para sa kanya, ang araw ng Sabbath ay dapat pa din ipangilin ng mga Kristiyano."
Sagot:
#1: Si Lucas lang sa mga sumulat ng Ebanghelyo ang nagbanggit na 'At nang araw ng Sabbath sila'y nangagpahinga ayon sa utos.'
Ang sabi ng mga Sabadista, malinaw daw na sinusuportahan ng Lucas 23:56 na dapat mag-Sabbath ang mga Kristiyano. Pero hindi tama 'yon, kasi hindi nila binigyang pansin ang buong konteksto ng Bibliya, lalo na ang sinasabi ng iba pang sumulat ng Ebanghelyo na sina Mateo, Marcos, at Juan. Kung ikukumpara natin ang apat na Ebanghelyo, tanging si Lucas lang ang nagsabi na, 'At nang araw ng sabbath sila'y nangagpahinga ayon sa utos.' Hindi 'yan sinabi nina Mateo, Marcos at Juan. Kung talagang napaka-importante ang Sabbath, siguro sinabi rin nila 'yon.
Bakit kaya sinama ni Lucas 'yon sa Ebanghelyo niya? Kasi ang mga pangunahing mambabasa niya ay mga Hentil(hindi Hudyo). Kaya noong sinabi niyang, 'At nang araw ng sabbath sila'y nangagpahinga ayon sa utos,' ipinaliwanag niya sa mga Hentil, na hindi masyado familiar sa mga kaugalian ng mga Hudyo, kung bakit kinailangan ng mga babaeng alagad na umuwi agad pagkatapos nilang pumunta sa libingan ni Jesus. At saka, ang mga kasama ng mga babaeng alagad ay mga Hudyo rin, kaya sumusunod sila ayon sa tradisyon ng paghahanda ng mga pabango para sa mga patay at pangingilin ng Sabbath ayon sa utos.
#2: Noong mga panahong iyon, hindi pa masyadong malinaw sa mga alagad ang kahalagahan kung bakit namatay si Jesus. Kaya't patuloy pa rin nilang ipinangingilin ang Sabbath. Nag-aadjust pa sila sa bagong sitwasyon.
Hindi tama na gumawa tayo ng mga aral o paniniwala batay sa panahon kung kailan hindi pa lubos na matatag ang pananampalataya ng mga alagad at litung-lito pa sila sa kahulugan ng pagkamatay ni Hesus. Noong mga panahong iyon, nag-aadjust pa sila. Hindi pa nila maintindihan ang lahat ng nangyari, kaya hindi natin sila dapat gamiting gabay para sa ating mga dapat paniwalaan.
May mga talata sa Bibliya na nagpapakita na noong una, litung-lito ang mga alagad sa mga nangyari kay Jesus. Nagduda pa sila sa pagkabuhay niyang muli. Kaya pinagsabihan sila ni Jesus dahil kulang sila sa pananampalataya at matitigas ang ulo.
“Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng sanglinggo, ay napakita muna siya kay Maria Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang pinalabas niya. Siya'y yumaon at ipinagbigay alam sa mga naging kasamahan ni Jesus, samantalang sila'y nangahahapis at nagsisitangis. At sila, nang kanilang mabalitaan na siya'y nabuhay, at nakita ni Magdalena, ay hindi sila nagsipaniwala.” (Marcos 16:9-11)
“At pagkatapos siya'y napakita sa labingisa samantalang sila'y nangakaupong nagsisikain; at pinagwikaan sila sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagka't hindi sila nagsipaniwala sa nangakakita sa kaniya pagkatapos na siya'y magbangon.” (Marcos 16:14)
“Sinabi nga sa kaniya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon. Nguni't sinabi niya sa kanila, Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.” (Juan 20:25)
Kaya, ang pangungusap na "At nang araw ng sabbath sila'y nangagpahinga ayon sa utos," ay nagpapaliwanag lamang ng kung ano ang nakasanayang kaugalian ng mga alagad ni Hesus na mga Hudyo noong panahong iyon. Hindi ito utos, kundi simpleng kinikwento lang ikaw 'descriptive ito, hindi prescriptive'. Sa pagdaan ng panahon, naintindihan na nila ang misyon ni Hesus, ang kahalagahan ng kanyang kamatayan, at ang kanyang muling pagkabuhay. Naintindihan na ng mga Kristiyanong Hudyo na ang utos tungkol sa Sabbath ay pansamantala lang, tulad sa anino. Nagwakas ito kay Cristo, dahil siya ang katuparan ng utos na iyon.(Col. 2:16-17; Rom. 10:4; Gal. 3:23-25).
Paunti-unti ng naiintindihan ng mga unang Kristiyano ang koneksyon ng mga kautusan sa Lumang Tipan at ang pagkamatay ni Cristo sa krus. Nalaman nila na ang Kautusan ni Moises—kasama ang Sampung Utos, ang Sabbath, at ang mga kautusan tungkol sa pagkain—ay pansamantala lamang at wala ng bisa pagkatapos namatay ni Cristo sa krus. Malinaw na makikita ang pananaw na ito sa mga sulat ni apostol Pablo.
Efeso 2:14-16 (The Living Bible)
"Si Kristo mismo ang ating kapayapaan. Pinagkaisa niya ang mga Judio at mga Hentil, ginagawa tayong isang pamilya, at winasak ang pader ng paghamak na dating naghihiwalay sa atin. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, tinapos niya ang galit at alitan sa pagitan natin, na dulot ng mga kautusan ng mga Hudio na pumapabor lamang sa kanila at nagtatangi laban sa mga Hentil. Sapagkat namatay siya upang pawalang-bisa ang buong sistemang iyon ng mga kautusan ng mga Hudio. Kinuha niya ang dalawang grupong dating magkaaway at pinagkaisa ang mga ito sa kanyang sarili, ginagawa tayong isang bagong tao; sa wakas, nagkaroon ng kapayapaan. Bilang bahagi ng iisang katawan, nawala na ang ating galit sa isa’t isa, sapagkat pareho tayong pinagkasundo sa Diyos. Kaya’t natapos na rin ang alitan sa wakas sa krus." (akin ang salin sa Filipino)
May isa pang halimbawa mula sa sulat ni Pablo para sa mga taga Colosas, kung saan kaniyang ipinaliwanag ang mga hangganan ng mga kautusan ng mga Hudyo. Sinabi niya na ang mga kautusan na ito ay parang anino lamang ng mga bagay na parating, at si Kristo ang katuparan nito.
Colosas 2:14, 16-17 (The Living Bible)
"At inalis niya ang mga paratang laban sa inyo, ang listahan ng kanyang mga utos na hindi ninyo sinunod. Kinuha niya ang listahang ito ng mga kasalanan at winasak ito sa pamamagitan ng pagpapako sa krus ni Kristo. Kaya't huwag niyong hayaang may magbigay ng puna sa inyo tungkol sa inyong pagkain o inumin, o kung hindi ninyo ipinagdiriwang ang mga kapistahan at piyesta ng mga Hudyo, o mga seremonya ng bagong buwan, o ang mga Sabbath. Sapagkat ang mga ito ay mga pansamantalang tuntunin na nagwakas nang dumating si Kristo. Ang mga ito ay mga anino lamang ng tunay na bagay—si Kristo mismo." (akin ang salin sa Filipino)
Dahil sa mga sinabing ito ng Bibliya, tama lang na isipin ng mga Kristiyano na isa sa mga pinakamahalagang misyon ni Hesu-Kristo noong nagkatawang-tao siya dito sa lupa ay 'wasakin ang pader' (Ef. 2:14) na naghihiwalay sa mga Hudyo at mga Gentil. Gusto niyang 'upang pawalang-bisa ang buong sistemang iyon ng mga kautusan ng mga Hudio,' kasama na ang Sabbath (Ef. 2:15; Col. 2:16), at 'natapos na rin ang alitan sa wakas sa krus.' Dahil ang mga utos sa Lumang Tipan ay 'parang anino lang ng tunay na bagay—si Kristo mismo.
Sa liwanag ng pahayag ng mga kasulatang ito tama lang isipin ng sinumang Kristiyano na isang napakahalagang misyon ng Panginoong Hesu-Kristo nang siya ay magkatawang tao dito sa lupa ay "wasakin ang pader" (Efeso 2:14) na naghihiwalay sa mga Hudiyo at Hentil "upang pawalang-bisa ang buong sistemang iyon ng mga kautusan ng mga Hudio" kasama na ang Sabbath at "natapos na rin ang alitan sa wakas sa krus" (Ef. 2:16) sapagkat ang mga kautusan sa Lumang Tipan ay "mga anino lamang ng tunay na bagay—si Kristo mismo" (Col. 2:17).
Kaya, ang turo ni Hesu-Kristo para sa ating mga Kristiyanong nabubuhay sa ilalim ng biyaya ng Bagong Tipan ay tinapos na ni Kristo ang Kautusan. Iyan ang aral na iniwan ni apostol Pablo sa mga Kristiyano noon at magpahanggang ngayon:
Roma 10:4, (Good News Bible)
"Sapagkat tinapos ni Kristo ang Kautusan, upang ang sinumang sumasampalataya ay maituwid sa harap ng Diyos." (akin ang salin sa Filipino)
Ipinapakita ng mga talatang nabanggit na noong una, ang mga alagad ni Kristo ay unti-unting lumago sa kanilang pananampalataya. Mula sa pagiging mga taong nangingilin ng Sabbath—dahil hindi pa nila lubos na naiintindihan—hanggang sa mas malalim na pagkaunawa sa mga turo ni Hesus, natuklasan nila na tinapos na ni Hesus ang Kautusan ng Lumang Tipan at ang mga simbolikong kahulugan ng Sabbath. Habang sila ay sumusunod sa gabay ng Banal na Espiritu (Jn. 16:13), nalaman nila na hindi na nila kailangang sumunod sa mga kahilingan ng Kautusan, dahil sila ay naligtas na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos (Roma 10:4; Efeso 2:8-9). Alam ni Lucas ang mga isyung hinarap ng sinaunang Jerusalem Council noong 50 AD, lalo na ang pagtuturo ng ilang mga Kristiyanong Hudyo na kailangan pa ring tuliin at sundin ng mga Hentil na nagbalik-loob ang Kautusan ni Moises, kasama ang pangilin ng Sabbath, upang lubos na maligtas. Ito ay isang mahalagang paksa na tinalakay ng Jerusalem Council (Mga Gawa 15:1-29).
Makikita sa Mga Gawa 15:9-11, 28-29 ang opisyal na desisyon ng mga Kristiyano tungkol sa kung paano nila tinitingnan ang mga kautusan ng Lumang Tipan.
"Sa harap ng Diyos, wala silang kaibahan sa atin. Nang sila'y sumampalataya, nilinis ng Diyos ang kanilang mga puso. Kaya't ngayon, bakit ninyo ipinapataw ang mabigat na pasanin sa leeg ng mga hindi Hudyong tagasunod ni Jesus? Nais ba ninyong magalit ang Diyos? Kami at ang aming mga magulang ay hindi nakaya ang pasaning iyon. Hindi, kami ay naniniwala na kami at ang mga taong ito ay maliligtas sa parehong paraan—sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus. Sumasang-ayon kami sa Banal na Espiritu na wala na kayong ipapataw na ibang pasanin, maliban sa mga kinakailangang bagay na ito: Huwag kumain ng pagkain na inialay sa mga dios-diosan. Huwag kumain ng karne mula sa mga hayop na pinatay sa pamamagitan ng pagdurog sa leeg o anumang karne na may dugo pa. Huwag makialam sa mga kasalanang sekswal. Kung iiwasan ninyo ang mga ito, makakabuti kayo. Paalam na kami." Mga Gawa 15:9-11, 28-29 (Int'l English ERV (akin ang salin sa Filipino)
Kaya, mali ang sinasabi ng mga Sabadista na patuloy na hinihikayat daw ni Lucas ang mga Kristiyano na ipangilin ang Sabbath ng Lumang Tipan. Dapat nilang respetuhin ang desisyon ng Jerusalem Council tungkol sa kung paano natin dapat pananaw sa mga kautusan ng Lumang Tipan, kasama na ang pangingilin ng Sabbath. Mula pa noong Jerusalem Council noong 50 AD, hindi na kailangan ng mga Kristiyano na mangilin ng Sabbath, at hindi nagbabago ang pananaw na ito hanggang ngayon.
#3: Binanggit ni Lucas, na sumulat din ng aklat ng Mga Gawa, na ang mga unang Kristiyanong Hudyo ay nangingilin parin ng Sabbath tuwing sabado sa mga sinagoga ng mga Hudyo, at ito'y hindi sa mga pagpupulong ng mga Kristiyano.
Para lubos nating maintindihan ang kahulugan ng Lucas 23:56 at kung ano ang koneksyon nito sa buhay ng mga mananampalataya, malaking tulong ang pag-aaral ng aklat ng Mga Gawa ng mga apostol. Ito ay dahil ang aklat ng Mga Gawa ay karugtong ng Ebanghelyo ni Lucas, na parehong isinulat ni Lucas. Ayon sa mga dalubhasa sa Bibliya, ang dalawang aklat na ito ay magkakaugnay at bumubuo ng isang mas malaking kwento. Makikita natin na magkahawig ang mga nangyari sa dalawang aklat, kung saan ang mga ginawa ni Jesus sa pangangaral ng Ebanghelyo ay nagpatuloy sa buhay nina Pedro, Pablo, at iba pang mga disipulo sa aklat ng Mga Gawa.
Paano tayo matutulungan ng aklat ng Mga Gawa para maintindihan natin ang pangingilin ng Sabbath ng mga unang alagad? Sinusuportahan ba nito ang interpretasyon ng mga Sabadista sa Lucas 23:56, na nagsasabing patuloy na inuutos pa sa mga Kristiyano ang Sabbath. At saka, pinapatunayan ba nito ang paniniwala ng mga Sabadista na itinaguyod ni Lucas ang pagsunod sa Sabbath bilang tamang araw ng pagsamba para sa mga Kristiyano? Sa kasamaang palad, hindi sinusuportahan ng aklat ng Mga Gawa ang mga interpretasyong ito; sa katunayan, sumasalungat pa nga ang mga tala ni Lucas sa kanilang mga paniniwala.
Si Dr. Samuele Bacchiocchi, isang dalubhasa na church historian ng Seventh-day Adventist church, ay nagsagawa ng malalim na pag-aaral tungkol sa Sabbath ng mga unang Kristiyano. Sa kanyang aklat na Sabbath Under Crossfire, sa pahina 162, makikita ang tamang paglalarawan kung paano nangingilin ng Sabbath ang unang iglesia at ang kaugnayan nito sa sinagoga ng mga Hudyo.
"Paano ipinangingilin ng mga mananampalataya sa Bagong Tipan ang Sabbath sa liwanag ng mas malawak na kahulugan ng pagtubos na nagmula sa ministeryo ni Kristo? Sa simula, karamihan sa mga Kristiyano ay dumadalo sa mga pagsamba sa Sabbath sa sinagoga ng mga Hudyo (Mga Gawa 13:14, 43, 44; 17:2; 18:4). Gayunpaman, unti-unting itinatag ng mga Kristiyano ang kanilang sariling mga lugar ng pagsamba. Iminumungkahi ni Mateo na nagsimula na ang proseso ng paghihiwalay sa panahon ng kanyang pagsusulat, dahil binanggit niya na pumasok si Kristo sa "kanilang sinagoga" (Mateo 12:9). Ang panghalip na "kanilang" ay nagpapahiwatig na ang komunidad ni Mateo ay hindi na nakikibahagi sa mga pagsamba sa Sabbath sa sinagoga ng mga Hudyo nang isulat ang Ebanghelyo. Malamang, nagkaroon na sila ng kanilang sariling mga lugar ng pagtitipon para sa pagsamba noong panahong iyon."
Maraming mahahalagang ideya si Dr. Bacchiocchi na makakatulong talaga sa mga Sabadista, lalo na't isa siya sa mga kilalang dalubhasa sa kanilang simbahan. Dapat talagang pakinggan ng mga Sabadista ang kanyang mga pananaw, tulad ng mga sumusunod:
a.) "Sa simula, karamihan sa mga Kristiyano ay dumadalo sa mga pagsamba sa Sabbath sa sinagoga ng mga Hudyo."
Ito ay salungat sa interpretasyon ng maraming Sabadista na ang Lucas 23:56 ay patunay na patuloy nilang ipinangingilin ang Sabbath kahit pagkatapos mamatay si Kristo sa krus, hanggang ngayon. Bilang isang dalubhasa sa kasaysayan ng simbahan ng mga Sabadista, tinutulan ni Dr. Bacchiocchi ang interpretasyong ito sa pamamagitan ng pagdidiin na "Sa simula" lang sumamba ang mga Kristiyano ng araw ng Sabbath sa Synagoga ng mga Hudyo, na ibig sabihin ay pansamantala lang ito at hindi nagpatuloy. Ayon kay Dr. Bacchiocchi, dumating ang panahon na humiwalay ang mga Kristiyano sa sinagoga ng mga Hudyo "unti-unting itinatag ng mga Kristiyano ang kanilang sariling mga lugar ng pagsamba" at "nagkaroon na sila ng kanilang sariling mga lugar ng pagtitipon".
b.) "Gayunpaman, unti-unting itinatag ng mga Kristiyano ang kanilang sariling mga lugar ng pagsamba."
Ayon kay Dr. Bacchiocchi, ang mga salitang "kanilang sinagoga" sa Mateo 12:9 ay nagpapahiwatig na "ang komunidad ni Mateo ay hindi na nakikibahagi sa mga pagsamba sa Sabbath sa sinagoga ng mga Hudyo nang isulat ang Ebanghelyo." Kung ang Ebanghelyo ni Mateo ay isinulat noong mga 50 AD, gaya ng sinasabi ng mga dalubhasa sa Bibliya, malinaw na huminto na ang mga Kristiyano sa pagdalo sa mga pagsamba sa Sabbath sa sinagoga ng mga Hudyo na hindi naniniwala sa bisa na din ng opisyal na pinagkaisahan ng mga apostol at mga Elders at pasya ng Banal na Espiritu sa Jerusalem Council noong 50 AD din (Gawa 15:28).
Siguro isinulat ni Mateo ang kanyang Ebanghelyo pagkatapos ng desisyon ng Jerusalem Council noong 50 AD, na nagdesisyon sa tulong ng Espiritu na hindi na kailangan ng mga Kristiyano na sundin pa ang mga kautusan sa Lumang Tipan, kasama na ang Sabbath. Ang desisyong ito ay maaaring naka-impluwensya kay Mateo at sa kanyang komunidad na hindi na magsisimba sa Sinagoga ng mga Hudyo.
Linggo: Araw ng Pagsamba ng mga Kristiyano, Ayon kay Lucas
Madalas gamitin ng mga Sabadista ang Mga Gawa 13:14, 43, 44; 17:2; 18:4 para sabihing patuloy na nagdiriwang ng Sabbath ang mga Kristiyano. Ipinapakita daw doon na ang mga apostol, kasama ang ibang mga Kristiyano, Hudyo man o Gentil, ay sumamba sa Sabbath. Pero ayon sa pag-aaral ni Dr. Samuele Bacchiocchi, isang kilalang dalubhasa sa kasaysayan na historian at kilalang theologian din ng mga Sabadista, ang mga Kristiyano ay sa simula ay sumasamba sa mga sinagoga ng mga Hudyo na hindi naniniwala kay Kristo, ngunit ito ay pansamantala lamang, kalaunan sila humiwalay at nagsimulang magtipon bilang "nangagkakatipong iglesia" (1 Corinto 11:18). Nang humiwalay ang mga Kristiyano sa sinagoga, ang mga tahanan nila ang nagsilbing bahay-sambahan. Kaya nababasa natin sa ilang talata ang mga katagang tulad ng "ang iglesia na nasa kanilang bahay" (Roma 16:5; 1 Corinto 16:19; Colosas 4:15; Filemon 2).
Pero ang tanong, nagdiriwang pa rin ba ng Sabbath ang mga unang Kristiyano kahit sa mga bahay na sila nagtitipon, at hindi na sa sinagoga ng mga Hudyo? Kapansin-pansin na walang talata sa aklat ng Mga Gawa ni Lucas na nagsasabing nagpatuloy ang mga Kristiyano sa pagsamba tuwing Sabado matapos nilang humiwalay sa sinagoga. Matagal ko nang tinatanong ang mga Sabadista kung mayroon bang kahit isang talata sa Bibliya na nagsasabing nagsisimba ang mga unang Kristiyano tuwing Sabado sa mga pagtitipon nila bilang iglesia. Pero wala silang maipakitang konkretong ebidensya mula sa Bagong Tipan hanggang ngayon. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, walang matibay na batayan sa Bibliya ang sinasabi nilang nagpatuloy ang mga unang Kristiyano sa pagsamba tuwing Sabado matapos nilang humiwalay sa sinagoga ng mga Hudyo. Kung susundin natin ang lohika ng mga Sabadista, wala din silang mapagbabatayan sa pagsimba nila tuwing Sabado sa kanilang mga simbahan. Dapat ay sa sinagoga pa rin ng mga Hudyo sila nagsasamba kasi iyon ang mismong nababasa sa Bibliya!
Gayunpaman, kung tatanungin tayo ng mga Sabadista kung may talata sa kasaysayan ng sinaunang iglesia sa aklat ng Mga Gawa na nagsasabing nagtitipon ang mga Kristiyano tuwing Linggo para sa pagsamba, mayroon tayong tiyak na sagot at maibibigay natin ang kahit isang talata bilang patunay. Ito ay ang Mga Gawa 20:7, na nagsasabing:
Mga Gawa 20:7 (The Living Bible)"Nang araw ng Linggo, nagtipon kami para sa isang serbisyong Komunyon, at si Pablo ang naghayag ng salita. Dahil aalis siya kinabukasan, nagpatuloy siya sa pagsasalita hanggang hatingabi!"(akin ang salin sa Filipino)
Sa madaling salita, ang talatang ito ay nagpapakita ng mga sumusunod:
(1) Ang pagtitipon ay ginanap noong "araw ng Linggo," na nangangahulugang unang araw (hindi ikapitong araw!) ng linggo.
(2) Sinabi ni Lucas na sila ay "nagtipon para sa isang serbisyo ng Komunyon," na nagpapakita ng layunin ng kung bakit sila pagtitipon o pagsamba sa araw ng Linggo.
(3) Sa ibang salin, ginagamit ang "paghahati-hati ng tinapay," na isang terminong ginamit ng mga unang Kristiyano para tukuyin ang Banal na Hapunan ng Panginoon.
(4) Ito ay pagtitipon ng mga Kristiyano bilang "nangagkakatipong iglesia" (1 Corinto 11:18) sa labas ng sinagoga ng mga Hudyo na hindi naniniwala kay Hesus.
(5) Ito ang pinakaunang matibay na ebidensya ng pagtitipon ng mga Kristiyano tuwing unang araw ng linggo, o Linggo, ayon mismo sa pag-amin ng mga theologians ng Sabadista.
Kinikilala ng Andrews Study Bible, isang Bibliya na ginagamit ng mga Sabadista, sa komentaryo nito sa Mga Gawa 20:7 na ito lamang ang direktang pagbanggit sa Bagong Tipan tungkol sa pagtitipon ng mga unang Kristiyano.
"Ito lamang ang malinaw na pagtukoy sa Bagong Tipan tungkol sa pagtitipon ng mga Kristiyano tuwing unang araw ng linggo." (sa akin ang pagsasalin sa Tagalog) [1]
Hanggang ngayon ay walang naipapakitang talata ang mga Sabadista na katapat ng Mga Gawa 20:7 upang patunayan nila na nagtitipon ang mga Kristiyano "nangagkakatipong iglesia" tuwing Sabado o araw ng Sabbath, dahil wala talagang ganyang aral sa Bagong Tipan
Conclusion:
Malaki ang pagkakaiba ng konklusyon ni Lucas at ng mga Sabadista sa Lucas 23:56. Base sa mga mapagkakatiwalaang impormasyon, noong nagsisimula pa lang silang maging Kristiyano, nagsimba sila sa mga sinagoga ng mga Hudyo tuwing Sabbath. Pero habang lumalalim ang pananampalataya nila at mas naiintindihan nila ang kahalagahan ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus sa tulong ng Espiritu Santo, humiwalay na sila kinalaunan sa mga sinagoga ng mga Hudyo at nagsimulang magtipon bilang isang "nangagkakatipong iglesia" (1 Cor. 11:18). At dito ay malayang ginaganap na ng mga Kristiyano ang pagdiriwang ang Banal na Hapunan na bahagi ng kanilang araw ng pagsamba tuwing Linggo tulad ng nakasulat sa Mga Gawa 20:7. Kaya hanggang ngayon, nagtitipon ang mga Kristiyano tuwing Linggo para ipagdiwang ang pagkabuhay na muli ng Panginoon.
Reference:
[1] Jon L. Dybdahl, Ed., Andrews Study Bible Notes, (Berrien Springs, MI: Andrews University Press, 2010), 1452.
No comments:
Post a Comment