Thursday, April 17, 2025

KASAGUTAN PARA SA MGA SEVENTH-DAY ADVENTISTS VERSE-BY-VERSE SA JUAN 14:15: "KUNG INIIBIG MO AKO SUNDIN MO ANG SAMPUNG UTOS?"


Juan 14:15  
"Kung ako'y inyong iniibig, ay 
tutuparin ninyo ang aking mga utos."

Challenge ng mga Sabadista:

"Kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano at mahal mo si Jesus bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas, dapat mong sundin ang Sampung Utos. Ang hindi pagsunod sa Sampung Utos ay parang sinasabi mong hindi mo talaga mahal si Jesus."


Sagot:

Ang paniniwala ng mga Sabadista na ang Juan 14:15 ay nagtuturo sa mga Kristiyano na patuloy na sundin ang Sampung Utos ay may dalawang pangunahing pagkakamali sa interpretasyon.

#1.) Ang "mga utos" na tinutukoy ni Hesus sa Juan 14:15 ay hindi ang "Sampung Utos"

Isang malinaw na pagkakamali sa interpretasyon ng mga Sabadista sa Juan 14:15 ay ang kanilang pagpapalagay na ang "mga utos" ay tumutukoy sa "Sampung Utos." Ang kamaliang ito ay nagmumula sa hindi pagpansin sa pagkakaiba ng mga terminolohiya sa Kasulatan at na ang ginagamit nila ay ang eisegesis (Biblia ang pinasusunod sa kanilang sariling unawa) sa halip na exegesis (pagsunod sa kung ano ang unawa ng Biblia). Dagdag pa rito, gumagamit sila ng proof-texting—pagkuha ng isang talata nang walang konteksto—upang suportahan ang kanilang argumento, na nagbubunga ng maling pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng teksto.

Sa orihinal na Griyego, ang "mga utos" sa Juan 14:15 ay "ἐντολὰς" (entolas), na nagmula sa salitang ugat na "entole" at hindi tumutukoy sa "Sampung Utos." Kung nais ni Hesus tukuyin ang "Sampung Utos," dapat ang ginamit niya ay ang pariralang "δέκα ῥήματα" (deka rhēmata)[1]. Ang pagpili niya sa "entolas" ay nagpapahiwatig ng mas pangkalahatang "mga utos" o "mga tagubilin," partikular na ang mga itinuro niya sa kanyang mga alagad sa panahon ng Bagong Tipan, at hindi sa batas Mosaiko ng Lumang Tipan. Ayon sa Eerdman’s Exegetical Dictionary of the New Testament, ang Ebanghelyo ni Juan ay nakasentro sa mga utos at aral ni Jesus, hindi sa kautusan ni Moises.

"Sa kaibahan sa ibang mga sinulat sa Bagong Tipan, ang salitang "ἐντολή" (entolē) ay hindi kailanman ginamit sa mga aklat ni Juan upang tumukoy sa Batas Mosaiko. Sa halip, ang "ἐντολή" ay nangangahulugan ng gawain o utos ng Ama na ibinigay sa Anak (Juan 10:18; 12:49, 50; 15:10) at ng utos ni Cristo sa Kanyang mga alagad (Juan 13:34; 14:15, 21; 15:10, 12)." (sa akin ang pagsasalin sa Tagalog) [1]

Ang konteksto ng mga sumusunod na talata ay nagpapakita ng mga utos (entole sa Griyego) na ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga alagad. Wala ni isang talata sa mga ito ang nag-uutos ng Sampung Utos mula kay Jesus.

"Isang bagong utos (Grk. entole) ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa."  (Juan 13:34)

"Ang mayroon ng aking mga utos (Grk. entole), at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya'y iibigin ko, at ako'y magpapakahayag sa kaniya."  (Juan 14:21)

"Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos (Grk. entole), ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos (Grk. entole) ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kaniyang pagibig."  (Juan 15:10)

"Ito ang aking utos (Grk. entole), na kayo'y mangagibigan sa isa't isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo."  (Juan 15:12)

Pansinin na ni isa sa mga ito ay hindi bumabanggit sa Sampung Utos. Wala talaga, hindi ba? Ito ang halimbawa ng exegesis: sumusunod lamang sa kung ano ang sinasabi ng Biblia nang walang dagdag na interpretasyon para suportahan ang sariling doktrina.

#2.) Ang konteksto ng Juan 14:15 ang nagpapatunay na ang "mga utos" doon ay hindi ang Sampung Utos, kundi ang utos ni Jesus na "mag-ibigan kayo sa isa’t isa gaya ng pag-ibig ko sa inyo."

Upang maunawaan kung anong "mga utos" ang tinutukoy ni Jesus sa Juan 14:15, kinakailangan ang pagsusuri sa konteksto nito. Binibigyang-diin ng Handbook of Seventh-Day Adventist Theology na ang salitang “entole” ay ginamit nang 10 beses sa Juan chapter 10 hangang chapter 15 at ito ay hindi tumutukoy sa Sampung Utos. Ang konteksto ay nagpapahiwatig na ang "bagong utos" sa Juan 13:34 ("Mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo") ang pinakamalapit na context ng  "entole" sa Juan 14:15.

"Bukod dito, sa pagitan ng Juan chapter 10 at chapter 15, ang salitang Griyego na "entolē" ("utos") ay lumilitaw nang sampung beses. Kasama rito ang "bagong utos" sa Juan 13:34 at dalawang pagbanggit sa pagsunod sa maramihang utos ni Cristo (Juan 14:15; 15:10). Ang paggamit ng "entolē" sa bahaging ito ng Ebanghelyo ay may pagkakahawig sa paggamit nito sa mga mga liham ni Juan."[3]

Kung gayon, ang mga utos ni Jesus, ayon sa pagkaunawa ng mga alagad sa Juan 14:15, ay ang "Mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo" (Juan 13:34; 15:12; tingnan din ang 1 Juan 4:21; 2 Juan 6).

"Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa."  (Juan 13:34)

"Ito ang aking utos, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo. Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan. Kayo'y aking mga kaibigan, kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo."(Juan 15:12-14)

"Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y mangagibigan sa isa't isa." (Juan 15:17)

Ayon sa 1 Juan 3:23, ang ἐντολή (entolē = utos) ng Diyos ay may dalawang kahulugan: "manampalataya tayo sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesucristo", at "tayo'y mangagibigan."

"At ito ang kaniyang utos, na manampalataya tayo sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesucristo, at tayo'y mangagibigan, ayon sa ibinigay niyang utos sa atin." (1Juan 3:23)

Ang mga chapters 10 hanggang 15 ng Juan ay hindi nakasentro sa Sampung Utos, ngunit naglalaman ng iba't ibang tagubilin at prinsipyong etikal ni Jesus, tulad ng pag-ibig, pagiging alagad, at tapat na pamumuhay. Ang "mga utos" ni Jesus ay tumutukoy sa lahat ng kanyang itinuro sa mga Ebanghelyo at Bagong Tipan. Kung kaya, ang ating pagmamahal kay Jesus ay hindi nasusukat sa pagsunod sa Sampung Utos. Ang pamantayan ng tunay na pagiging alagad, ayon mismo kay Jesus, ay ang pagsunod sa kanyang "bagong utos" na mag-ibigan sa isa't isa, na siyang binibigyang diin, hindi ang Sampung Utos.

"Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa. Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa." (Juan 13:34-35)


Conclusion:

Kung ikaw ay isang Sabadista at ang iyong pagmamahal kay Jesus bilang iyong personal na Panginoon at Tagapagligtas ay hindi mapag-aalinlanganan, dapat mong isaalang-alang na ang iyong pangunahing pagsunod ay hindi na nakasentro sa Sampung Utos ng lumang tipan na sinasabing lipas na (Hebreo 8:13), kundi sa "bagong utos" na mag-ibigan sa isa't isa gaya ng pag-ibig ni Jesus. Ito ay dahil itinuturo ng Kasulatan na "ang pagibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa: ang pagibig nga ay siyang katuparan ng kautusan" (Roma 13:10) at "si Cristo ang kinauuwian ng kautusan sa ikatutuwid ng bawa't sumasampalataya" (Roma 10:4).


References:

[1] "καὶ ἀνήγγειλεν ὑμῖν τὴν διαθήκην αὐτοῦ ἣν ἐνετείλατο ὑμῖν ποιεῖν, τὰ δέκα ῥήματα, καὶ ἔγραψεν αὐτὰ ἐπὶ δύο πλάκας λιθίνας." Deuteronomy 4 Swete's Septuagint 
(https://biblehub.com/sepd/deuteronomy/4.htm)

[2] Balz, Horst, and Gerhard Schneider, editors. Exegetical Dictionary of the New Testament. Vol. 1, Wm. B. Eerdmans Publishing, 2004.

[3] Raoul Dederen, Handbook of Seventh-Day Adventist Theology, Commentary Reference Series, electronic ed., (Hagerstown, MD: Review and Herald Publishing Association, 2001), 12:477.



No comments:

Post a Comment

MOST POPULAR POSTS