Juan 5:18
"Dahil dito nga'y lalo nang pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin, sapagka't hindi lamang sinira ang araw ng sabbath, kundi tinatawag din naman na kaniyang sariling Ama ang Dios, na siya'y nakikipantay sa Dios."
Challenge ng mga Sabadista:
#1.) Ellen G. White:
"Ipinahayag ni Jesus na Siya ay may pantay na karapatan sa Diyos sa paggawa ng isang gawaing parehong banal at may parehong katangian ng ginagawa ng Ama sa langit. Ngunit lalo pang nagalit ang mga Pariseo. Hindi lamang Niya nilabag ang kautusan ayon sa kanilang pagkaunawa, kundi sa pagtawag sa Diyos bilang “Kanyang sariling Ama,” ipinahayag Niya ang Kanyang pagiging kapantay ng Diyos. (Juan 5:18, R.V.; DA 207.3)" (sa akin ang pagsasalin sa Tagalog) [1]
#2.) Seventh-Day Adventists' Andrews Study Bible:
"5:18 – Nilabag ang Sabbath. Ang mga "Hudyo" sa Ebanghelyo ni Juan ay hindi mapagkakatiwalaang saksi. Ang paratang na ito ay mali (tingnan ang tala sa talata 10). Ginawang ... Diyos. Mali rin ang bahaging ito ng paratang." (sa akin ang pagsasalin sa Tagalog) [2]
#3.) Layman Debaters ng mga Sabadista:
"Hindi ang Sabbath na nasa Biblia ang sinuway ni Hesus, kundi ang mga dagdag na paliwanag ng mga Rabbi."[3]
Sagot:
Maraming dahilan ang ginagamit ng mga Sabadista para sabihing hindi talaga sinira ni Jesus ang Sabbath. Sa unang tingin, parang tama lang ang ginagawa nila, dahil siyempre, gusto nating isipin na sumusunod si Hesus sa Diyos. Para sa kanila, kapag sinabi mong sinira ni Hesus ang Sabbath sa Juan 5:18, para kang kumakampi sa mga Hudyo na umuusig sa Kanya. Sinasabi rin nila na ang mga Sabadista ang tunay na sumusunod kay Hesus ngayon, dahil naninindigan sila sa panig niya tungkol sa Sabbath. Gumagamit sila ng mga talata sa Bibliya, tulad ng Mateo 5:17, para patunayang hindi sinira ni Jesus ang kautusan.
"Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin." (Mat 5:17)
Sa unang tingin, parang tama ang argumento nila tungkol sa Mateo 5:17. Pero kapag sinuri natin nang mas malalim, makikita natin na mali ang pagkakaintindi nila sa talatang ito. Hindi ang Sampung Utos o ang Sabbath ang tinutukoy ni Hesus dito. Ang tinutukoy niya ay ang pagtupad sa mga propesiya at at iba pang sinasabi ng mga Kasulatan sa Lumang Tipan tungkol sa Kanya. Pansinin natin ang sinabi ni Hesus sa simula ng Mateo 5:17: 'Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta.' Dito, hindi Niya binanggit ang Sabbath o ang Sampung Utos. Ang sinabi niya ay 'ang kautusan o ang mga propeta.' Madalas na mali ang pagkakaintindi ng mga Sabadista dito. Titigil sila ng pagbasa sa salitang 'Kautusan' at hindi itutuloy sa 'o ang mga Propeta,' kaya parang sinasabi ni Jesus na hindi niya sisirain ang Sampung Utos, lalo na ang Sabbath lang. Pero hindi iyon ang sinasabi niya. Ang tanong ngayon ay:'Ano ang ibig sabihin ni Hesus sa 'ang Kautusan o ang mga Propeta' Ayon sa SDA Bible Commentary, ito ay isang termino na ginagamit ng mga Hudyo noong panahon ni Jesus para tumukoy sa buong aklat ng Lumang Tipan.
Kaya, noong sinabi ni Hesus na napario siya upang tuparin at hindi sirain, ang tinutukoy niya ay hindi ang Sampung Utos o ang Sabbath. Ang tinutukoy niya ay ang buong Kasulatan ng Lumang Tipan. Marami pang propesiya tungkol kay Jesus ang hindi pa natutupad, at mangyayari pa sa hinaharap, tulad ng Kanyang ikalawang pagdating at ang gagawin niyang paghuhukom. Kaya naman sinabi niya sa talata 18:
"Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay." (Mat 5:18)
Kahit 'Kautusan' lang ang sinabi dito, ang ibig pa rin sabihin nito ay ang buong Lumang Tipan. Konektado ito sa sinabi sa talata 17 tungkol sa 'Kautusan o ang mga Propeta,' na ang ibig sabihin din ay ang buong Lumang Tipan. Ito ay tinatawag na 'synecdoche,' parang paggamit ng isang parte para tukuyin ang kabuuan.[5]
Ang Pagkakaiba ng Kahulugan ng "sirain" sa Mateo 5:17 at Juan 5:18
Mateo 5:17 – "katalusai" (καταλῦσαι)[6]
Sa Mateo 5:17, ginamit ni Hesus ang salitang Griyego na katalusai (καταλῦσαι), isang anyo ng pandiwang kataluo (καταλύω), na nangangahulugang "sirain," "wasakin," o "ibagsak." Ang pandiwang ito ay may ideya ng ganap na pagwawasak o pagkansela. Sa kontekstong ito, ipinapahayag ni Hesus na hindi siya naparito upang sirain o pawalang-bisa ang Kautusan ni Moises at ang mga propeta (aklat ng Lumang Tipan), kundi upang tuparin o ganapin ang mga ito.
Juan 5:18 – "luo" (λύω)[7]
Sa Juan 5:18, ang salitang Griyego na ginamit ay luo (λύω), na nangangahulugang "pagkalas," "pag-alis," o "pagpapalaya." Ang pandiwang ito ay may kahulugang hindi ganap na pagwawasak kundi isang uri ng pagpapalaya o pag-alis mula sa isang bagay. Sa kontekstong ito, ang mga Hudyo ay nagalit kay Hesus dahil hindi lamang niya "sinira" o sa mas tumpak na kahulugan ay 'pinapalaya' o 'kinakalas' niya ang taong pinagaling niya mula sa pangingilin ng Sabbath, at tinawag din niya ang Diyos bilang Kanyang Ama, na nakikipantay siya sa Diyos (Juan 5:16-17).
Pagkakaiba ng Kahulugan
Ang katalusai ay may diin sa ganap na pagwawasak o pagkansela, samantalang ang luo ay may diin sa pagpapalaya o pag-alis mula sa isang bagay. Sa Mateo 5:17, ang layunin ni Hesus ay ipakita na hindi niya nais sirain ang kinasihang mga aklat ng Lumang Tipan kundi tuparin ito, samantalang sa Juan 5:18, ang mga Hudyo ay nagalit kay Hesus dahil sa kanyang liberal na pakikitungo sa Sabbath sa pamamagitan ng pagpapalaya niya o pagkalas sa lalaking kanyang pinagaling mula "pagkakatali" sa Sabbath ng Lumang Tipan.
Ang konteksto ng bawat talata ay napakahalaga upang maunawaan ang tiyak na kahulugan ng salitang Griyego na ginamit doon. Sa Mateo 5:17, ang pangunahing isyu ay ang sakop ng kapangyarihan at kahalagahan ng buong aklat Lumang Tipan kaugnay ng ministeryo ni Hesus. Samantala, sa Juan 5:18, ang sentro ng usapin ay ang isang partikular na pagtatalo tungkol sa pagpapalaya at pagkalag ni Hesus sa taong kanyang pinagaling mula sa kautusan ng Sabbath batay sa banal na awtoridad ni Hesus.
Akusasyon Lang ba ng mga Hudyo?
Sabi ng mga Sabadista, paratang lang ng mga Hudyo na "sinira" ni Hesus ang Sabbath sa Juan 5:18. Ang nilabag daw ni Hesus ay ang maling tradisyon ng mga Hudyo tungkol sa Sabbath. Ganun din ang sinasabi ko dati noong Sabadista pa ako. Hindi ang Sabbath sa Biblia ang nilabag ni Hesus, kundi ang dagdag na paliwanag ng mga Hudyo. Madalas magtalo si Hesus at mga Pariseo tungkol sa kung paano sundin ang Sabbath. Para maintindihan, tingnan natin muli ang Juan 5:18. Tungkol ito sa pagpapagaling ni Hesus sa isang lalaki sa Betesda. Basahin natin ang buong pangyayari sa Juan 5:6-10:
"Nang makita ni Jesus na siya'y nakahandusay, at mapagkilalang siya'y malaon nang panahong maysakit, ay sinabi niya sa kaniya, Ibig mo bagang gumaling? Sumagot sa kaniya ang lalaking maysakit, Ginoo, wala ng taong maglusong sa akin sa tangke, pagkalawkaw sa tubig: datapuwa't samantalang ako'y naparoroon, ay nakalusong na muna ang iba bago ako. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka. At pagdaka'y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng sabbath. Kaya sinabi ng mga Judio sa kaniya na pinagaling, Ito'y araw ng sabbath, at hindi matuwid na buhatin mo ang iyong higaan." (Joh 5:6-10)
Ang lalaking gumaling ay hindi nagsabi na okay lang dalhin ang kanyang higaan sa Sabbath, at hindi rin totoo na ang pinupuna lamang ni Jesus ang tradisyon ng mga Hudyo tungkol sa interpretasyon nila sa Sabbath. Malinaw na sinabi sa Juan 5:18 na 'sinira ang araw ng sabbath.' Parehong 'sinira' ito ni Jesus at ng lalaking pinagaling ng Sabbath, dahil inutusan mismo ni Hesus na buhatin niya ang kanyang higaan. Ipinapakita nito ang pagtatalo ng awtoridad sa pagitan ni Hesus at ng Kautusang Mosaiko, hindi sa pagitan ni Jesus at ng tradisyon ng mga Hudyo. Ang higaan ng lalaki ay malamang na banig at kumot, tulad ng karaniwang gamit sa pagtulog. Maituturing itong 'pasanin' na bawal sa Sabbath ayon sa Jeremias 17:27, base sa Kautusang Mosaiko, hindi lang sa tradisyon ng mga Hudyo.
"Nguni't kung hindi ninyo didinggin ako upang ipangilin ang araw ng sabbath, at huwag mangagdala ng pasan at pumasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y magsusulsol ako ng apoy sa mga pintuang-bayan niyaon, at pupugnawin niyaon ang mga palacio sa Jerusalem, at hindi mapapatay." (Jer 17:27)
Walang makitang dahilan para buhatin iyon sa Sabbath; maari sanang pinagaling ni Hesus ang lalaki at pinag hintay na lamang na buhatin ito pagkatapos ng Sabbath. Ipinapakita nito na sadyang pinili ni Hesus na mag pagaling sa araw ng Sabbath at inutusan ang lalaki na gumawa ng bagay na labag sa Sabbath. Alam ng mga Pariseo ang tungkol sa kwento sa lumang tipan kung saan pinatay ang isang lalaki dahil sa pangunguha ng kahoy sa araw ng Sabbath (Bil. 15:32-36). Kaya naman, sa kanilang mahigpit na pagsunod sa kautusan, sinusunod ng mga lider ng Hudyo ang eksaktong utos.
Mahalagang bigyang diin na hindi sinubukan ni Hesus na bigyang katwiran ang kanyang pag papagaling o ang kanyang utos na 'Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka' (Juan 5:8) sa ilalim ng kautusan ng Sabbath. Sa halip, buong tapang niyang inamin na siya at ang kanyang Ama ay gumagawa—na malinaw na paglabag sa kautusan ng Sabbath. Pagkatapos, inilipat ni Hesus ang usapan mula sa paglabag sa Sabbath patungo sa kanyang relasyon sa kanyang Ama (Juan 5:16-17).
Tama ang pagkakaintindi ng mga rabbi na ang pagpapahinga ng Diyos sa ikapitong araw ay hindi nangangahulugang tinatapos niya ang kanyang patuloy na paggawa upang mapanatili ang uniberso. Ngayon ay malinaw na sadyang pinili ni Hesus na pagalingin ang lalaking may sakit sa loob ng 38 taon sa araw ng Sabbath. Bukod pa dito, sadyang inutusan ni Hesus ang pinagaling na lalaki na buhatin ang kanyang banig at umuwi sa parehong araw ng Sabbath, na ayon sa mga Hudyo, ay lumalabag sa Sabbath batay sa kautusang Mosaiko at sa kanilang tradisyon.
Mga Dahilan Kung Bakit Kailangang 'palayain' ni Jesus ang mga tao sa pagkakatali sa Sabbath ng mga Hudyo
#1. Ang Sabbath ng mga Hudyo ay isa lamang seremonya o ritwal na utos.
May ilang importanteng bagay na dapat tandaan para maintindihan na ang Sabbath ay isang kautusan tungkol sa seremonya, hindi tungkol sa moral. Gumamit si Kristo ng mga halimbawa ng mga seremonyal na utos para ipagtanggol ang Kanyang 'paglabag' sa Sabbath.
a.) Kinain ni David at ng mga kasama niya ang 'mga tinapay na handog' na nasa loob ng Banal na dako ng Templo. Ayon sa kautusan ni Moises, mga saserdote lang ang pwedeng kumain nito. Pero hindi itinuring na kasalanan ni David ang pagkain nila nito.
"Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya'y nagutom, at ang mga kasamahan niya; Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain siya ng mga tinapay na handog, na hindi matuwid na kanin niya, ni ng mga kasamahan niya, kundi ng mga saserdote lamang?" (Mat 12:3-4)
b.) Ang mga saserdote ay lumalabag o nilalapastangan ang Sabbath kapag naglilingkod sila sa Templo dahil marami at mabibigat ang gawain nila. Pero hindi sila itinuturing na nagkasala sa paggawa nito (Mateo 12:5).
"O hindi baga ninyo nabasa sa kautusan, kung papaanong sa mga araw ng sabbath ay niwawalang galang ng mga saserdote sa templo ang sabbath, at hindi nangagkakasala?" (Mat 12:5)
Sa pagkakataong ito, mahalagang idiin na sadyang 'sinira' ni Hesus ang Sabbath. Ginamit niya ang mga halimbawa ng mga lingkod ng Diyos sa Lumang Tipan na 'sumuway' din sa mga seremonyal na utos, ngunit tulad niya, hindi sila nagkasala. Sa mas simpleng pananalita, pinagtibay ni Hesus ang Kanyang paglabag sa Sabbath ng mga Hudyo, at ipinahayag na wala siyang kasalanan, tulad nina David at ng mga saserdote na sumuway sa utos ng Sabbath nang hindi nagkasala. Para bang sinasabi ni Jesus sa mga Pariseo, 'Bakit niyo ako hinuhusgahan sa hindi ko pagsunod sa Sabbath, gayong si David at ang mga pari nga ay sumuway rin ngunit hindi niyo sila hinuhusgahan?'
Sa konteksto ng Juan 5:18, mahalagang ipaalala na hindi sinubukang ipaliwanag ni Hesus ang Kanyang pagpapagaling o ang utos Niyang 'Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka' bilang naaayon sa kautusan ng Sabbath. Sa halip, buong tapang niyang sinabi na siya at ang kanyang Ama ay patuloy na gumagawa, na tahasang ipinagbabawal ng katusan ng Sabbath (Juan 5:16-18). Pagkatapos, itinuro ni Jesus ang kanyang espesyal na relasyon sa Kanyang Ama.
Naunawaan ng mga rabbi na ang pagpapahinga ng Diyos pagkatapos ng paglikha ay hindi nangangahulugang hindi na gumawa ang Diyos para panatilihin ang uniberso. Kung paanong ang pagpapanatili ng mundo ay mas mahalaga kaysa sa Sabbath, gayundin ang pagtubos ni Kristo ay mas higit kaysa sa mga patakaran ng Sabbath ng mga Pariseo at sa literal na interpretasyon ng mga utos ng Sabbath sa Lumang Tipan. Ang layunin ng pagtubos ay ibalik ang kalagayan noong unang ikapitong araw. Malinaw na ipinapakita nito na tama ang parehong pahayag—na 'sinira' ni Hesus ang Sabbath at tinawag niyang Ama ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit gustong ipapatay si Hesus ng mga Hudyo.
#2.) Ang Sabbath ng mga Hudyo ay isang Anino lamang.
Ang 'pagsira' ni Hesus sa Sabbath ay upang ipakita sa mga Hudyo at sa mga tagasunod niya na ang Sabbath ay parang anino lamang, parte ng mga seremonya sa kautusan ni Moises na malapit nang matapos. Si Hesus, ang Mesiyas na ipinangako, ang totoong 'Sabbath' na dati'y anino lang, yung Cordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng mundo (Juan 1:29; Colosas 2:16-17). Ganito ang pahayag ni apostol Pablo sa Colosas 2:16-17:
Colosas 2:16-17 (The Living Bible) "Kaya't huwag ninyong hayaang may magbatikos sa inyo dahil sa inyong kinakain o iniinom, o kung hindi ninyo ipinagdiriwang ang mga pagdiriwang ng mga Hudyo, mga piyesta, mga seremonya ng bagong buwan, o ang mga Sabbath. Sapagkat ang mga ito ay pansamantalang mga tuntunin na nagtapos nang dumating si Cristo. Ang mga ito ay mga anino lamang ng tunay na bagay—si Cristo mismo." (akin ang pagsasalin sa Tagalog)
Ang tunay na 'kapahingahan ng mga kaluluwa' araw-araw para sa kaligtasan mula sa kasalanan ang inaalok ni Hesus sa kanila. Ipinapakita sa Kasulatan kung paano inihahanda ni Hesus ang pag-iisip ng mga tao para sa espirituwal na kapahingahang ito, gaya ng mababasa sa Mateo 12 at Marcos 2. Bago isalaysay ni Mateo ang pagtutunggali ni Hesus at ng kanyang mga alagad sa mga Pariseo tungkol sa pagpitas ng uhay sa araw ng Sabbath (Mateo 12:1-2), unang ipinaliwanag ni Mateo ang kapahingahan ng mga kaluluwa ni Hesus sa mga tao sa Mateo 11:28-30:
"Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka't malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan. . . Nang panahong yaon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa mga bukiran ng trigo; at nangagutom ang kaniyang mga alagad at nangagpasimulang magsikitil ng mga uhay at magsikain. Datapuwa't pagkakita nito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniya, Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo ang hindi matuwid na gawin sa sabbath." (Mat 11:28-12:1-2)
Sa aklat ng Ebanghelyo ni Marcos, bago niya ilahad ang pagharap ni Jesus sa mga Pariseo sa bukirin ng mga butil sa Sabbath, unang ipinakikita ni Marcos ang mga turo ni Hesus tungkol sa Bagong Alak at mga Lumang Sisidlan ng Alak.
"Walang taong nagtatagpi ng matibay na kayo sa damit na luma: sa ibang paraan ang itinagpi ay binabatak ang tinagpian, sa makatuwid baga'y ang bago sa luma, at lalong lumalala ang punit. At walang taong nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma; sa ibang paraan ay pinupunit ng alak ang mga balat at nabububo ang alak at nasisira ang mga balat: kundi ang alak na bago ay isinisilid sa mga bagong balat. At nangyari, na nagdaraan siya sa mga bukiran ng trigo nang araw ng sabbath; at ang mga alagad niya, samantalang nagsisilakad, ay nagpasimulang nagsikitil ng mga uhay. At sinabi sa kaniya ng mga Fariseo, Narito, bakit ginagawa nila sa araw ng sabbath ang hindi matuwid?" (Mar 2:21-24)
Ayon sa paliwanag ng Seventh-day Adventist Bible Commentary, ang "bagong alak" ay sumasagisag sa Magandang Balita o ebanghelyo, habang ang "lumang sisidlan ng alak" naman ay tumutukoy sa mga turo at kaugalian ng mga Hudyo.
Conclusion:
Sa pag-aaral nating mabuti ng Kasulatan, makikita natin sa Juan 5:18 na talagang "sinira" o pinalalaya/kinakalagan ni Hesus ang sinumang sa kanya ay sasampalataya tulad ng lalakinng pinagaling niya at pinalaya mula sa Sabbath ng mga Hudyo, at hindi ito bintang lamang. Base sa mga ginawa at sinabi ni Hesus, malinaw na sinadya niyang pagalingin ang lalaking 38 taon nang may sakit sa araw ng Sabbath. Dagdag pa, inutusan ni Hesus ang lalaking gumaling na dalhin ang kanyang higaan at umuwi sa mismong araw ng Sabbath. Ang mga gawaing ito ay itinuturing ng mga Hudyo na paglabag sa Sabbath ayon sa Kautusan ni Moises (Jeremias 17:27) at sa kanilang mga tradisyon (Mishnah Shabbat 7.2).
Ipinagtanggol ni Jesus ang mga "pagpapalaya/pagkalag" na ito sa Sabbath sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga gawain ng mga saserdote sa templo na "lumalapastangan" tuwing Sabbath pero hindi sila nagkakasala (Mateo 12:5).
Mahalagang maintindihan ng ating mga kaibigang Sabadista na hindi namin sinasabing nagkasala si Jesus nang 'sinira' niya ang Sabbath. Hindi iyon ang punto namin. Kung ang mga saserdote sa templo ay maaaring lapastanganin dahil sila'y mas maraming ginagawa sa Sabbath ngunit walang kasalanan, siguradong si Hesu-Kristo, na mas dakila pa sa Templo at Panginoon ng Sabbath, ay hindi rin nagkasala.
Dalangin ko na sana maintindihan ng mga Sabadista ang katotohanang ito at makita na ang pagtanggap kay Hesus na siyang nagpalaya/nagkalag sa atin mula sa pangingilin ng Sabbath ay magturo sa kanila na ituon ang pansin sa Tagapagligtas ng kanilang kaluluwa kaya ituon sa literal na araw lamang.
Napakaliwanag mula sa ating pag-aaral na itinuring ni Hesus ang Sabbath bilang isang uri ng ritwal o seremonyal na utos na nagsisilbing anino ng Kanyang pagdating, kaya naisakatuparan na ang layunin nito. Sa ating pagsusuri sa buong pangyayari, tila layunin ni Hesus na ituon ang pansin ng mga lider ng mga Hudyo palayo sa mga kautusan ng Lumang Tipan tungo sa Kanyang sarili bilang bagong sentro ng buhay at kaligtasan. Sa pamamagitan nito, buong tapang na hinarap ni Hesus ang malaking panganib upang ipakilala ang Kanyang sarili bilang pangunahing personalidad para sa buhay at paghuhukom sa Bagong Tipan.
References:
[1] Ellen Gould White, The Desire of Ages, (Mountain View, CA: Pacific Press Publishing Association, 1898), 207.
[2] Dybdahl, Jon L., editor. Andrews Study Bible Notes. Andrews University Press, 2010, p. 1386.
[3] Also used by Dr. Samuele Bacchiocchi in his book Sabbath Under Crossfire p. 154
[4] Nichol, Francis D., editor. The Seventh-Day Adventist Bible Commentary. Review and Herald Publishing Association, 1980, p. 331.
[5] Friberg, Timothy, and Barbara Friberg. Analytical Lexicon of the Greek New Testament. 2023.
[6] "κατα-λύω: metaph. to overthrow, i.e., render vain, deprive of success, bring to naught; to deprive of force, annul, abrogate, discard: τὸν νόμον, Mt. 5:17" (Thayer, Joseph Henry. A Greek-English Lexicon of the New Testament: Being Grimm’s Wilke's Clavis Novi Testamenti, Harper & Brothers., 1889, p. 334.)
[8] Seventh-day Bible Commentary Volume 5 on Mark 2:21-22
No comments:
Post a Comment