Kung babasahin nating mabuti ang Marcos 2:27, malinaw na hindi naman pinag-tatalunan ni Jesus at ng mga Pariseo kung ang Sabbath ba ay para lang sa mga Hudyo o para sa lahat. Inaakala lang ito ng mga Sabadista dahil sa sarili nilang paniniwala at pilit nilang isinisingit sa talata (eisegesis). Ang mga pagtatalo ni Jesus at ng mga Pariseo tungkol sa Sabbath ay palaging umiikot sa kung ano ang pinapayagang gawin ng mga Hudyo sa araw na iyon ayon sa kanilang Kautusan at mga kaugalian. Walang ipinapakita sa mga pagtatalong ito na inaasahan din na ang mga ibang bansa ay dapat mangilin din ng Sabbath.
Sabbath, Para Lang sa Israel Ayon kay Jesus
Pero kung titignan nating maigi ang historical background ni Jesus at ng kanyang kausap na mga Pariseo, pareho silang sumasang-ayon bilang parehong mga likas na Hudyo na ang Sabbath ay ibinigay lang talaga ng Diyos sa mga Israelita sa Bundok Sinai sa pamamagitan ni Moises. Narito ang mga patunay na nagkakaisa si Jesus at ang mga Pariseo na ang Sabbath ay ginawa para lang sa bansang Israel, hindi para sa lahat ng tao.
Dahil si Jesus ay isang Hudyo na nagpapahalaga sa Lumang Tipan, tiyak na alam niya ang mga sumusunod na talata: James 5
"Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng sabbath, na tutuparin ang sabbath sa buong panahon ng kanilang mga lahi, na pinakapalaging tipan. Ito'y isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailan man: sapagka't sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw, ay nagpahinga at naginhawahan." (Exo 31:16-17 Tagalog AB)
Letra-por-letra na po itong nakasulat, at madalas itong hinahanap ng mga Sabadista sa kanilang mga debate. Ang inutusan dito na magpahinga sa Sabbath ay ang "mga anak ni Israel" lamang, mula pa noon sa Bundok Sinai hanggang sa "buong panahon ng kanilang mga lahi." Ibig sabihin, habang may mga Israelita pa sa mundo, ang Sabbath ay "pinakapalaging tipan" ng Diyos para lang sa kanila. Kung ayaw ng Diyos sa pangangalunya, mas lalong ayaw niya ng may "kerida" o "kabit" sa kanyang pakikipagtipan o relasyon sa Israel, na ang Sabbath ang ginawang tanda o simbolo ng espesyal na relasyon ng Diyos at Israel.
Ito naman ang patunay mula sa Ezekiel 20:10-12 na madalas banggitin ng mga Sabadista pero palagi naman out of context:
"Sa gayo'y pinalabas ko sila mula sa lupain ng Egipto, at dinala ko sila sa ilang. At ibinigay ko sa kanila ang aking mga palatuntunan, at itinuro ko sa kanila ang aking mga kahatulan, na kung isagawa ng tao ay mabubuhay sa mga yaon. Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, upang maging tanda sa akin at sa kanila, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila." (Eze 20:10-12 Tagalog AB)
Kung irerespeto lang sana ng mga Sabadista ang mismong sinasabi ng talatang ito, sa tingin ko mas maiintindihan nila. Malinaw na sinasabi dito na ibinigay lang ng Diyos ang Sabbath sa mga anak ni Israel. Sa simula pa lang, may koneksyon na ito sa kasaysayan ng mga Israelita na pinalaya mula sa "lupain ng Egipto" at dinala ng Panginoon sa "ilang" ng Sinai kung saan, sabi ng Panginoon, "ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath." Hindi ito ibinigay sa lahat ng bansa kundi sa bansang Israel lang. Kung hindi ganito, mawawalan ng saysay ang sinabi ng Panginoon na ang Sabbath ay "maging tanda sa akin at sa kanila (Israel)." Parang singsing 'yan sa kasal na tanda o simbolo na ang kasunduan ng mag-asawa ay para lang sa kanilang dalawa at walang ibang kasali sa kanilang pangako sa hirap at ginhawa habang sila'y nabubuhay hanggang kamatayan. Ganoon din ang kahulugan ng Sabbath bilang tanda ng kasunduan sa pagitan lang ng Diyos at Israel.
Kaya mas mabuti siguro sa mga Sabadista na pag-isipan nilang mabuti kung saan hahantong ang kanilang paniniwala na pilit nilang isinasama ang sarili nila sa relasyon ng Diyos at ng Israel, na parang mag-asawa. Ginagawa kasi ng mga Sabadista ang Diyos na parang "unfaithful husband" sa kasunduan Niya sa Israel dahil gusto ng mga Sabadista maging "kabit" ng Diyos sa pamamagitan ng pagpipilit nilang sundin ang Sabbath na hindi naman ginawa para sa kanila.
Tulad nga ng sinabi ko kanina, sobrang pamilyar si Jesus sa mga talatang ito dahil siya ay isang Hudyo. Naniniwala ako na si Jesus mismo, na nagpakilalang "Yahweh" sa Lumang Tipan, ang nagbigay ng Sabbath at nakipagtipan sa Israel. Sinabi niya kasi na walang sinuman ang nakakita sa anyo at nakarinig sa tinig ng Ama, kaya malinaw na si Jesus ang anyong nakita at tinig na narinig ng mga Israelita sa Bundok Sinai (Juan 5:37). At ayon sa mas matitibay na ebidensiya mula sa mas lumang mga kopya ng Santiago 1:5, naniniwala ako na mas malapit sa orihinal ang pagsasalin na si "Jesus" ang nagligtas sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto. Basahin natin ito mula sa English Standard Bible na para sa akin ay mas malapit na salin mula sa orihinal:
"Now I want to remind you, although you once fully knew it, that Jesus, who saved a people out of the land of Egypt, afterward destroyed those who did not believe." (Jude 1:5 ESV)Dahil si Jesus mismo ang nagbigay ng Sabbath sa Israel noong Lumang Tipan, kumbinsido ako na alam na alam niyang para lang talaga sa Israel iyon at hindi para sa tao sa buong mundo.
Sabbath, Para Lang sa Israel Ayon Relihion mga Pariseo
Ang Book of Jubilees ay isang mahalagang katibayan kung paano umunlad ang paniniwala ng mga Hudyo tungkol sa Sabbath noong panahon ng Ikalawang Templo. Ipinapakita nito ang opisyal na paniniwala ng mga ninuno ng mga Pariseo na ang Sabbath ay hindi para sa lahat ng tao, kundi isang espesyal na tanda at dapat sundin lang ng mga Israelita. Isinulat ito mga 200 taon bago ipanganak si Kristo, at mahalagang maunawaan natin dito ang mga pinaniwalaan at ginawa ng mga Hudyo sa kanilang relihiyon, pati na ang pag-intindi nila sa kanilang mga kasulatan noong panahon sa pagitan ng Lumang Tipan at Bagong Tipan. Isa sa mga pangunahing paksa sa Book of Jubilees ay ang Sabbath.
Ayon sa aklat na ito, ang paniniwala ng mga sinaunang Hudyo noong mga 170-150 BCE (kung saan nagmula ang mga Pariseo) ay matatag na ang Sabbath ay utos na ibinigay tangi lamang sa mga Israelita bilang tanda ng kanilang relasyon sa Diyos. Kaya, hindi kasali ang lahat ng tao, pati na ang mga Sabadista.
Book of Jubilees 2:31-33 [2]
"31. And the Creator of all things blessed it, but He did not sanctify all peoples and nations to keep Sabbath thereon, but Israel alone: them alone He permitted to eat and drink and to keep Sabbath thereon on the earth.
32. And the Creator of all things blessed this day, which He had created for a blessing and a sanctification and a glory above all days.
33.This law and testimony was given to the children of Israel as a law forever unto their generations." 31. "At pinagpala ng Maylalang ng lahat ng bagay ang araw na ito, ngunit hindi Niya ipinabanal ang lahat ng tao at bansa upang ipangilin ang Sabbath, kundi ang Israel lamang: sila lamang ang Kaniyang pinahintulutang kumain, uminom, at ipangilin ang Sabbath sa ibabaw ng lupa.
32. At pinagpala ng Maylalang ng lahat ng bagay ang araw na ito, na Kaniyang nilikha bilang pagpapala, pagpapabanal, at kaluwalhatian higit sa lahat ng araw.
33. Ang kautusang ito at patotoo ay ibinigay sa mga anak ni Israel bilang isang kautusang walang hanggan sa buong sali’t salinlahi nila."
No comments:
Post a Comment