“At siya'y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa.” (Luk 4:16)
Challenge ng mga Sabadista:
1.) "Ayon sa Luke 4:16, ang araw ng pagsamba ni Jesus ay Sabado, hindi Linggo."
2.) "Hindi katulad ng ibang mga nagsasabing mga Kristiyano daw na nagsisimba tuwing Linggo, ang mga Seventh-day Adventist lang ang sumusunod sa ginawa ni Jesus na regular na pagsamba tuwing Sabado."
Sagot:
#1: Dahil si Jesus ay isang Hudyo na "ipinanganak sa ilalim ng Kautusan", kaya't Sabado ang kanyang araw ng pagsamba.
May mga dahilan kung bakit hindi matibay na ebidensya ang Lucas 4:16 upang igiit na Sabado lamang ang tamang araw ng pagsamba noong panahon ni Jesus, sa halip na Linggo. Ang unang dahilan ay, bilang Hudyo, likas lang na ang Sabado ang araw ng pagsamba ni Hesus, dahil nga siya ay sumusunod sa mga kautusan ng Hudaismo dahil siya ay "ipinanganak sa ilalim ng kautusan."
“Datapuwa't nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan.” (Galacia 4:4)
Bilang isang Hudyo na ipinanganak sa ilalim ng Kautusan, si Hesus ay nakasanayang sumunod sa anomang sinasabi ng kautusan, kasama na ang pangilin ng Sabbath, mula noong bata pa siya.
“Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan.” (Rom 3:19)
Dahil inutos ng Diyos sa mga Israelita, mula pa noong panahon ni Moises sa Bundok Sinai, na ipangilin ang Sabbath, at dahil si Hesus ay ipinanganak sa ilalim ng kautusang ito, tama lang na sundin niya ang Sabbath at lahat ng sinasabi ng kautusan. Kasama rito ang pagpapatuli sa ikawalong araw at ang pagsunod sa mga taunang kapistahan ng mga Hudyo. Kaya naman nakasulat sa Lucas 4:16 na '
ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath,' patunay na si Jesus ay isang tunay na Hudyo dahil dahil nga ipinanganak siya sa ilalim ng kautusan.
Parang sa mga Seventh-day Adventist, mayroon silang tinatawag na 'born Adventist.' Ibig sabihin lang nito, ang taong iyon ay galing sa pamilyang Adventist, kaya't mula nang ipanganak siya, nakasanayan na niyang magsimba tuwing Sabado, at ito na ang kanyang kaugalian hanggang sa pagtanda.
#2. Dahil noong panahon ni Hesus, hindi pa isyu kung Sabbath o Linggo ang tamang araw ng pagsamba.
Bago namatay at muling nabuhay si Hesus, hindi pa mahalaga ang araw ng Linggo para sa mga alagad Niya. Naging mahalaga lang ang Linggo nang muli Siyang mabuhay sa mga patay sa araw na ito (Mt. 28:1; Mk. 16:1, 2; Lk. 23:55-24:2) , at nang paulit-ulit siyang magpakita sa kanila tuwing araw ng Linggo sa loob ng apatnapung araw (Mt. 28:8−10; Mk. 16:9, 12-13; Lk. 24:13−33; Jn. 20:11−18). Dagdag pa rito, ang pagbaba ng Banal na Espiritu noong Pentecostes (Gawa 2), na inauguration ng Christian church, ay nangyari rin sa araw ng Linggo.
Simula pagkabata, nakasanayan na ni Hesus ang sumamba tuwing Sabado dahil ito ang araw ng pagsamba ng mga Hudyo sa sinagoga. Kaya natural lang at hindi nakapagtataka na Sabado ang araw ng pagsamba niya. Hindi dahil mali ang Linggo, kundi dahil hindi pa isyu ang pagkakaiba ng Sabado at Linggo noong panahon niya tulad sa panahon natin dahil wala pang sariling simbahan ang mga Kristiyano noon. Ang maling intindi ng mga Sabadista ay parang sinasabi nila na ang mga problema natin ngayon ay problema na rin noon kay Jesus, kahit hindi pa naman.
Hindi tama na gamitin ng mga Sabadista ang Lucas 4:16 para husgahan ang mga Kristiyanong nagsisimba tuwing Linggo dahil hindi raw sila sumusunod sa halimbawa ni Hesus. Binabaluktot lang nila ang tunay na kahulugan ng Lucas 4:16. At hindi rin tama na sabihing nagpupunta si Hesus sa 'church' tuwing Sabado, dahil magkaiba ang 'church' ng mga Kristiyano at ang sinagoga ng mga Hudyo. Hindi kailanman tinawag ng mga Hudyo na 'church' ang kanilang sinagoga.
#3. Dahil hindi layunin ni Jesus na ipagpatuloy ang pagsunod sa Kautusan sa pamamagitan ng pagsamba sa Sabbath. Sa halip, sumunod Siya sa Kautusan para palayain tayo mula rito, hindi para manatili tayo sa ilalim nito.
Ang Galacia 4:4-5 ay nagtuturo sa atin na hindi na tayo obligadong sumunod sa Kautusan, kasama na ang Sabbath. Kaya, mali ang sinasabi ng mga Sabadista na dapat nating sundin ang halimbawa ni Jesus sa pagsamba tuwing Sabado, imbes na Linggo. Ganito ang aral ni apostol Pablo sa sulat siya sa mga taga-Galacia ayon sa salin ng The Amplified Bible:
Galacia 4:4-5 (The Amplified Bible) "Ngunit nang dumating na ang tamang panahon, ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak, ipinanganak ng isang babae, ipinanganak na nasasakupan ng [mga regulasyon ng] Kautusan, upang bilhin ang kalayaan ng mga nasa ilalim ng Kautusan (upang tubusin, iligtas, at magbayad-sala para sa kanila), upang tayo'y maitangi at matanggap ang pagiging mga anak ng Diyos."(sa akin ang pagsasalin).
Ayon sa talata 5, ang pagsunod ni Hesus sa Kautusan ay may espesyal na layunin at hindi para sa habang-buhay. Sumunod Siya para 'tubusin' at 'iligtas' ang mga taong sakop ng mga kautusan ng Lumang Tipan. Hindi obligasyon ni Hesus na sundin ang Kautusan magpakailanman. Bahagi ito ng kanyang pansamantalang misyon dito sa lupa. Sa sakdal na pagsunod niya sa kautusan, ipinakita niya ang kanyang sakdal na katuwiran upang maging sakdal na handog para sa ating mga kasalanan, dahil alam niyang walang sinuman ang makakasunod dito ng perpekto hanggang kamatayan, tanging siya lang.
Kaya, natupad ni Hesus ang lahat ng hinihingi ng Kautusan para sa atin sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng kanyang Ama. Si Hesus lang ang nakasunod nang perpekto sa Kautusan ng Diyos, kaya Siya ay matuwid sa harap ng Diyos Ama. Ang kanyang sakdal na katuwirang ito ay ibinibigay sa lahat ng sumasampalataya sa kanyang ginawang pagliligtas. Kaya tayo rin ay nagiging matuwid sa harap ng Diyos, hindi dahil sa pagsunod natin sa Kautusan, kundi dahil sa sakdal na pagsunod ni Kristo sa pamamagitan ng ating pananampalataya. Narito ang patunay mula sa Banal na Kasulatan:
Roma 5:19 (The Living Bible) "Dahil sa pagsuway ni Adan sa Diyos, naging makasalanan ang marami, ngunit dahil sa pagsunod ni Cristo, maraming tao ang naging katanggap-tanggap sa Diyos."(sa akin ang pagsasalin).
Ang Roma 5:19 ay naglilinaw na hindi tayo naging katanggap-tanggap sa Diyos dahil sa sarili nating pagsunod, kundi dahil si Hesus ang sakdal na sumunod para sa atin.
Sa pamamagitan ng perpektong pagsunod ni Kristo sa Kautusan, bilang isang Hudyo, nakamit niya ang katuwiran. Tayo naman, bilang mga Kristiyano, ay itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod natin sa Kautusan. Nilinaw ito ni Pablo sa Roma 8:4 na ganito ang sinasabi:
"Sapagka't ang hindi magawa ng kautusan, na mahina sa pamamagitan ng laman, sa pagsusugo ng Dios sa kaniyang sariling Anak na naganyong lamang salarin at dahil sa kasalanan, ay hinatulan ng Dios sa laman ang kasalanan: Upang ang kahilingan ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi nangagsisilakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu." (Roma 8:3-4 Tagalog AB)
Dito, malinaw na makikita natin na may pagkakaiba ang aral ng Biblia at ng mga Sabadista. Pansinin ang malaking kaibahan:
a. ) Sabi ng mga Sabadista: "Upang ang kahilingan ng kautusan ay matupad NAMIN"
b.) Sabi ng Roma 8:4: "Upang ang kahilingan ng kautusan ay matupad SA ATIN"
Ang sinasabi sa a.) ay ang madalas ipagmalaki ng mga Seventh-day Adventist na sila lang daw ang nakakasunod sa Sampung Utos sa tulong ni Kristo. Sinasabi nila na sinusunod pa rin nila ang Kautusan, at tinutulungan lang sila ni Kristo para maging perpekto ang pagsunod nila. Pero tama ba 'yon? Sabi nila, tinutulungan sila ni Kristo para magtagumpay sa pagsunod sa Sampung Utos. Madalas ko silang tanungin kung may talata sa Bagong Tipan na nagtuturo na dapat nating pagsikapan sundin ang Sampung Utos sa tulong ni Hesus, pero wala silang maipakita.
Ang letra
b.) sa itaas ay ang katotohanan na talaga nais na ituro sa atin Panginoon. Dahil ang kautusan ay binigay ng Panginoon sa atin upang ipamukha sa mga tao na sila ay mga makasalanan:
"Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, dahil ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala." Mga Taga-Roma 3:20, Revised Tagalog Popular Version)
Kaya makapal na lang talaga ang mga mukha ng sinumang Sabadista na nag-aangkin na naperfect na niya ang pagsunod ng Sampung Utos sa tulong ng Panginoon. Dahil una, walang aral ang Biblia na sa tulong ng Panginoon ay mapeperfect natin ang pagsunod sa Sampung Utos. Pangalawa, pinaliwanag na sa Roma 3:20 na walang nagiging perfect sa pagsunod sa Sampung Utos dahil kabaligtaran yan ng tunay na dahilan kung bakit ibinigay ng Diyos ang kautusan: "ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala."
Iyan talaga ang pangunahing dahilan kung bakit kinailangang ipanganak si Hesus sa ilalim ng Kautusan, para tubusin ang mga tao na nasa Ilalim ng Kautusan, at para sila ay ituring na mga anak ng Diyos.
"Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maibibilang sa mga anak ng Diyos." (Mga Taga-Galacia 4:4-5, Revised Tagalog Popular Version)
Kung gayon, hindi pala maituturing na mga anak ng Diyos ang sinumang nananatili pa sa ilalim ng pagsunod sa Kautusan (Roma 3:19). Ibig sabihin, hindi sila kasama sa haing pantubos ni Kristo sa krus. Hindi sila nakinabang dahil mali ang kanilang pag-unawa kung bakit ipinanganak si Hesus sa ilalim ng Kautusan. Akala nila, permanente pa ring nasa ilalim ng Kautusan si Hesus. Kaya naman ang mga taong tulad ng mga Seventh-day Adventist ay nagdesisyon na manatili rin sa ilalim ng Kautusan. Pero hindi nga ganun ang nais na mangyari ni Cristo. Kaya siya ipinanganak sa ilalim ng kautusan ay "upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan" upang sila ay "maibibilang sa mga anak ng Diyos."
Uulitin natin, ang dahilan kung bakit ipinanganak si Kristo sa 'ilalim ng Kautusan' ay dahil hindi kayang sundin nang perpekto ng mga makasalanang tao ang buong Kautusan. Kailangan ng Kautusan ang tuloy-tuloy at walang mintis na pagsunod, na imposible para sa mga Sabadistang nagsisikap maging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hinihingi ng Kautusan. Kaya para maligtas ang mga taong nasa ilalim ng Kautusan, na nagdulot ng sumpa dahil 'Sinusumpa ang bawa't hindi nananatili sa lahat ng mga bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan' (Galacia 3:10), sa tamang 'Kapanahunan, ay sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan' (Galacia 4:4) 'upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan.'
Paano ginawa ni Kristo ang pagpapalayang ito? 'Dahil sa pagsunod ng isang tao, marami ang itinuring ng Diyos na matuwid' (Roma 5:19). Paano naging matuwid ang mga makasalanang tao? Dahil ba sa pagsunod nila sa Kautusan? Hindi, kundi 'dahil sa pagsunod ng isa (Kristo)' (Roma 5:19). Ang magandang resulta ng sakdal na pagsunod ni Kristo sa Kautusan noong nabubuhay siya sa ilalim nito ay itinuring tayong matuwid ng Diyos dahil sa pananampalataya natin kay Kristo, na siyang tumupad ng perpekto sa Kautusan hanggang sa kamatayan niya sa krus. Sa huli, ang perpektong katuwiran ni Hesus ay ibibilang niya sa lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kaya tumutugma ito sa sinasabi ng Roma 8:4 na 'ang kahilingan ng kautusan ay matupad sa atin,' hindi 'matutupad na natin sa tulong ni Kristo' gaya ng paulit-ulit na pag-aangkin ng mga Sabadista.
Pagtupad sa Kautusan sa Tulong ni Kristo?
May isang pagkakataon na may isang Sabadista na nagtangkang magbigay ng talata para patunayan na si Kristo ang nagpapalakas sa kanila para sumunod sa Sampung Utos. Ang talata ay Filipos 4:13, na nagsasabi: "Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin."
Pagkatapos, tinanong ko kung ang Sampung Utos ba ang tinutukoy ni Apostol Pablo doon. Ang sagot niya sa akin, 'Kasama na doon ang Sampung Utos, kaya nga sinabi niyang "lahat ng bagay," edi kasama na doon ang Sampung Utos!' Gaya na ng inaasahann nauwi na naman sa assumption ang Sabadista. Aral na naman nila ang nangibabaw hindi ang talagang aral ng Biblia. Pero kung hayaan lamangnatin ang context ng Filipos 4 ang mag-paliwanag hindi mga espirituwal na bagay ang tinutukoy ni Pablo doon, tulad ng pagsunod sa Sampung Utos na espirituwal (Roma 7:14). Sa halip, ang tinutukoy niya ay mga pisikal na kapighatian at materyal na pangangailangan, doon siya pinalalakas ni Kristo. Hindi kasama doon ang Sampung Utos. Basahin natin ang context o mga talatang nakapaligid lang sa Filipos 4:13 at talagang malinaw na hindi kasama ang Sampung Utos dito:
"Hindi sa sinasabi ko ang tungkol sa kailangan: sapagka't aking natutuhan ang masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan. Marunong akong magpakababa, at marunong naman akong magpakasagana: sa bawa't bagay at sa lahat ng bagay ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan. Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin. Gayon man ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian." (Filipos 4:11-14 Tagalog AB)
Kung tatanungin natin si Apostol Pablo kung ano ang tinutukoy niyang 'sa lahat ng bagay' na kaya niyang gawin sa tulong ni Kristo, ang sagot niya ay hindi ang Sampung Utos. Kundi, 'sa lahat ng bagay ay natutuhan ko ang lihim, maging sa kabusugan, at maging sa kagutuman, maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.' Ibig sabihin, tinutulungan siya ni Kristo sa mga pisikal at materyal na pangangailangan, hindi sa pagsunod sa Sampung Utos na pang-espirituwal na bagay (Rom. 7:14). Mali na naman pala ang mga Seventh-day Adventist sa paggamit ng talatang ito. Naniniwala na talaga ako na ang pinakamabisang panlaban sa maling paggamit ng talata ng mga Sabadista ay ang konteksto. Iyan ang kahinaan ng mga Sabadista. Mahilig sila sa pagkuha ng talata nang hiwalay sa konteksto, basta may nababasa silang salita na sumusuporta sa kanila, wala silang pakialam sa konteksto. Wala silang pakialam sa tunay na mensahe at intensyon ng may-akda ng Biblia. Para na nilang sinasabi na mas marunong pa sila sa Diyos, na mismong may-akda ng Biblia.
Hindi na natin kailangang sundin ang kautusan ng Sabbath katulad ng ginawa ni Jesus noong narito siya sa lupa. Ang gusto niya, magpahinga tayo sa kanya—ang ating araw-araw na kapahingahan ng ating mga kaluluwa. Ang pinakamahalaga ay ang espirituwal na kapahingahan na makukuha natin kay Jesus, hindi ang pagtupad sa isang banal na araw. Sa Bagong Tipan, ang pinapabanal ng Diyos ay ang mga inaari ng matuwid na mga mananampalataya dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Kristo, hindi na isang araw isang Linggo. Kaya't ang kapahingahan na iniaalok ni Kristo ay isang pang araw araw na kapahingahan ng ating kaluluwa. Ganito ang paanyaya ni Hesus sa lahat:
“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka't malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” (Mat 11:28-30)
Sagot sa mga Objections ng mga Sabadista
"Kapag sinabi nating sumunod si Kristo sa Kautusan para iligtas tayo, parang sinasabi rin ba natin na wala na tayong dapat sundin? Na pwede na tayong mabuhay nang walang mga alituntunin, na magdudulot ng buhay na walang moralidad na magiging dahilan ng kaguluhan?"
Sagot:
Kahit na pinalaya na tayo ni Kristo mula sa Kautusan, hindi tayo iniwan na walang mga pamantayang moral. Sa halip, tayo ay nasa ilalim na ng Bagong Tipan ng biyaya, at doon, ang 'Kautusan na ng Espiritu' ang gumagabay sa atin. Kaya "ngayon ay malaya na tayo sa Kautusan, dahil namatay na tayo sa Kautusang ito na dating umalipin sa atin. Ang ating paglilingkod ngayon sa Dios ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu." (Rom. 7:6, ASND)
Ito ay nagpapakita na ang mga sumusunod kay Kristo ay pinapatnubayan na ng Banal na Espiritu sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at hindi na sila nasasakop ng Kautusan. Ang Espiritu ay nagbibigay ng kalayaan, ngunit hindi kalayaan upang gumawa ng kasamaan (Gal. 5:22-23)
Hindi pinapatnubayan ng Banal na Espiritu yung mga Sabadistang nagtuturo ngayon na maaari mong pagsamahin ang patnubay ng Banal na Espiritu at pagsunod sa ilalim ng kautusan o kaya ay makakasunod ka na sa Kautusan dahil papatnubayan ka naman ng Banal na Espiritu. Maling-mali po yan dahil ayon kay apostol Pablo ay hindi compatible ang Holy Spirit sa Bagong Tipan at Kautusan ng Lumang Tipan. Ayon kay Pablo:
“Datapuwa't kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan.” (Gal 5:18)
Kaya, kung sinusunod mo pa rin ang Kautusan, hindi ka pinapatnubayan ng Espiritu Santo. Pero kung pinapatnubayan ka na ng Espiritu Santo, hindi mo na kailangang sumunod pa sa Kautusan. Pumili ka lang ng isa: patnubay ng Espiritu o pamumuhay sa ilalim ng Kautusan. Hindi mo pwedeng pagsabayin dahil magkaiba sila. Ang Kautusan ay paraan ng kaligtasan sa Lumang Tipan, at ang Espiritu Santo naman ay paraan ng kaligtasan sa Bagong Tipan.
Sabi nga ni Apostol Pablo, parang nagtataksil ka sa Diyos kung pagsasabayin mo sila. Kasi, ang Kautusan ay bahagi ng Lumang Tipan, yung dating relasyon ng Diyos sa Israel, na parang asawa Niya. Tapos, ang Bagong Tipan naman ay bagong relasyon ng Diyos sa Simbahan. Kaya magiging salawahan ka, kahit Sabadista ka man o hindi, kung pagsasabayin mo ang dalawang Tipan. Para hindi ka magkasala, dapat isa lang ang 'asawa' mo." Ganito ang pahayag ni apostol Pablo na kinasihan ng Banal na Espiritu:
"Kaya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buhay pa ang kanyang asawa, nagkakasala siya ng pangangalunya. Pero kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. At kung mag-asawa man siyang muli, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. Ganyan din ang nangyari sa inyo, mga kapatid. Malaya na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo. Muli siyang nabuhay at kayoʼy pinag-isa sa kanya para maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod sa Dios. Pero ngayon ay malaya na tayo sa Kautusan, dahil namatay na tayo sa Kautusang ito na dating umalipin sa atin. Ang ating paglilingkod ngayon sa Dios ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu." (Roma 7:3-4, 6, Ang Salita ng Diyos)
Dahil tinubos tayo ni Jesus, hindi na tayo sakop ng Kautusan. Kaya, tinatawag na tayong mga anak ng Diyos.
Galacia 4:5 (The Amplified Bible) "Upang tubusin ang mga nasa ilalim ng Kautusan, upang tayo ay maging mga anak."
Conclusion:
Kahit iniisip ng mga Sabadista na sinusunod nila ang halimbawa ni Kristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, nakakalungkot isipin na hindi pa sila kinikilala bilang mga anak ng Diyos habang nananatili sila sa ilalim ng Kautusan.
No comments:
Post a Comment