Friday, November 22, 2024

KASAGUTAN PARA SA MGA SEVENTH-DAY ADVENTISTS VERSE-BY-VERSE SA MARK 7:19: "NILINIS NA ANG KARUMALDUMAL NA BABOY O PAGKAIN NG TINAPAY NG HINDI NAHUGASANG KAMAY?"

 


“Sapagka't hindi pumapasok sa kaniyang puso, kundi sa kaniyang tiyan, at lumalabas sa dakong daanan ng dumi? Sa salitang ito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.” (Marcos 7:19)


CHALLENGE NG MGA SABADISTA:

1.) Seventh-Day Adventist Bible Commentary:

"15. Walang nanggagaling sa labas. Kadalasan, hindi nauunawaan ng mga nagkokomentaryo ang kahulugan ng mga talata 15–23 sa pamamagitan ng pag-uugnay nito sa isyu ng malinis at di-malinis na pagkaing karne na tinukoy sa Lev. 11. Ang konteksto ay malinaw na nagpapakita na hindi kinukuwestiyon ni Jesus ang anumang utos mula sa Lumang Tipan. Sa halip, tinutuligsa Niya ang bisa ng mga oral tradition (tingnan sa Markos 7:3), at partikular dito ang tradisyon na nagsasabing ang pagkain gamit ang kamay na hindi tamang nahugasan (sa seremonyal na pananaw) ay nagiging sanhi ng karumihan (tingnan sa v. 2)."(akin ang pagsasalin) [1]

2.) Seventh-Day Adventist's Andrews Study Bible:

"Ang tinutuligsa ni Jesus ay ang paniniwala na ang pagsunod lamang ng mga maka-Diyos na Hudyo sa mga kautusang ritwal tungkol sa kalinisan ay magdudulot ng moral na kalinisan. Sa kabaligtaran, walang pagkain na, sa sarili nito, ay maaaring dumungis sa pagkatao ng isang tao. Ang talagang nagpaparumi nang moral ay ang masasamang kaisipan (na isinasakatuparan sa panlabas na gawa), na nagmumula sa kalooban ng isang tao."(akin ang pagsasalin) [2]

3.) Seventh-Day Adventist 28 Fundamental Beliefs book:

"Ang pahayag ni Marcos na si Jesus ay "idinideklarang malinis ang lahat ng pagkain" (Marcos 7:19, RSV) ay hindi nangangahulugang pinawalang-bisa Niya ang pagkakaiba ng malinis at di-malinis na pagkain. Ang talakayan sa pagitan ni Jesus at ng mga Pariseo at eskriba ay walang kinalaman sa uri ng pagkain kundi sa paraan ng pagkain ng mga alagad. Ang isyu ay kung kinakailangan ba ang ritwal na paghuhugas ng kamay bago kumain (Marcos 7:2-5). Sa diwa, sinabi ni Jesus na ang nagpaparumi sa tao ay hindi ang pagkain na kinain nang hindi naghuhugas ng kamay kundi ang masasamang bagay na nagmumula sa puso (Marcos 7:20-23), sapagkat ang pagkain ay "hindi pumapasok sa puso kundi sa tiyan, at inilalabas." Kaya’t idineklara ni Jesus na ang lahat ng pagkain na kinain nang hindi naghuhugas ng kamay ay "malinis" (Marcos 7:19). Ang salitang Griyego para sa "pagkain" (bromata) na ginamit dito ay pangkalahatang termino para sa pagkain na tumutukoy sa lahat ng uri ng pagkain para sa konsumo ng tao; hindi ito eksklusibong tumutukoy sa pagkaing karne." (akin ang pagsasalin) [3]

4.) Seventh-Day Adventist's The Clear Word Bible:

Mark 7:8-20 (The Clear Word)

"Sinabi Niya sa kanila, 'Ibig ninyong sabihin ay hindi ninyo nauunawaan ang sinabi ko sa mga tao? Hindi ba ninyo nakikita na anuman ang pumapasok sa tao mula sa labas, tulad ng dumi mula sa hindi paghuhugas ng kamay, ay hindi makapagpaparumi sa kanya sa moral na paraan? Hindi nito naaapektuhan ang kanyang relasyon sa Diyos, sapagkat ito’y pumapasok lamang sa tiyan, dumaraan sa bituka, at pagkatapos ay inilalabas ng katawan. Ang mga bagay na nagmumula sa puso at lumalabas sa bibig ang tunay na nakakaapekto sa moralidad ng tao.'"(akin ang pagsasalin) [4]


SAGOT:

Ang Mark 7:18-20 ay isa sa mga talatang madalas na hindi nauunawaan ng mga Sabadista, na binabalewala ang simpleng mensaheng ipinaabot ni Jesus sa mga Kristiyano na nabubuhay sa ilalim ng Bagong Tipan. Ang simpleng mensaheng ito ay inihayag sa maikli ngunit pinukaw ng Espiritu na paliwanag ni Mark sa Mark 7:19: "Sa ganito’y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain." Gayunpaman, ang mga tagapagtanggol ng Sabadista ay mabilis na iniiwas ang atensyon mula sa mahalagang paliwanag ni Mark at binabaling ang focus sa kanilang sinasabing konteksto ng Markos 7. Iginiit nila na ang kontekstong ito ay malinaw na nagpapakita na hindi kinukuwestiyon ni Jesus ang mga kautusan tungkol sa pagkain sa Lumang Tipan (Lev. 11 at Deut. 14), kundi tinututulan lamang niya ang bisa ng oral tradition o sali't-saling kasabihan na nagsasabing kinakailangan ang ritwal na paghuhugas ng kamay bago kumain.


Ang Susi sa Tamang Pagpapakahulugan

Upang maiwasang malinlang ng mga Sabadista, na iniiwas ang pansin mula sa pahayag na "Sa ganito’y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain" patungo sa kanilang maling pagpapakahulugan na si Jesus ay hindi kinukuwestiyon ang mga utos ng Lumang Tipan kundi tinututulan lamang ang bisa ng sali't-saling sabi tungkol sa pagkain na nadudungisan dahil sa hindi paghuhugas ng kamay, mahalagang maunawaan muna ang tunay na kahulugan ng "Sa ganito’y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain." Kapag nagtagumpay silang hikayatin kang tanggapin ang kanilang maling interpretasyon, madalas nauuwi ang talakayan sa isyu ng pagkain ng tinapay nang hindi naghuhugas ng kamay, sa halip na sa "Sa ganito’y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain." Bilang resulta, nagiging nangingibabaw ang kanilang interpretasyon kaysa sa tamang konklusyon mula sa Biblia samantalang napakalayo na iugnay ang "pagkain ng tinapay" at "nilinis niya ang lahat ng pagkain." Kapag sinabi kasing "nilinis Niya ang lahat ng pagkain," hindi lamang tinapay ang nililinis kundi pati na rin ang "lahat ng pagkain." Ibig sabihin, may iba pang kasama sa nilinis, hindi limitado sa tinapay lamang. Nais ko ring ipunto na ang nilinis ayon sa deklarasyon ni Jesus sa talata 19 ay hindi ang "kamay na hindi nahugasan," kundi ang lahat ng pagkain!

Ang pangungusap na "Sa salitang ito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain" ay isang konklusyon na ginawa ng may-akda ng Ebanghelyo na si Mark batay sa kanyang pagkaunawa sa mga turo ni Jesus sa Kanyang mga alagad pagkatapos ng pagtatalo ni Jesus sa mga Pariseo tungkol sa kung ano ang talagang nagpaparumi sa tao. Ito ay sinusuportahan ng Seventh-Day Adventist Bible Commentary: 

"Gayunpaman, malinaw sa Griyego na hindi ito mga salita ni Cristo, kundi mga salita ni Marcos, at ito ay kanyang komento sa ibig sabihin ni Cristo." (akin ang pagsasalin) [5] 

Kaya't walang duda na ito ang tumpak na interpretasyon ni Mark, na ginabayan ng Banal na Espiritu, tungkol sa mga salita ni Jesus nang isulat Niya ang konklusyong ito. Ngayon, ang tanong natin ay: mula sa anong pahayag ni Jesus kinuha ni Marcos ang konklusyong ito? Mayroon tayong tatlong posibleng kandidato na dapat isaalang-alang:

1.) Mula sa pagtatalo ni Jesus sa mga Pariseo tungkol sa pagkain ng tinapay na hindi naghuhugas ng kamay? (Marcos 7:1-13)

2.) Mula sa mga tao na nakikinig kay Jesus habang nagtuturo tungkol sa kung ano talaga ang nagpaparumi sa tao? (Marcos 7:14-15)

3.) Mula sa Kanyang mga alagad sa isang pribadong bahay, na nililinaw ang mga itinuro Niya sa mga tao? (Marcos 7:14-18)

Ang konteksto o ang pinakamalapit na pinagmulan ng konklusyon na "Sa ganito'y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain" ay hindi mula sa pagtatalo ni Jesus sa mga Pariseo tungkol sa pagkain ng tinapay na hindi naghuhugas ng kamay (Marcos 7:1-13), kundi mula sa pakikipag-usap ni Jesus sa Kanyang mga alagad sa isang pribadong bahay, kung saan nilinaw Niya ang mga itinuro Niya sa mga tao (Marcos 7:17-19). Ang Marcos 7:1–23 ay nakatuon sa isyu ng kalinisan. Ginamit ni Jesus ang partikular na isyu ng pagkain ng tinapay na hindi naghuhugas ng kamay upang ituro kung ano ang talagang nagpaparumi sa tao, unang tinutukoy ang mga Pariseo, pagkatapos ang mga tao, at sa wakas, ang Kanyang mga alagad. 

Kaya't makikita natin na ginagamit ng mga Sabadista ang panlilinlang upang iwasan ang mas malawak na isyu na lampas pa sa pagkain ng tinapay na may hindi nahugasan o nadungisang kamay. Ang pagkain ng tinapay na may hindi naghuhugas ng kamay ay hindi tumutugma sa konklusyon na "Sa ganito'y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain," dahil ang isyu ng hindi paghuhugas ng kamay ay tumutukoy sa panlabas na kalinisan bago pa man pumasok ang tinapay sa katawan ng tao. Ang agarang konteksto ng "Sa ganito'y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain" ay tumutukoy sa anumang mga bagay na pumapasok sa katawan o tiyan, hindi sa mga panlabas na bagay tulad ng hindi paghuhugas ng kamay.

Balikan natin ang pinakamalapit na konteksto ng Mark 7:19 na matatagpuan sa mga talatang 14-18:

“At muling pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sinabi sa kanila, Pakinggan ninyong lahat ako, at inyong unawain: Walang anomang nasa labas ng katawan ng tao, na pagpasok sa kaniya ay makakahawa sa kaniya; datapuwa't ang mga bagay na nagsisilabas sa tao yaon ang nangakakahawa sa tao. Kung ang sinoman ay may pakinig na ipakikinig ay makinig. At nang pumasok siya sa bahay na mula sa karamihan, ay itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad ang talinghaga. At sinabi niya sa kanila, Kayo baga naman ay wala ring pagiisip? Hindi pa baga ninyo nalalaman, na anomang nasa labas na pumapasok sa tao, ay hindi nakakahawa sa kaniya;” (Mrk 7:14-18)

Ayon sa Basics of Biblical Greek Grammar, ang Griyegong salita para sa "wala" sa talata 15 ay oudeis, na nangangahulugang "walang isa, wala, wala ni isa." Ipinapahiwatig nito na wala ni isang bagay na pumapasok sa tiyan ng isang tao, maging malinis o di-malinis na pagkain o mga kamay na nahugasan o hindi nahugasan, ang makapagpaparumi sa kanya. Pinalawak ni Jesus ang Kanyang paliwanag tungkol sa ritwal na kalinisan, mula sa isyu ng panlabas na karumihan—tulad ng hindi paghuhugas ng kamay bago kumain ng tinapay, na tinalakay Niya sa mga Pariseo—patungo sa mas malawak na isyu ng panloob na karumihan. Inulit Niya ang puntong ito sa talata 18, kung saan, sa ilalim ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, gumamit Siya ng ibang mga salita upang bigyang-diin ang parehong punto na ginawa sa talata 15: wala ni isang bagay na pumapasok sa tiyan ng isang tao ang makapagpaparumi sa kanya, anuman kung malinis o di-malinis ang pagkain o kung ito ay galing sa mga kamay na nahugasan o hindi nahugasan. Balikan natin ang talata 18:

“At sinabi niya sa kanila, Kayo baga naman ay wala ring pagiisip? Hindi pa baga ninyo nalalaman, na anomang nasa labas na pumapasok sa tao, ay hindi nakakahawa sa kaniya;” (Mark 7:18)

Kaya’t makikita natin na ang pinakamalapit na konteksto ng "Sa ganito’y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain" (v. 19) ay matatagpuan sa Marcos 7:14-18, at hindi sa pagtatalo ni Jesus sa mga Pariseo tungkol sa hindi paghuhugas ng kamay ng Kanyang mga alagad bago kumain ng tinapay. Kung ipipilit ng mga Sabadista na ang talakayang ito ay tungkol sa tinapay, na itinuturing nang malinis na pagkain ng mga Hudyo, ay hindi na kailangan ang pangungusap ni Mark na isang paliwanag tungkol sa interpretasyon ni Jesus sa mga salita Niya sa talata 17 at 18, dahil ito ay magiging parang sinasabi, "Sa ganito’y idineklara Niya na malinis ang lahat ng malilinis na pagkain!" Ang tinapay ay itinuturing nang malinis ng mga Hudyo, kaya't bakit kailangang ideklara pa ulit ni Cristo na ito ay nilinis na?

Kaya't ang mga pagkain na idineklara ni Jesus na malinis ay yaong itinuturing ng mga Hudyo noong panahong iyon ayon sa mga kautusan ng malinis at di-malinis na pagkain na nakasulat sa Kautusan ni Moises sa Lumang Tipan na nakasulat sa Levitico 11 at Deuteronomio 14, at wala nang iba! Mali ang mga Sabadista sa kanilang conclusion na ang isyu dito ay tungkol sa pagkain ng tinapay ng mga alagad ni Jesus nang hindi naghuhugas ng kamay. Hindi ba nila nauunawaan na ang tinapay na kinakain ng mga Hudyo ay itinuturing nang malinis? Kung malinis na ang tinapay, bakit kailangang ideklara pa ito ni Jesus na malinis? Kung ipipilit ng mga Sabadista na kailangang ideklara ni Jesus na malinis ang tinapay dahil kinakain ito ng Kanyang mga alagad nang hindi naghuhugas ng kamay, hindi pa rin ito tumutugma sa konklusyon na "Sa ganito'y idineklara Niya na malinis ang lahat ng pagkain," na hindi tumutukoy lamang sa tinapay na kinain ng mga alagad ni Jesus sa insidenteng iyon. Ang orihinal na Griyegong parirala na καθαρίζων πάντα τὰ βρώματα (katharizon panta ta bromata) ay literal na nangangahulugang "(Sa ganito'y idineklara) malinis ang lahat ng pagkain." 

Dapat tandaan ng mga Sabadista na ang konklusyong ito ay hindi tumutukoy lamang sa tinapay kundi sa lahat ng uri ng pagkain, ayon sa paggamit ng plural na anyo sa Griyego. Ang Griyegong salita para sa pagkain ay bromata, na ayon sa sariling depinisyon ng mga Sabadista ay, "hindi tumutukoy lamang sa mga pagkaing karne" kundi tumutukoy "sa lahat ng uri ng pagkain para sa konsumo ng tao."

"Ang Griyegong salita para sa 'pagkain' (bromata) na ginamit dito ay isang pangkalahatang termino para sa pagkain na tumutukoy sa lahat ng uri ng pagkain o konsumo ng tao; hindi ito tumutukoy lamang sa mga pagkaing karne."(akin ang pagsasalin) [6]

Maliwanag kung gayon na ayon sa mga Sabadista mismo, ang bromata ay hindi lamang tumutukoy sa tinapay kundi pati na rin sa mga pagkaing karne! Dagdag pa rito, ang mga nakinig sa makabagong turo ni Jesus, na kalaunan ay nilinaw Niya nang pribado sa Kanyang mga alagad, ay pamilyar na sa konsepto ng karumihan dulot ng mga kinakain ng tao. Bilang mga Hudyo, agad nilang aalala ang mga kautusan ni Moises na nagtatakda kung anong pagkain ang malinis at di-malinis sa Levitico 11 at Deuteronomio 14. Ito lamang ang mga talata sa Torah na malinaw na nag-uutos kung anong mga pagkain ang nagdudulot ng karumihan sa mga Hudyo kapag kinakain. Madali itong maaalala ng lahat ng mga Hudyo dahil ito ay ibinigay sa kanila ilang daang taon na ang nakalipas, nagsimula sa Bundok ng Sinai, at isinulat ni Moises sa Aklat ng Kautusan. 

Sa kabaligtaran, ang tradisyon ng mga Pariseo tungkol sa paghuhugas ng kamay bago kumain ay hindi nagmula sa mga kautusan ni Moises sa Lumang Tipan kundi sa kanilang mga sali't-sabing mga tradisyon lamang. Tinawag ni Jesus itong tradisyon ng mga Pariseo (ang paghuhugas ng kamay bago kumain ng malilinis na pagkain), at binigyang-diin Niya ito upang pagalitan sila sa pagpapawalang-bisa ng mga utos ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga tradisyong gawa ng tao.

“At nakisama sa kanila ang mga Fariseo, at ilan sa mga eskriba, na nagsipanggaling sa Jerusalem, At kanilang nangakita ang ilan sa kaniyang mga alagad na nagsisikain ng kanilang tinapay ng mga kamay na marurumi, sa makatuwid baga'y mga kamay na hindi hinugasan. . . “At siya'y tinanong ng mga Fariseo at ng mga eskriba, Bakit ang iyong mga alagad ay hindi nagsisilakad ng ayon sa sali't-saling sabi ng matatanda, kundi nagsisikain sila ng kanilang tinapay ng mga kamay na karumaldumal? At sinabi niya sa kanila, Mabuti ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, ayon sa nasusulat, Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kaniyang mga labi, Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao. Nilisan ninyo ang utos ng Dios, at inyong pinanghahawakan ang sali't-saling sabi ng mga tao.” (Mrk 7:1-2,  5-8)

Ito ang naging tugon ni Jesus sa tradisyon ng mga Pariseo na may mga alituntuning gawa ng tao. Pinagalitan Niya sila sa pamamagitan ng pagsipi sa propetang Isaias, inilantad ang kanilang pagpapaimbabaw, at dito nagtapos ang kanilang pagtatalo. Pagkatapos nito, nagturo si Jesus sa mga tao na nakasaksi sa Kanyang pagtutok sa mga relihiyosong lider. Sa pagtuturong ito, hindi Niya pinagalitan ang mga tao, kundi ipinaliwanag Niya kung ano talaga ang nagpaparumi sa tao. Hindi Niya binanggit ang mga tradisyon ng tao sa pagkakataong ito, ngunit nilinaw ni Jesus sa Kanyang mga tagapakinig ang kanilang pagkakakilanlan sa Kautusan ni Moises sa Levitico 11 at Deuteronomio 14, na tumutukoy sa mga di-malinis na hayop. Ayon sa kautusan na ito, kapag ang isang Hudyo ay kumain ng ganitong hayop at pumasok ito sa kanyang bibig at umabot sa kanyang tiyan, ito ay magpaparumi sa kanya.

“Huwag kayong magpakarumal sa anomang umuusad, o huwag kayong magpakalinis man sa mga iyan, na anopa't huwag kayong mangahawa riyan, Sapagka't ako ang Panginoon ninyong Dios: magpakabanal nga kayo at kayo'y maging mga banal; sapagka't ako'y banal: ni huwag kayong magpakahawa sa anomang umuusad na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Lev 11:43-44)

Pansinang mabuti ang mga salitang "huwag kayong mangahawa riyan" at "huwag kayong magpakahawa" at ihambing ito sa pahayag ni Jesus sa Marcos 7:15 at 18:

“Walang anomang nasa labas ng katawan ng tao, na pagpasok sa kaniya ay makakahawa sa kaniya; datapuwa't ang mga bagay na nagsisilabas sa tao yaon ang nangakakahawa sa tao.” (Mrk 7:15)

“At sinabi niya sa kanila, Kayo baga naman ay wala ring pagiisip? Hindi pa baga ninyo nalalaman, na anomang nasa labas na pumapasok sa tao, ay hindi nakakahawa sa kaniya;” (Mrk 7:18)

Samakatuwid, ang mga salita ni Jesus sa Marcos 7:15 at 18 ay tumutukoy sa Levitico 11, at ito ang dahilan kung bakit labis na nagulat ang mga nakinig sa makabagong turo ni Jesus. Tunay ngang naunawaan nila ang Kanyang ibig sabihin, kaya't maging ang mga alagad Niya ay lumapit sa Kanya nang pribado tungkol dito. Inaasahan ko na maraming mga Sabadista na magbabasa nito ay magugulat din sa unang pagkakataon!


Ang dalawang saksi ni Mark: Ang Pangitain ni Pedro sa Gawa 10 at ang Doktrina ng Bagong Tipan

Isa pang matibay na ebidensya na ang malilinis na pagkain sa Marcos 7:19 ay hindi tumutukoy sa pagkain ng tinapay na walang paghuhugas ng kamay kundi sa mga hayop na itinuturing na di-malinis sa Levitico 11 at Deuteronomio 14 ay ang patotoo ng dalawang mahalagang saksi sa konklusyon ni Marcos: ang Apostol Pedro at ang doktrinal ng Bagong Tipan. Sumasang-ayon ang mga Ama ng Maagang Iglesia na si Marcos ay kasamahan ni Pedro. Nang isulat ni Marcos ang kanyang ebanghelyo, ikino-kuwento sa kanya ni Pedro ang mga pangyayaring nasaksihan niya at ang mga turo na narinig niya tungkol kay Jesus. Ayon sa The Apostolic Fathers, Vol. II ng Loeb Classical Library, sa pahina 103, itinatala na noong 140 AD, iniulat ni Papias ng Hierapolis, Asia Minor, ang mga sumusunod:

"At ito ang sinabi ng matandang guro, 'Nang si Marcos ay maging tagapagsalinwika [O: tagasalin] ni Pedro, isinulat niya nang tumpak ang lahat ng naaalala niya tungkol sa mga salita at gawa ng Panginoon—ngunit hindi ayon sa pagkakasunod-sunod. Sapagkat hindi niya narinig ang Panginoon o sinamahan Siya; ngunit kalaunan, tulad ng aking sinabi, sinamahan niya si Pedro, na ang mga turo ay inaangkop ayon sa mga pangangailangan ng pagkakataon, hindi iniiayos, kumbaga, bilang isang maayos na komposisyon ng mga sinabi ng Panginoon." (akin ang pagsasalin) [7]

Kaya't ang pahayag na, "Sa ganito'y idineklara Niya ang lahat ng pagkain na malinis," sa Marcos 7:19 ay pangunahing nagmula kay Pedro, na ipinasa ito kay Marcos. Ito ay isang malinaw na ebidensya na kung tatanungin, si Pedro mismo, batay sa kanyang pag-unawa at pagkakita na detalyado sa Mga Gawa 10:9-16, ay tumutukoy sa pagkain ng mga hayop na nilinis na at hindi sa mga tao, na tinatanggihan ng mga Sabadista! Kung ang talatang ito ay tumutukoy lamang sa mga malinis at di-malinis na hayop, bakit nga ba ayon sa ininterpretasyon ni Pedro ito ay tumutukoy sa mga tao nang kausapin niya si Cornelio sa talatang 28? Sa pangitain ni Pedro, hindi sinabi ng Diyos, "Ginawa kong malinis ang mga Hentil; huwag silang tawaging karaniwan." Sa halip, ganito ang sinasabi ng Mga Gawa 10:28:

“At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal:” (Act 10:28)

Naunawaan ni Pedro ang mga kahihinatnan ng pagtanggal sa kautusan tungkol sa mga itinuturing na karumaldumal na pagkain. Ipinapakita nito na hindi lamang tinanggal ng Diyos ang seremonyal na pagkakahati sa pagitan ng malinis at di-malinis na mga hayop na binanggit sa Levitico 11 at Deuteronomio 14, kundi pinahintulutan na rin ang pakikisalamuha sa mga Hentil. Marahil hindi alam ng mga Sabadista na kailanman ay hindi itinuro sa Kautusan ni Moises na ang mga Hentil ay "di-malinis" o "karumaldumal." Ito ay isang katotohanang hindi binanggit saanman sa Torah. Kaya't ang nilinis ng Diyos sa Gawa 10 ay hindi ang mga Hentil—na kailanman ay hindi itinuring na "karumaldumal" ayon sa Kautusan—kundi ang mga hayop na itinuturing na karumaldumal, tulad ng baboy, ayon sa Levitico 11 at Deuteronomio 14!

Ganito ang paliwanag ng Word Studies in the New Testament kung bakit maling isipin ng mga Sabadista na mga taong Hentil ang karumaldumal na nilinis ng Diyos at hindi ang karumaldumal na mga hayop sa Levitico 11 at Deuteronomio 14:

"Ang mga Hudyo ay nag-aangkin na ang pagbabawal na ito ay nakabatay sa kautusan ni Moises, ngunit walang tuwirang utos sa kautusan ni Moises na nagbabawal sa mga Hudyo na makisama sa mga tao mula sa ibang mga bansa. Subalit ang pahayag ni Pedro ay pangkalahatan, tumutukoy sa karaniwang kaugalian ng mga Hudyo na ihiwalay ang kanilang sarili sa pang-araw-araw na buhay mula sa mga di-tuli." [8]

Ang paggamit ni Pedro ng salitang "hindi matuwid" sa Gawa 10:28 ay hindi mula sa Griyegong "nomos," na tumutukoy sa kautusan ni Moises. Sa halip, ginamit niya ang salitang "athemitos," na nangangahulugang "paglabag sa tradisyon o karaniwang pagkilala sa kung ano ang nararapat o angkop." [9] 

Kaya't walang anumang regulasyon sa Lumang Tipan na nagbabawal ng pakikisalamuha sa mga Hentil; subalit, ipinakilala ng mga Jewish Rabbi ang ganitong mga alituntunin at ginawa itong sapilitan sa pamamagitan ng kaugalian. Kung gayon, ang mga Hentil ay hindi talaga itinuring na "karumaldumal" ng Diyos, kaya't hindi sila dapat ituring na ganoon. Ang mga rabbi ng mga Hudyo ang gumawa ng ganitong tuntunin, na kalaunan ay tinanggap at, sa kasamaang-palad, pinaniwalaan ng mga Sabadista.

Kung ang mga Hentil ay hindi itinuturing na karumaldumal ng Diyos, ano kung gayon ang tinutukoy na "karumaldumal" sa Gawa 10:15 nang sabihin ng Diyos, "Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi"? Malinaw ang Diyos sa Kanyang mga salita sa Levitico 11 at Deuteronomio 14 na ang mga kategoryang "malinis" at "karumaldumal" ay tumutukoy lamang sa mga hayop, hindi sa mga Hentil na tao!

Kaya't makatwirang ipanukala na ang panaklong na pahayag sa Mark, "Sa gayon ay nilinis niya ang lahat ng pagkain," ay direktang nagmula mismo sa patotoo ni Pedro na narinig niya nang personal. Isinasaalang-alang ang karanasan ni Pedro sa kanyang pangitain tungkol sa malilinis at karumaldumal na mga hayop sa Gawa 10, kung saan naniwala siya na idineklara ng Diyos na malinis na ang mga ito, makatitiyak tayo na ito ay umaayon sa diwa ng pahayag ni Marcos sa huling bahagi ng Marcos 7:19!


Ang Doktrina sa Bagong Tipan


Sa kahulihulihan, ang pinakamalakas nating ebidensya na ang mga kautusan tungkol sa malinis at di-malinis na pagkain sa Lumang Tipan na isinulat ni Moises sa Levitico 11 at Deuteronomio 14 ay pinawalang-bisa na ni Cristo ay nakabatay sa pahayag sa Marcos 7:19. Matapos ideklara ni Jesus na hindi ang pumapasok sa katawan ng tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang masasamang bagay na nagmumula sa kanyang puso, inilahad ni Marcos ang mga salitang ito: "Sa gayon ay nilinis niya ang lahat ng pagkain." Bukod pa rito, pinagtibay ni Jesus ito sa pamamagitan ng pangitain na ibinigay niya kay Pedro tungkol sa kalinisan ng mga dating itinuturing na karumaldumal na hayop sa Gawa 10. Ano ang maaasahan natin bilang resulta nito para sa mga mananampalataya sa Bagong Tipan, lalo na sa mga Hentil na naniwala sa Panginoong Jesus at naligtas? Magpapatuloy ba ang mga manunulat ng Bagong Tipan sa pagtuturo ng pagkakaiba sa pagitan ng malinis at di-malinis na hayop? Inulit ba ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang mga alituntunin ng Levitico 11 at Deuteronomio 14?

Basahin natin ang mga turo ng mga manunulat ng Bagong Tipan upang makita kung ano ang kanilang paniniwala tungkol sa pagkain para sa mga Kristiyano sa ilalim ng Bagong Tipan:

"Dahil nakipag-isa na ako sa Panginoong Jesus, alam ko na wala talagang bawal na pagkain. Pero kung inaakala ng isang tao na bawal ang isang pagkain, dapat huwag niyang kainin." Roma 14:14 ASND

"Sapagkat ang kaharian ng Dios ay hindi tungkol sa pagkain o inumin, kundi tungkol sa matuwid na pamumuhay, magandang relasyon sa isaʼt isa, at kagalakan na mula sa Banal na Espiritu." Roma 14:17 ASND

"Huwag mong sirain ang pananampalataya ng isang iniligtas ng Dios nang dahil lang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay maaaring kainin, pero ang pagkain nito ay masama kapag naging dahilan ito ng pagkakasala ng iba." Roma 14:20 ASND

"Kung sabagay, ang pagkain ay walang kinalaman sa ating kaugnayan sa Dios. Walang mawawala sa ating kaugnayan sa Dios kung hindi tayo kakain, at wala rin naman tayong mapapala kung kumain man tayo." 1 Corinto 8:8 ASND

"Kumain kayo ng anumang nabibili sa pamilihan ng karne at huwag nang magtanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi , upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan , “Ang mundo at ang lahat ng naroroon ay pag-aari ng Panginoon.” Kung imbitahan kayo ng isang hindi mananampalataya sa isang salo-salo at gusto ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi na nagtatanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi , upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya." 1 Corinto 10:25-27 ASND

"Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga tao na nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, Pista ng Pagsisimula ng Buwan, o Araw ng Pamamahinga." Colosas 2:16 ASND

"Malinaw ang sinasabi ng Banal na Espiritu na sa mga huling araw tatalikod ang iba sa pananampalataya nila sa Dios . Susunod sila sa mga mapanlinlang na mga espiritu at itinuturo ng mga demonyo. Ang mga aral na itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya, sinungaling at walang konsensya. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, kahit na ginawa ng Dios ang mga pagkaing ito para tanggapin nang may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaalam sa katotohanan. Lahat ng nilikha ng Dios ay mabuti, at dapat walang ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat, dahil nilinis ito ng salita ng Dios at ng panalangin." 1 Timoteo 4:1-5 ASND

"Ang Toldang iyon ay larawan lang ng kasalukuyang panahon. Sapagkat ang mga handog at kaloob na iniaalay doon ng mga tao ay hindi nakapaglilinis ng kanilang konsensya. Ang mga ginagawa nilang itoʼy nauukol lang sa mga pagkain at inumin at mga seremonya ng paglilinis. Mga tuntuning panlabas lamang ito na ipinapatupad hanggang sa dumating ang bagong pamamaraan ng Dios." Hebreo 9:9-10 ASND


Batay sa mga turo ng Bagong Tipan na nabanggit sa itaas, mayroon bang mga talata na nagsasabi na ang mga manunulat ng Bagong Tipan ay patuloy na nagtuturo ng pangangailangan na sundin ang mga kautusan tungkol sa malinis at di-malinis na pagkain sa Lumang Tipan? Mayroon bang nabanggit na talata na nagsasabing ang mga di-malinis na pagkain ay dapat ituring pa ring karumaldumal? Ayon sa mga talatang nabanggit, ang pagbabawal ng ilang pagkain sa mga Kristiyano ba ay turo ng Diyos o turo ng mga demonyo (1 Tim. 4:1-5)?


Conclusion:

Ayon sa ating masusing pagsusuri ng mensahe sa Mark 7, makikita natin na hindi ito sumusuporta sa interpretasyon ng mga Sabadista. Ayon sa kanilang mga publikasyon, sinusubukan nilang baguhin ang kahulugan at diwa ng Mark 7 upang umayon sa kanilang mga pansariling mga paniniwala, kahit na mali ito batay sa tamang konteksto at kahulugan ng mga salita. Pinapatunayan lamang nito na ang Seventh-day Adventist church ay nangangailangan ng ating taimtim na panalangin dahil sa kanilang kakayahan na baluktutin ang mga Kasulatan. Sinasabi natin na ang kanilang mga lider, teologo, at mga iskolar ng Bibliya ay nagkakamali sa katotohanan, na nagdudulot ng kapahamakan sa kanilang mga tapat na miyembro na nagtitiwala sa kanila bilang tagapagdala ng "katotohanan," ngunit sa totoo lang ay mga bulag na gabay na nagdadala sa kanilang inosenteng miyembro patungo sa impiyerno.

Halimbawa, kahit na malinaw na taliwas ang kanilang mga turo, ay patuloy nilang pinipili na maging bulag sa katotohanan kaysa palayain ng katotohanan (John 8:32). Alam nilang ang mga kautusan sa pagkain ay bahagi lamang ng mga ritwal ng paglilinis o mga seremonyal na kautusan, ngunit patuloy pa rin nilang sinusunod ito, kahit na alam din nila at palaging itinuturo na ang mga kautusan na lumipas ay mga seremonyal na kautusan tulad sa pagbabawala sa mga pagkaing karumaldumal, at ang moral na kautusan, tulad ng Sampung Utos, ay patuloy na umiiral. Kung gayon, bakit nila ipinagpipilitan na ipagbawal pa ring kainin ang mga hayop na ipinagbabawal sa Levitico 11 at Deuteronomio 14? Akala ko ba ang Sampung Utos lamang ang nanatili at ang seremonyal na batas, na kinabibilangan ng mga kautusan tungkol sa malinis at maruming mga hayop, ay lumipas na?

Isang pagkakamali rin ng mga Sabadista ay ang bulag nilang ideya na ang malinis at maruming pagkain ay isang isyu ng kalusugan, samantalang sa Levitico 11, ang dahilan ay kabanalan at hindi kalusugan. Sa anong talata sa Bibliya nila ibinabatay ang pahayag na ang malinis at maruming pagkain ay isyu ng kalusugan, gayong malinaw na ang dahilan ng Levitico 11 ay ang pagiging banal at hindi ang kalusugan?

“Sapagka't ako ang Panginoon ninyong Dios: magpakabanal nga kayo at kayo'y maging mga banal; sapagka't ako'y banal: ni huwag kayong magpakahawa sa anomang umuusad na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Lev 11:44)

Ano ang batayan ng Panginoon ayon sa talata kung bakit ipinagbabawal ang pagkain ng mga maruming hayop? Sinasabi ba ng Panginoon, "Maging malusog, sapagkat Ako ay malusog. Huwag kayong magpakarumi," o "maging banal, sapagkat Ako ay banal. Huwag kayong magpakarumi"? Alam kong alam mo ang sagot, ngunit hanggang kailan kayong mananatiling tulog sa katotohanan? Ngayon ang araw ng kaligtasan na naghihintay sa iyo (2 Cor. 6:2), panahon na upang magsisi sa iyong mga kasalanan at mapagpakumbabang tanggapin si Jesus bilang iyong personal na Panginoon at Tagapagligtas!

Friday, November 8, 2024

"KASAGUTAN PARA SA MGA SEVENTH-DAY ADVENTISTS, VERSE-BY-VERSE SA MATEO 28:19 - "AMA, ANAK AT ESPIRITU SANTO AY THREE HOLIEST BEINGS?"

 

“Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:” (Mat 28:19)


CHALLENGE NG MGA SABADISTA:

"Sino ang nagsabi sa inyo na tatlo ang Diyos ng Seventh-day Adventist church? Hindi yan totoo. Paninira lamang yan sa amin. Kami ay naniniwala sa Trinity at yan ang totoo. Wala kang mababasa sa aming 28 Fundamental Beliefs na tatlo ang Diyos namin o kami ay Tritheists. Ganito ang sinasabi sa aming statement of belief #2: "There is one God: Father, Son and Holy Spirit, a unity of three co-eternal Persons." 

SAGOT:

Ipakita kaagad sa mga Sabadista ang malaking pagkakaiba ng kanilang definition ng Trinity ayon sa kanilang Statement of Belief #2, kumpara sa traditional na definition ng Christianity sa Trinity:
  • SDA Fundamental Belief#2:"There is one God: Father, Son and Holy Spirit, a unity of three co-eternal Persons."
     
  • Traditional Christianity[1]: "There is one God in three persons: the Father, Son, and Holy Spirit."
1.) Ano ang kanilang pagkakaiba?

a.) Traditional Christianity"There is one God in three persons: the Father, Son, and Holy Spirit."

Tagalog: "May isang Diyos sa tatlong persona: ang Ama, Anak, at Espiritu Santo."

  •  Nagbibigay-din sa "Triune" na Kalikasan: Ang pahayag na ito ay nagbibigay-diin sa konsepto ng iisang Diyos na umiiral sa tatlong natatanging persona. Binibigyang-pansin nito ang balanse sa pagiging iisa ng Diyos at ang tatlong persona ng Kanyang pagka-Diyos.

  • Gamit ang "persons" na maliit ang titik: Ang paggamit ng "persons" na maliit ang titik ay sumasalamin sa tradisyunal na paniniwalang tinanggap na ng historical Christianity, na binibigyang-diin ang pagiging iisa ng Diyos at ang pantay ngunit natatanging mga tungkulin ng bawat persona sa loob ng Trinity.

b.) SDA Fundamental Belief#2: "There is one God: Father, Son, and Holy Spirit, a unity of three co-eternal Persons." 

Tagalog: "May isang Diyos: Ama, Anak, at Espiritu Santo, isang pagkakaisa ng tatlong magkasamang walang-hanggang Persona."

  • Nagbibigay-diin sa "pagkakaisa" imbis na "pagiging isa" ng tatlong persona: Ang pariralang ito ay nagbibigay-diin sa "pagkakaisa" ng magkakasamang individual ng tatlong Persona (Ama, Anak, at Espiritu Santo).

  • Gamit ang "Persons" na malaking titik: Sa paggamit ng "Persons" na may malaking "P," ayon sa mga pangunahing alituntunin ng Ingles na gramatika, binibigyang-diin nito ang pagkakaiba at natatanging personalidad ng bawat miyembro ng Trinity bilang magkakahiwalay na individual beings, habang pinapanatili ang kanilang pagkakaisa. Sang-ayon ito sa turo ni Ellen G. White na nagkakaisa lamang sila sa isip at layunin (relational one) imbis na maging "iisang being" (numerical one) sa kalikasang Diyos. Sa isang lathalain ng mga Sabadista na pinamagatang The Quest for a Biblical Trinity: Ellen White's "Heavenly Trio" Compared to the Traditional Doctrine, ipinaliwanag ng SDA theologian na si Dr. Jerry Moon, tagapangulo ng Church History Department sa Andrews University, kung paano naiiba ang pagkaunawa ni Ellen G. White sa pagkakaisa ng Diyos kumpara sa traditional Christianity:

"Inilarawan niya ang pagkakaisa ng Ama, Anak, at Espiritu Santo sa paraang relational na unawa kaysa sa ontological. Habang ang tradisyonal na doktrina ay tumutukoy sa pagka-Diyos batay sa “being” o “substance,” nakatuon siya sa mga aspeto ng ugnayan sa kanilang pagkakaisa—isang pagkakaisa sa “layunin, kaisipan, at karakter.”[2]

Ginamit din ni Ellen G. White ang paglalarawan ng pagkakaisa ng mga alagad ni Jesus upang ipaliwanag kung papaano pagkakaisa ni Jesus at ng Diyos Ama. Narito ang paliwanag ni Dr. Jerry Moon:

"Ang konsepto ng pagkakaroon ng maraming persona sa pagkakaisa ng relasyon ay nagiging mas malinaw sa Bagong Tipan. Halimbawa, nanalangin si Cristo na ang mga naniniwala sa Kanya ay maging “iisa” gaya Niya at ng Ama na “iisa” (Juan 17:20–22). Sinasabi ni Ellen White ang sipi na ito bilang patunay ng “personality ng Ama at ng Anak,” at bilang paliwanag ng “pagkakaisa na umiiral sa pagitan Nila.” Sumulat siya: “Ang pagkakaisa na umiiral sa pagitan ni Cristo at ng Kanyang mga alagad ay hindi sumisira sa personalidad ng bawat isa. Sila ay nagkakaisa sa layunin, sa pag-iisip, sa karakter, ngunit hindi sa persona. Ganito rin ang pagkakaisa ng Diyos at ni Cristo.”[3] 

Ang mga paliwanag ni Ellen G. White tungkol sa pagkakaisa ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ang pangunahing dahilan kung bakit kahit minsan ay hindi niya ginamit ang salitang "Trinity" sa lahat ng kanyang mga isinulat. Alam niya na ang konsepto niya ng Godhead (Trinity) ay ibang-iba kumpara sa tradisyonal na Kristiyanismo. Tinawag din ni Ellen G. White ang Ama, Anak at Espiritu na "three holiest beings."

"Here is where the work of the Holy Ghost comes in, after your baptism. You are baptized in the name of the Father, of the Son, and of the Holy Ghost. You are raised up out of the water to live henceforth in the newness of life—to live a new life. You are born unto God, and you stand under the sanction and the power of the three holiest beings in heaven, who are able to keep you from falling."[4]

Hindi na nakapagtataka kung bakit tinawag niyang "three holiest beings" ang Ama, Anak, at Espiritu Santo, dahil naaayon ito sa kanyang paliwanag tungkol sa "pagkakaisa" ng tatlong magkakahiwalay na indibidwal na persona na may sariling katawan na nahahawakan at may mga bahagi. Para kay Ellen G. White, si Cristo at ang Ama ay “dalawang magkahiwalay, literal, at nahahawakang persona” na may literal na mga bahagi ng katawan. Malaki ang naging impluwensya mula sa kanyang asawa na si James White sa naging pananaw ni Ellen G. White tungkol sa anyo ng Diyos. Ganito ang inamin ng aklat ng mga Sabadista na "The Trinity":

"Sa ganitong paraan, nakatanggap siya ng patunay sa pamamagitan ng mga pangitain sa isinulat ng kanyang asawa ilang taon na ang nakalipas sa isang pahayagan ng mga Millerite. Ipinaliwanag ni James White ang Judas 4, tungkol sa mga 'nagkakaila sa tanging Panginoong Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo,' at sinabi niya na 'ang uring ito ay walang iba kundi yaong mga ginagawang espirituwal ang pag-iral ng Ama at ng Anak bilang dalawang magkahiwalay, literal, at nahahawakang persona. . . . Ang paraan kung paano ginawang espirituwal ng iba ang tanging Panginoong Diyos at ang ating Panginoong Jesucristo ay sa pamamagitan ng paggamit ng matandang hindi maka-Kasulatang trinitarianong kredo’ (James White, sa Day-Star, Enero 24, 1846). Maliwanag na sumang-ayon si Ellen White sa kanyang asawa na si Cristo at ang Ama ay ‘dalawang natatangi, literal, at nahahawakang persona."[5] 

Ang puntong ito ay isang matibay na ebidensya mula sa mga opisyal na babasahin ng mga Sabadista na hindi alam ng karamihan sa kanila, kabilang ang kanilang mga tagapagtanggol. Hindi kailanman ginamit ng tradisyonal na Kristiyanismo sa buong kasaysayan ng iglesia ang terminong "three beings" para sa tatlong persona. Ang paggamit ng terminong ito ay isang maling representasyon ng biblikal na doktrina ng Trinidad at itinuturing na mauuwi sa heretikong doktrina na "Tritheism" o paniniwala sa tatlong diyos.

2.) Ano ba talaga ang totoong paliwanag ng mga SDA theologians na bumuo ng SDA Statement of Belief #2?

Sa unang tingin, maaaring magmukhang ang SDA Statement of Belief #2 ay umaayon sa traditional Christian na paliwanag ng doctrine of the Trinity. Ngunit sa katotohanan, ito ay lumilihis mula sa karaniwang tinatanggap na pananaw, kaya't itinuturing itong heresy. Nakasaad dito, "May isang Diyos: Ama, Anak, at Espiritu Santo, isang pagkakaisa ng tatlong magkasamang walang-hanggang Persona." Mahalagang pansinin na ang pahayag na ito ay hindi nagsasabing may iisang Diyos sa tatlong persona. Sa halip, inilarawan nito ang "isang Diyos" bilang "isang pagkakaisa ng tatlong magkasamang walang-hanggang Persona." (pansinin ang malaking titik na "P"). Ipinapakita lamang nito na ang kanilang doktrina ng "isang Diyos" ay isang collective group ng "trio" ng tatlong mga banal na individual mga beings. 

Ang konsepto ng "tatlong diyos" na ito ay hindi tinutulan ng mga kasapi ng komite ng mga SDA theologians na naghanda ng Statement of Belief #2, na malinaw na mga tagasuporta ng "tritheism." Suriin natin ang kanilang mga naitalang sesyon at ang mga terminolohiyang ginamit, na walang dudang sumusuporta sa tritheism imbis na Trinitarianism. Hindi ito kayang pasinungalingan ng mga Sabadista.

Ang "Fundamental Beliefs" tungkol sa Diyos ay inaprubahan noong 1980 sa General Conference Session ng SDA Church. Mga sipi mula sa session proceedings ng Seventh business meeting ng Fifty-third General Conference session (Abril 21, 1980, 3:15 P.M.), na itinampok sa isyu ng Adventist Review noong Abril 23, 1980, ang nagbibigay ng ilang konteksto sa mga pahayag ng SDA tungkol sa Diyos. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga pangunahing isyung inilabas ng ilang kalahok tungkol sa Trinity, na may maikling komento ko kasunod ng bawat pahayag:

LEIF HANSEN:"Sa pagtalakay na ito tungkol sa Trinity, na laging mahirap talakayin, iniisip ko kung maaring matanggal ang isang tiyak na hindi pagkakaintindihan sa pamamagitan ng pagsasabing 'isang pagkakaisa sa layunin' upang maalis ang usapin ng pisikal na pagkakaisa."

NEAL C. WILSON [6]:"Nakikita ko ang punto mo diyan. Siguro dapat natin gawing isang pagkakaisa sa layunin sa halip na isang pisikal na pagkakaisa."

Iminungkahi ni Leif Hansen na bigyang-diin ang pagkakaisa ng Diyos sa mga layunin ("unity in purpose") upang maiwasan ang mapanlinlang na konsepto ng "pisikal na pagkakaisa" ng tatlong diyos ng mga Sabadista. Isang mahirap na isyu ito para sa mga tritheistic na Sabadista, dahil mahihirapan silang ipaliwanag kung paano maaaring ituring na literal at matematikal na iisa ang tatlong magkakahiwalay na indibidwal na diyos na ang bawat isa ay may sariling literal na katawan at bahagi. Kaya naman, hanggang ngayon sa mga pampublikong pangangaral ng mga Sabadista ay binibigyang-diin nila ang "unity in purpose" sa halip na ang pagiging "one being" ng Diyos. Ang mungkahing ito ay sinang-ayunan ni Neal C. Wilson, ang dating Presidente ng General Conference, na nagsabi, "Dapat nating gawing pagkakaisa sa layunin sa halip na pisikal na pagkakaisa." 

Sa mga pahayag na ito, makikita natin ang panganib ng Tritheism sa SDA church, ayon inihayag sa Handbook of SDA Theology

"Ang panganib ng Tritheism na kasangkot sa posisyong ito ay nagiging totoo kapag ang pagkakaisa ng Diyos ay ibinaba sa isang simpleng pagkakaisa na inihalintulad sa lipunan ng tao o isang samahan ng kilusan."[7]

Ngayon ay ipagpapatuloy natin ang sesyon ng pahayag ng mga paniniwala mula kay J.G. Bennett:

J. G. BENNETT:"Ang pahayag tungkol sa Diyos at Trinity ay patuloy na gumagamit ng pangngalang "Siya". Sa kalaunan, habang tinatalakay ang Ama, Anak, at Espiritu Santo, gumagamit tayo ng parehong panghalip na "Siya". Kinilala at tinatanggap ko ang Trinity bilang isang kolektibong pagkakaisa, ngunit magkakaroon ako ng kaunting kahirapan sa paggamit ng panghalip na "Siya" para sa Trinity o Diyos."

Ayon kay J.G. Bennett, kinikilala at tinatanggap niya ang Trinity bilang isang "kolektibong pagkakaisa" o collective unity. Samakatuwid, ang ating obserbasyon tungkol sa maling pagpapahayag sa kanilang SDA Fundamental Belief #2, na nagsasabing "isang Diyos: Ama, Anak, at Espiritu Santo, isang pagkakaisa ng tatlong magkasamang walang-hanggang Persona," kung saan ang tatlong persona ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ay nakikita bilang isang collective unity o isang collective/"trio" ng tatlong "banal na mga persona," ay labis na lumalayo mula sa tradisyonal na konsepto ng Trinidad na pinaniniwalaan ng historic Christianity, na "Iisang Diyos sa Tatlong Persona." Ang Tritheistic (tatlong diyos) na mga pangunahing paniniwala ng SDA church ay higit pang pinagtibay pa sa sesyong ito sa pamamagitan ng mga pahayag ni W. R. Lesher. Sinabi niya:

W. R. LESHER: "Ipinapalagay natin na mayroong pagkakaisa sa layunin sa Pagka-Diyos. Gayunpaman, ang Diyos ay isang misteryo. At hindi natin alam kung sa anong mga paraan umiiral ang pagkakaisang iyon bukod pa sa layunin. . . Ang ideya ng tatlong beings na Iisa ay isang misteryo, at para sa akin, hindi natin dapat subukang alisin ang lahat ng misteryong iyon mula sa pahayag."

Paano ito mapapasinungalingan ng ating mga kaibigang Sabadista, na ang mga gumawa ng kanilang SDA Fundamental Belief #2 ay pawang mga tagasuporta ng Tritheism o tatlong kolektibong mga diyos?

Muli, nakita natin ang katotohanan na ang mga bumuo ng SDA Fundamental Belief #2 tungkol sa Trinidad para sa SDA church ay pawang mga tagasuporta ng tritheism. Hindi kataka-taka na ang mga Sabadista sa buong mundo ay nasa kalituhan at pagkakawatak-watak. Sila ay binabagabag ng kalituhan dahil tinanggihan nila ang mga tunay na doktrina ng Trinidad na nakabatay sa Biblia. Bago pa naitatag nila Ellen G. White, James White, at Joseph Bates ang Seventh-day Adventist Church, ang tradisyonal na Kristiyanismo ay pinanghahawakan na ito sa loob ng maraming siglo sa pamamagitan ng mga konseho ng simbahan at mga kredo na ipinagkaloob ng Panginoon upang labanan ang lahat ng maling aral laban sa Trinity mula sa mga maling guro hanggang ngayon ito ay laban pa din sa SDA church at false prophet na si Ellen G. White. Isa lamang ito sa mga buhay na patotoo na ang maling konsepto ng Diyos ay palaging nauuwi sa maling mga doctrina lalo na tungkol sa kaligtasan.

Sunday, November 3, 2024

"KASAGUTAN PARA SA MGA SEVENTH-DAY ADVENTISTS, VERSE-BY-VERSE SA MATEO 19:16:19 - "KUNG IBIG MONG PUMASOK SA BUHAY, INGATAN MO ANG MGA UTOS?"

 


“At narito, lumapit sa kaniya ang isa, at nagsabi, Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan? At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos. Sinabi niya sa kaniya, Alin-alin? At sinabi ni Jesus, Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag sasaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Mat 19:16-19)


CHALLENGE NG MGA SABADISTA:

"Sa Bagong Tipan, iniutos ni Jesus na sinumang nagnanais ng kaligtasan at makapasok sa buhay na walang hanggan ay dapat sundin ang mga utos ayon sa mga talatang ito. Malinaw dito na ang tinutukoy ni Jesus na utos ay ang Sampung Utos, sapagkat binanggit Niya ang mga ito sa mga talata 18-19: 'Huwag kang papatay', 'Huwag kang mangangalunya', 'Huwag kang magnanakaw', 'Huwag sasaksi sa di katotohanan', 'Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.'

SAGOT: 

Sa unang tingin, mukhang tama ang paliwanag ng mga Sabadista sa talatang ito. Parang sinasabi nila sa ating mga Kristiyano: “Kung ikaw ay tunay na Kristiyano at nais mong matamo ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, dapat sumunod ka sa Sampung Utos!” Huwag magpanic! Sila ang dapat magpanic, sapagkat ang kanilang sinasabi ay bunga ng maling pag-unawa sa talata. Kung isasaalang-alang ang konteksto at maipapaliwanag ito nang malinaw sa kanila, sila ang dapat magpanic sa bandang huli. Bagamat mukhang tama ang kanilang paliwanag, mali ito dahil binabaluktot nila ang tunay na kahulugan at layunin ni Jesus sa talata. Sa huli, ang katotohanan ang mananaig. Ipagpatuloy mo lang ang pagbasa.

Dapat munang ipaintindi sa mga Sabadista na sinadya lamang ni Jesus na sumabay sa maling tanong ng mayamang binata upang ipakita kung saan siya nagkamali. Dahil mali ang tanong ng binata, binigyan siya ni Jesus ng “sagot” na naaayon sa kanyang maling pagkaunawa tungkol sa paraan ng kaligtasan. Mali ang tanong ng mayamang binata dahil ang tanong niya ay nagpapahiwatig ng salvation by good works, "Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan?" (v. 16)

Maging ang Seventh-day Adventist Bible Commentary ay sumasang-ayon na mali ang paniniwala ng mayamang binata tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan. Narito ang pahayag ng Commentary tungkol sa tanong sa Mateo 19:16:

"Ano'ng mabuting bagay?" Ang tanong na ito ay nagpapakita ng karaniwang kaisipang Pariseo tungkol sa katuwiran sa pamamagitan ng gawa bilang pasaporte sa "buhay na walang hanggan." [1]

Kung igigiit ng mga Sabadista na ayon sa Mateo 19:17, ang Sampung Utos ay dapat sundin upang magmana ng buhay na walang hanggan, nangangahulugan lamang ito na ang kanilang doktrina ay umaayon sa katuruan ng mga Pariseo, na nagtuturo ng "katuwiran sa pamamagitan ng gawa" o "Righteousness by works" na kabaligtaran ng "katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya" o "Righteousness by faith." Sa paggawa nito, nakikibahagi ang mga Sabadista sa mga maling tagapagturo, tulad ng mga Pariseo, sa halip na sumunod sa Panginoong Jesus. Nagbigay si Jesus ng babala laban sa imga Sabadista na naniniwala rin sa "katuwiran ng mga Pariseo."

“Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.” (Mat 5:20)

Itinuring ng mayamang binata ang buhay na walang hanggan bilang isang gantimpala, sa halip na isang regalo o kaloob ng Diyos. kaya maling mali ang kanyang pananaw sa kaligtasan tulad din ng maraming mga Sabadista ngayon. Ngunit malinaw sa turo ng Panginoon na ang kaligtasan ay isang kaloob, hindi isang gantimpala, ayon sa Efeso 2:8-9:

"Dahil sa biyaya ng Dios, naligtas kayo nang sumampalataya kayo kay Cristo. Kaloob ito ng Dios, at hindi galing sa inyo. Hindi ito nakasalalay sa mabubuti ninyong gawa, para walang maipagmalaki ang sinuman." (Efeso 2:8-9 ASND)


ANG TAMANG PALIWANAG SA MATEO 19:16-19:

Ngayon ay nauunawaan na natin na mali ang tanong ng mayamang binata sa Panginoong Jesus. Upang maituwid siya at mapagtanto niya ang maling konsepto niya ng kaligtasan, sumabay si Jesus sa kanyang maling tanong. Nabanggit din natin kanina na sinadya ni Jesus na sumabay upang ipakita kung saan nagkamali ang binata. Dahil mali ang tanong ng binata, binigyan siya ni Jesus ng sagot na naaayon sa kanyang maling pagkaunawa tungkol sa paraan ng kaligtasan. Ang sagot ni Jesus ay, “Kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos.” Ganito ang sagot ni Jesus sa binata, hindi dahil naniniwala si Jesus sa kaligtasan sa pamamagitan ng mabuting gawa o dahil naniniwala siyang kayang-kaya ng mayamang binata na sundin ang Sampung Utos nang walang palya. Hindi iyon ang dahilan. Sa halip, dahil si Jesus ang nagbigay ng Sampung Utos kay Moises noon sa bundok ng Sinai, alam Niya ang layunin at intensyon ng kautusang ito.  Hindi layunin ng kautusan na ipakita na kayang ma-perpekto ng sinumang sumusunod dito ang kanilang pagsunod, kundi ibinigay ng Diyos ang kautusan upang higit na mahayag ang kanilang pagiging makasalanan habang nagsisikap silang sundin ito.

"Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, dahil ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala." (Mga Taga-Roma 3:20)

Kaya nang sabihin ni Jesus sa mayamang binata na “Kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos" hindi ibig sabihin ni Jesus na ang isang tao ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng simpleng pagsunod sa 10 utos. Sa halip, ginamit Niya ang mga utos upang magpukaw sa konsensya ng mayamang binata na hindi niya kayang masunod ito ng tuloy-tuloy ng hindi pumapalya para ipakita sa kanya na kailangan niyang magsisi dahil hindi niya kayang perpektong sundin ang mga ito. Nahalata ni Jesus na sa isip ng mayamang binata ay naisin niyang masunod ang lahat ng kautusan sa Lumang Tipan nang may kasakdalan, batay sa kanyang mga salitang, Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin?” (Mateo 19:20).

Sinabi ni Jesus na talagang kulang pa siya at hindi sapat ang kanyang pagsunod sa Sampung Utos.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.” (Mat 19:21)

Sa tagpong ito, ipinakita ni Jesus sa mayamang binata na mali ang kanyang paniniwala na sapat na ang Sampung Utos para siya ay maligtas at hindi tama ang akala niyang perpekto na ang kanyang pagsunod upang matamo ang buhay na walang hanggan. Bukod dito, mali rin ang kanyang iniisip na naisaakatuparan na niya ang lahat ng mga utos, isang pagkakamaling madalas ding inuulit ng karamihan sa mga Sabadista. Dapat itong idiin sa mga Sabadista, na tulad ng mayamang binata, ay nag-aakalang ang pagsunod sa Sampung Utos ay sapat na upang makamit ang kaligtasan.


CONCLUSION:

Katulad ng kaso ng mayamang binata, dapat ding maunawaan ng mga Sabadista na ginamit ni Jesus ang Sampung Utos upang gisingin ang konsensya ng binata na nag-aakala na ang pagsunod sa Sampung Utos ang paraan ng kaligtasan. Sa pamamagitan nito, ipinahiwatig ni Jesus na kailangan ding kilalanin ng mga Sabadista ang kanilang pagiging mga makasalanan at magsisi, dahil sa maling akala na kayang-kaya nilang masunod ang Sampung Utos nang tuloy-tuloy at walang palya. Sa katunayan, dinadaya lamang nila ang kanilang mga sarili at minamali ang tamang intensyon at layunin ng Diyos kung bakit ibinigay ang Sampung Utos—hindi upang masunod ito ng perpekto kundi upang ipamukha sa kanila na sila ay mga makasalanan (Roma 3:20). 

Sa kabila ng paniniwala ng binata na siya ay sumusunod sa mga utos, inihayag ni Jesus na hindi sapat at kulang ang Sampung Utos upang makamit ang kaligtasan. Hindi kataka-taka kung bakit tinawag ni Pablo ang Sampung Utos na "ministeryo ng kamatayan" at "ministeryo ng paghatol," dahil wala talagang maliligtas sa pamamagitan ng pagsunod dito kundi kamatayan sa impiyerno (2 Corinto 3:6-9). 

Ang pangunahing punto sa Mateo 19:16-19 ay ipakita na ang kaligtasan ay hindi nakasalalay sa pagsunod sa kautusan; sa halip, ang tunay na landas patungo sa kaligtasan ay nakasalalay sa pananampalataya sa Panginoong Jesus na siya lamang ang tanging naka-perfect ng pagsunod sa Sampung Utos upang ibigay sa atin ang perfection na natamo niya sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Kanya (Mga Gawa 16:30-31). Ang kaligtasang ito ay nananatiling bukas para sa lahat ng ating mga kaibigan na Sabadista hanggang sa ngayon na magsisisi at magbabalik-loob kay Jesu-Cristo bilang kanilang personal na Panginoon at Tagapagligtas!


OBJECTION NG MGA SABADISTA:

"Ang tanong ay: masusunod mo ba ang Sampung Utos kung wala kang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapwa? Sa kwento ng mayamang binata, bagamat nasunod niya ang Sampung Utos sa panlabas na anyo ayon sa mata ng mga tao, sa mata ng Diyos ay may kulang pa rin. Ipinakita ni Jesus na ang binata ay kulang sa tunay na pag-ibig dahil hindi siya handang magsakripisyo para sa Diyos at sa kapwa. Ang pagsunod sa Sampung Utos ay hindi lamang panlabas na gawain; ito ay dapat nagmumula sa puso at sa tunay na pag-ibig. Ayon kay Jesus, ang dalawang dakilang utos ay ang pag-ibig sa Diyos at ang pag-ibig sa kapwa (Mateo 22:37-40). Kaya sa pananampalatayang Adventista, ang pagsunod ay hindi lamang sa panlabas kundi may dalang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapwa—ito ang diwa ng Sampung Utos."


SAGOT:

Maraming aspeto ang kulang sa Sampung Utos, at ipinakita ni Jesus sa Mateo 19:16-19 na may kailangang higit pa sa simpleng pagsunod sa mga utos na ito. Sinabi niya sa mayamang binata na ang kulang niya ay ang mga sumusunod:

1.) Ibenta ang lahat ng kanyang ari-arian (hindi kasama ito sa Sampung Utos - v.21)

2.) Sumunod siya kay Jesus (hindi rin ito kasama sa Sampung Utos - v.21)

Ayon sa Hebreo 8:6-7, may kakulangan ang unang tipan na kinabibilangan ng Sampung Utos, kaya’t kinakailangan ang isang ikalawang tipan o bagong tipan. 

“Datapuwa't ngayo'y kinamtan niya ang ministeriong lalong marangal, palibhasa'y siya nama'y tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling, na inilagda sa lalong mabubuting pangako. Sapagka't kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.” (Heb 8:6-7)

Kung ihahambing sa Sampung Utos ng lumang tipan, ang bagong tipan ay tinawag ng Biblia na "ministeryong lalong marangal," "isang tipang lalong magaling," at "inilagda sa lalong mabubuting pangako." Mahalaga sanang pag-isipan ng mga Sabadista kung bakit tinawag ang bagong tipan sa ganitong paraan. Kung mas marangal at mas magaling ito, at nakabatay pa sa mas mabubuting pangako, bakit kinakailangan pa rin balikan ang pagsunod sa titik ng Sampung Utos na may kakulangan?

Kung ang ministeryo ng bagong tipan, na mas marangal, ay ipinalit na sa Sampung Utos, hindi na natin kailangan balikan pa ang lumang tipan na may kakulangan. Kaya nga ito pinalitan, dahil sa kakulangan nito; bakit pa natin babalikan ang pinalitan na?

“Sapagka't kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.” (Heb 8:7)

Maliwanag sa talatang ito kung ano ang plano ng Diyos at kalooban niya para sa ating kaligtasan. Pinalitan na niya ang 10 utos ng lumang tipan ng ikalawang tipan o bagong tipan. At kapag pinalitan na ang lumang tipan ibig sabihin ay hindi na dapat gamitin dahil ito ay luma na lipas na.

“Doon sa sinasabi niya, Isang bagong tipan, ay linuma niya ang una. Datapuwa't ang nagiging luma at tumatanda ay malapit ng lumipas.” (Heb 8:13)

Ngunit tinanggihan ng mga Sabadista ang planong ito ng Diyos. Sa halip na iwanan at hindi na gamitin ang Sampung Utos sa kanilang pagsamba at paglilingkod, pinagsama nila ang lumang tipan at ang bagong tipan sa kanilang teolohiya. Tiyak na ikinalungkot ito ng Panginoon, dahil sa pagsasamang ito ay tila sinira nila ang plano ng Diyos para sa kanilang kaligtasan. Para sa Panginoon ang ginagawang pagsasama ng dalawang magkaibang tipan ng mga Sabadista ay tinatawag ni apostol Pablo na "spiritual adultery."

"Kaya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buhay pa ang kanyang asawa, nagkakasala siya ng pangangalunya. Pero kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. At kung mag-asawa man siyang muli, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. Ganyan din ang nangyari sa inyo, mga kapatid. Malaya na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo. Muli siyang nabuhay at kayoʼy pinag-isa sa kanya para maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod sa Dios. Pero ngayon ay malaya na tayo sa Kautusan, dahil namatay na tayo sa Kautusang ito na dating umalipin sa atin. Ang ating paglilingkod ngayon sa Dios ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu.(Roma 7:3-4, 6 ASND)

Samakatuwid, kapag sinabi ng Kasulatan na “Isang bagong tipan, ay linuma niya ang una” (Heb. 8:13), ang ibig sabihin nito ay hindi lamang pinalipas ng Diyos ang Sampung Utos; inaasahan din Niya na tuluyan nang putulin ng mga Kristiyano ang kanilang kaugnayan sa lumang tipan, kasama ang Sampung Utos nito. Hindi maaaring sundin ng isang tao ang dalawang tipan, sapagkat magiging anyo ito ng espirituwal na pagtataksil sa Panginoon—parang may dalawa kang kalaguyo sa halip na ang bagong tipan lamang. Kaya nga paliwanag pa ni Pablo sa talatang 6, “Ang ating paglilingkod ngayon sa Diyos ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu.”

At sa 2 Cor. 3:6-9 na nabanggit ko din dyan sa article na ang 10 utos ay nawalan na ng kaluwalhatian kumpara sa maluwalhating ministerio ng Espiritu. Kaya sinabi ni Pablo hindi na tayo naglilingkod sa pamamagitan ng titik ng 10 utos kundi sa Espiritu na (Roma 7:6). Samakatuwid, ang mga Christians na nasa ilalim na ng bagong tipan ng biyaya ay hindi na naglilingkod sa pamamagitan ng titik ng 10 utos kundi sa pamamagitan na ng Espirito ng mas dakilang mga utos ng pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. At kapag na born again na ang puso ng isang tao ay bibigyan siya ng power ng Holy Spirit upang hindi na siya gagawa pa ng mga masamang bagay na ayaw ng Diyos at makasasama sa iyong kapwa.

Kaya lamang ipinagpipilitan pa ng mga SDA ang titik ng 10 utos ay dahil lamang sa titik na nakasulat sa ikaapat na utos na Sabbath na ipinagpipilitan nilang ipasunod sa mga tao kaso hindi na ang titik ng ikaapat na utos ang sinusunod ng mga Christians ngayon dahil ang "titik ay nakamamatay at humahatol ng kamatayan" kaya sa bagong tipan ang Espiritu na lng ng ikaapat na utos ang umiiral "rest of grace" kay Cristo na daily na hindi once a week (Mat. 11:28-30) at ito ang kahigitan ng pagkilingkod sa Espiritu na nagbibigay buhay kesa titik ng 10 utos na pumapatay (2 Cor. 3:6). 

Hindi mo pedeng combine na sundin ang "titik" at "Espiritu" o ang "ministerio ng kamatayan ng 10 utos" at "ministeriong nagbibigay-buhay ng Espiritu" dahil sapat na ang Espiritu kaya sabi sa Galacia 5:18, "kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, ay WALA KAYO sa ilalim ng kautusan Kaya bawal ng Diyos yung ginagawa ng mga Sabadista na pinaghahalo  ang 10 utos (titik na pumapatay) at Espiritu (nagbibigay buhay) kailanman hindi compatible yan kaya mali talaga ang aral ng mga Sabadista.



Friday, November 1, 2024

KASAGUTAN PARA SA MGA SEVENTH-DAY ADVENTISTS, VERSE-BY-VERSE ON MATEO 24:20 - "HUWAG MANGYARI ANG INYONG PAGTAKAS SA ARAW NG SABBATH?""

 

“At magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man:” (Mat 24:20)


Paliwanag ng mga Sabadista:

"Ang Mateo 24:20 ay isang matibay na patotoo na hindi binago ni Jesus ang araw ng pagsamba mula sa Sabbath tungo sa Linggo para sa kanyang mga alagad, dahil ang binanggit niyang pagtakas ay isang propetikong pangyayari na magaganap pa sa pagkawasak ng Jerusalem noong AD 70, na 40 taon pa bago matupad matapos siyang bumalik sa langit."

Sagot:

1.) Mahalagang maipaliwanag nang mabuti sa mga Sabadista ang Jewish background ng mga pahayag ni Jesus sa Mateo 24:20. Una, ang mga alagad na kinakausap ni Jesus sa tagpong ito ay ang kanyang mga apostol na pawang mga Judio, kaya binanggit niya ang tungkol sa Sabbath na mahalagang bahagi ng kanilang pananampalataya at kultura. Pangalawa, ang mga salitang "ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man" ay hindi binanggit ng ibang gospel writers tulad nina Mark, Luke, at John. Halimbawa, si Mark ay nagbanggit din ng babala tungkol sa pagtakas sa Mark 13:18: "At magsipanalangin kayo na ito'y huwag mangyari sa panahong taginaw." Mapapansin natin ang halos pagkakatulad ng ulat ni Mark sa ulat ni Mateo, maliban sa Sabbath. Dinagdag ni Mateo ang Sabbath, samantalang walang binanggit na Sabbath si Mark. Tanggap ng maraming Bible scholars, liberal man o conservative, na mas naunang naisulat ang gospel of Mark kaysa kay Mateo. Kaya't kung nauna ngang naisulat ang gospel of Mark, bakit hindi niya nabanggit ang Sabbath samantalang binanggit ito ni Mateo sa kanyang gospel? Ang dahilan ay isinulat ni Mark ang kanyang gospel para sa mga mananampalataya sa Roma na karamihan ay mga Gentil na dumaranas ng pag-uusig at hindi nagbibigay ng ganung halaga tulad ng mga Judio tungkol sa Sabbath. Samantala, ang gospel ni Mateo ay isinulat para sa mga Jewish Christians, mula sa perspektibo ng isang natural na Judiong si Mateo. Lubos niyang nauunawaan ang kahalagahan ng pangingilin ng Sabbath, lalo na sa panahon ng sakuna o pag-uusig. Kaya, idinagdag niya ang Sabbath sa babala ni Jesus para sa mga Jewish Christians na makaka-relate dito sa pagdating ng pag-uusig.

2.) Alam ni Jesus na ang mga Kristiyanong Judio, kasama ang mga hindi naniniwalang Judio, ay patuloy pa ring nangilin ng Sabbath noong sinimulan nang salakayin ng mga Romanong sundalo ang Jerusalem noong 70 AD. Kaya’t malinaw na ang babalang ito tungkol sa pag-iwas sa pagtakas sa araw ng Sabbath ay hindi talaga para sa mga Gentil na Kristiyano, at ito ang dahilan kung bakit hindi na ito isinama ni Marcos sa kanyang gospel account. Sa katunayan, sinusuportahan ni Eusebius, isang sinaunang historian ng simbahan, ang tradisyon ng paglikas ng mga Kristiyanong Judio papuntang Pella. Sa kanyang akdang "Ecclesiastical History" (3.5.3), isinulat ni Eusebius: "Ang mga mananampalataya ng church sa Jerusalem ay inutusan ng isang pahayag... na lisanin ang lungsod bago magsimula ang digmaan at manirahan sa isang bayan sa Perea na tinatawag na Pella." Ito ay isang katuparan ng propesiya ni Jesus sa Mateo 24:16: "Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea," kung saan malinaw na ang mga pinapatakas lamang ay yaong nasa Judea, isang teritoryo ng mga Judio. Ayon sa Easton's Bible Dictionary, "ang probinsya ng Judea, na naiiba sa Galilea at Samaria, ay sakop ang mga teritoryo ng mga tribo ng Judah, Benjamin, Dan, Simeon, at bahagi ng Ephraim." 

Samakatuwid, ang babala ni Jesus na huwag maganap ang pagtakas sa araw ng Sabbath hindi para sa lahat ng mga Christians noon, sa halip, ito ay tumutukoy lamang sa mga Kristiyanong Judio, na nasa panahon ng transition at hindi pa nila lubos na nauunawaan na si Cristo ang katuparan ng Sabbath at ang wakas nito (Roma 10:4; Col. 2:16-17). Kaya isang malaking pagkakamali para sa mga Sabadista na ipalagay na ang lahat ng Gentile Christians ay nangingilin pa rin ng Sabbath sa panahong iyon ng 70 AD. Alam ni Cristo at ni Mark na hindi sila talaga apektado sa babalang ito. Isa pa, tanging ang mga Jewish Christians lamang ang apektado ng taglamig at pagtakas sa araw ng Sabbath. Ito'y dahil sa araw ng Sabbath sa taglamig, may malakas na ulan sa Judea na nagpapahirap o nagiging imposibleng makalikas patungo sa kabundukan dahil sa mga baha sa mga daan at lambak. Bukod dito, ang pagtakas sa araw ng Sabbath ay mahirap dahil maaari lamang silang maglakbay hanggang 1 kilometro (Ex 16:29; Nu 35:5; Jos 3:4), na hindi sapat upang makatakas mula sa panganib ng kamatayan.

Maliwanag, kung gayon, na ang babala ni Cristo sa Mateo 24:20 tungkol sa pag-iwas sa pagtakas sa araw ng Sabbath ay para lamang sa mga Kristiyanong Judio at hindi kasama ang mga Gentil. Nais ko ring idiin na ang sakop ng babalang ito ay para sa mga Kristiyanong Judio sa Judea, na hindi pa ganap na naiiwan ang pangingilin ng Sabbath dahil sa malalim na ugat nito sa kanilang relihiyosong buhay at kultura. Kaya’t isang malaking pagkakamali rin kung gagamitin ng mga Sabadista ang Mateo 24:20 bilang batayan sa paniniwala na ito’y magaganap muli sa hinaharap, tulad ng sa diumano’y Sunday Law. Ang ilan sa mga Sabadista ay "tumatakas" na sa mga bundok ngayon bilang paghahanda, na nakalulungkot dahil hindi nila nauunawaan na ang babala ni Cristo ay para lamang sa mga Kristiyanong Judio na nasa Judea, isang lugar na tinitirhan ng mga Judio. Ang hula ni Jesus sa Mateo 24, ay natupad lamang sa mga pangyayari sa henerasyon ng mga Judiong nabubuhay noon bilang bahagi ng kanyang hatol sa kanilang pagtanggi sa kanya:

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.” (Mat 23:36)

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mat 24:34)

Sagot sa Objections ng mga Sabadista:

SABADISTA:"Bakit mo sinasabing mga Kristiyanong Judio lamang ang nangingilin ng Sabbath bago ang pagwasak sa Jerusalem noong 70 AD, gayong marami na ring mga Gentil na Kristiyano ang sumasamba tuwing araw ng Sabbath, ayon sa Gawa 13:42-44?"

"And when the Jews were gone out of the synagogue, the Gentiles besought that these words might be preached to them the next sabbath. Now when the congregation was broken up, many of the Jews and religious proselytes followed Paul and Barnabas: who, speaking to them, persuaded them to continue in the grace of God. And the next sabbath day came almost the whole city together to hear the word of God." Acts 13:42-44 (KJV)

Sagot:

Tama ang sinasabi ng talata tungkol sa mga Gentil. Sa wikang Griego, ang salitang "Gentiles" dito ay mula sa salitang *ethnos,* na ayon sa *Vine’s Complete Expository Dictionary* ay "paminsan-minsan ginagamit para sa mga Gentil na nagbalik-loob, kaiba sa mga Judio." Pinaliwanag din sa sumunod na talata, sa bersyon ng KJV sa Gawa 13:43, kung anong uri ng mga Gentil ito bilang “religious proselytes,” na sa *Revised Tagalog Popular Version* ay tinawag na “mga debotong Hentil na nahikayat mula sa relihiyong Judaismo.” Samakatuwid, hindi ito tumutukoy sa mga Gentil na Kristiyano gaya ng ipinapalagay ng mga Sabadista, kundi sa mga Gentil na proselyte o nahikayat sa relihiyong Judaismo, kaya’t hindi nakapagtatakang nangingilin sila ng Sabbath. Patunay din na hindi sila mga Gentil na Kristiyano ay makikita sa sumunod na pangyayari: matapos silang usigin ng ilang mga pinuno ng mga Judio sa sinagoga dahil sa marami silang nahihikayat, sinabi ni Pablo, “Kinakailangang salitain muna ang salita ng Dios sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil at hinahatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa walang hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Gentil” (Gawa 13:46). Kung mga Gentil na Kristiyano na ang tinutukoy, bakit pa sasabihin ni Pablo na “kami ay pasasa mga Gentil”? Kaya’t malinaw na hindi ito sapat na batayan ng mga Sabadista para himukin ang mga Kristiyano na mangilin ng Sabbath, dahil hindi naman sila lubusang nagbagong-loob bilang mga Kristiyano kundi mga proselyte lamang sa Judaismo.

Nais ko din idagdag dto na ang setting ng Sinagoga ay hindi sa Judea na inutusan ni Jesus na tumakas sa mgabundok dahil walang mga Gentiles na nananahan doon samantalang sa Gawa 13:42-44 ay naganap sa Antioquia ng Pisidia kung saan napakaraming mga Gentiles na convert sa Judaism dahil ito ay teritoryo ng mga Gentiles. Kung igigiit ng mga Sabadista na dapat pa rin nating sundin ang ginawa sa Gawa 13, dapat silang sumamba sa mga sinagoga ng mga Judiong tumutol kay Cristo, sa halip na sa simbahan ng SDA tuwing Sabado.

Nang nawasak ang Jerusalem noong 70 AD, maraming Kristiyanong Judio ang patuloy na nangilin ng Sabbath, kahit na napagpasiyahan na sa Jerusalem Council noong 50 AD na hindi na ito kailangan para sa mga Kristiyano. Ang mga Kristiyanong Judiong ito ay hindi dapat tularan ng mga Christians ngayon, dahil hindi pa ganap na hinog ang kanilang pananampalataya at hindi nila tinanggap ang opisyal na desisyon ng Jerusalem Council na hindi na kailangang sundin ang mga batas ng Lumang Tipan, kabilang ang pag-obserba ng lingguhang Sabbath. Nakalulungkot isipin na ang mga Sabadista ay tumutulad sa mga Judiong Kristiyano na hindi pa hinog sa kanilang pananampalataya.

Conclusion:

Sa kabuuan, maliwanag na si Jesus ay nagbigay ng payo sa mga Kristiyanong Judio (hindi sa mga Kristiyanong Gentil) sa Mateo 24:20 na manalangin para sa kanilang kaligtasan habang tumatakas mula sa nalalapit na pagkawasak ng Jerusalem noong 70 AD. Isinasaalang-alang ni Jesus ang parehong praktikal na suliranin (ang taglamig) at ang usaping pangrelihiyon (ang Sabbath). Kaya’t masasabi natin na ang Mateo 24:20 ay nagpapahiwatig na marami pa ring Kristiyano at hindi-Kristiyanong mga Judio ang nangilin ng Sabbath sa panahong iyon. Gayunpaman, hindi ito maaaring gamitin bilang patunay na lahat ng Kristiyano noon o ngayon ay kailangang mangilin ng lingguhang Sabbath dahil ang mga ito ay hindi hinog sa pananampalataya.