Friday, April 4, 2025

"KASAGUTAN PARA SA MGA SEVENTH-DAY ADVENTISTS, VERSE-BY-VERSE ON MATEO 5:17-18 - "HINDI LILIPAS ANG 10 UTOS?"



“Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin. Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.”
(Mateo 5:17-18)


Challenge ng mga Sabadista:

"Bakit ninyo sinasabi na hindi na natin kailangang sundin ang Sampung Utos, gayong sinabi ni Jesus:
  • "Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin" ayon sa Mateo 5:17.

  • At sinabi pa niya sa verse 18, kahit "isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan."
Sa madaling salita, bakit ninyo sinasabing ang sampung utos ay hindi na dapat sundin, kung ang mismong panginoong Hesu Kristo ay nagsabi na sya ay naparito upang tuparin ang kautusan, at hindi upang sirain ito. At sinabi pa nya na kahit maliit na bahagi ng kautusan ay hindi mawawala."

Sagot:

Bago ang lahat, kailangan munang patunayan ng mga Sabadista na Sampung Utos talaga ang tinutukoy ni Jesus sa talata. Sa Mateo 5:17-18, hindi naman niya binanggit ang Sampung Utos — haka-haka lang ito ng mga Sabadista. Maaari nating itanong sa mga Sabadista kung nabasa ba nila ang 'Sampung Utos' na binanggit sa Mateo 5:17-18. Kung hindi, imungkahi natin na suriin nila kung ano ang tinutukoy ni Jesus na 'kautusan' sa mga talatang iyon.
 

Ang 613 mga utos ng Kautusan 

Ang salitang ginamit sa Griyego na isinalin bilang 'kautusan' sa Mateo 5:17-18 ay 'nomos'. Ito ay karaniwang tumutukoy sa 613 na indibidwal na utos sa Kautusan ni Moises sa Lumang Tipan. Kasama na rito ang Sampung Utos. Kaya kung tutuusin, ang 'kautusan' na sinabi ni Cristo na hindi niya sisirain kundi tutuparin, ay ang 613 na mga utos. Sinabi pa niya na kahit isang maliit na bahagi o tuldok ay hindi mawawala sa Kautusan.

Kung gayon, para kay Cristo, hindi lamang ang Sampung Utos ang mananatili. Dapat niyang tuparin ang lahat ng 613 utos, kasama na ang mga aspeto ng kautusan na sinasabi ng mga Sabadista na 'mga seremonyal na kautusan' na lumipas na.

Dito nagkakaroon ng problema sa argumento ng mga Sabadista. Sinasabi nila na ang kautusan ay hindi mawawala, pero bakit Sampung Utos lang ang sinusunod nila? Ano ang nangyari sa ibang pang 603 na mga utos? Bakit hindi nila sinusunod ito? Akala ko ba hindi mawawala ang kautusan o nomos (613 mga utos)? Ito ay salungat sa sinabi ni Cristo na 'ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan' (v. 18)!

Kaya, kung susundin natin ang kanilang lohika, dapat nilang sundin ang buong 613 utos na bumubuo sa 'kautusan' na sinabi ni Cristo, hindi lamang ang Sampung Utos. Ito ang tamang aplikasyon sa Mateo 5:17-18. Sa ginagawa nilang ito, nakakalimutan nila na mas nilalabag pa ng mga Sabadista ang kautusan kaysa sinusunod ito. Kaya nga nagbabala si Santiago:

"Sapagka't ang sinomang gumaganap ng buong kautusan, at gayon ma'y natitisod sa isa, ay nagiging makasalanan sa lahat."  (Jas 2:10 Tagalog AB)

Sa madaling salita:
  • Ang "nomos" o kautusan ay tumutukoy sa lahat ng 613 utos sa lumang tipan.
  • Sinabi ni Hesus na kanyang tutuparin ang kautusan, at walang maliit na bahagi nito ang mawawala.
  • Kung ang kautusan ay hindi mawawala, kung gayon lahat ng 613 utos ay dapat sundin.
  • Ang paghihiwalay ng sampung utos mula sa 603 na ibang utos ay salungat sa sinabi ni Hesus

Ang Kautusan at mga Propeta: Old Testament Scriptures

Kailangan nating ipaliwanag nang maayos sa mga Sabadista na ang tinutukoy ni Cristo na hindi niya sisirain kundi tutuparin ay hindi ang mismong 'kautusan'. Ipakita natin sa kanila ang talata mismo at ipabasa muli. Nakasulat sa verse 17 ay 'ang kautusan o ang mga propeta', hindi 'ang kautusan'.

Ang pariralang 'ang kautusan o ang mga propeta' ay isang terminong ginagamit ng mga Judio noong panahon ni Jesus para tukuyin ang kabuuan ng 39 na aklat na bumubuo sa Lumang Tipan, mula Genesis hanggang Malakias. Narito ang ilang mga patunay mula sa sinabi ni Jesus:

At magmula kay Moises at sa mga propeta, ay ipinaaninaw niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa lahat ng mga kasulatan.” (Lucas 24:27)

“At sinabi niya sa kanila, Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako'y sumasa inyo pa, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa mga awit.” (Lucas 24:44)

“Nasumpungan ni Felipe si Natanael, at sinabi sa kaniya, Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa kautusan, at gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga Nazaret, ang anak ni Jose.” (Juan 1:45)

“Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.” (Juan 5:39)

Kung ang 'ang kautusan o ang mga propeta' ay tumutukoy sa buong Kasulatan ng Lumang Tipan, kung gayon, ang mensahe ni Jesus sa atin ay ito: lahat ng nakasulat sa kautusan ni Moises sa kanyang limang aklat (Genesis, Exodo, Levitico, Bilang, at Deuteronomio) pati na rin ang mga isinulat ng mga Propeta tungkol sa mga hula tungkol sa buhay at misyon ni Cristo, ay kailangan niyang tuparin. At kahit ang pinakamaliit na bahagi nito ay tutuparin niya hanggang sa mawala ang langit at lupa.

Ganito din ang diwa ng Andrews Study Bible na published ng Seventh-Day Adventist's Andrews University Press:

"Mateo 5:17 – Kautusan … at mga Propeta. Ito ay tumutukoy sa unang limang aklat ng Lumang Tipan at sa lahat ng natitirang bahagi ng sinaunang Kasulatan. Hindi gumagawa si Jesus dito ng pagkakaiba sa pagitan ng seremonyal, sibil, o moral na mga kautusan. Sa halip, pinagtitibay Niya ang kabuuan ng kalooban ng Diyos na nakatala sa Banal na Kasulatan ng mga Hudyo, at ipinapakita Niya ang pagpapatuloy nitoBagama’t nananatili ang kalooban ng Diyos gaya ng ipinahayag sa Lumang Tipan, dinadala ito ni Jesus sa mas malalim na antas: tinutupad Niya ito—ibig sabihin, pinupuno Niya ito ng ganap na kahulugan." [1]

Malayo ang interpretasyon ng mga Sabadista sa tunay na layunin at kahulugan ng Mateo 5:17-18 ayon kay Cristo. Ang tunay na mensahe ng talatang ito ay ibinigay sa atin para magtiwala tayo na si Jesus ang tunay nating tagapagligtas. Siya lamang ang dapat nating paniwalaan dahil siya lamang ang nakatupad at makakatupad ng 100% sa mga hula sa Lumang Tipan. Bukod dito, makakaasa tayo na lahat ng pangako ng Diyos sa Kasulatan ay mapagkakatiwalaan at maaasahan natin nang lubusan. Ang mga Sabadista ay nagkamali sa pag-intindi sa Mateo 5:17-18.
Sa madaling salita:
  • Ang Mateo 5:17-18 ay tumutukoy sa buong Lumang Tipan, hindi sa sampung utos.
  • Kailangang maunawaan ng mga Sabadista na ang 'kautusan at mga propeta' ay magkasama at hindi dapat paghiwalayin.
  • Ang totoong mensahe ng Mateo 5:17-18 ay ang lubos na pagtitiwala kay Jesus bilang tagapagligtas natin, at ang pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos na nakasulat sa buong Lumang Tipan.

Objections ng mga Sabadista:

#1: "Hindi namin itinuturo na ang 10 utos ang sinasabi ni Cristo doon. Inaalipusta niyo lamang kami ng maling paratang!"

Sagot:

Madalas sa mga Sabadista na ganito sumagot, ay hindi nagbabasa ng maayos ng mga aklat teolohikal na nilimbag ng mga dalubhasa at teologo ng SDA church, kaya't madalas ang mga sinasabi nila ay sumasalungat sa mga opisyal na aral ng simbahan nila.

Ayon sa babasahin ng mga Sabadista na 'Advent Review and Sabbath Herald, ang kautusan na binabanggit ni Cristo sa Mateo 5:17-18 ay ang mga kautusang nakaukit sa mga tapyas na bato, na walang iba kundi ang Sampung Utos.

"Ang kautusang sinalita ng Diyos, inukit sa mga tapyas ng bato, tinanggap ni Moises, at inilagay niya sa kaban ng tipan — ito ang kautusang tinutukoy ni Cristo sa Mateo 5:17-18." (Advent Review and Sabbath Herald, Vol. 17, April 30, 1861, p. 191)

May patunay din mula sa 'Handbook of Seventh-day Adventist Theology' na ang salitang 'kautusan' sa Mateo 5:17-18 ay ikinakapit din ng mga iskolar ng mga Sabadista sa Sampung Utos:"

"Malinaw ding kinilala ni Jesus ang pagiging panghabangpanahon ng Sampung Utos. ‘Hanggang sa lumipas ang langit at ang lupa, ni isang kudlit o tuldok ay hindi mawawala sa kautusan’ (Mateo 5:18)." (Handbook of Seventh-day Adventist Theology, p. 469)

Kitang-kita na mula sa mga dalubhasa at teologo mismo ng mga Sabadista, naniniwala sila na ang kautusan sa Mateo 5:18, na hindi mawawala kahit maliit na bahagi, ay ang Sampung Utos. 


#2."Kung hindi na pala natin kailangang sundin ang Sampung Utos, pwede na tayong pumatay, magnakaw, at makipagtalik sa hindi natin asawa? Parang ang aral ninyo ay nagtutulak sa mga tao na gumawa ng masama. Hindi ba't mapanganib 'yan?"

Sagot:

Ipaliwanag nang maayos sa mga Sabadista na hindi ganyan ang layunin at plano ng Diyos nang wakasan Niya ang mga kautusan na bahagi ng mga kautusan ni Moises sa Lumang Tipan, kasama na ang Sampung Utos. Ginawa ito ng Diyos para sa ating ikabubuti, hindi para sa ikasasama. Sinabi nga ng Panginoon sa Hebreo 8:6-7:

“Datapuwa't ngayo'y kinamtan niya ang ministeriong lalong marangal, palibhasa'y siya nama'y tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling, na inilagda sa lalong mabubuting pangako. Sapagka't kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.” (Heb 8:6-7)

Bakit tinawag ng Diyos na 'ministeryong lalong marangal' ang bagong tipan? Ipinaliwanag ni Pablo ang dahilan sa 2 Corinto 3:6-9:

"Binigyan niya kami ng kakayahang maging lingkod ng bagong tipan, isang kasunduang hindi nababatay sa kautusang nakasulat kundi sa Espiritu. Sapagkat ang kautusang nakasulat ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu'y nagbibigay-buhay. Nang ibigay ang Kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato, nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises kahit na ang liwanag na iyon sa mukha niya ay pansamantala lamang. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakaukit sa bato, at nagdadala ng kamatayan, ay dumating na may kalakip na gayong kaluwalhatian, gaano pa kaya ang kaluwalhatian ng paglilingkod ayon sa Espiritu? Kung may kaluwalhatian ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maluwalhati ang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala." (2 Mga Taga-Corinto 3:6-9 RTPV)

Ayon sa sulat ni Pablo, na kinasihan ng Espiritu Santo, ang 'ministeryong lalong marangal' ay ang ministeryo ng 'pagiging lingkod ng bagong tipan', hindi na ng lumang tipan.

Ano ba ang pagkakaiba ng ministeryo ng lumang tipan at ng bagong tipan ayon kay Pablo? Ang ministeryo ng lumang tipan ay 'nababatay sa kautusang nakasulat'. Saan nakasulat? Ito ay tinawag ni Pablo na 'kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato'. Hindi maitatanggi ng mga Sabadista ang katotohanan na ito ang sampung utos na kanilang minamahal at pinaglilingkuran sa pamamagitan ng pagtatanggol dito. Ang pagkakaiba naman ng ministeryo ng bagong tipan ay 'nababatay sa Espiritu', hindi batay sa kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato o sampung utos.

Bakit itinuturo ni Pablo na 'ministeryong lalong marangal' ang bagong tipan batay sa Espiritu kaysa sa lumang tipan na nakabatay sa kautusang nakasulat sa sampung utos? Dahil ang 'kautusang nakasulat sa mga tapyas na bato' na sampung utos ay 'nagdudulot ng kamatayan', 'nagdadala ng kamatayan', 'nagdudulot ng hatol ng kamatayan'. Samantalang ang ministeryo ng bagong tipan na mas marangal ay nakabatay sa Espiritung 'nagbibigay-buhay' at 'nagdudulot ng pagpapawalang-sala'. Kaya tayong mga Kristiyano ngayon ay naglilingkod na sa ministeryong lalong marangal at higit na maluwalhati kaysa sa sampung utos na may kakulangan dahil nagdudulot lamang ito ng hatol ng kamatayan, kumpara sa kaluwalhatian ng ministeryo ng Espiritu na patuloy na nagbibigay-buhay dahil ito ay isang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala ayon sa pangako ng Panginoon:

"Sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan, at kalilimutan ko na ang kanilang mga kasamaan.” Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong kasunduan, pinawalang-bisa na niya ang una. At anumang pinapawalang-bisa at naluluma ay malapit nang mawala." (Mga Hebreo 8:12-13 RTPV)

Para maintindihan natin ang pagkakaiba ng bagong tipan at lumang tipan, ipinaliwanag ni apostol Pablo kung bakit pinayagan ng Panginoon na mawala na ang lumang tipan, pati ang Sampung Utos, para sa mga Kristiyano na nasa ilalim na ng bagong tipan

"Dahil dito, masasabi nating ang dating kaluwalhatian ay wala na, sapagkat napalitan na ito ng higit na maluwalhati. Kung may kaluwalhatian ang lumilipas, lalong higit ang kaluwalhatian ng nananatili magpakailanman." (2 Mga Taga-Corinto 3:10-11 RTPV)

Ang sagot natin sa mga Sabadista na nagbibintang sa atin na masama daw tayong impluwensya sa lipunan dahil itinuturo daw natin na wala na ang sampung utos kaya pwede na daw tayong gumawa ng masama ay isang kasinungalingan at paglabag sa mismong sampung utos na nagsasabi, 'Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa.' (Exodo 20:16). Sila mismo ang lumalabag dito dahil ang layunin ng mga kautusan sa Lumang Tipan ay para ipakita ang kanilang pagiging makasalanan habang sinusubukan nilang maging matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng sampung utos:

"Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, dahil ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala." (Mga Taga-Roma 3:20 RTPV)

Dahil dito, dumating si Hesu Kristo, ang ating Tagapagligtas, at ipinanganak sa ilalim ng kautusan. Hindi para gayahin natin ang perpekto niyang pagsunod sa Sampung Utos, kundi para palayain ang mga nasa ilalim pa rin ng kautusan, gaya ng ating mga kapatid na Sabadista. Para maranasan din nila ang pagiging tunay na anak ng Diyos, na pinatawad na sa kasalanan at may katiyakan ng kaligtasan at buhay na walang hanggan habang tayo'y nabubuhay pa dito sa mundo.

"Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maibibilang sa mga anak ng Diyos." (Mga Taga-Galacia 4:4-5 RTPV)

Kaya, hindi basta-basta inalis ng Diyos ang Sampung Utos sa Bagong Tipan ng walang dahilan. Sa halip, pinalitan Niya ito ng isang ministeryong mas marangal, mas maluwalhati, at nagbibigay-buhay. Ito ang dakilang regalo ng Panginoon. Ang layunin ng Diyos sa Sampung Utos ay hindi para sa ating kaligtasan, kundi para ipakita sa atin ang ating makasalanang kalagayan at ang pagkukulang natin sa kaluwalhatian ng Diyos. Sa ganitong paraan, mas mauunawaan natin ang pangangailangan para sa isang tunay na Tagapagligtas: ang Kanyang bugtong na Anak, si Jesus.


References:

[1] Press, Andrews University (2010). Andrews Study Bible: Light. Depth. Truth.








1 comment:

  1. Siguro panahon na para mapansin ng mga SAD SDA na ang kalipunan ng sampung mga utos ay may pagkakaiba ng pagkasulat sa Exodus 20 at Deuteronomy 5. Ang "Batas" ay kailangang bigyan ng halaga ang bawat titik o letra upang mailapat ang katapat na tama at makatarungang parusa. Ang mga sumampalataya sa kaligtasan na ginawa ni Kristo para sa tao ay wala na sa ilalim ng kautusan.

    ReplyDelete

MOST POPULAR POSTS