"At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman: At ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, At ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain, Ang inyong mga matatanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip: Oo't sa aking mga lingkod na lalake at sa aking mga lingkod na babae, sa mga araw na yaon Ibubuhos ko ang aking Espiritu; at magsisipanghula sila. At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas, At mga tanda sa lupa sa ibaba, Dugo, at apoy, at singaw ng usok: Ang araw ay magiging kadiliman, At ang buwan ay dugo, Bago dumating ang araw ng Panginoon, Yaong araw na dakila at tangi: At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon, ay maliligtas." Mga Gawa 2:17-21
CHALLENGE NG NGA SABADISTA:
Pinaniniwalaan ng mga Sabadista na ang pahayag sa Mga Gawa 2:17-21, na hinango mula sa Joel 2:28-32, ay isang bahagyang katuparan ng hula ni propeta Joel sa Lumang Tipan tungkol sa pagbuhos ng Espiritu Santo at ang pagpapanumbalik ng kaloob ng propesiya sa mga huling araw. Ayon sa pananaw ng mga Sabadista, ang koneksyon ng Mga Gawa 2 at Joel 2 ay nagsisilbing patunay na ang SDA Church, bilang ang katuparan ng iglesia ng mga nalabi, ay makakaranas ng mas dakilang pagpapakita ng kaloob ng propesiya.
Para sa mga Sabadista, walang alinlangan na ang hulang ito ay natupad sa buhay at ministeryo ni Ellen G. White. Buong-tibay nilang pinaniniwalaan na ito ay matibay na patunay na si Ellen G. White ay isang tunay na propeta ng Diyos para sa para sa kanilang simbahan bago ang ikalawang pagparito ni Kristo.
Ang aklat na A Critique of the Book Prophetess of Health, na inilathala ng Ellen White Estate, ay nagpapatibay sa pananaw na ito:
"Partikular na binanggit ni Joel na 'ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng propesiya' bilang paghahanda sa 'dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon' (Joel 2:28-32). Pinaniniwalaan ng mga Seventh-day Adventist na ang kaloob ng propesiya ay nahayag sa buhay at ministeryo ni Ellen G. White."(akin ang pagsasalin sa Filipino) [1]
Ang aklat na Seventh-day Adventist 28 Fundamental Beliefs, #18: The Gift of Prophecy, na opisyal na batayan ng pananampalataya ng mga Sabadista, ay nagpapaliwanag ng kanilang pananaw sa mga sumusunod na pahayag:
"Ang propetang si Joel ay naghulang magkakaroon ng espesyal na pagbuhos ng kaloob ng propesiya bago ang pagbabalik ni Kristo. Sinabi niya, 'At mangyayari pagkatapos nito na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao; ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng propesiya, ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip, ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain, at kahit ang mga alipin kong lalaki at babae ay pagbubuhusan ko ng aking Espiritu sa mga araw na iyon. At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa: dugo, apoy, at haliging usok. Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay magiging dugo bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon' (Joel 2:28-31).
Noong unang Pentecostes, nagkaroon ng kahanga-hangang pagpapakita ng Espiritu. Binanggit ni Pedro ang hula ni Joel, na nagpapahiwatig na ipinangako ng Diyos ang gayong mga pagpapala (Mga Gawa 2:2-21). Gayunpaman, maaari nating itanong kung ang hula ni Joel ay natupad na nang lubusan sa Pentecostes o kung may mas kumpletong katuparan pa itong darating. Wala tayong ebidensya na ang mga kababalaghan sa araw at buwan na binanggit ni Joel ay naganap bago o kasunod ng pagbuhos ng Espiritu. Ang mga kababalaghang ito ay hindi nangyari hanggang sa maraming siglo ang lumipas.
Ang ganap at huling katuparan ng hula ni Joel ay tumutugma sa tinatawag na latter rain, na, kapag bumagsak sa tagsibol, ay nagpapahinog sa mga butil (Joel 2:23). Gayundin, ang huling pagbibigay ng Espiritu ng Diyos ay magaganap bago ang Ikalawang Pagparito, kasunod ng mga tanda sa araw, buwan, at mga bituin. (cf. Mateo 24:29; Pahayag 6:12-17; Joel 2:31)." (akin ang pagsasalin sa Filipino) [2]
Sa buod, ang pagpapakahulugan ng mga Sabadista sa Joel 2:28-31 ay:
1.) Ang kaloob ng propesiya sa Joel 2:17-21 ay matutupad bago pa ang ikalawang pagparito ni Kristo.
2.) Ang hulang ito ay bahagya lamang natupad sa unang iglesia noong unang Pentecostes, tulad ng inilarawan sa Mga Gawa 2:2-21.
3.) Ang mga kababalaghan na binanggit sa Joel 2:30-31, tulad ng mga tanda sa araw, buwan, at mga bituin, ay hindi naganap sa pagbuhos ng Espiritu Santo noong unang siglo. Ayon sa kanilang paliwanag, ito ay nagpapahiwatig na ang mga kaganapang ito ay mangyayari pa sa hinaharap, partikular sa panahon ng Dark Ages. Ang ganap at huling katuparan ng hula ay magaganap pagkatapos ng mga nakatakdang tanda sa araw, buwan, at mga bituin, bago ang ikalawang pagparito ni Kristo sa hinaharap.
Binibigyang-diin pa ng isang theologian ng mga Sabadista na si Frank Holbrook ang kahalagahan ng hinaharap na katuparan ng hula ni Joel, na sinasabing kung wala ito, hindi magaganap ang pagpapakita ng kaloob ng propesiya sa mga huling araw.
"Nakita ni apostol Pedro ang katuparan ng hula ni Joel sa Pentecostes nang ibuhos ang Espiritu at matanggap ang kaloob ng mga wika (Mga Gawa 2). Gayunpaman, tila bahagyang katuparan lamang ang Pentecostes, sapagkat inilagay ni Jesus ang mga palatandaan sa araw at buwan na binanggit ni Joel bilang darating pagkatapos ng Dark Ages ng pag-uusig at papalapit na sa pagdating ng "malaki at kakila-kilabot na araw ng Panginoon" (Joel 2:31). Bukod dito, partikular na tinutukoy ni Joel ang pagpapakita ng kaloob ng propesiya. Kaya't ang lubos na katuparan ng sinaunang hula ni Joel ay mangangailangan ng pagpapakita ng kaloob ng propesiya sa panahon ng katapusan." (akin ang pagsasalin sa Filipino) [3]
Ang "Dark Ages" para sa mga Sabadista
Para sa mga Sabadista, kailan naganap ang Dark Ages? Sa kanyang aklat na Last Day Tokens, ipinaliwanag ni J.N. Loughborough na ang Dark Ages, ang panahon ng matinding pag-uusig at kapighatian, ay naganap mula AD 538 hanggang 1798.
"Ang kapighatian ay dumating sa mga pag-uusig noong 'Dark Ages' ngunit ito ay pinaikli, kung hindi ay wala ni isa sa mga hinirang ang maiiwan. Ang panahong ito ng kapighatian ay mula AD 538 hanggang 1798." [4]
Dahil dito, naniniwala ang mga Sabadista na ang mga makalangit na tanda sa araw, buwan, at mga bituin na binanggit sa hula ni Joel ay natupad sa panahong AD 538 hanggang 1798, na kilala bilang Dark Ages na tumagal ng 1260 taon.
Pagtutuwid sa mga baluktot na paliwanag ng mga Sabadista!
#1. Ang katuparan ng hula sa Joel 2:28-32 ay limitado lamang sa panahon ng Pentecostes ayon sa Gawa 2.
Ang unang tanong na kailangang sagutin ay tungkol sa katuparan ng hula ni propeta Joel sa Joel 2:28-32. Natupad ba ito isang beses lamang, partikular na sa unang Pentecostes ayon sa ulat sa Mga Gawa 2? O may pangalawang katuparan ba ito sa hinaharap bago ang ikalawang pagparito ni Jesus, ayon sa paniniwala ng mga Sabadista?
Mahalaga ang paghahanap ng tamang sagot sa tanong na ito dahil ito ang magpapasya kung si Ellen G. White ay isang tunay na propeta o hindi. Ayon sa aklat ng mga Sabadista na The Biblical Basis for a Modern Prophet, "Ang ganap na katuparan ng sinaunang hula ni Joel ay mangangailangan ng pagpapakita ng kaloob ng propesiya sa mga huling araw."
Ibig sabihin, kung ang hula ni Joel ay natupad lamang noong panahon ng mga apostol, ayon sa ulat sa Mga Gawa 2, at walang katuparan sa hinaharap, wala nang halaga ang pag-aangkin ni Ellen G. White sa kaloob ng propesiya. Magiging indikasyon ito na ang kanyang kaloob ng propesiya ay walang kabuluhan sa kanyang panahon at hindi kailangan sa kanyang diumano ay kaloob ng propesiya. Dahil dito, si Ellen G. White ay maaaring ituring na isang huwad na propeta at hindi dapat kilalanin ng mga Sabadista bilang isang propeta mula sa Diyos.
Anong mga ebidensya mula sa Kasulatan ang mayroon tayo na nagpapakita na ang hula ni Joel sa Joel 2:28-32 ay hindi umabot sa panahon ni Ellen G. White at sa samahan ng mga Sabadista?
Ang paggamit ni apostol Pedro ng pariralang "sa mga huling araw"
"Datapuwa't ito'y yaong sinalita na sa pamamagitan ng propeta Joel: At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman: At ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, At ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain, Ang inyong mga matatanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip." Mga Gawa 2:16-17
Maraming talata sa Bagong Tipan ang nagpapatunay na itinuturing ng mga apostol noong unang siglo na sila ay nabubuhay na sa "mga huling araw".
Halimbawa, sa kanyang sermon noong araw ng Pentecostes, binanggit ni Pedro ang aklat ni Joel, gamit ang pariralang "mga huling araw" upang ilarawan ang sandali nang ibuhos sa kanila ang Banal na Espiritu (Mga Gawa 2:16-17). Alam ni Pedro na siya ay nabubuhay na sa mga huling araw, at ipinahayag niya ang paniniwalang ito sa pamamagitan ng pagsipi sa isang hula mula kay Joel, na iniugnay ang katuparan nito sa araw ng Pentecostes sa Gawa 2.
Sa kanyang unang sulat, ipinahayag din ni Pedro ang kanyang pagkaunawa na siya ay nabubuhay na sa mga huling araw:
"Itinalaga siya ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo ay ipinahayag sa mga huling araw na ito." 1 Pedro 1:20 MBB 2012
Pansinin kung paano inilarawan ni Pedro ang mga huling araw bilang ang panahon kung kailan nagpakita si Jesus sa kanila habang sila'y buhay pa. Gumamit din si Pablo ng katulad na salita nang ipaliwanag niya ang mga aral na dapat nating matutunan mula sa mga pangyayaring nakatala sa Lumang Tipan:
"Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan."1 Mga Taga-Corinto 10:11 MBB 2012
Mali ba ang pagkaunawa nina Pablo at Pedro? Nalito ba sila? Kung susuriin natin ang mga turo ng ibang manunulat ng Bagong Tipan, matutuklasan natin na naniniwala rin silang sila ay nabubuhay sa mga huling araw.
Isinulat ng may-akda ng Hebreo ang mga sumusunod:
"Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan; " Mga Hebreo 1:1-2
Tiyak ang may-akda na siya ay nabubuhay sa mga huling araw, at inilarawan niya ang mga huling araw bilang ang panahon kung kailan nakipag-usap ang Diyos sa pamamagitan ni Jesus sa Kanyang buhay sa lupa. Ang pananawang ito ay muling binanggit ni Santiago nang binigyan niya ng babala ang ilang mayayamang tao dahil sa kanilang kasakiman, pinaalalahanan sila tungkol sa nalalapit na pagkawasak na naghihintay sa kanila:
"Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na; at ang mga kalawang na ito ay siyang magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy na lalamunin ang inyong laman. Kayo'y nagtipon ng inyong mga kayamanan sa mga huling araw." Santiago 5:3
Naniniwala si Santiago na ang "mga huling araw" ay nagaganap sa partikular na panahong iyon sa kasaysayan, sa unang siglo. Mas matibay pang pinagtibay ng apostol na si Juan ang paniniwalang ito:
"Mumunting mga anak, ito ang huling oras: at gaya ng inyong narinig na darating ang anticristo, kahit ngayon ay lumitaw ang marami nang anticristo; kaya nga nalalaman natin na ito na ang huling oras."I Juan 2:18
Naniniwala si Juan na siya ay nabubuhay sa huling oras dahil naroroon na ang mga anticristo. Inaasahan din ni Juan na mauunawaan ito ng kanyang mga tagasunod. Maaari bang nagkamali ang mga manunulat ng Bagong Tipan? Inakala ba nila na sila ang nabubuhay sa itinuturing nilang mga huling araw, o ang mga araw na iyon ay mangyayari pa sa hinaharap? Posible bang inasahan ng mga apostol ang mga kaganapang 2,000 taon nang napaaga? Naniniwala tayo sa mga salita ng mga manunulat ng Bagong Tipan nang literal. Sina Pedro, Pablo, Santiago, at Juan ay hindi nagkamali. Ang mga apostol ay tunay na nabubuhay sa mga huling araw. Hindi tayo ang nabubuhay sa mga huling araw o sa panahon ng katapusan.
Noong unang siglo, ang mga debotong Judio ay nakatuon ang kanilang buhay sa pag-aabang sa pagdating ng Mesiyas, ang pagtatatag ng isang bagong kaharian, at ang pangako ng Diyos na gumawa ng bagong tipan sa Kanyang bayan. Napakahalaga ng mga pangakong ito kaya't patuloy nilang inaasahan ang katuparan ng mga araw na inihula sa kanila ng mga propeta sa Lumang Tipan.
Ang pariralang "Mga Huling Araw" sa konteksto ng hula sa Bibliya ay tumutukoy sa huling yugto bago ang pagtatapos ng kapanahunan ng mga Judio o ang panahon ng Lumang Tipan. Ang yugtong ito ay nagmamarka ng pagtatapos ng lumang tipan at ng mga kaugnay na kaugalian, na humantong sa pagkawasak ng Templo noong AD 70.
Narito ang isang maikling paliwanag:
Panahon ng mga Judio: Tumutukoy ito sa yugto kung saan ang mga Judio ay nasa ilalim ng lumang tipan na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises, na kinapapalooban ng Kautusan at mga kaugalian sa pagsamba sa Templo.
Mga Huling Araw: Ang "Mga Huling Araw" ay nauunawaan bilang ang panahon bago ang pagtatapos ng kapanahunan ng mga Judio. Hindi ito tumutukoy sa katapusan ng mundo kundi sa katapusan ng panahon ng lumang tipan.
Kahalagahan: Ang "Mga Huling Araw" ay nagpapahiwatig ng paglipat mula sa lumang tipan patungo sa bagong tipan na itinatag ni Jesus. Ang pagkawasak ng Templo noong AD 70 ay itinuturing na tiyak na pagtatapos ng kapanahunan ng mga Judio, dahil ito ang nagmarka ng pagtatapos ng mga pangunahing relihiyosong kasanayan ng Judaismo noong panahong iyon.
Bagong Tipan: Sa pagdating ni Jesus, naitatag ang isang bagong tipan na nag-aalok ng kaligtasan sa lahat ng naniniwala, maging Judio o Hentil. Ang bagong tipan na ito ay itinuturing na katuparan ng mga hula at simula ng isang bagong panahon sa plano ng Diyos.
Sa madaling salita, ang "Mga Huling Araw" ay tumutukoy sa huling yugto ng dispensasyong Hudyo na nagtapos sa pagkawasak ng Templo noong AD 70. Ito ang nagwakas sa panahon ng mga Hudyo at ganap na nagpasimula ng bagong tipan na itinatag ni Hesus. Sa pagdating ni Hesus, naitatag ang isang bagong tipan at isang bagong kaharian. Natapos ang sinaunang kaayusang panrelihiyon ng mga Hudyo sa pagkawasak ng Templo. Ang "mga huling araw," na nagmamarka ng paglipat mula sa luma patungo sa bago, ay nagtapos noong unang siglo. Ang panahong ito ng paglipat ay nagsimula sa pagpapahayag ni Hesus bilang Mesiyas hanggang sa pagbagsak ng Templo ng Jerusalem noong AD 70. Tunay ngang tama ang mga apostol sa pagtukoy sa kanilang panahon bilang "mga huling araw." Ngunit ngayon, ang mga Kristiyano ay nabubuhay na sa isang bagong panahon na may bagong kaharian at bagong tipan.
Ang ideyang ito ay maaaring maging nakakagulat at nakakalungkot para sa ilan, lalo na sa mga Sabadista na tinuruan na maghintay ng mga pangyayari sa hinaharap. Kapag narinig nila ang katotohanang ito sa unang pagkakataon, maaaring mahirapan silang maunawaan ito dahil madalas nilang naririnig ang mga pariralang "huling panahon" at "huling araw" na palagi nilang inuugnay sa katapusan ng mundo. Hirap silang tanggapin na maaaring nagkamali sila dito.
Ngayon na nauunawaan na natin na ang "mga huling araw" ay hindi tumutukoy sa ating panahon o sa katapusan ng mundo, ano ang ibig sabihin nito para sa propesiya ni Joel tungkol sa sinasabing papel ni Ellen G. White bilang propeta ng Diyos? Nalaman natin na ang katuparan ng propesiya sa Joel 2:27-32 ay nangyari lamang noong unang siglo, sa panahon ng apostol Pedro. Wala itong kaugnayan sa panahon ni Ellen G. White at sa kasaysayan ng Seventh-day Adventist Church. Nagkamali talaga dito ang mga Sabadista.
Paano naman ang argumento ng mga Sabadista tungkol sa mga makalangit na kaganapan na may kinalaman sa "araw, buwan, at mga bituin"? Muli, titingnan natin ang kanilang pangunahing aklat na Seventh-day Adventist 28 Fundamental Beliefs:
"Gayunpaman, maaari nating tanungin kung ang propesiya ni Joel ay ganap na natupad noong Pentecostes o kung magkakaroon pa ng isa pang, mas ganap na katuparan. Wala tayong ebidensiya na ang mga kaganapan sa araw at buwan na binanggit ni Joel ay naganap bago o pagkatapos ng pagbuhos ng Espiritu. Ang mga kaganapang ito ay naganap lamang makalipas ang maraming siglo."[5]
Ipagpatuloy natin ang talakayan sa susunod na punto.Ang Kahulugan ng mga ekspresyong "Mga Tanda sa Araw, Buwan, at mga Bituin"
Narito ang detalyadong paliwanag mula sa kanilang aklat na, Seventh-day Adventist 28 Fundamental Beliefs, sa pahina 379, tungkol sa literal na interpretasyon ng propesiyang ito:
"Noong Mayo 19, 1780, natupad ang propesiyang ito nang bumalot ang isang pambihirang kadiliman sa hilagang-silangang bahagi ng kontinente ng Hilagang Amerika... Ang dakilang pagbagsak ng mga meteoro noong Nobyembre 13, 1833 — ang pinakamalawak na pagtatala ng pagbagsak ng mga bituin — ang tumupad sa propesiyang ito." (akin ang pagsasalin sa Filipino)
Pinagtibay rin ni Ellen G. White ang literal na pananaw na ito sa kanyang aklat na The Great Controversy:
"Ang Mayo 19, 1780, ay nakatala sa kasaysayan bilang 'Ang Madilim na Araw.' Simula pa noong panahon ni Moises, wala pang naitalang panahon ng kadiliman na may kaparehong tindi, lawak, at tagal. Ang paglalarawan ng pangyayaring ito, ayon sa makata at mananalaysay, ay isang pag-uulit lamang ng mga salita ng Panginoon na naitala ng propetang si Joel, dalawa’t kalahating libong taon bago ito natupad: ‘Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay magiging parang dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.’ [Joel 2:31.]" [6]
Si D.A. Delafield, isang manunulat at ministro ng Seventh-day Adventist church, ay nagsabing nasaksihan mismo ni Ellen G. White ang pagbagsak ng mga bituin noong Nobyembre 13, 1833, nang siya ay limang taong gulang pa lamang:
"Sa parehong gabi ng kanyang pagdating sa Torre Pellice, nasaksihan ni Ellen White ang isang pambihirang pangyayari—isang kamangha-manghang pagbagsak ng mga bituin. Limang taong gulang pa lamang siya noong ‘bumagsak ang mga bituin’ noong Nobyembre 13, 1833, at malamang na tulog siya habang nangyayari iyon. Ngunit hindi niya pinalampas ang pagbagsak ng mga bituin sa buwang ito ng Nobyembre." [7]
Hanggang ngayon, ito pa rin ang paliwanag na ibinibigay ng mga pastor at mga mangangaral ng mga Sabadista tungkol sa mga makalangit na kaganapang ito. Bagamat maraming mga Sabadista ang maaaring hindi alam ito, marami sa mga theologians at scholars din ng mga Sabadista ang hindi na sumusuporta sa literal na interpretasyong ito.
Halimbawa, sa isyu ng The Ministry Magazine noong Setyembre 1998, isang pandaigdigang journal para sa mga pastor ng mga Sabadista, ipinaliwanag ng isang SDA theologian na si Dr. Hans LaRondelle sa kanyang artikulong "Viewpoint: The Application of Cosmic Signs in the Adventist Tradition," na:
"Patuloy na iniuugnay ng mga tagapagpaliwanag na Adventist ang pagdilim ng araw at buwan noong 1780 sa isang makalangit na tanda ng katapusan ng panahon. Gayunpaman, ipinakita ng mga sumunod na ebidensiya na ang pagdilim ay maaaring dulot ng mga sunog sa kagubatan. Ang usok ay tumakip sa araw, na umabot sa lawak na 25,000 square miles sa silangang bahagi ng Hilagang Amerika at Canada. Ang ganitong pangyayaring lokal na tumagal lamang ng ilang oras ay mahirap ituring bilang isang makalangit na kaganapan na inihula sa Bagong Tipan. Inamin nina C. Mervyn Maxwell at iba pa na ang tinatawag na 'madilim na araw' noong Mayo 19, 1780, ay hindi bunga ng direktang pagkilos ng makapangyarihang interbensyon, kundi ng mga likas na sanhi. . . Sa gabi ng Nobyembre 13, 1833, sinabi ng isang tagamasid na 'ang mga bituin ay bumabagsak na parang makakapal na niyebe.' Ang bilang ng pagbagsak ay tinatayang mula 10,000 hanggang mahigit 60,000 meteoro bawat oras. Ang taong 1833 ay itinuturing ngayon bilang simula ng agham sa meteor astronomy. Napansin ng mga tagamasid na lahat ng meteoro ay tila nagmumula sa konstelasyong Leo. . . Sa liwanag ng mga katotohanang ito, ang ilang konserbatibong tagapagpaliwanag na Adventist ay kumbinsidong ang tradisyonal na interpretasyon ng mga makasaysayang kaganapang ito ay nawalan na ng lakas ng panghihikayat. Si Samuele Bacchiocchi, sa The Advent Hope for Human Hopelessness (1986), ay hindi na isinama ang tradisyonal na pananaw tungkol sa 1755, 1780, at 1833. Ang nagkakaisang paniniwala sa loob ng Adventismo ukol sa makahulang kahalagahan ng mga kaganapang ito ay naglaho na. Nawalan ng dating malinaw na ebidensiya ang paniniwala na ang mga kaganapang ito ay mga supernatural na tanda."
Malinaw, samakatuwid, na ang tradisyonal na interpretasyon ng mga Sabadista tungkol sa tinatawag na "supernatural na kosmikong mga palatandaan ng katapusan ng panahon" noong Mayo 19, 1780, at Nobyembre 13, 1833, ay mga kathang-isip lamang ni Ellen G. White at ng mga Sabadista lamang. Sa kabila ng maraming ebidensiyang siyentipiko at mga natural na paliwanag mula sa mga eksperto, marami sa mga nalinlang na mga Sabadista ang patuloy na naniniwala sa mga palatandaang ito hanggang ngayon.
Ang pinakamahalagang punto dito ay hindi ang pag-amin ng kamalian ng mga SDA theologians, kundi ang kredibilidad ni Ellen G. White bilang tunay na propetang sa Diyos. Kung ikaw, ang mambabasa, ay isang Seventh-day Adventist, paano mo pinapayagan ang iyong konsensya na magpamudmod ng isang aklat na naglalaman ng mga kasinungalingang ito sa publiko tulad ng aklat nila na The Great Controversy na naglalaman ng mga kasinungalingang ito na ating pinagusapan? May takot ka pa ba sa Diyos sa iyong puso? Higit pa rito, paano mo ngayon masasabing ang Seventh-day Adventist Church ang tunay na nalabing iglesia ng mga huling araw kung ang iyong propeta, si Ellen G. White, ay isang huwad na propeta? Mayroon bang tunay na iglesia na pinamumunuan at ginagabayan ng isang huwad na propeta? Ito na ang iyong pagkakataon, mahal kong kaibigang Sabadista, na pag-isipan kung mananatili ka ba sa isang iglesia na may huwad na propeta hanggang sa katapusan ng iyong buhay?
Sa wika ng Bibliya, madalas ipahayag na ang kasikatan at kaluwalhatian ng malalaking lungsod ay kumikislap tulad ng mga celestial na katawan. Ang pagbagsak ng isang lungsod ay inilalarawan bilang ang pag-dim ng mga ilaw ng langit. Bilang halimbawa, inilalarawan ng aklat ni Ezekiel ang paghatol at malapit na pagbagsak ng Egipto gamit ang parehong mga celestial na phenomenon.
"At pagka ikaw ay aking nautas, aking tatakpan ang langit, at padidilimin ko ang mga bituin niyaon; aking tatakpan ng alapaap ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag. Lahat na maningning na liwanag sa langit ay aking padidilimin sa iyo, at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain, sabi ng Panginoong Dios." Ezekiel 32:7-8
Talaga ngang hinarap ng Egipto ang kalamidad na inihula ni Ezekiel, ngunit wala ni isang tala na nagpapakita na ang araw, buwan, o mga bituin ay dumilim bilang bahagi ng kaganapang ito. Isipin din kung paano ipinasya ni Isaias ang kapahamakan sa rehiyon ng Edom, na matatagpuan sa katimugang bahagi ng Israel:
"At ang lahat na natatanaw sa langit ay malilipol, at ang langit ay mababalumbong parang isang ikid: at ang buo nilang hukbo ay mawawala na parang dahong nalalanta sa puno ng ubas, at gaya ng lantang dahon ng puno ng igos. Sapagka't ang aking tabak ay nalango sa langit: narito, yao'y bababa sa Edom, at sa bayan ng aking sumpa, sa kahatulan." Isaias 34:4-5
Sa panahong iyon, hindi literal na bumaba ang mga hukbo ng langit sa lupa tulad ng mga dahon ng igos, at hindi rin talagang "ang langit ay mababalumbong parang isang ikid" Gayunpaman, talagang nasira ang Edom. Isipin din ang paghatol na ipinaabot ng Diyos kay Babilonia sa pamamagitan ni Isaias:
"Sapagka't ang mga bituin ng langit at ang mga gayak niyaon, hindi magbibigay ng kanilang liwanag: ang araw ay magdidilim sa kaniyang pagsikat, at hindi pasisilangin ng buwan ang kaniyang liwanag." Isaias 13:10
Upang maunawaan ang kahulugan ng talatang ito, mahalagang isaalang-alang ang takdang panahon. Dahil ang kapighatian, na tumutukoy sa pagkawasak ng Jerusalem, ay nangyari noong 70 AD, nangangahulugan ito na ang mga celestial phenomenon ay magaganap "karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon" Kaya, dapat nating asahan na matutupad ang hulang ng "kadilimang" ito pagkatapos ng mawasak ang Jerusalem noong 70 AD at hindi sa hinaharap.
Ito ang maliwanag na sagot sa argumento ng mga Sabadista na kung ang buong propesiya ni propetang Joel ay natupad lamang sa panahon ng apostol Pedro, bakit hindi dumilim ang araw at buwan, at bakit hindi nahulog ang mga bituin noong panahong iyon?
Ang dahilan ay nakasalalay sa maling inaasahan ng mga SDA hinggil sa katuparan, dahil iniisip nila na ang araw, buwan, at mga bituin ay literal na magdidilim at mahuhulog mula sa langit, na siyempre, hindi nangyari noong panahong iyon! Gayunpaman, ang mga celestial na phenomenon na ipinropesiya ni Joel ay tunay na natupad sa isang simbolikong kahulugan noong unang siglo nang mawasak ang Jerusalem noong 70 AD.
Sa Joel 2, dalawang pangunahing kaganapan ang ipinropesiya:
1.) ang pagbubuhos ng Banal na Espiritu at
2.) ang paghatol at pagwasak ng jerusalem.
Sa kanyang pangangaral, kinumpirma ni Pedro ang pagtupad ng propesiya ni Joel tungkol sa pagbubuhos ng Banal na Espiritu. Kasabay nito, inaasahan din niya ang katuparan ng mga paghuhukom sa Jerusalem dahil sa pagtanggi kay Jesus bilang ang ipinangakong Mesias. Bagama't inaakala niyang mangyayari ito sa loob ng ilang taon pagkatapos ng Pentecostes, ang paghatol na ito ay naantala upang bigyan ng pagkakataon ang mga Judio na magsisi. Gayunpaman, noong 70 AD, ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo ay nagmarka ng katuparan ng mga paghuhukom na inipropesiya ni Joel.
Dapat din maunawaan ng mga Sabadista na ang katuparan ng pagbubuhos ng Banal na Espiritu ay hindi tumutugma sa propetikong ministeryo ni Ellen G. White. Una, dahil ang mga tumanggap ng kaloob ng Banal na Espiritu ay hindi limitado sa isang tao lamang tulad ni Ellen G. White. Ayon sa interpretasyon ni Pedro bilang katuparan ng propesiya ni Joel, hindi isa lamang ang tumanggap kundi lahat ng mga mananampalataya, kapwa lalaki at babae:
"At mangyayari pagkatapos, na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, ang inyong mga matanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip, ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain: At sa mga lingkod na lalake at babae naman ay ibubuhos ko sa mga araw na yaon ang aking Espiritu." (Joe 2:28-29)
Kaya't isang malaking panlilinlang sa mga tao na ituring ang katuparan ng propesiya ni Joel bilang tanging natupad lamang kay Ellen G. White. Sa puntong ito pa lang, masasabi natin nang may katiyakan na si Ellen G. White ay isang huwad na propeta at kaaway ng Diyos dahil sa kasinungalingang ito. Balikan natin ang mapagmalaking pahayag ng mga Adventist tungkol sa kanilang natatanging propeta na kanilang kinikilala:
"Partikular na tinukoy ni Joel na “ang inyong mga anak na lalake at mga anak na babae ay manghuhula” bilang paghahanda para sa “dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon” (Joel 2:28-32). Itinuturing ng mga Seventh-day Adventist na ang kaloob ng propesiya ay ipinakita sa buhay at ministeryo ni Ellen G. White." (akin ang pagsasalin sa Filipino) [8]
Matapos ang pagpanaw ni Ellen G. White, maraming indibidwal ang nag-aangking may katulad na espirituwal na kaloob. Gayunpaman, ang Seventh-day Adventist Church ay hindi nakakita ng sinuman sa kanila bilang tunay na kahalili. Ang pagtanggi na ito ay nagbabangon ng mga katanungan tungkol sa sinseridad ng SDA church sa pagtanggap ng mga bagong propeta. Higit pa rito, ang kawalan ng mga bagong propeta sa SDA Church ay tila sumasalungat sa propesiya ni Joel tungkol sa pagbubuhos ng Espiritu Santo sa lahat ng mananampalataya mga lalake at mga babae. Kung gayon, bakit limitado lamang ang propetikong kaloob sa isang indibidwal sa kasaysayan ng SDA church? Ang mga tanong na ito ay nagpapatunay lamang na ang SDA Church ay hindi isang tunay na representasyon ng tunay na "remnant church" diumano sa mga huling araw.
Ayon sa ginawa nating pagsusuri, napatunayan natin na si Ellen G. White ay isang huwad na propeta dahil sa mga sumusunod na mga katotohanan:
1.) Ang pag-angkin na ang propesiya sa Joel 2:28-32 ay natupad kay Ellen G. White ay hindi totoo. Ang pangyayaring ito ay malinaw na nauugnay sa Pentecostes ayon sa ulat ng Gawa 2 at sa mga unang Kristiyano, hindi sa panahon niya mula 1844 hanggang 1915 taon ng kanyang kamatayan.
2.) Ang interpretasyon ng Seventh-day Adventist Church tungkol sa pagdilim ng araw, buwan, at mga bituin sa Joel 2:30-31 bilang isang literal na pangyayari na naganap sa panahon ng Dark Ages ay hindi tumpak. Ang mga celestial na pangyayaring ito ay karaniwang itinuturing na simbolikong representasyon ng paghatol ng Diyos, gaya ng nangyari sa Jerusalem noong 70 AD.
3.) Ang propesiya sa Joel 2:28-29 ay natupad sa mga unang Kristiyano sa Jerusalem, gaya ng inilarawan sa Aklat ng Mga Gawa 2. Ang pangyayaring ito ay isang pagtupad sa ipangakong Holy Spirit ni Jesus sa lahat ng mga mananampalataya at hindi limitado sa isang indibidwal na tulad ni Ellen G. White (Lucas 24:49; Gawa 1:8; 2:1-4).
CONCLUSION:
Ang propesiya ni Joel 2:28-32 ay natupad sa Pentecostes, na minarkahan ang kapanganakan ng Iglesia at ang pagbuhos ng Espiritu Santo sa mga unang alagad.
Simula noon, ang Banal na Espiritu ay patuloy na tinutupad ang aspetong ito ng "propesiya" sa lahat ng mga mananampalataya, mula sa 120 na mga alagad sa Pentecostes. Maaring magtanong ang mga Sabadista, "Ibig bang sabihin nito ay lahat ng 120 na alagad na naroroon ay tumanggap ng kaloob ng propesiya, na nangangahulugang sila ay naging mga propeta?" Ang sagot ay oo! Ngunit hindi ibig sabihin nito na lahat sila ay naging mga propeta na may kakayahang tumanggap ng mga pangitain at mga panaginip mula sa Diyos. Hindi lahat ng may pangitain at panaginip ay itinuturing na propeta. Kahit ang mga SDA theologians ay kinikilala ito. Ayon sa aklat ng SDA na The Gift of Prophecy, p. 52:
"Sa Bagong Tipan, ang paminsang pagpapahayag ng propesiya ay nangyari nang hindi nangangahulugang ang taong kasangkot ay isang propeta." (akin ang pagsasalin sa Filipino) [9]
Kaya’t ang 120 na alagad ay tumanggap ng kaloob ng "propesiya", kahit na hindi lahat sa kanila ay mga propeta. Kinikilala rin ng mga awtoridad ng mga Sabadista na ang kaloob ng "propesiya" ay ipinagkaloob sa mga 120 na alagad sa pamamagitan ng "pagsasalita ng mga wika" o speaking in tongues. Ito ay pinatutunayan ng SDA Bible Commentary:
"Maghuhula. Ang aplikasyon ni Pedro ng propesiya ni Joel sa kasalukuyang karanasan sa Pentecostes ay tila nag-uugnay ng kaloob ng propesiya sa kaloob ng pagsasalita ng mga wika (tingnan sa Joel 2:28)." [10]
Maari nating itanong sa mga Sabadista kung si Ellen G. White ba ay nagsalita ng mga wika. At bakit naniniwala ang mga Sabadista na ang kaloob ng Banal na Espiritu ay nagpapatuloy pa din sa ating panahon, ngunit tinatanggihan nila ang kasalukuyang pag-iral ng pagsasalita ng mga wika? Ipinapakita nito na pati ang mga Sabadista ay naguguluhan tungkol sa kahulugan ng kaloob ng propesiya, dahil ang kanilang mga teorya tungkol dito ay kulang sa biblikal na suporta.
Pagkatapos ng pagbuhos ng Espiritu sa mga alagad ni Cristo, hinarap ng mga Hudyo ang paghatol ng Diyos, na isinasagisag ng pagdilim ng kanilang mga simbolikong kapangyarihan—ang araw, buwan, at mga bituin. Samantala, nagsimula ang mga Hentil na tumawag sa pangalan ng Panginoon at tumanggap ng kaligtasan, na tinutupad ang Joel 2:32: "Ang sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas." Ang katuparang ito ay nagpapatuloy hanggang ngayon, kahit sa mga Seventh-day Adventists na nagsisisi sa kanilang mga kasalanan at tinatanggap si Jesus bilang kanilang personal na Panginoon at Tagapagligtas, sa kaluwalhatian ng Diyos!