FEATURED POST

MAY KINALAMAN BA SA HULA NI ELLEN G. WHITE ANG WILDFIRE SA LOS ANGELES CALIFORNIA USA?

Trending ngayon sa balita ang nagaganap na wildfire sa Southern California, kung saan maraming buhay ang nawala at maraming tao ang nawalan ...

MOST POPULAR POSTS

Monday, January 13, 2025

MAY KINALAMAN BA SA HULA NI ELLEN G. WHITE ANG WILDFIRE SA LOS ANGELES CALIFORNIA USA?


Trending ngayon sa balita ang nagaganap na wildfire sa Southern California, kung saan maraming buhay ang nawala at maraming tao ang nawalan ng mga bahay at ari-arian. Ngunit hindi iyan ang ating pag-uusapan ngayon, kundi ang mga trending na posts ng mga Sabadistang panatiko na kulang sa aral. Inaangkin at ipinagmamalaki nila na ang nagaganap na wildfire sa Los Angeles, California ay naihula na diumano ng kanilang kinikilalang propeta ng Seventh-day Adventist Church na si Ellen G. White.

TOTOO BA O FAKE NEWS?

Para sa akin, ito ay fake news na gawa lamang ng sobrang reaksyon ng ilang Sabadista, dala ng excitement at kakulangan sa kaalaman, at hindi bunga ng maingat at objective na pag-aaral.

Una sa lahat, hindi na bago ang ganitong usapin. Noong naganap ang September 11, 2001 attack ng mga Muslim extremist sa World Trade Center sa New York City, USA, muling kumalat ang tsismis mula sa ilang hindi aral at panatikong Sabadista na ito raw ay katuparan ng hula ni Ellen G. White. Sa kasamaang palad, ang fake news na ito ay kusang namatay nang lumabas ang pahayag mula sa Ellen White Estate—ang institusyong itinatag mismo ni Ellen G. White upang pangalagaan at suriin ang tamang interpretasyon ng kanyang mga isinulat. Tinanggihan ng Estate ang ganitong maling paliwanag ng mga excited at hindi aral na Sabadista, na pilit sinusubukang patunayan, sa limitadong antas ng kanilang pag-iisip, na si Ellen White ay tunay na propeta ng Diyos.

Narito ang opisyal na pahayag ng Ellen G. White Estate noon, sa pamamagitan ni William Fagal, dating Direktor ng institusyon, na binanggit niya sa aklat na 101 Questions - About Ellen White and Her Writings:

"Sa Volume 9 ng Testimonies for the Church, isinulat ni Ellen White ang tungkol sa pagsunog ng mga gusali, at pagkatapos ng 9/11, nakatagpo ang aking iglesia ng mga polyeto na nagsasabing nakita raw niya sa isang pangitain ang nangyari sa bansa noong araw na iyon... Mayroon akong kaibigan na labis kong nirerespeto—kabilang na ang malalim niyang kaalaman sa mga sulat ni Mrs. White—na naniniwala na nakita ni Mrs. White sa pangitain ang pagkawasak ng World Trade Center. Ngunit kailangan kong magkaiba kami ng opinyon. Bagamat may ilang kahalintulad na pangyayari sa pagitan ng mga kaganapan noong Setyembre 11 at ng isinulat ni Mrs. White sa mga pahina 12 at 13 ng volume 9 ng Testimonies, may mga malinaw ding pagkakaiba. ... Higit pa rito, hindi man lang inangkin ni Mrs. White na ang mga gusaling nakita niya sa pangitain ay matatagpuan sa New York; sinabi lamang niyang siya ay nasa New York nang magkaroon siya ng pangitain. Sa aking pananaw, ang mga ito ay mga piraso ng impormasyon na hindi umaayon sa mga kaganapan ng 9/11. Sa palagay ko, kinakailangan ng mga tao na maghanap ng malikhaing paliwanag upang maitugma ang mga pangyayaring iyon sa mga paglalarawan ni Mrs. White. [1]

Kahit Sabadista pa ako noong 2001 nang mangyari ito, hindi ko kaagad tinanggap ang mga fake news na ikinakalat ng ilan kong mga kaibigang Sabadista. Kinailangan ko munang suriin ito at hanapin ang opisyal na paliwanag ng Ellen G. White Estate. Kinikilala ko noon na sila ang mas may access sa mga isinulat ni Ellen G. White at mas may kaalaman at awtoridad na magpaliwanag, dahil sila ang tagapag-ingat ng kanyang mga akda.

At tama nga, hindi kinilala ng mga opisyal ng Sabadista na katuparan ito ng hula ni Ellen G. White. Sa huli, nanahimik na lang ang mga hindi aral at panatikong miyembro na nagpakalat ng mga maling impormasyon.

Sa kasamaang palad, hindi natututo ang ilang hindi aral at panatikong Sabadista. Paulit-ulit nilang ginagawa ang pagpapakalat ng fake news nang hindi nag-iisip at nag-iingat. Ang mas nakakalungkot pa, nang humupa na ang usapin tungkol sa fake news ng World Trade Center, nanahimik na lang sila nang walang kahit anong pag-amin o pagsisisi sa kanilang maling ginawa. Karaniwan na sa kanila ang maghintay lamang na makalimutan ng mga tao ang kahihiyang dulot ng kanilang mga maling pahayag. Kung gaano sila katapang sa pagpapalaganap ng balitang mali, ganoon naman sila kabilis tumahimik kapag napatunayang mali sila.

Mas maganda sana kung nagpakita sila ng katapatan at lakas ng loob na humarap sa publiko upang humingi ng paumanhin sa kanilang “false prophecy.” Ngunit, sa halip na magsisi, tila tradisyon na sa kanila ang pagtatakip sa kanilang mga pagkakamali.

Hindi na ito bago. Sa kanilang kasaysayan noong 1840s, matapos mabigo ang inaasahang pagbabalik ni Jesus noong October 22, 1844, hindi sila nagpakumbaba ni humingi ng tawad. Sa halip, pilit nilang tinakpan ang pagkakamali para lamang hindi aminin na nagkamali sila. Samantala, si William Miller, ang lider ng kilusang iyon, nagpakita ng tunay na Kristiyanong katangian—umamin siya sa kanyang maling kalkulasyon at interpretasyon ng Bibliya. Subalit si Ellen White at ang mga sumunod sa kanya ay piniling takpan ang pagkakamali kaysa aminin ito. Iyan ang malaking pagkakaiba ng isang mapagpakumbabang Kristiyano at ng mga panatikong tagasunod.

Ngayon, pagpasok ng taong 2025, isa na namang fake news ang ikinakampanya ng ilang hindi aral at panatikong Sabadista. Ito ay tungkol sa mga nagaganap na wildfire sa southern bahagi ng Los Angeles, California. Sunod-sunod ang mga post ng mga ito sa social media, na nagsasabing ang mga kaganapan daw na ito ay katuparan ng sinabi ni Ellen G. White noong 1906.

"Chicago at Los Angeles

Mga tagpong magaganap sa Chicago at iba pang malalaking lungsod ang ipinakita sa akin. Habang dumarami ang kasamaan at inalis ang nagpoprotektang kapangyarihan ng Diyos, nagkaroon ng mapanirang mga hangin at bagyo. Ang mga gusali ay nasira sa sunog at gumuho dahil sa lindol. . . Katulad na babala ang ibinigay patungkol sa pagtatayo sa Los Angeles. Paulit-ulit akong pinaalalahanan na hindi tayo dapat maglaan ng malaking pondo para sa pagpapatayo ng magagarang gusali sa mga lungsod." (The Paulson Collection of Ellen G. White Letters, 50 (1906)).

Ang tanong ko sa mga Sabadistang hindi aral at panatiko na mabilis magpost nang hindi muna nag-iisip o nagsusuri:

1. Nabasa mo ba nang maigi ang mga pangungusap na sinisipi mo diyan?

2. Inunawa mo ba nang mabuti ang bawat detalye tungkol sa mga maaaring maganap sa Los Angeles dahil sa kanilang marangyang pamumuhay?

3. Baka naman nagpadalos-dalos ka lang, kaibigang Sabadista, at dahil lang sa nabasa mong salitang “Los Angeles” at sa timing ng trending na wildfire ngayon sa Los Angeles, California, agad-agad mo nang ikinonekta ito sa sinabi ni Ellen G. White noong 1906?

Una sa lahat, hindi lamang sunog ang nabanggit sa siniping pahayag na maaaring magdulot ng kapahamakan. Kasama rin dito ang “mapanirang hangin” (ipo-ipo), “bagyo,” at “lindol.”

"nagkaroon ng mapanirang mga hangin at bagyo. Ang mga gusali ay nasira sa sunog at gumuho dahil sa lindol."

Ayon sa mga balita sa TV, apoy lamang ang tumupok sa southern part ng Los Angeles, California. Kahit may malakas na hangin, ito’y normal lamang dahil mataas ang lugar na tinamaan, sa bandang kabundukan kung saan karamihan ay mga mayayaman at artista ang nakatira. May nabalitaan ba tayo na nagkaroon ng ipo-ipo, bagyo, o lindol doon? Wala, di ba? Gising naman, mga Sabadista!

Pangalawa, ang binabanggit ni Ellen G. White na mapapahamak sa malakas na ipo-ipo, bagyo, apoy at lindol ay ang mga gusali o matataas na building sa lunsod ng Los Angeles hindi sa mga residential houses ng mga artista sa Hollywood na nasa kabundukan!

Katulad na babala ang ibinigay patungkol sa pagtatayo sa Los Angeles. Paulit-ulit akong pinaalalahanan na hindi tayo dapat maglaan ng malaking pondo para sa pagpapatayo ng magagarang gusali sa mga lungsod."

Pangatlo, isa na namang “Great Disappointment” ang nangyari para sa mga Sabadista. Damay ba pati ang mga lider, pastor, at maging ang Ellen G. White Estate sa kalokohang ito? Opo, damay din ang mga nakaluklok at nagpapayaman na pastor nila. Bakit? Kasi wala man lang silang ginagawang programa o hakbang para pigilan ang pagkalat ng kasinungalingan ng kanilang mga miyembro. Hinahayaan lang nila hanggang sa lumaki ang problema.

At kapag lumaki na nga ang problema, saka pa lang sila maglalabas ng opisyal na pahayag. Dapat sana, maagapan nila ito agad. Bigyan nila ng babala ang kanilang mga miyembro sa mga church gatherings at sa social media upang maiwasan ang ganitong mga kalokohan.

Sa totoo lang, kahit noong buhay pa si Ellen G. White, marami nang tsismoso at tsismosang Sabadista na kanyang sinasaway kaugnay sa maling interpretasyon at pagpapakalat ng mga pahayag niya tungkol sa mga mangyayari. Lalo na ngayon sa ating panahon, patuloy pa rin ang ganitong gawain. Ganito ang naging pagtutuwid ni Ellen G. White noon sa mga tsismosang Sabadista:

"Mula nang mangyari ang lindol sa San Francisco, maraming mga tsismis ang kumalat tungkol sa mga pahayag na ginawa ko. May mga nagsabi na habang nasa Los Angeles ako, sinabi ko raw na nahulaan ko ang lindol at sunog sa San Francisco, at ang Los Angeles ang susunod na magdurusa. Ito ay hindi totoo."[2] 

Sino ang dapat sisihin at managot sa Diyos sa Araw ng Paghuhukom dahil sa paulit-ulit na pagpapakalat ng mga kasinungalingang ito sa social media, sa layuning patunayan na si Ellen G. White ay tunay na propeta ng Diyos?

a.) Ellen G. White?

b.) Mga Pastors at Leadership?

c.) Mga hindi aral na mga ordinary members lamang?

Ang sagot para sa akin ay lahat ng nabanggit. Lahat sila ay mananagot sa Diyos sa Araw ng Paghuhukom. Una, si Ellen G. White, bilang isa sa mga nagtatag ng SDA Church, ay hindi kailanman nag-repent o humingi ng tawad mula sa kanyang mga kasalanan, tulad ng mga maling hula niya, tulad ng pagsasara ng pintuan ng awa noong October 22, 1844, at ang paniwala na wala nang kaligtasan para sa mga hindi naniwala sa kanilang aral. Kahit alam niyang nagkamali siya, hindi siya humingi ng paumanhin sa Diyos at sa mga napaniwala niya, bagkus pinagtakpan pa niya ito. Kasama na rito ang kanyang maling hula tungkol sa literal na pagdilim ng araw at buwan noong May 19, 1780, na ayon sa mga siyentipiko ay dulot ng mga historical forest wildfire sa Canada. Gayundin, ang kanyang pahayag tungkol sa paghulog ng mga bituin noong November 13, 1833, na tinatawag ng mga eksperto na “The Great Meteor Showers,” at hindi mga literal na bituin tulad ng inisip ni Mrs. White. Maraming SDA scholars din ang naniniwala rito, ngunit hindi ayon sa paliwanag ni Mrs. White.

Pangalawa, mananagot din ang mga lider ng SDA Church dahil kahit alam nilang maraming maling propesiya si Ellen G. White, patuloy pa rin nilang pinapalusot at tinatago ang mga kamalian sa mga aral niya. Ginagawa nila ito upang manatiling secure sa kanilang mga trabaho at kabuhayan. Dahil dito, madali nilang napapaniwala ang karamihan sa kanilang mga miyembro, na kadalasan ay hindi aral, at pinapaniwalaan nila na si Mrs. White ay tunay na propeta ng Diyos.

At pangatlo, mananagot din sa Diyos ang mga miyembro ng SDA Church dahil umaasa na lamang sila sa mga pag-aaral at turo ng kanilang mga pastor at lider. Hindi sila mahilig mag-aral ng Bibliya nang personal, hindi tulad ng mga Kristiyano sa Berea noong panahon ni Pablo. Bukod sa pakikinig sa mga turo ni Pablo, matiyaga pa silang nagsasaliksik sa Kasulatan at kinukumpara ito sa kanilang narinig na turo upang tiyakin kung tama nga ba ang kanilang natutunan (Acts 17:11).

Conclusion:

Pinopost ng mga hindi aral at panatikong Sabadista ang kakaunting kaalaman nila na sa pakiramdam lang nila ay totoo, ngunit sa huli, saka lang nila malalaman na fake news pala. Sa isang banda, maganda naman ang hangarin ng mga Sabadistang nagpapakalat ng fake news sa publiko, na layunin nilang magbalik-loob ang mga tao na nalulunod na sa mundong makasalanan. Ginagamit nila ang mga kasalukuyang pangyayari bilang scare tactics upang magbalik-loob na sa Diyos. Ngunit, hindi maikakaila na ang layunin ay hindi nagiging tama kung nakabatay ito sa kasinungalingan.w

Ang masasabi ko lang sa mga Sabadista, kung ang layunin nila ay magbigay-babala sa mga tao na magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos, sana’y mag-ingat din sila sa pagpapakalat ng kasinungalingan. Para sa akin, ang mga babala nilang ito ay maaaring magsilbing babala din sa mga hindi Sabadista na hinihikayat nilang maging miyembro ng SDA Church. Mag-isip nang mabuti bago sumama sa SDA Church dahil sa simula pa lang, kitang-kita na ang isa sa mga nagtatag nito, si Ellen G. White, ay napatunayan na isang bulaang propeta dahil sa kanyang mga maling propesiya. Ganun din, ang mga pastor at lider ng SDA Church ay kumikita ng salapi sa pamamagitan ng mga miyembro nila, at nagtutulungan sila upang itago at pagandahin ang imahe ni Ellen G. White, kaya pinipilit nilang paniwalaan ng mga tao na tunay na iglesia ang SDA Church. Ngunit sa katotohanan, hindi ito isang tunay na iglesia dahil ang kanilang gabay ay isang bulaang propeta. Mark my word mga kaibigan, may lalabas na statement muli ang Ellen White Estate na magtatanggi ulit sa fake news na ipinapakalat ng mga hindi aral na mga Sabadista tungkol diumano sa wildfire sa Los Angeles, California. Pag nangyari ito tiyak mananahimik na naman ang mga nag-iingay na ito ngayon sa social media pero hanggang kelan kaya nila lolokohin na lang ang kanilang mga sarili?

Sources

[1] William A. Fagal, 101 Questions - About Ellen White and Her Writings, (Pacific Press Publishing Association , 2010), 114.

[2] Ellen Gould White, Life Sketches of Ellen G. White, (Mountain View, CA: Pacific Press Publishing Association, 1915), 411.

1 comment: