FEATURED POST

"PAGLALANTAD SA MGA KASINUNGALIAN NI PASTOR BJORN CAPIENDO AT JOHNSON AMICAN TUNGKOL SA “THREE HOLIEST BEINGS” NI ELLEN G. WHITE!"

Ang live na episode ng 'Katotohanan' sa Hope TV kung saan tinalakay nina Johnson Amican at Pastor Bjorn Capiendo ang konsepto ng Tri...

MOST POPULAR POSTS

Thursday, February 18, 2021

NASAAN KAYA NGAYON SI BRO. ELISEO SORIANO?


Una sa lahat ay nais kong ipaabot ang aking taos pusong pakikiramay sa pamilyang naulila ni bro. Eliseo Soriano sa kanyang pagpanaw. Ganun din para sa mga kaanib na Members Church of God, International na mas kilala sa tawag na Ang Dating Daan na pangalan ng kanilang program sa radio at telebisyon. Naka debate ko din sya noon ng dalwang beses nung ako ay nasa Saksi ni Jehova pa. Madalas ko din siya makakuwentuhan noon sa DZME radio station dahil magkasunod lang ang aming programa noon sa radio. Naging guest din ako sa kanyang programa sa IBC 13, "SRO on Target."  

Iba't-ibang pananaw ang nakikita ko sa mga social media sites tungkol sa kanyang pagpanaw. Maraming nagulat. May ilan na natuwa. May nagsasabing siya ay nasa impierno na. Ang iba naman ay nagsasabing nasa piling na sya ng Panginoon sa langit. 

Ngunit saan nga ba? Kung si bro. Soriano ang tatanungin, naniniwala siya na kapag ang isang taong namatay ay matuwid, ang kanyang kaluluwa ay pinagpapahinga ng Diyos sa "ilalim ng altar" sa langit hanggang paghuhukom (Apoc. 6:9). Kung suwail naman ang namatay, ay kinukulong muna ang kaluluwa niya sa bilangguan  ng mga espiritu (1 Ped. 3:20). [i] Hindi din siya naniniwala na pupunta agad ang kaluluwa ng namatay sa langit o impierno dahil ito ay magaganap pagkatapos ng paghuhukom. [ii]

Kung ako naman ang tatanungin, hindi ko din alam kung nasaan siya naroroon ngayon. Wala sa ating mga tao ang kaalaman na yan. Tanging Diyos lamang ang tiyak na makakapagsabi dahil Siya lamang ang may-ari at lumikha ng ating buhay. Nasa kamay ng Diyos ang pagpapasiya:

“Nasa kamay niya ang kaluluwa ng bawa't bagay na may buhay, At ang hininga ng lahat ng mga tao.” Job 12:10


Nalalaman din ng Diyos kung hanggang ilang taon lamang ang itatagal ng bawat isa sa atin dito sa mundo:

“Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang. Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.”  Salmo 139:16, ASND


Kaya ang anumang mga nababasa natin sa social media tungkol sa huling hantungan ni bro. Eli Soriano ay puro mga kathang isip lamang ng mga tao at nakadepende kung ano ang dating sa kanila ng kanyang pamamaraan ng pangangaral. 

Ang nakita kong pinakamalapit na sitwasyon sa puntong ito ay tungkol sa tanong ni Jesus na may kaugnayan sa kamatayan at kasalanan. Basahin natin ang Lucas 13:1-5:

“May ilang tao roon na nagbalita kay Jesus tungkol sa mga taga-Galileang ipinapatay ni Pilato habang naghahandog sila sa templo . Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang akala ba ninyo ay mas makasalanan sila kaysa sa ibang mga taga-Galilea dahil sa nangyari sa kanila? Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo. Katulad din ng 18 taong nabagsakan ng tore ng Siloam at namatay. Ang akala ba ninyo ay higit silang makasalanan kaysa sa ibang mga taga-Jerusalem? Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo.” Lucas 13:1-5, ASND


Ang pangunahing issue na nais ituwid ni Jesus dito ay tungkol sa maling paniniwala na ang mga nangyayaring mga aksidente at mga malulupit na kamatayan ng mga tao ay kaparusahan ng Diyos dahil mas malaki ang kanilang mga kasalanan. Tulad ng binanggit ni Jesus na mga taga-Galileang ipinapatay ni Pilato habang naghahandog sa templo habang sumasamba. Para sa mga Pariseo, ito ay parusa ng Diyos at nararapat lang mangyari sa kanila dahil sa kanilang pag rebelde laban kay Pilato. Para naman sa mga Zealots, isang sekta ng mga Judio na mga anti-Roman terrorists, yung 18 taong nabagsakan ng tore ng Siloam at namatay ay parusa o ganti ng Diyos dahil sa kanilang pakikipagkaisa sa Roma.

Hindi dapat sisihin ang mga pinatay na mga taga Galilea o maging ang 18 tao na nabagsakan ng tore sa sinapit nila. Kung ang isang tao ay namatay sa aksidente o malubhang sakit o kaya naman ay himalang nakaligtas ay hindi kailanman sukatan kung ang isa ay mas matuwid o mas makasalanan. Isang mapait na katotohanan na ang tao ay namamatay. Una-unahan lang yan sabi nga ng iba. Hindi rin dito ipinaliwanag n Jesus ang dahilan kung bakit nangyayari ang mga sakunang ito. Sa halip, dalawang beses nyang sinabi na, 

"Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo." 

Hindi niya sinabi ito upang idiin ang pagiging makasalanan ng mga namatay sa sakuna, kundi upang paalalahanan tayo na pagsisihan na ang ating mga kasalanan habang tayo ay nabubuhay pa upang maging handa tayo sa araw ng paghuhukom kung sakali anytime binawian tayo ng buhay anumang oras. Ito na ang pagkakataon upang ang bawat isa ay makagsisi at magbalik-loob sa Diyos na buhay. This is our last chance, wala na po tayong second chance matapos tayong mamatay:

“Itinakda sa mga tao ang mamatay nang minsan at pagkatapos nitoʼy ang paghuhukom ng Dios.” Hebreo 9:27, ASND


Ang tanong natin ngayon ay ito: Matitiyak ba natin, ngayon pa lang, kung ano ang ating magiging destinasyon kung tayo ay mamatay? Kapag namatay ako ngayon, makakasigurado ba ako ay makakarating sa piling ng Diyos sa langit? Oo naman, maliwanag na turo ng Biblia yan. Una, bago mamatay ang isang kriminal na nakabayubay sa krus katabi ni Cristo ay nakapagsisi siya sa kanyang kasalanan at sumampalataya siya kay Jesus ng mukhaan habang naghihingalo:


“Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!” Pagkatapos ay sinabi niya, “Jesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo.” Sumagot si Jesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.” Lucas 23:41-43, ASND


Habang buhay pa at naghihingalo ang taong ito ay binigyan na siya ng katiyakan ng Panginoon na sa langit siya paroroon kasama ni Jesus. Hindi kailangang mamatay ka muna o naghihingalo na sa kamatayan, bago mo pa malaman kung saan ang destinasyon mo. Ngayon pa lang, kahit ngayon sa mga oras na ito kung magsisisi ka sa iyong mga kasalanan at magbalik loob ka sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap kay Jesus bilang iyong personal na Panginoon at Tagapagligtas by faith ay maliligtas ka din at marereconcile sa Diyos bilang Kanyang anak:

“Datiʼy kaaway tayo ng Dios, pero ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At ngayong mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios, tiyak na ililigtas niya tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng buhay ni Cristo. Hindi lang iyan, nagagalak tayo sa relasyon natin sa Dios ngayon dahil sa ginawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Naibalik na ang magandang relasyon natin sa Dios dahil sa kanya.”

Roma 5:10-11, ASND


Nangako din si Jesus na ngayon pa lang, kapag sumampalataya ka sa kanya, ay nakalipat ka na mula kamatayan hanggang buhay na walang hanggan:

“Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumusunod sa aking mga salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan sapagkat inilipat na nga siya sa buhay mula sa kamatayan. “ Juan 5:24, ASND


Ngayon pa lang habang tayo ay nabubuhay pa sa mundong ito na kay Cristo, ay may buhay na walang hanggan na tayo ayon mismo kay Jesus. Ibig sabihin nito, kahit na mamatay tayo anumang oras, habang tayo ay na kay Cristo, hindi kamatayan ang ating katapusan. Nangako si Jesus na ang "sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Juan 3:16). At nangako pa ni Jesus,

“Sapagkat kalooban ng aking Ama na ang lahat ng kumikilala at sumasampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko silang muli sa huling araw.” Juan 6:40, ASND


Maging ang mga sinaunang mga Cristiano noong panahon na sinusulatan ni apostol Juan ay natitiyak nila na sila ay mayroon ng buhay na walang hanggan dahil sa pananampalataya nila kay Cristo:

“Isinusulat ko ito sa inyo na mga sumasampalataya sa Anak ng Dios upang malaman ninyong mayroon kayong buhay na walang hanggan.” 1 Juan 5:13, ASND


Kaya kung ang isang nagsising kriminal na nakabayubay sa krus ay nakatanggap agad ng buhay na walang hanggan at katiyakan ng kaligtasan habang nabubuhay pa dahil sa pananampalataya kay Jesus, paano pa kaya tayo?


Conclusion:

Muli, ang tanong natin ay "Nasaan kaya ngayon si bro. Eliseo Soriano?" Ang sagot ko ay hindi ko alam. Tanging Diyos lang ang nakakaalam ng kanyang magiging kapalaran. Nasa Diyos ang pasya kung ano ang hatol niya kay brod Eli Soriano. Hahatulan tayo ng Diyos ayon sa motibo at mga lihim ng ating puso:

"Pinatutunayan ito ng kanilang konsensya, dahil kung minsaʼy inuusig sila nito at kung minsan namaʼy ipinagtatanggol. At ayon sa Magandang Balita na itinuturo ko, ang konsensya ay pagbabatayan din sa araw na hahatulan ng Dios, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang lahat ng lihim ng mga tao.” Roma 2:15-16, ASND


Ipaubaya na lang natin sa Diyos na nakakaalam ng lahat ng mga bagay ang kapalaran ni brod. Eli Soriano. Kung sakali man makarating ako ng langit balang araw at makita ko so bro. Eli Soriano, ay matutuwa at magagalak akong siya ay aking salubungin.

Ang mas magandang tanong siguro ngayon ay hindi, "Nasaan kaya ngayon si bro. Eli Soriano?" Kundi, "Kapag ako ay binawian na ng buhay ngayon,  makakatiyak ba ako sa langit?"


References:

[i]  Eli Soriano,  "Ano ang ginagawa ng Panginoon sa mga kaluluwa ng mga taong patay na?"Youtube link: https://youtu.be/vfKSupm0owg [Ang Dating Daan, Oct. 28, 2017]

[ii] Eli Soriano, "Saan mapupunta ang kaluluwa ng isang taong namatay na?"Youtube link: https://youtu.be/EIa7bFYjRR8 [Ang Dating Daan, Oct. 27, 2017]






No comments:

Post a Comment