Friday, August 18, 2023

PAANO UUNAWAIN ANG HULA NI CRISTO SA MATEO 24? (PART 3)



Mateo 24:14: Pangangaral ng Ebanghelyo

Paano naman ang Mateo 24:14?

“At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas.” (Matthew 24:14, Tagalog AB)

    Kung ikaw ay nasanay sa ilalim ng futurist na pananaw, alam mo na ang talatang ito ay madalas na sinisipi upang hikayatin ang mga Kristiyano na makibahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa buong mundo upang makabalik na muli si Jesu-Kristo.

    Ipakikita namin sa inyo ang isa pang paraan upang maunawaan ang kasulatang ito. Sinabi ni Jesus na ang lahat ng mga pangyayari na Kanyang binanggit ay magaganap sa henerasyong iyon. Kung paniniwalaan natin ang mga salita ni Jesus, dapat nating tingnan kung paano natupad ang talatang ito noong unang siglo.

    Sa anumang seryosong pag-aaral ng Banal na Kasulatan ay dapat gamitin ang mga pangunahing prinsipyo ng pag-aaral ng Bibliya, at ang isa dito ay basahin muna ang iba pang mga talata sa Bibliya na nagsasalita din tungkol sa parehong mga paksa bago gumawa ng anumang mga konklusyon tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng isang talata. Sa ganitong paraan, kinahayaan natin ang Bibliya na magpaliwanag sa kanyang sarili, upang maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan dahil sa pansariling mga unawa at impluwensya ng kultura.

    Halimbawa, para maunawaan natin ang Mateo 24:14, makatutulong na malaman muna natin kung may iba pang mga talata sa Bibliya na nagsasabi tungkol sa ebanghelyo na ipinangangaral sa buong mundo. Kung gagawin mo ito, matutuklasan mo na may limang talata na tumatalakay sa paksang ito. Ang lahat ng limang talatang ito ay naghahayag sa atin kung paano ipinangaral ang ebanghelyo sa lahat ng bansa sa loob ng henerasyon ng mga apostol. Tingnan natin ang limang mga talatang iyon.

Una, suriin ang mga salita ni Pablo sa Roma 1:8:

“Kaunaunahan, ay nagpapasalamat ako sa aking Dios sa pamamagitan ni Jesucristo tungkol sa inyong lahat, na ang inyong pananampalataya ay bantog sa buong sanglibutan.” (Romans 1:8, Tagalog AB)

    Ang kanilang pananampalataya ay ipinahahayag—sa panahon ni Pablo—sa buong mundo. Nilinaw pa ito ni Pablo sa Roma 10:18:

“Datapuwa't sinasabi ko, Hindi baga sila'y nangakinig? Oo, tunay nga, Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa, At ang kanilang mga salita'y hanggang sa mga dulo ng sanglibutan.” (Romans 10:18, Tagalog AB)

Sinabi ito muli ni Pablo sa Roma 16:25-26:

“At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan. Datapuwa't nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ayon sa ipinagutos ng Dios na walang hanggan, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang magsitalima sa pananampalataya:” (Romans 16:25-26, Tagalog AB)

Sinabi sa atin ni Pablo ito muli sa Colosas 1:5-6:

“Dahil sa pagasa na natataan para sa inyo sa langit, na nang una ay inyong narinig sa salita ng katotohanan ng evangelio, Na ito'y dumating sa inyo; gayon din naman kung paano sa buong sanglibutan na namumunga at lumalaganap, gaya rin naman sa inyo, mula nang araw na inyong marinig at maalaman ang biyaya ng Dios sa katotohanan;” (Colossians 1:5-6, Tagalog AB)

    Muli, ang ebanghelyo ay nagbunga sa buong mundo—sa kapanahunan ni Pablo. Sa wakas, tingnan natin ang pinakamalinaw na pahayag na ginawa ni Pablo sa paksang ito:

“Kung tunay na kayo'y mamamalagi sa pananampalataya, na nababaon at matitibay, at di makilos sa pagasa sa evangelio na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit; na dito akong si Pablo ay ginawang ministro.” (Colossians 1:23, Tagalog AB)

Hindi ba mas malinaw itong sinabi ni Paul? Ang ebanghelyo ay ipinahayag “sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit.”

    Habang binabasa ninuman ang mga talatang ito ay maaaring magtaka sila kung ang mga salitang "buong mundo," "mga wakas ng mundo," "buong mundo," at "lahat ng mga nilalang sa silong ng langit," ay talagang literal na nangangahulugan ng buong mundo sa paraang nauunawaan natin ngayon. Ang ilan ay maaaring magtanong kung an salitang "mundo" ay maaaring mangahulugang "mundo" ayon sa pagkaunawa ng mga alagad sa kanilang kapanuhan noon na sakop ng Imperyo lamang ng Roma.”

    Sa mga talatang ito, mayroong dalawang magkaibang salitang Griyego na isinalin sa salitang “mundo.” Ginamit ni Pablo ang salitang Griyego na kosmos sa Roma 1:8 at Colosas 1:6. Ang salitang kosmos ay maaaring isalin bilang "mundo" o "lupa," ngunit kabilang dito ang buong mundo. Ang iba pang salitang Griyego para sa mundo ay oikumene, na maaaring isalin bilang "tinatahanang lupa" o "sibilisadong lupa." Ginamit ni Pablo ang salitang ito sa Roma 10:18 nang ipahayag niya na ang Salita ay lumabas “hanggang sa mga dulo ng mundo.” Ginamit din ni Jesus ang salitang ito, oikumene, sa Mateo 24:14. Kaya naman, nauunawaan natin na ang Kanyang orihinal na deklarasyon ay na ang mga disipulo ay magkakaroon ng panahon upang ipangaral ang ebanghelyo ng kaharian sa sibilisadong mundo.

    Kahit paano natin tignan ito, ang mga salita ni Jesus ay natupad sa henerasyon ng mga unang disipulo. Binaligtad nga nila ang mundo.

    Matapos nilang matagumpay na maipangaral ang ebanghelyo, sinabi ni Jesus, “at kung magkagayon ay darating ang wakas” (Mat. 24:14). Anong katapusan ang tinutukoy Niya? Tandaan, sinasagot Niya ang kanilang tanong, “Kailan mawawasak ang Jerusalem at ang Templo?” Iyan ang “katapusan” na tinutukoy ni Jesus. Sa katunayan, ang pagkawasak na iyon ang sumunod na binanggit ni Jesus.

Mateo 24:15-20: Babala ng Pagkawasak

    Sinabi ni Jesus sa mga disipulo na pagkatapos nilang matagumpay na maipangaral ang ebanghelyo, kailangan nilang maging handa na tumakas mula sa Judea dahil malapit nang mangyari ang pagkawasak.

“Kaya nga pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na sinalita sa pamamagitan ng propeta Daniel, na natatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa), Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea: Ang nasa bubungan ay huwag bumaba upang maglabas ng mga bagay sa loob ng kaniyang bahay: At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal. Datapuwa't sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso sa mga araw na yaon! At magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man:” (Matthew 24:15-20, Tagalog AB)

    Ang mga Kristiyanong nasanay sa futurist na pananaw ay naniniwala na ang talatang ito ay matutupad sa hinaharap, bago ang katapusan ng mundo. Karaniwan, inaakala nila na ang kasuklam-suklam na paninira bilang ang antikristo na lalakad sa Templo (isa na itatayo sa malapit na hinaharap) sa Jerusalem, magtatayo ng isang imahen para sa kanyang sarili, at ihahayag ang kanyang sarili bilang Diyos. Ang pangyayaring iyon ay inaakalang dyan magsisimula ng isang kakila-kilabot na pandaigdigang kapighatian.

    Upang maunawaan ang talatang ito mula sa pananaw ng partial preterist, tandaan na si Jesus ay nagsasalita tungkol sa mga kalunos-lunos na pangyayari na mangyayari hindi sa buong mundo, kundi doon mismo sa Jerusalem at sa nakapalibot na lugar ng Judea. Alam natin ito dahil nakikipag-usap Siya sa Kanyang mga disipulo at sinasagot ang kanilang tanong tungkol sa kung kailan mawawasak ang Jerusalem at ang Templo. Sinabi ni Jesus na kapag ang kasuklam-suklam na paninira (na tutukuyin natin mamaya) ay nakatayo sa banal na dako, ang mga tao “sa Judea” ay tatakas sa mga bundok. Hindi niya sinabi na ang mga tao sa buong mundo ang dapat tumakas.

    Dagdag pa, alam natin na tinutugunan lamang ni Jesus ang Kanyang babala para sa mga Hudyo, dahil binalaan Niya ang mga tao na manalangin na ang kanilang pagtakas ay hindi sa Sabbath—isang babala na partikular na nauugnay lamang sa mga Hudyo, dahil iniingatan nila ang Sabbath upang huwag silang magtrabaho o tumakbo—kahit na may trahedya.

    Gayundin, sinabi Niya na ang mga tao na nasa sa kanilang mga bubungan ay hindi na dapat pumasok pa sa kanilang mga bahay upang kunin ang kanilang mga ari-arian; ito ay nagpapahiwatig na Siya ay nagsasalita tungkol sa mga tao na naninirahan sa rehiyon na iyon ng mundo, dahil ang mga bahay sa Jerusalem ay itinatayo paraan na kung saan ang mga tao ay maaaring magtipon sa kanilang mga bubong. Walang sinasabi sa babala ni Jesus tungkol sa mga taong naninirahan sa labas ng Judea. Si Jesus ay nagsasalita tungkol sa isang kakila-kilabot na mangyayari sa lugar ng Judea, at walang anuman sa mg talata na nagpapahiwatig na ito ay isang pandaigdigang kaganapan.

Ang mga Halintulad na Talata sa Marcos 13 at Lucas 21

     Upang kumpirmahin na si Jesus ay nagsasalita sa Mateo 24:15-20 ng mga pangyayaring magaganap sa palibot ng Jerusalem at Judea, makatutulong na sulyapan ang mga Ebanghelyo nina Marcos at Lucas kung saan nakatala din ang mga sinabi ni Jesus sa mga alagad niya sa Bundok ng Olivo. Sa pagtingin sa magkatulad na mga talatang ito, mahalagang tandaan kung gaano kalapit ang mga sinasabi nito sa Mateo 24.

(1) Inilantad ni Jesus ang kasamaan ng mga pinuno ng relihiyong Judio (Mat. 23:1-35; Mar. 12:38-40; Lucas 20:45-47).

(2) Idineklara ni Jesus ang pagkawasak ng Templo (Mat. 23:37-24:2; Mar. 13:1-2; Lucas 21:5-6).

(3) Tinanong ng mga disipulo si Jesus tungkol sa paparating na pagkawasak (Mat. 24:3; Mar. 13:3-4; Lucas 21:7).

(4) Sumagot si Jesus, nagsasalita tungkol sa:
      mga taong nag-aangking si Cristo (Mat. 24:5; Mar. 13:5-6; Lucas 21:8),
     mga digmaan at alingawngaw ng digmaan (Mat. 24:6-7; Mar. 13:7-8; Lucas 21:9-10),
     mga lindol at taggutom (Mat. 24:7; Mar. 13:8; Lucas 21:11),
     at ang ebanghelyo ay ipinangangaral sa buong mundo (Mat. 24:14; Mar. 13:10).

    Ang mga talatang ito ay kahanga-hangang magkakatulad, bagaman ang bawat manunulat ay gumamit ng bahagyang magkakaibang terminolohiya. Maaaring ito ang resulta ng pagtatala ng iba't ibang manunulat kung ano ang kanilang naaalala o itinuturing na pinakamahalaga. Ang mga pagkakaiba ay maaaring resulta rin ng iba't ibang pagkakataon kung saan binanggit ni Jesus ang paksang ito. Madalas sila ay nasa Templo sa Jerusalem, at si Jesus sa maraming pagkakataon ay nagsasalita tungkol sa hindi kapani-paniwalang pagkawasak na magaganap. Anuman ang mga dahilan ng kaunting pagkakaiba, makikita natin na ang mga sagot ni Jesus ay halos magkatulad sa bawat isa sa tatlong ulat ng Ebanghelyo.

    Matapos magsalita ni Jesus tungkol sa mga tanda na magaganap, nagpatuloy Siya, ayon sa ulat ng Ebanghelyo, upang magbabala sa mga tao na sila ay kailangang tumakas mula sa Judea. Suriin natin ang mga ulat sa tatlong magkatulad na mga sipi.

“Kaya nga pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na sinalita sa pamamagitan ng propeta Daniel, na natatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa), Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea:” (Matthew 24:15-16, Tagalog AB)

“Datapuwa't pagka nangakita ninyong nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo'y talastasin ninyo na ang kaniyang pagkawasak ay malapit na. Kung magkagayo'y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng bayan ay magsilabas; at ang mga nasa parang ay huwag magsipasok sa bayan.” (Luke 21:20-21, Tagalog AB)

“Nguni't pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na nakatayo doon sa hindi dapat niyang kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea:” (Mark 13:14, Tagalog AB)

    Pansinin na sa lahat ng tatlong sinipi, malinaw na sinabi ni Jesus na ang mga tao sa Judea ang tatakas. Wala saanman sa alinman na mga talata na Kanyang binanggit na tumutukoy ito sa labas ng rehiyon ng Judea.

Ang Kasuklam-suklam sa Banal na Dako

     Ngayon ay kailangan nating suriin kung ano ang tinutukoy ni Jesus noong binalaan Niya ang mga disipulo tungkol sa isang kasuklam-suklam na paninira na nakatayo sa banal na dako. Gaya ng nabanggit kanina, ipinapalagay ng mga futurist na tagapagturo na ang kasuklam-suklam ay ang antikristo na magtatayo ng isang idolo sa templo sa hinaharap o aktuwal na tutungo sa templong iyon at magpapakilala ng kaniyang sarili bilang Diyos.

    Upang makita kung gaano walang batayan ang pagkaunawang iyon, unang tandaan na ang antikristo ay hindi kailanman binanggit sa Mateo 24 (ni sa alinman sa mga Ebanghelyo). Pansinin din na nakikipag-usap si Jesus sa Kanyang mga disipulo at sinasabi sa kanila na masasaksihan din nila ang kaganapang ito. Si Jesus ay hindi nagsasalita tungkol sa isang antikristo na darating pa lang daan-daan o kahit libu-libong taon pa sa hinaharap, sa halip,  ang kasuklam-suklam na ito ay masasaksihan mismo nila sa kanilang kapanahunan.

    Matutukoy din natin kung saan nakatayo ang kasuklam-suklam. Tinutukoy ni Mateo ang “banal na dako” at ang “Jerusalem” naman ang tinutukoy ni Lucas. Sinong may-akda ang tama? Parehong tama. Nang banggitin ni Mateo ang banal na dako, tinutukoy niya ang parehong lokasyon ni Lucas nang banggitin niya ang Jerusalem. Mapapatunayan natin ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa terminolohiya na “banal na dako,” na isinalin mula sa mga salitang Griyego na hagios topos. Ang terminolohiyang ito ay hindi kailanman ginamit saanman sa Bibliya para tumukoy sa Templo o sa kabanal-banalang dako ng Templo. Malalaman ng sinumang may diksyunaryong Griyego, na ang salitang hagios ay nangangahulugang banal at ang salitang topos ay tumutukoy sa isang lokalidad. Ito ay ginagamit sa mga ekspresyong gaya ng isang "lugar sa disyerto" ngunit hindi kailanman tumutukoy sa isang gusali.

    Dahil tinutukoy ni Lucas ang banal na lugar na ito bilang "Jerusalem," ito ay nangangahulugan na ang tinutukoy ni Jesus ay ang Jerusalem sa halintulad na sipi ng Mateo 24.

    Ano kung gayon ang kasuklam-suklam na paninira? Kapag nagsasalita tayo tungkol sa isang kasuklam-suklam, ang tinutukoy natin ay isang kakila-kilabot, kamuhi-muhi, nakakadiring bagay. Sinabi sa atin ni Lucas na ang kasuklam-suklam ay ang mga hukbong nakapalibot sa Jerusalem. Ano ba ang maaaring maging mas kasuklam-suklam sa mga Hudyo? Ito ay ang mga hukbong pagano na magtitipon upang wasakin ang banal na lungsod at iwan ito ng nakatiwangwang.

    Ito ba ay tumutugma sa ebidensya ng kasaysayan? Opo! Gaya ng nabanggit natin, noong taΓ³ng A.D. 70, 20,000 sundalong Romano ang pumila sa mga bundok sa palibot ng Jerusalem, na nakapalibot sa banal na lunsod.

    Ang paglalarawang ito ay tumutugma din sa Daniel 9. Tandaan na tinukoy ni Jesus sa Mateo 24:15 ang kasuklam-suklam na paninirana sinalita sa pamamagitan ng propeta Daniel.” Susuriin natin ang aklat ni Daniel nang higit pa sa ibang pagkakataon, ngunit dito pansinin ang pagtukoy ni Daniel sa kasuklam-suklam:

“At pagkatapos ng anim na pu't dalawang sanglinggo, mahihiwalay ang pinahiran, at mawawalaan ng anoman: at gigibain ang bayan at ang santuario ng mga tao ng prinsipeng darating; at ang wakas niyaon ay sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa wakas ay magkakaroon ng digma; mga pagkasira ay ipinasiya na.” (Daniel 9:26, Tagalog AB)

    Sa katunayan, dumating ang mga kawal upang wasakin ang Jerusalem. Sa loob ng apat na buwan ginutom nila ang mga tao; pagkatapos ay lumusong sila sa lungsod tulad ng bumuhos na baha sa lambak.

Pagtakas sa Jerusalem at Judea

     Nang ang kasuklam-suklam—walang iba kundi ang mga kawal na Romano—ay nagsimulang martsa sa mga bundok sa palibot ng Jerusalem, mayroon na lamang maikling panahon upang tumakas ang mga tao. Kaya naman, mauunawaan natin ang payo ng ating Panginoon para sa mga nasa bubungan na huwag bumaba upang kunin pa ang kanilang mga ari-arian, o ang mga nasa bukid ay bumalik pa ng bahay upang kunin ang kanilang mga balabal. Sinabi sa kanila ni Jesus na dapat silang tumakas kaagad. Matapos payagang makatakas ang mga Kristiyanong iyon sa Jerusalem, sinimulan ng isarado ng mga sundalong Romano ang lunsod. Walang ng pinayagang pumasok o lumabas pa ng lunsod. Pinutol ng mga Romano ang supply na pagkain sa Jerusalem upang ang mga tao ay magutom. Sumulat si Josephus:

"Kaya ang lahat ng pag-asang makatakas pa ay pinutol na sa mga Judio, kasama ng kanilang kalayaang lumabas ng lungsod. Nang magkagayo'y patuloy na lumaganap ang taggutom, at nilamon nito ang buong bayan, mga bahay at mga angkan; ang mga silid sa itaas ay puno ng mga babae at mga bata na nangamamatay sa taggutom; at ang mga daanan ng lungsod ay puno ng mga bangkay ng matatanda; gayundin ang mga bata at ang mga binata ay gumagala sa mga pamilihan na parang mga anino, lahat ay pinalala ng taggutom, at nangabuwal na mga patay, saanman sila dinala ng kanilang paghihirap." (The Wars of the Jews, 1998, v:xii:3)

    Sa kasaysayan, alam natin na ang unang mga disipulo ay tumakas sa Jerusalem bago ang pagkawasak ng lungsod. Bakit sila tumakas? Dahil naalala nila ang babala na ibinigay sa kanila ni Jesus, na ang lungsod ay mapapaligiran ng mga hukbo at dapat silang tumakas upang makatakas sa kapahamakan na kasunod nito.

Mateo 24:21, 22: Isang Malaking Kapighatian

     Binalaan ni Jesus ang mga disipulo na tumakas mula sa Judea (Mat. 24:15–20). Pagkatapos ay ipinropesiya Niya ang dakilang pagkawasak na susunod:

“Sapagka't kung magkagayo'y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man. At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang makaliligtas: datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon.” (Matthew 24:21-22, Tagalog AB)

    Sinasabi ng mga tagapagturo na futurist na ang malaking kapighatiang ito ay darating pa sa hinaharap, bago ang katapusan ng mundo, at ito ay kakalat sa buong lupa. Ang paparating na kapighatian na ito ay palaging pinag-uusapan sa ilang mga Kristiyanong lupon na ito ay nakabuo pa ng sarili nitong pagkakakilanlan at tinatawag na “Ang Malaking Kapighatian."

    Sa katotohanan, ang malaking kapighatian na sinasabi ni Jesus ay tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem noong A.D. 70. Sinasagot lamang niya ang tanong ng mga disipulo, “Kailan mawawasak ang Jerusalem at ang Templo?

    Kung totoong ang tinutukoy ni Jesus ay ang mga pangyayari noong A.D. 70, kung gayon mayroon tayong isa pang tanong na sasagutin. Paano Niya nasabi na walang ganoong kakila-kilabot na nangyari mula sa simula ng mundo hanggang ngayon, ni hindi mangyayari kailanman? Hindi ba't mas maraming masasamang bagay ang nangyayari kaysa sa pagkawasak ng Jerusalem? Paano naman ang Holocaust noong ikadalawampung siglo nang pinatay ang 6 na milyong Hudyo? Paano naman ang iba pang panahon ng digmaan at malawakang pagkawasak?

    Ang pagkawasak ng Jerusalem ay hindi ang pinakamalaki ang pinsala sa kasaysayan, ngunit si Jesus ay nagsasalita na ito ay ang pinakamalaking kalamidad sa paraan ng kanyang pagdurusa at dalamhati.

    Inilarawan sa atin ni Josephus ang aktwal na naganap noong A.D. 70. Matapos masarhan ang lungsod ng mga sundalong Romano, ikinuwento ni Josephus kung paano gumawa ang mga Judio ng mga kakila-kilabot na kalupitan laban sa isa't isa, maging ang mga kasuklam-suklam na aksyon, tulad ng cannibalism, na naganap noong taggutom. Isinalaysay niya ang isang napakasamang salaysay tungkol sa pagpatay ng isang babae sa kanyang maliit na anak, niluto siya ito, at kinakain ang kalahati nito, pagkatapos ay nakipagtalo sa mga magnanakaw, na pumasok sa kanyang bahay upang maghanap ng pagkain, kung sino ang kumain sa kalahati ng katawan ng kanyang maliit na anak.

    Sa panahon ng taggutom, nilunok din ng mga Hudyo ang mga diamante at mahalagang mga bato sa pag-asang makatakas at ligtas na madala ang mga ito sa mga bagong lugar na mapupuntahan. Dahil nalaman ito ng mga sundalong Romano ay huhulihin nila ang mga indibiduwal mula sa lunsod at hihiwain ang kanilang mga sikmura at laman-loob, at hahanapin ang anumang mahahanap nila.

    Matapos wakasan ni Heneral Titus ang mga paghahanap na iyon, nagsimula ang isang bagong anyo ng pagpapahirap. Isinulat ni Josephus na habang sinisikap ng mga lalaki na tumakas sa lunsod o gumapang upang kumuha ng pagkain, puputulin ng mga sundalong Romano ang kanilang mga kamay at ibabalik sila sa loob ng lungsod. Nang sa wakas ay binigyan ng utos ang mga sundalong Romano na lumusong sa Jerusalem, sinabi sa atin ni Josephus na mahigit 500 lalaki ang nahuhuli bawat araw, pagkatapos ay hinagupit, pinahirapan, at ipinako sa krus. Ang mga lalaki ay ipinako sa mga krus sa harap ng lungsod hanggang sa wala nang espasyo. Sa wakas, ang mga sundalo ay pumasok sa lunsod, at ang bawat tao ay napatay maliban sa 97,000, na dinala upang maging alipin sa mga minahan ng Ehipto o bilang mga regalo sa iba't ibang lalawigan upang sila ay mapatay sa mga teatro.[7]

    Nang wasakin ang Jerusalem, isang genocide ng mga Hudyo ang na-trigger sa mga nakapaligid na rehiyon. Sinabi ni Josephus:

"Walang sinumang lunsod ng Syria na hindi pumatay sa kanilang mga Judiong nanunuluyan at sila ay mas mahigpit na mga kaaway natin kaysa sa mga Romano mismo." (The Wars of the Jews, 1998, vii:viii:7)”

    Ang kasaysayan ay nagbibigay ng maraming katulad na ulat kung ano ang naganap sa buong Imperyo ng Roma.

    Kung ihahambing natin ang genocide noong A.D. 70 sa Jewish Holocaust noong ikadalawampu siglo, dapat nating aminin na ang pinakahuling Holocaust ay mas malaki sa bilang, na may 6 na milyong Hudyo ang napatay sa loob ng anim na taon. Ang pamumuhay sa mga labor camp at pinatay sa pamamagitan ng makamandag na gas ay kakila-kilabot, ngunit sa pagkakaalam natin, walang ipinako sa krus sa kanila. Noong A.D. 70 mahigit isang milyong Hudyo ang nagutom, pinahirapan, at pinatay sa loob ng apat na buwan. Sa kabila ng mas malaking magnitude ng Holocaust noong ika-20 siglo, ang karahasan noong A.D. 70 na kapighatian ay tumapos sa buhay ng mas malaking porsyento ng populasyon ng mga Hudyo at higit na matindi sa mga kalupitan na ginawa.


Mateo 24:23-27: Magsisilitaw ang mga Huwad na Kristo

    Habang ang mga tao ay pinapatay sa buong Judea, maraming Hudyo ang umaasa sa isang Mesiyas na lilitaw upang iligtas sila sa huling sandali. Sinamantala ng ilang pinuno ang paniniwalang ito, na napakahalaga sa puso at isipan ng mga Hudyo. Sa pagkaalam na mangyayari ito, nagbigay si Jesus ng babala:

“Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang. Narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo. Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: Narito, siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.” (Matthew 24:23-27, Tagalog AB)

    Isinulat ni Josephus ang tungkol sa maraming huwad na propeta at pinuno na nagsasabing sila ang Kristo. Ang isang halimbawang ibinigay niya ay tungkol sa isang huwad na propeta na hayagang nagpahayag sa mga desperadong naninirahan sa Jerusalem, na sa isang tiyak na araw, ililigtas sila sa makahimalang paraan ng Diyos. Maraming Hudyo ang sumunod sa pinunong iyon at nauwi sa pagkawala ng kanilang buhay dahil sa kanilang maling pag-asa. Inilarawan din ni Josephus kung paano lumitaw ang mga pambihirang tanda, kabilang na ang isang bituin na naghugis tulad ng isang espada sa ibabaw ng Jerusalem at pagkatapos ay isang liwanag sa paligid ng Templo sa loob ng kalahating oras.[8] Gaya ng inihula ni Jesus, ang mga huwad na Kristo ay magpapakita ng “mga dakilang tanda at mga kababalaghan."

    Binalaan ni Jesus ang mga disipulo na huwag makinig sa anumang mga alingawngaw o pahayag tungkol sa Kristo o mga huwad na propeta na nagpapakita. Pagkatapos ay gumawa Siya ng isang deklarasyon upang inihambing ang mali sa tunay. Sinabi niya:

“Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.” (Matthew 24:27, Tagalog AB)

    Dahil dito, dapat nilang malaman na ang pagdating ni Jesus ay hindi mangyayari sa ilang o sa isang lihim na lugar. Kapag tunay na dumating ang Mesiyas, sabi ni Jesus, ito ay mangyayari sa itaas.


Mateo 24:28: Ang Bangkay at mga Buwitre

“Saan man naroon ang bangkay, ay doon mangagkakatipon ang mga buwitre.” (Matthew 24:28, Tagalog AB)

    Isipin ang libu-libong kawal na nagtitipon sa mga bundok na nakapalibot sa Jerusalem. Ngayon idagdag sa larawang iyon ang bandila kung saan sila nagtipon—ang bandila ng buwitre, na dinadala ng mga sundalong Romano sa mga watawat at kadalasang pinipintura sa kanilang mga kalasag. Bilang isang propeta, ipinahayag ni Jesus na ang mga buwitre ay magtitipon, at ang Jerusalem ang magiging bangkay. 

Kumpirmasyon Mula sa Halintulad na Gospels

     Natapos na ni Jesus ang pagsagot sa unang tanong, na ipinaliwanag ang lahat ng mga palatandaan na hahantong sa pagkawasak ng Jerusalem at ng Templo. Bago natin suriin ang Kanyang sagot sa ikalawang tanong, nararapat na makita din natin ang kumpirmasyon ng dalawa pang manunulat ng Gospel.

     Tinalakay natin kung gaano kalapit ang Marcos 13 at Lucas 21 sa Mateo 24. Gayunpaman, mayroong isang pangunahing pagkakaiba. Sa Mateo 24:3 ang mga disipulo ay nagtanong kay Jesus ng tatlong tanong:
 
Tanong #1: "Kailan mangyayari ang mga bagay na ito?"
Tanong #2: “Ano ang tanda ng iyong pagdating?”
Tanong #3: “Kailan naman ang katapusan ng panahon (mundo)?”

Sa kabaligtaran, hindi itinala ni Marcos o ni Lucas ang pangalawa o pangatlong tanong. Ang Lucas 21:5-7 ay ganito:

“At habang nagsasalita ang ilan tungkol sa templo, kung paanong ito'y napalamutian ng magagandang bato at ng mga handog ay kanyang sinabi, "Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita ay darating ang mga araw na walang maiiwan dito ni isang bato sa ibabaw ng kapwa bato, na hindi ibabagsak." Kanilang tinanong siya, "Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging tanda kapag malapit nang mangyari ang mga bagay na ito?" ” (Luke 21:5-7, ABAB)

    Ang Marcos 13:1-4 ay kapareho ng pagbasa sa talatang ito, nang hindi nagtatanong ng anuman tungkol sa mga palatandaan ng pagdating ng ating Panginoon o ng katapusan ng mundo.

“Sa paglabas niya sa templo, O sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, "Guro, tingnan mo! Pagkalalaking mga bato, at pagkalalaking mga gusali!" Sinabi sa kanya ni Jesus, "Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitira ditong isa mang bato sa ibabaw ng kapwa bato na hindi ibabagsak." Samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang lihim nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres, "Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang magiging tanda kapag malapit nang maganap ang lahat ng mga bagay na ito?" ” (Mark 13:1-4, ABAB)

    Mahalaga ito dahil nagbibigay ito sa atin ng malinaw na balangkas kung saan mauunawaan natin ang Mateo 24. Dahil itinala lamang nina Marcos at Lucas ang tanong tungkol sa kung kailan mawawasak ang Templo, alam natin na sinasagot ng ating Panginoon ang tanong na iyon nang magsalita Siya tungkol sa mga taong nagsasabing sila ay Kristo, digmaan, lindol, taggutom, pag-uusig, atbp. Ang mga sagot ni Jesus sa Marcos at Lucas ay halos magkapareho sa mga sagot na ibinigay ni Jesus sa Mateo 24:4-22. Samakatuwid, makatuwiran lamang na ipagpalagay na si Jesus ay nagsasalita tungkol sa pagkawasak ng Templo nang Siya ay nagsalita tungkol sa mga taong nag-aangkin na sila ay Kristo, digmaan, lindol, taggutom, pag-uusig, atbp. Ito ay kumpirmasyon na ang Mateo 24:4-22 ay sumasagot sa unang tanong lang.

    Ang pagkilala sa mga pagkakatulad sa mga Ebanghelyo ay nagpapakitang muli kung gaano kamali ang mga futurist na tagapagturo kapag sinubukan nilang pagsamahin ang lahat ng tatlong tanong na nakatala sa Mateo 24:3 na para bang lahat sila ay nagtatanong tungkol sa Ikalawang Pagparito at sa katapusan ng mundo. Titingnan natin ang mga sagot na ibinigay ni Jesus sa dalawang natitirang tanong, at pag-uusapan natin ang tungkol sa Kanyang pagdating at katapusan ng mundo, dahil iyon ang pangalawa at pangatlong tanong. Gayunpaman, huwag magkamali na ang unang tanong ay tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem at ng Templo. Nangyari iyon noong A.D. 70, sa loob ng henerasyon ng mga disipulo, eksakto tulad ng propesiya ni Jesus.

Pangwakas na Pangungusap tungkol sa Unang Tanong

    Hindi natin sapat na bigyang-diin kung gaano kahalaga ang isang pangyayari noong nawasak ang Jerusalem at ang Templo. Ang Jerusalem ay ang “banal na lungsod.” Ang Bundok Moria, kung saan nakatayo ang Templo, ang lugar kung saan handang ihandog ni Abraham ang kanyang anak na si Isaac (Gen. 22:2). Ito rin ang lugar kung saan nagpakita ang Diyos kay David (2 Cron. 3:1). Ito ang lugar kung saan itinayo ni Solomon ang unang Templo. Doon naghandog ang mga mataas na saserdote para sa mga kasalanan ng mga tao. Ito ang sentro ng buhay ng mga Judio, isang napakasagradong dako. Nang nawasak ang Templo, nawasak ang pamana ng mga Hudyo. Sa isang diwa, sila ay nahiwalay sa Diyos. Nawala ang kanilang pagkakakilanlan. Ang kanilang sistema ng relihiyon ay inalis.

    Ipinaliwanag ng manunulat ng Hebreo kung paano inalis ang sistema ng relihiyon ng mga Judio at pinalitan ng bagong tipan na itinatag sa pamamagitan ni Jesus.

“Sa pagsasalita tungkol sa "bagong tipan," ginawa niyang lipas na ang una. At ang ginawang lipas na at tumatanda ay malapit ng maglaho. ” (Hebrews 8:13, ABAB)

    Mayroon tayong bagong tipan na may mas magagandang pangako. Mayroon tayong Mataas na Saserdote na gumawa ng panghuli at pangwakas na sakripisyo.

     Ang paglipat mula sa luma tungo sa bago ay nakatayo sa gitna ng kasaysayan at ng Bibliya. Ito ay isang mahalagang punto sa plano ng Diyos sa buong panahon. Nang wasakin ang Templo sa Jerusalem, tinapos na nito ang katapusan ng lumang sistema ng relihiyon.


END OF PART 3

(Part 4 Coming Soon!)

Support this Ministry

Gcash#: 09695143944

OR










Si Pastor Ronald Obidos ang Founder/Chairman ng Former Adventist Fellowship Philippines at President ng Evangelism Department at ordained Pastor ng Complete in Jesus church.





Footnote:

Source: Eberle, Harold R., and Martin Trench. Victorious Eschatology: A Partial Preterist View. Worldcast Ministries & Publishing, 2020. Isinalin sa Tagalog ni Pastor Ronald Obidos

[7] Flavius Josephus, The Wars of the Jews, 1998, v:xi:1-2; vi:ix:2-3.

[8] Flavius Josephs, The Wars of the Jews, 1998, vi:v:3







No comments:

Post a Comment