FEATURED POST

"PAGLALANTAD SA MGA KASINUNGALIAN NI PASTOR BJORN CAPIENDO AT JOHNSON AMICAN TUNGKOL SA “THREE HOLIEST BEINGS” NI ELLEN G. WHITE!"

Ang live na episode ng 'Katotohanan' sa Hope TV kung saan tinalakay nina Johnson Amican at Pastor Bjorn Capiendo ang konsepto ng Tri...

MOST POPULAR POSTS

Saturday, August 26, 2023

PAANO UUNAWAIN ANG HULA NI CRISTO SA MATEO 24? ANG KAHULUGAN NG "PAGPARITO" (PART 4)



Tanong #2: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagparito?"

Itinala ni Mateo ang pangalawang tanong na itinanong ng mga disipulo kay Jesus:

"Ano ang magiging tanda ng iyong pagparito?

    Pinapaliwanag ng mga futurist na tagapagturo ang tanong na ito tungkol sa ikalawang pagdating ng ating Panginoon. Sinasabi nila na si Jesus ay babalik sa lupa pagkatapos na matupad ang lahat ng mga tanda ng Mateo 24:4-22. Sa madaling salita, sa darating na hinaharap, pagkatapos ng mga digmaan, lindol, taggutom, pag-uusig, atbp. ay babalik si Jesus.

    Ang mga partial preterist ay nag-aalok ng naiibang kahulugan. Naipaliwanag na natin kung paano ang lahat ng mga palatandaan, tulad ng mga digmaan, lindol, taggutom, atbp., ay mga palatandaan bago maganap ang pagkawasak ng Templo noong A.D. 70. Ang mga palatandaang iyon ay natupad na. Hindi sila matutupad pa lang sa hinaharap.

    Ngayon, kailangan nating alamin kung ano ang ibig sabihin ng mga disipulo nang itanong nila, “Ano ang magiging tanda ng iyong pagparito?”

    Kapag binabasa ng mga tao ang tanong na iyan ngayon, iba ang kanilang iniisip kaysa sa mga alagad 2,000 taon na ang nakalilipas. Nang ang mga alagad ay nakaupo kasama ni Jesus sa Bundok ng mga Olibo, hindi nila iniisip ang tungkol sa ikalawang pagparito ng ating Panginoon. Sa katunayan, noong panahong iyon, hindi sila kumbinsido na si Jesus ay mamamatay (Mat. 16:21-23), lalo pa kaya ang pagbabalik ni Jesus sa lupa balang araw. Samakatuwid, hindi sila maaaring nagtanong tungkol sa Ikalawang Pagparito.

    Ano, kung gayon, ang itinanong nila? Tingnan muli ang tanong: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagparito?” Ano ang ibig sabihin ng Kanyang pagparito?

    Noong panahong iyon sa kasaysayan, ang mga Hudyo ay nagaantay ng isang Mesiyas. Iyon ang kanilang pangunahing pag-asa. Sila ay nagaantay ng isang Mesiyas na darating at magtatatag ng isang kaharian kung saan ang mga Hudyo ay magkakaron ng kapangyarihan sa buong lupa at maghahari magpakailanman. Ang pagkaalam nito ay nagbibigay sa atin ng ganap na kakaibang pananaw sa pag-iisip ng mga disipulo. Tandaan noong tinanong ng ina ng mga anak ni Zebedeo si Jesus kung ang kanyang dalawang anak na lalaki ay maaaring maupo, isa sa Kanyang kanan at isa sa Kanyang kaliwa (Mat. 20:20-23)? Ipinapahayag nito kung ano ang nasa isip ng mga Hudyo.

    Nang tanungin ng mga alagad si Jesus, "Ano ang magiging tanda ng Iyong pagparito?" Tinatanong nila siya, "Kailan ka maghahari sa iyong kaharian?" “Kailan mo kukunin ang Iyong posisyon at ihahayag ang Iyong sarili bilang hari?”

    Kailan yun nangyari? Matapos mamatay si Jesus, bumangon mula sa mga patay, at umakyat sa langit, naupo Siya sa isang trono sa kanan ng Diyos. Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay sa Kanya, kapwa sa langit at lupa. Dumating si Hesus sa Kanyang kaharian sa sandaling Siya ay umakyat sa langit at umupo sa tabi ng Ama. Nangyari ito halos 2,000 taon na ang nakalilipas, sa henerasyon kung saan nabuhay ang mga disipulo.

Upang kumpirmahin ito, basahin ang mga salita ni Jesus sa Mateo 16:28:

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa kanilang makita ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.” (Matthew 16:28, Tagalog AB)

Sa katulad na paraan, itinala ni Marcos ang mga salita ni Jesus:

“At sinabi niya sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayong ito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Dios na dumarating na may kapangyarihan.” (Mark 9:1, Tagalog AB)

    Napakalinaw ng sinabi ni Jesus! Ipinahayag Niya na ang ilan sa mga taong nabubuhay noong panahong iyon sa kasaysayan ay mabubuhay upang makita Siyang dumating sa Kanyang kaharian. Sa katunayan, naupo na si Jesus sa Kanyang trono mahigit 2,000 taon na ang nakalilipas. Sa pag-unawang iyon sa mga salitang “pumaparito sa Kanyang kaharian,” ay handa na tayong tingnan ang sagot ng ating Panginoon.

    Habang pinag-aaralan natin ito, huwag muna tayo dumating sa konklusyon na tinatanggihan natin ang isang paniniwala sa literal na Ikalawang Pagparito. Alam natin na si Jesus ay babalik sa lupa sa isang panahon sa hinaharap, at pag-uusapan natin ang tungkol sa Kanyang ikalawang pagdating mamaya kapag pag-aaralan na natin ang sagot ng ating Panginoon sa ikatlong tanong. Ang sinasabi natin sa puntong ito ay ang ikalawang tanong ng mga disipulo ay hindi tungkol sa ikalawang pagparito ni Jesus, kundi tungkol sa Kanyang pagdating sa Kanyang kaharian.[9]

Sinagot ni Hesus ang Ikalawang Tanong

     Nakatutulong na makita kung gaano kalapit ang pagkakaugnay ng pagkawasak ng Jerusalem sa pagdating ni Jesus sa Kanyang kaharian. Sinabi ni Hesus:

“Datapuwa't karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit:” (Matthew 24:29, Tagalog AB)

    Sinabi ni Jesus na "karakaraka" pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem, malalaman ng mga disipulo na Siya ay "dumating" na sa Kanyang kaharian. Tinatalakay niya ang "pagdating" na iyan sa kasunod na talata.

Mateo 24:30a: Ang Tanda ng Anak ng Tao

"At kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit."
 
    Para sa mga futurist na tagapagturo, ang tinutukoy daw sa talatang ito ay ang tungkol pagpapakita ni Jesus sa langit sa Kanyang pagbabalik. Pero tingnan mong mabuti. Sinasabi ba ng talatang ito na si Hesus ay lilitaw sa langit? Hindi po! Sa halip, ang sinasabi ng talata ang lilitaw ay "ang tanda". Ang isang tanda ay katulad ng isang billboard na nagdedeklara ng isang bagay. Ano ang tanda? Ito ang tanda ng Anak ng Tao. Hindi si Jesus ang magpapakita, ngunit "ang tanda" ay lilitaw.

Ang King James Version ng Mateo 24:30 ay ganito ang mababasa:

"At pagkatapos nito ay makikita ang tanda ng Anak ng Tao sa langit."[10]

    Muli, ang maingat na pagbabasa ay tumutulong sa atin na makita na hindi si Jesus ang magpapakita, kundi "ang tanda" ang magpapakita. At ano ang pahiwatig ng tanda na iyon? Ang pinapahiwatig ng "tanda ng Anak ng Tao sa langit" ay na ang Anak ng Tao ay nasa langit na. Dumating na siya sa langit. Naupo na Siya sa Kanyang trono. Nakaluklok na siya sa kanan ng Diyos!


    Ang King James Version ay tumutukoy sa Anak ng Tao sa “langit,” habang ang New American Standard Bible (na sinipi natin kanina) ay tumutukoy sa Anak ng Tao sa “kalangitan.” Ang alinman sa mga salin na ito ay tama dahil ang salitang Griyego na ourano ay maaaring isalin bilang "langit" o "kalangitan." Gayunpaman, kung gagamitin natin ang salitang “kalangitan,” maaaring isipin ng mga bumabasa na si Jesus ay makikita na nasa itaas sa mga ulap. Sa kabilang banda, kung uunawain natin na si Jesus ay nasa “langit,” maaari nating unawain ito na Siya ay kasama ng Kanyang Ama na nakaupo sa Kanyang trono. Ito ang pangitain sa langit na tumutugma sa sinasabing pagdating ni Jesus sa Kanyang kaharian.

Mateo 24:30

    Ilagay ang iyong sarili sa kalagayan ng mga disipulo 2,000 taon na ang nakalilipas na nakaupo sa Bundok ng mga Olibo. Malapit na nilang hindi makasama ang Isa na kanilang tagapagturo. Mamamatay siya. Matapos umakyat ni Jesus sa langit, paano nila malalaman na talagang nakabalik nga Siya sa langit? Paano nila malalaman na ibinigay na sa Kanya ang lahat ng awtoridad sa langit at lupa?

    Iyan mismo ang sinasabi ni Jesus sa kanila. Sinasagot niya ang tanong, “Ano ang magiging tanda ng Iyong pagdating sa Iyong kaharian?"

At ano ang tanda na iyon?

    Sinabi sa kanila ni Jesus ang lahat ng mga tanda na magtatapos sa pagkawasak ng Jerusalem at ng Templo. Ang pagkawasak na iyon ng Jerusalem at ng Templo ang timnutukoy na "ang tanda". Sa sandaling nakita nila ang pagkawasak ng Jerusalem at ng Templo, dapat nilang malaman, nang walang pag-aalinlangan, na si Jesucristo ay nasa Kanyang trono sa langit.

    Upang maunawaan ang epekto ng palatandaang iyon sa unang-siglong Judiong mga disipulo, ihambing ito sa nangyari sa Japan noong 1945 nang ihulog ang dalawang bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki. Nang winasak ng mga bombang iyon ang dalawang lungsod, napagtanto ng mga Hapones na nanonood mula sa malayo na tapos na ang digmaan. Sila ay natalo; kinuha ng Estados Unidos ang kontrol. Ngayon ihambing iyan sa nangyari nang wasakin ang Jerusalem noong A.D. 70. Mas maraming tao ang namatay sa Jerusalem kaysa noong ibinagsak ang dalawang atomic bomb sa Japan. Bumagsak ang bansa ng mga Hudyo. Nawasak ang Templo. Iyon ang tanda.

    Nang ang Templo ay nawasak, ang sistema ng relihiyon ng mga Hudyo ay natapos na. Hindi na makakalapit ang mga tao sa Diyos sa pamamagitan ng Templo na may mga handog na mga hayop. Nagkaroon ng bagong High Priest. Ang Bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ay naging Punong Bato sa Panulok. May isang bagong Templo na itinayo mula sa mga buhay na bato. Iyon ang tanda na si Hesus ay dumating na sa Kanyang kaharian. Ang trono ni David ay itinaas na sa langit. Mula doon si Jesu-Kristo ay mamamahala sa Kanyang walang hanggang kaharian.

Mateo 24:29: Ang mga Tanda ng Paghuhukom

“Datapuwa't karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit:” (Matthew 24:29, Tagalog AB)

    Upang maunawaan ang talatang ito, pansinin muna ang time frame. Sinabi ni Jesus na ang mga bagay na ito ay mangyayari “karakaraka pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon.” Dahil ang kapighatian na inilarawan ni Jesus ay naganap noong A.D. 70, dapat nating hanapin ang katuparan ng talatang ito “karakaraka” pagkatapos ng A.D. 70.

   Upang makita ang katuparan na ito, kailangan nating maging pamilyar sa ilang kasabihan ng mga Hudyo. Ang araw, buwan, at mga bituin ay madalas na ginagamit upang tumukoy sa mga awtoridad na namamahala. Halimbawa, si Joseph ay nanaginip kung saan ang araw, buwan, at mga bituin ay yumukod lahat sa kanya (Gen. 37:9); nang sabihin ni Joseph ang panaginip na ito sa kanyang pamilya, hindi nila naisip na literal na yuyuko ang araw, buwan, at mga bituin, sa halip sa kanilang unawa si Joseph ay itataas sa mga awtoridad. Sa katulad na paraan, mababasa natin sa Apocalipsis 12:1 na ang isang babae ay nagpakita na may araw at buwan sa ilalim ng kanyang mga paa at isang korona ng mga bituin sa kanyang ulo, ibig sabihin ay mayroon siyang dakilang awtoridad. Sa modernong panahon madalas nating ginagamit ang mga katulad na terminolohiya kapag nagsasalita ng isang bituin sa pelikula o isang superstar. Sa terminolohiya ng Bibliya, ang katanyagan at kaluwalhatian ng malalaking lungsod ay sinasabing nagniningning bilang araw, buwan, o mga bituin. Kapag ang isang lungsod ay nawasak, ang araw, buwan, o mga bituin ay sinasabing nagdidilim.

    Halimbawa, sa aklat ng Ezekiel, mababasa natin ang tungkol sa paghatol at sa paparating na pagkawasak ng Ehipto.

“At pagka ikaw ay aking nautas, aking tatakpan ang langit, at padidilimin ko ang mga bituin niyaon; aking tatakpan ng alapaap ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag. Lahat na maningning na liwanag sa langit ay aking padidilimin sa iyo, at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain, sabi ng Panginoong Dios.” (Ezekiel 32:7-8, Tagalog AB)

    Ang pagkawasak na ito na ipinropesiya ni Ezekiel ay nangyari sa Ehipto, ngunit walang talaan ng araw, buwan, at mga bituin na literal na nagdidilim.

    Maiintindihan natin ito kapag napagtanto natin na minsan ang mga propeta ay gumagamit ng mga terminolohiyang apocalyptic . Maihahambing natin ito sa makabagong-panahong mga kasabihan na maaaring gamitin ng mga tao kapag may nangyaring trahedya: "Pasan ko ang daigdig" "Bituing walang ning-ning" "Nagdilim ang paningin!" o "Parang binagsakan ng langit at lupa!." Maaaring mahirap para sa modernong-panahong mga Kristiyano na isipin si Jesus na gumagamit ng gayong mga terminolohiya, ngunit iyon talaga ang Kanyang ginawa. Sa katunayan, iyon lang ang tanging paraan para makita natin ang terminolohiyang ito na ginagamit saanman sa Bibliya (tulad ng makikita mo sa higit pang mga halimbawang nakalista sa ibaba). Isa itong sawikain ng mga Hudyo na tumutukoy sa paparating na pagkawasak at pagpapalit ng awtoridad.

    Isipin kung paano iniutos ni Isaias ang pagkawasak sa isang rehiyon sa timog ng Israel na kilala bilang Edom:

    At ang lahat na natatanaw sa langit ay malilipol, at ang langit ay mababalumbong parang isang ikid: at ang buo nilang hukbo ay mawawala na parang dahong nalalanta sa puno ng ubas, at gaya ng lantang dahon ng puno ng igos. Sapagka't ang aking tabak ay nalango sa langit: narito, yao'y bababa sa Edom, at sa bayan ng aking sumpa, sa kahatulan.” (Isaiah 34:4-5, Tagalog AB)

    Noong panahong iyon sa kasaysayan, ang langit ay hindi literal na “mababalumbong parang isang ikid. Ang mga hukbo ng langit ay hindi literal na nahulog sa lupa bilang mga dahon ng puno ng igos. Gayunpaman, nawasak ang Edom.

Sa wakas, isaalang-alang ang pagpapahayag ng paghatol ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias sa Babilonya:

“Sapagka't ang mga bituin ng langit at ang mga gayak niyaon, hindi magbibigay ng kanilang liwanag: ang araw ay magdidilim sa kaniyang pagsikat, at hindi pasisilangin ng buwan ang kaniyang liwanag.” (Isaiah 13:10, Tagalog AB)

   Nang hatulan ang Babilonia, walang talaan ng mga bituin at mga konstelasyon na huminto sa pagkinang. Hindi naman dumilim ang araw nang sumikat ito. Hindi lumabo ang buwan. Ngunit dumating ang pagkawasak.

    Kung hahayaan natin ang Bibliya na bigyang-kahulugan ang sarili nito, masasabi natin na si Jesus ay gumagamit ng apocalyptic na wika upang ipahayag ang pagkawasak ng Jerusalem. Kung paanong ang mga propetang sina Isaias at Ezekiel ay nagsalita ng mga kahatulan laban sa Ehipto, Edom, at Babilonya, gayundin si Jesus bilang isang propeta ay nagpahayag ng pagkawasak sa Jerusalem. Nauunawaan ng mga alagad ni Jesus ang mga pariralang iyon. Kabisado nila ang Lumang Tipan. Ang nasabing terminolohiya ay bahagi ng kanilang mga ekspresyong pangkultura.

    Akmang-akma ito sa aktuwal na naganap pagkatapos mamatay si Jesus, binuhay-muli, at umakyat sa langit. Umupo si Jesus sa kanan ng Ama. Ibinigay sa kanya ang lahat ng awtoridad sa langit at lupa. Ang ebidensya sa lupa ng paghahari ni Jesus sa langit ay ang lumang Templo ay nawasak. May bagong High Priest na nakaupo sa langit. Nagkaroon ng bagong pinuno: ang Hari ng mga hari at ang Panginoon ng mga panginoon.

“Na nasa kanan ng Dios, pagkaakyat niya sa langit; na ipinasakop sa kaniya ang mga anghel at ang mga kapamahalaan ang mga kapangyarihan.” (1 Peter 3:22, Tagalog AB)

Ang mga langit ay nayanig dahil si Jesucristo ay dumating na sa Kanyang kaharian.

Mateo 24:30b: Ang Anak ng Tao sa Kaluwalhatian

    Nasuri na natin ang unang bahagi ng Mateo 24:30; ngayon ay isaalang-alang naman natin ang natitirang bahagi ng talata.

“At kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Matthew 24:30, Tagalog AB)

Ano ang kahulugan ng “kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa”?

    Para masagot ito, kailangan nating suriin ang salitang Griego na ge, na isinalin sa bersyong ito sa “lupa.” Kapag isinalin ang salitang ge sa ibang mga sipi ng Bagong Tipan, ito ay kadalasang isinasalin bilang “lupain.” Sa katunayan, ang salitang ito ay kadalasang ginagamit kapag tumutukoy sa Lupang Pangako ng mga Hudyo. Ito ang pinaniniwalaan naming mas totoo sa konteksto ng siping ito. Kaya naman, sinabi sa atin na ang lahat ng mga tribo ng lupain ay magdadalamhati. Sino ang mga tribo ng lupain? Ang lupain na binabanggit sa talatang ito ay ang Lupang Pangako. Kaya't ang lahat ng mga tribo ng Israel ay magdadalamhati.

    Nang makarating sa mga tribo ng Israel ang balita tungkol sa pagkawasak ng Templo at ang buong Jerusalem, naganap ang matinding pagluluksa sa kanilang mga sinagoga at tahanan. Ang “tanda” (ang pagkawasak ng Jerusalem) ay naging dahilan upang ang “mga tribo” (ng Israel) ay labis na nagdalamhati, gayunpaman hindi pa rin nila nakuha ang kahulugan ng tanda. Ito ang tanda na “ang Anak ng Tao” ay “nasa langit,” na Siya ay umakyat sa Kanyang Ama.

    Nang banggitin ni Jesus ang “Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” hindi Niya sinabi na ang Anak ay babalik sa lupa. Ang kaganapang ito ay mangyayari sa langit (o sa heaven, ayon sa King James Version). Sa langit si Hesus ay nabihisan ng kapangyarihan at kaluwalhatian.

    Ito mismo ang ipinropesiya ni Daniel nang makita niya sa isang pangitain si Jesu-Kristo na tinatanggap ang Kanyang posisyon sa kanang kamay ng Ama:

“Ako'y nakakita sa pangitain sa gabi, at, narito, lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao, at siya'y naparoon sa matanda sa mga araw, at inilapit nila siya sa harap niya. At binigyan siya ng kapangyarihan, at kaluwalhatian, at isang kaharian, upang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika ay mangaglingkod sa kaniya: ang kaniyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan, na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” (Daniel 7:13-14, Tagalog AB)

    Ipinropesiya ito ni Daniel. Pagkatapos ay tinupad ito ni Jesus nang matanggap Niya ang karapatang maghari mula sa Kanyang Ama.

Mateo 24:31: Ang mga Anghel na Tinitipon ang mga Hinirang

“At susuguin ang kaniyang mga anghel na may matinding pakakak, at kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanglibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.” (Matthew 24:31, Tagalog AB)

    Para sa maraming estudyante ng Biblia, ang talatang ito ay tungkol lamang sa ikalawang pagparito ni Kristo sa katapusan ng kasaysayan. Ngunit hindi iyon ang ibig sabihin ni Jesus. Tatlong talata lamang pagkatapos nito, sinabi Niya na "Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito." Sinabi ni Jesus na ang talatang ito ay naglalarawan ng isa sa mga bagay na magaganap sa loob ng isang henerasyon.

    Paano natin ito uunawain? Nang si Jesus ay nakaupo na sa Kanyang trono, ang lahat ng awtoridad ay ibinigay sa Kanya sa langit at lupa. Nagbago ang lahat nang dumating si Hesus sa Kanyang kaharian. Ang paghihip ng trumpeta ay nangangahulugan para sa mga Hudyo na isang utos ng hari ang ilalabas. At ano ang utos na iyon? Oras na para palayain ang mga anghel ng Diyos para pumunta at tipunin ang Kanyang mga lingkod mula sa bawat bansa. Kasabay nito, ang mga disipulo ni Jesus ay inatasan na humayo at ipangaral ang ebanghelyo, na gumawa ng mga alagad sa bawat bansa. Hindi na ang bansang Judio ang tanging bansa na pinahihintulutan na maging bahagi ng isang tipan na may tanging relasyon sa Diyos. Si Jesus ay naging isang Mabuting Pastol na tinitipon ang Kanyang mga tupa mula sa buong mundo.

    Ang salitang “magtipon” ay napakahalaga, sapagkat ito ay literal na nangangahulugang “sa sinagoga.” Ang mga mensahero ni Kristo ay titipunin ang mga tao para sa Kanyang bagong sinagoga. Ang katapusan ng lumang Templo ay makakatulong lamang upang mapabilis ang pagtatayo ng bagong templo, ang kanyang Church o Iglesia. Isang simpleng katotohanan ng kasaysayan na ang Iglesia ay dumanas ng isang masiglang paglago pagkatapos bumagsak ang Jerusalem.


Mateo 24:32, 33: Talastasin ninyo na Siya ay Malapit na

“Sa puno ng igos nga ay pagaralan ninyo ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw; Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.” (Matthew 24:32-33, Tagalog AB)

    Sinabi ni Jesus sa mga alagad dito na kung paanong ang pag-usbong ng puno ng igos ay isang tiyak na tanda na malapit na ang tag-araw, gayundin ang mga tanda na ito ay hudyat ng simula ng isang bagong espirituwal na panahon—ang katapusan ng lumang sistema at ang pag-usbong ng isang bagong sistema. Ang aral ng ating Panginoon tungkol sa puno ng igos ay higit na makabuluhan kung ating mapagtanto na si Jesus at ang mga disipulo ay nakaupo noon sa bundok ng Olibo habang tinatanaw ang Jerusalem at ang Templo. Madaling kumuha ang ating Panginoon ng isang malambot na sanga mula sa isang kalapit na puno at bigyan sila ng aral na bantayan ang malinaw na mga palatandaan na magsasaad ng pagkawasak ng Jerusalem at ng Kanyang pagdating sa Kanyang kaharian.

    Sinasabi ng ilang mga tagapagturo ng futurist na pananaw na ang puno ng igos ay isang simbolo ng Israel at na kapag ang Israel ay isinilang na muli bilang isang bansa, ang henerasyong nakakita nito ay makikita rin ang ikalawang pagdating ni Kristo. Ito ay isang kamangha-manghang interpretasyon. Sa Bibliya, ang Israel ay karaniwang inilalarawan bilang isang punong olibo sa halip na isang puno ng igos (Jer. 11:16; Rom. 11:17). Higit pa rito, walang itong binabanggit na muling pagsilang ng Israel sa kontekstong ito. Inilista na ni Jesus ang lahat ng mga palatandaan na dapat nilang abangan, at wala kahit isa sa kanila ang nagpahiwatig ng anuman tungkol sa muling pagsilang ng Israel. Sa kontekstong ito, si Jesus ay hindi nagsasalita tungkol sa isang kaganapan 2,000 taon sa hinaharap. Sinasagot ni Jesus ang mga tanong ng Kanyang mga disipulo tungkol sa Kanyang pagdating sa Kanyang kaharian—isang pangyayari na makikita nila sa kanilang buhay.

    Malalaman natin na ang ilustrasyon ng puno ng igos ay hindi tungkol sa hinaharap na muling pagsilang ng Israel at sa ikalawang pagdating ni Jesus dahil ang susunod na talata ay ang deklarasyon ng Panginoon na ang lahat ng mga tanda ay mangyayari sa henerasyong iyon (24:34). Higit pa rito, sasalungat iyan sa sinabi ni Jesus pagkaraan ng dalawang talata (24:36) tungkol sa walang mga palatandaang magsasaad kung kailan magaganap ang Kanyang ikalawang pagparito (isang paksang tatalakayin natin sa mga susunod). Si Jesus ay hindi nagsasalita tungkol sa pagmamasid sa mga palatandaan at pagkatapos ay agad na sasabihin na hindi Niya alam ang araw at oras ng Kanyang pagbabalik.

    Para sa sinumang nangangailangan ng higit pang patunay, malalaman din natin na ang ilustrasyon ng puno ng igos ay hindi tungkol sa muling pagsilang ng Israel at sa henerasyong iyon na makakakita sa ikalawang pagdating ni Jesus, dahil hindi ito totoo! Ang Israel ay naging isang bansa noong 1948, at mahigit 60 taon na ang nakalipas nang hindi bumalik si Jesus.

    Ang malinaw, at simpleng aral ng puno ng igos ay bantayan ang lahat ng mga tanda na nakalista sa Mateo 24:4-28. Kapag maganap na ang mga tandang iyon, dapat malaman ng mga alagad na si Jesus ay dumating na sa Kanyang kaharian.


Mateo 24:34: Sa Henerasyong Ito

Tinapos ni Jesus ang Kanyang sagot sa ikalawang tanong ng mga disipulo sa pagsasabing:

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Matthew 24:34, Tagalog AB)

    Kung literal nating uunawain ang mga talatang ito, maniniwala tayo na ang lahat ng ipinropesiya ni Jesus sa Mateo 24:5-34 ay natupad noong A.D. 70.

    Siyempre, hindi matatanggap ng mga futurist na tagapagturo ang mga salita ni Jesus nang literal. Kung minsan ay muling binibigyang kahulugan nila ang salitang “henerasyon” (genesis, sa Griyego) bilang “race,” at samakatuwid, sinasabi nila na ang lahat ng mga pangyayaring nakalista sa Mateo 24 ay mangyayari bago ang lahi ng mga Judio ay pumanaw. Sa katotohanan, ang muling pagpapakahulugan na iyon ay hindi naaayon sa iba pang bahagi ng Bagong Tipan. Ang salitang Griyego na genesis ay ginamit ng 34 na beses sa Bagong Tipan, at hindi kailanman ito isinalin bilang "race" sa anumang karaniwang ginagamit na salin ng Bibliya.

    Kung tatanggapin lang natin ang natural at literal na kahulugan ng pahayag ni Jesus, mahihinuha natin na ang lahat ng mga pangyayaring naitala, kabilang ang pagdating ng Panginoon, ay nangyari sa panahon ng buhay ng mga disipulo na nakikinig kay Jesus noong panahong iyon.






Si Pastor Ronald Obidos ay ang Founder/Chairman ng Former Adventist Fellowship Philippines at siya ay isa sa mga aktibong member at ordained Pastor ng Complete in Jesus church.





Support this ministry

Gcash#: 09695143944

OR




Footnote:

Source: Eberle, Harold R., and Martin Trench. Victorious Eschatology: A Partial Preterist View. Worldcast Ministries & Publishing, 2020. Isinalin sa Tagalog ni Pastor Ronald Obidos

[9] Itinuturo ng ilang partial preterist na ang “pagdating ni Jesus” ay hindi lamang ang pagtanggap Niya ng awtoridad sa kanyang kaharian kundi ang pagdating din Niya upang hatulan ang bansang Jerusalem.

[10] New Testament Bible (Tagalog Version), Bibles International 2021, The Bible Society of Baptist Mid Missions 
























No comments:

Post a Comment