Monday, August 14, 2023

PAANO UUNAWAIN ANG HULA NI CRISTO SA MATEO 24? (PART 1)



Introduction sa Mateo 24

    Matapos tanungin ng mga alagad si Jesus tungkol sa Mateo 24:3, sumagot si Jesus sa pamamagitan ng pagbanggit tungkol sa mga false leaders na nag-aangking si Cristo, mga digmaan, lindol, taggutom, pag-uusig, at mga taong humiwalay sa pananampalataya. Binanggit din niya ang tungkol sa ebanghelyo na ipinangangaral sa buong mundo, na sinundan ng pagkawasak, kapighatian, at tungkol sa pagdakip sa mga mananampalataya.

  Ang mga Kristiyanong naniniwala sa futurist na pananaw ay pinag-aaralan ang mga sagot ng ating Panginoon at naghihinuha na ang lahat ng mga pangyayaring nabanggit ay mangyayari sa hinaharap, sa ilang sandali bago ang katapusan ng mundo.

   Ang mga Partial preterists[1] ay may kakaibang konklusyon sa kanilang pag-aaral sa Mateo 24. Sasamahan namin kayo sa pag-aaral ng Mateo 24, verse by verse, upang ipaliwanag, ngunit una sa lahat, kailangan nating malinaw na tukuyin ang mga tanong na itinanong kay Jesus ng Kanyang mga alagad.

“At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?” (Matthew 24:3, Tagalog AB)

    Sa King James Version ang pagkakasalin sa huling bahagi ng talata ay “end of the world” dahil sa ang salitang aion, na ginamit sa orihinal na Griego, ay maaaring isalin bilang “panahon” o “sanlibutan.” Dahil "world" ang ginamit, inakala ng mga futurist na mangangaral na ang mga tanong ng mga disipulo ay tungkol sa ikalawang pagdating ni Jesus at ng katapusan ng mundo. Samakatuwid, nang ibigay ni Jesus ang Kanyang mga sagot sa mga susunod na mga talata, ang lahat ng Kanyang mga komento ay inisip na ito ay patungkol sa maikling yugto ng panahon patungo sa katapusan ng mundo.

    Ang Partial Preterist view ay nagsisimula sa pagpapaliwanag na sa Mateo 24:3, ang mga disipulo ay nagtanong kay Jesus ng tatlong tanong, hindi lamang isa.

Tanong #1: "Kailan mangyayari ang mga bagay na ito?"

Tanong #2: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagparito?”

Tanong #3: “Kailan magaganap ang katapusan ng panahon (sanlibutan)?”

  Kung bibigyan ng pansin ang tatlong natatanging mga tanong na ito ay mababago kung paano natin nauunawaan ang mga sagot na ibinigay ni Jesus sa mga susunod na talata. Makikita natin kung paano unang sinagot ng ating Panginoon ang unang tanong sa Mateo 24:4-28. Pagkatapos ay sinagot Niya ang pangalawang tanong sa Mateo 24:29-35. Sa kahulihulihan, sinagot Niya ang tanong tungkol sa katapusan ng panahon (o ang katapusan ng sanlibutan) sa Mateo 24:36-25:46.

Tanong #1: "Kailan Mangyayari ang Mga Bagay na Ito?"

    Ang unang tanong ng mga alagad kay Jesus ay, "Kailan mangyayari ang mga bagay na ito?" Bago natin tingnan ang sagot ni Jesus, kailangan nating tukuyin kung ano ang “mga bagay na ito” na itinatanong ng mga alagad.

    Ang mga Kristiyano na naturuan ng futurist na pananaw ay agad na nag-iisip na ang "mga bagay na ito" ay tumutukoy sa mga kaganapan na mangyayari muna bago ang ikalawang pagdating ni Jesus at katapusan ng mundo. Maitutuwid ang ating mga maling pagkaunawa matapos nating babasahin ang konteksto ng talatang ito ng Bibliya.

    Sinasabi sa atin ng Mateo 23 ang tungkol sa isang araw nang si Jesus ay nagsasalita sa Templo sa Jerusalem. Una, binalaan Niya ang mga tao at Kanyang mga disipulo na mag-ingat sa mga eskriba at Pariseo (verses 2-12). Pagkatapos simula sa Mateo 23:13, matapos ni Jesus kausapin ang mga disipulo ay hinarap niya ang mga lider ng relihiyon. Madarama natin ang tema ng Kanyang mensahe sa pamamagitan ng pagsulyap sa mga unang salitang binitawan niya sa bawat talata na kasunod. Pansinin ang kalupitan ng Kanyang mga salita:

talata 13:

“Datapuwa't sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw!”

talata 14:

"Sa aba ninyo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw!"

talata 15:

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw!"

talata 16:

"Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag!"

    Sinasaway ni Jesus ang mga pinuno ng relihiyon doon mismo sa kanilang Templo. Sulyapan natin ang ilang talata at alamin ang tindi ng Kanyang pagsaway:

talata 23:

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw!"

talata 24:

"Kayong mga tagaakay na bulag!"

talata 25:

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpapaimbabaw!"

talata 26:

"Ikaw bulag na Fariseo!"

talata 27:

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw!"

talata 29:

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw!"

    Umabot si Jesus sa kasukdulan kung saan nagpahayag Siya ng matinding paghatol laban sa mga lider ng relihiyon.

“Kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawawala kayo sa kahatulan sa impierno? Kaya't, narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga eskriba: ang mga iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang mga iba sa kanila'y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila'y inyong paguusigin sa bayan-bayan: Upang mabubo sa inyo ang lahat na matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.” (Matthew 23:33-36, Tagalog AB)

Sa mga sandaling iyon, hindi mo gugustuhing umupo kasama ng mga eskriba at mga Pariseo.

    Habang ipinahayag ni Jesus ang darating na paghuhukom, tinukoy Niya ang dugo ng bawat matuwid na tao, mula kay Abel hanggang kay Zacarias. Iyan ay makabuluhan dahil sa Hebrew Bible, si Abel ay nasa unang aklat at si Zacarias ay nasa huling aklat ng Lumang Tipan.

    Samakatuwid, sinasabi ni Jesus sa mga pinuno ng relihiyon na ang paghatol para sa dugo ng bawat matuwid na tao—mula sa simula ng kanilang Banal na Aklat hanggang sa wakas nito—ay darating sa kanila at sa kanilang henerasyon! Ang paghatol ay itinakda na!

    Karaniwan, nauunawaan natin na ang isang henerasyon ay 40 taon ang haba (halimbawa, ang mga Israelita ay gumala sa ilang sa loob ng 40 taon hanggang sa lumipas ang isang henerasyon). Kaya kung magkakatotoo ang mga sinabi ni Jesus, dapat nating asahan na ang paghatol na ipinahayag Niya sa mga lider ng relihiyon na nakikinig sa Kanyang mga sinabi at sa mga nasa paligid ay magaganap sa loob ng 40 taon.

    Sa Mateo 23, nagpatuloy si Jesus sa pagsasabi nang mas madiin kung paano magaganap ang dakilang paghatol na ito. Sa mga talata 37 at 38, sumigaw Siya:

“Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo! Narito, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.” (Matthew 23:37-38, Tagalog AB)

    Ipinahayag ni Jesus ang mga salitang ito habang nakatayo sa Templo sa Jerusalem. Siya ay sumigaw sa mga eskriba at mga Fariseo, na nagsasabi na ang pagkawasak ay darating sa kanila, sa kanilang lungsod, at sa kanilang Templo.


END OF PART 1

Support this Ministry

Gcash#: 09695143944

OR




Si Pastor Ronald Obidos ang Founder/Chairman ng Former Adventist Fellowship Philippines at President ng Evangelism Department at ordained Pastor ng Complete in Jesus church.






Footnote:

Source: Eberle, Harold R., and Martin Trench. Victorious Eschatology: A Partial Preterist View. Worldcast Ministries & Publishing, 2020. Isinalin sa Tagalog ni Pastor Ronald Obidos

[1] Ang position ng FAFP Complete in Jesus church sa interpretation ng Matthew 24 at ng book of Revelation ay Partial Preterism.





No comments:

Post a Comment